YOU CAN FOLLOW AUTHOR P CAMPOAMOR CRUZ AT https://www.facebook.com/pcampoamor.cruz/ THANK YOU.
The short stories featured in this website are available in book form at amazon.
https://www.amazon.com/s?k=percival+campoamor+cruz&qid=1632167596&ref=sr_pg_1
https://www.amazon.com/s?k=alberto+segismundo+cruz&ref=nb_sb_noss
https://www.amazon.com/s?k=percival+campoamor+cruz&qid=1632167596&ref=sr_pg_1
https://www.amazon.com/s?k=alberto+segismundo+cruz&ref=nb_sb_noss

HOUSEWIFE FOR RENT
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
“Pambihira!” sabi ni Romano. “Pati pala housewife, nauupahan na.”
Sabi sa anunsyo: “Masipag, mapagkakatiwalaan. Handang maglingkod sa tahanang walang asawa. Magluluto, maglalaba, maglilinis ng bahay. Puwedeng arawan o buwanan ang bayad. Tawagan si Sarah sa Cell Phone 09137185346868.”
Nakita ni Romano ang anunsyo sa Craigslist. Kahihiwalay pa lamang niya sa kanyang asawang amerikana. Nagsama sila nang isang taon; hindi sila nagkasundo sa maraming bagay sa dahilang hindi magkatugma ang kanilang mga ugali at hilig. Naghiwalay sila nang mapayapa. Ang amerikana ay bumalik sa kanyang mga magulang sa Los Angeles, California.
Sa isang unibersidad sa California nag-aral ng business si Romano. Nang makatapos ay kinuha siya ng isang malaking bangko na kung saan siya ay naging vice president kaagad. Nang magsawa sa buhay Amerika, umuwi sa Pilipinas si Romano.
Sa Amerika ay madaling maangkin ang magagandang bagay katulad ng auto, alahas, bahay, ang mga pinakabagong telepono, computer, at kung anu-ano pang luho sa buhay. Nguni’t ang mga tao doon ay subsob sa trabaho. Sa bahay man ay trabaho pa rin ang kinakaharap dahilan sa pangyayaring hindi uso ang magkaroon ng katulong. Ikaw ang maglalaba ng iyong damit, magluluto ng iyong pagkain, maglilinis ng iyong bahay, magtatapon ng iyong basura. Hindi uso ang tsuper; ikaw ang magmamaneho ng iyong sariling auto.
Bihira ang makapag-aanyaya ka ng kaibigan upang kayo ay mag-good time; sapagka’t ang lahat ay abala sa trabaho. Mas masarap ang buhay sa Pilipinas. Ang pamumuhay sa bayang sinilangan ay walang katapusang good time. Kung marami kang pera.
Iyan ang mga palaisipan na nagtulak kay Romano na mag-balikbayan.
Tinawagan ni Romano ang kaibigang si Tony. Ibig niyang makuha ang opinyon ng matalik na kaibigan.
“Housemaid ang trabahong hinahanap ng taong iyan, hindi housewife,” paliwanag ni Tony.
“Ang linaw, pare. Sabi sa ad, ‘housewife’,” tutol ni Romano.
“Gimik l’ang, ‘yan,” dagdag ni Tony, “para ma-intriga ka.”
Ang ginawa ni Romano ay tinawagan ang nag-aalok ng serbisyo at gumawa ng appointment para sa isang interview.
Ang dumating sa interview ay isang magandang babae na ang edad ay tatlumpu’t tatlo, humigit-kumulang. Kayumanggi ang kulay ng balat, hindi siya kataasan, pero hindi rin maliit; may kahabaan ang buhok, balingkinitan ang katawan, at maaliwalas ang pagmumukha. Bilugan at puno ng buhay ang kanyang mga mata. Ang labi’y mapula kahi’t na walang lipstick.
Ang inaasahang makita ni Romano ay isang may katandaan nang babae, maliit, mataba, at may mga kapintasan. Nagulat siya na ang dumating sa interview ay isang babaeng malakas ang personalidad at sadyang kaakit-akit.
“Talaga bang ikaw si Sarah?” usisa ni Romano.
“Bakit, may inaasahan ba kayong iba? Ako nga si Sarah,” mahinahong sagot ng babae.
“Wala. Ikaw lamang ang aking inaasahan,” sagot ni Romano. At dugtong niya, “sa ilang pananalita ay maaari mo bang ilarawan ang iyong sarili?”
“Ako si Sarah Fernandez, tatlumpu’t isang taong gulang, dating may asawa, ngayon ay housewife for rent. Kakaunti ang aking pinag-aralan, nguni’t ako ay dalubhasa sa kung fu at may title na ‘master’.
“Namatay nang maaga ang aking asawa. Naghahanap ako ng bahay na matitirahan, at kung saan man ang bahay na iyan, kanino man ang bahay na iyan, ako’y handang magsilbi katulad ng pagsisilbi ng isang asawa,” sagot ni Sarah.
Habang nagsasalita si Sarah ay lumiligid ang kanyang paningin at sinusuri kung anong uri ng pamamahay mayroon si Romano. May kalakihan ang bahay ni Romano. Masasabing ang bahay ay bahay ng isang may kaya sa buhay, batay sa laki at desenyo nito. Mataas ang kisame, yari sa magandang kahoy ang sahig at dingding. Malinis ang kapaligiran at kaaya-aya ang pakiramdam, hindi maalinsangan, maganda ang ikot ng hangin sa loob ng bahay na nagmumula sa malalaking bintana.
“Maaari kang maging sekretarya o clerk, saleslady kaya, o modelo. Bakit ibig mong manilbihan bilang isang housewife for rent?” tanong ni Romano.
“Hindi siguro ako matatanggap sa mga nasabi mong trabaho dahil sa hindi ako nakatapos ng pag-aaral,” sagot ni Sarah. “Ang ibig ko ay maging isang live-in domestic helper, sa ibang salita, at nang may suweldo na ako ay mayroon pa akong matitirahan.”
“Bakit hindi mo inilagay sa iyong anunsyo na ‘live-in domestic helper’; bakit ang inilagay mo ay ‘housewife for rent’?” nagtanong pang muli si Romano.
Sagot ni Sarah, “Ako’y naging mapagmahal at masunuring asawa at ang pagsisilbi ko sa aking naging asawa ay higit pa sa pagsisilbi ng isang katulong. Taga-luto, taga-laba, taga-linis, taga-pamili, at sa gabi ay kasiping sa kama. Nagsilbi ako sa asawa ko na walang sahod at sa huli ay namatay siya na wala man lamang naiwang insurance o mana na maaari kong ikabuhay. Ako ay mahirap pa sa daga ngayon at ang aking mga magulang at mga kapatid na nasa probinsya ay walang kakayahan na ako ay matulungan. Sila pa nga ang umaasa na ako ay makapagpapadala ng pera sa kanila."
“Kung tatanggapin kita, gagawin mo ba ang lahat ng pagsisilbi na binanggit mo na ibinigay mo sa iyong asawa?” patuloy ni Romano.
“Ang ibig mong sabihin ay . . .”
“Oo, hanggang doon sa pagsiping sa gabi,” dugtong ni Romano.
“Hindi ako babaeng tila kalapati na mababa ang lipad. Huwag mo akong husgahan. Ang aking naging asawa ay siya lamang na lalaki na aking nakasiping. . .
“Magkakasama tayo sa iisang bubong at maaaring magkakasama tayo sa iisang silid, sa iisang higaan. Maaaring mangyari ang lahat ng iyan. Nguni’t walang pilitan. Maaaring isuko ko sa iyo ang aking kapurihan, kung iyan ang aking magiging pasiya. Kapag gumamit ka ng lakas at dahas, kaya kong ipagtanggol ang aking sarili; kung kaya’t mag-isip ka muna bago ka gagamit ng dahas,” paliwanag ni Sarah. “Ang ating kasunduan ay kasunduang ‘strictly business’, hanggang sa ito ay humantong sa higit na mataas pang kategorya,” dagdag ni Sarah.
Isang gabing umuwi si Romano ay naabutan niyang si Sarah ay naliligo. Hindi nakapinid ang pinto sa silid niya kung kaya’t nagkaroon ng pagkakataon ang lalaki na sumilip sa loob ng silid. Narinig niya ang buga ng tubig na nanggagaling sa dutsa; hindi rin nakapinid ang pinto na patungo sa banyo. Bahagyang binuksan ni Romano ang pinto at sumilip sa loob ng banyo. Naaninag niya sa salamin ang hubad na katawan ni Sarah na noong minuto na iyon ay walang patumanggang nagpapasarap sa ginhawang dulot ng maligamgam na tubig at walang kamalay-malay na may matang nakakikita sa kanyang nakatutuksong alindog.
Nagdalawang-isip si Romano: Lilisanin ba niya ang kapanapanabik na tagpo o ipaaalam niya kay Sarah na siya ay naroroon sa may pinto at humihingi ng permiso na makapasok. Pinili niya na maging matapang at kaharapin kung ano man ang magiging reaksyon ni Sarah. Kinatok niya ang pinto at nagsabi nang, “Sarah, bukas ang lahat ng pinto. Baka ‘kako may nangyayaring masama sa iyo.”
“Sandali l’ang. Lalabas na ako,” sagot ni Sarah. At sa ilang sandali, habang si Romano ay nakaupo’t naghihintay sa may kama ay lumabas si Sarah ng banyo na nakabalot ng bata de banyo ang katawan at ang ulo ay nakabalot ng tuwalya.
Pumailanlang sa palibot ang mabangong samyo na galing sa katawan ni Sarah. Mabilis na uminit ang katawan ni Romano dahilan sa pagkakabulid sa isang tagpong nakalalasing sa lahat ng pakiramdam. Inisip niya na ang pakikipagtalik kay Sarah na matagal na niyang inaasam-asam ay maaaring maganap noon mismong oras na iyon. May matindi siyang isang pakiramdam na sa araw-araw ay nararamdaman niya, pagnanais na palakas nang palakas ang tindi habang lumalakad ang panahon.
Tumindig si Romano, nilapitan si Sarah, at akmang yayakapin ang babae. “Sarah, handa ka na bang magsilbi bilang housewife?” Hindi tumanggi si Sarah, nakipagyakapan kay Romano. Isinuko ang labi, ang katawan, sa mapangahas na labi at mga daliri ni Romano.
Ang mabilis na pangyayari ay naganap sa isipan lamang ni Romano habang nakikipag-usap kay Sarah tungkol sa pag-aapply sa trabaho ng huli. Saglit siyang nangarap sa magandang pangyayaring maaring maganap kapag nagpasiya siyang tanggapin sa trabaho si Sarah.
“Romano!” sabi ni Sarah. “Para kang namamalik-mata. Naintindihan mo ba ang sinabi ko?”
“Ah, e, oo. Ang sabi mo, maaaring humantong sa mas mataas pa na kategorya. . .”
Tinapos ni Romano ang interview at sinabihan si Sarah na siya ay magpapasiya sa darating na bukas.
Kinabukasan ay nag-usap muli ang magkaibigang Romano at Tony sa telepono.
“Pare, ibig ko siyang tanggapin sa trabaho nguni’t may mga inaalaala ako. Hindi ko siya kakilala. Totoo kaya ang mga pinagsasabi niya. Baka siya ay magnanakaw. Kukunin ang aking confianza, pagkatapos ay pagnanakawan ako. O baka siya ay isang serial killer. Gigilitin ang leeg ko habang ako'y natutulog,” pasubali ni Romano.
“Iyang laki mong ‘yan ay matatakot ka sa isang maliit na babae?”
“Pare, kung fu master daw siya.”
“Romano, kung ako ikaw ay tatanggapin ko siya. Palay na ang lumalapit sa manok, ayaw mo pang tumuka.”
Pinag-isipang mabuti ni Romano kung ano ang kanyang gagawin. Kasalukuyang siya ay nag-iisa sa dahilang kahihiwalay pa lamang sa asawa. Kailangan niya na may makasama sa bahay, na may makausap, at may makasama sa mga lakad. Hindi bale na ang pagluluto, paglilinis, at paglalaba. Hindi malaking pangangailangan ang mga iyon. Maaaring kumain sa labas, umupa ng tagalinis, at magpalaba sa laundry. Higit na mahalaga ang may nakakausap, nakakasalo sa buhay, sa hirap at sa sarap.
May kaya siya sa buhay. May minanang salapi galing sa mga magulang at kasalukuyan ay kumikita ng malaki bilang vice president sa isang bangko sa Makati. Maaari siyang manligaw ng mga napupusuang babae sa opisina. Maaaring siya ay maghanap ng makikilala sa mga party o singles bar. Maaari siyang maglakbay, mangibang-bayan, at humanap ng isa ring foreigner katulad ng unang asawa na mapapangasawa. Isip ni Romano, malaking trabaho ang manligaw at maghanap ng mapapangasawa. Samantalang heto na si Sarah, volunteer housewife, maganda at tila may laman naman ang ulo kahi’t na hindi nakapag-aral nang husto.
Nang makapagpasiya na si Romano ay tinawagan muli sa telepono ang kaibigan niyang si Tony.
“Tony, ang pasiya ko ay hindi. Hindi ko tatanggapin sa trabaho si Sarah.”
“Unbelievable! Pambihira ka, Romano. Palalagpasin mo ang isang napakagandang pagkakataon.”
“Hindi mo naiintidan,Tony. Hindi kami nagkasundo sa suweldo.”
“Bakit, magkano ang gusto niyang suweldo?”
“Isang milyon sa loob ng isang taon, P84,000 buwan-buwan! Gusto pa may life insurance at health insurance, retirement at paid vacation benefits!”
Napatawa nang malakas si Tony. Naisip niya na talagang smart si Sarah. Bago pinintasan ang pasiya ng kaibigan, “Romano, di ko akalaing tatanggihan mo si Sarah. Gago ka, pare. Sorry, pero talagang gago ka, kaibigan! Dahil lamang sa suweldo.”
Nagulat si Romano, bago ang tanong sa kaibigan, “Bakit naman ako naging gago?”
“Mangyari, unang-una, kaya mo namang magpasuweldo ng isang milyon. Pangalawa, hindi mo naisip na mas magastos ang tunay na asawa. Ang asawa ay may karapatan sa kalahati ng iyong yaman at pag-aari.
“Nagkaasawa ka nang isang taon; hindi ba ibinahay mo siya, pinakain, binihisan, ibinili ng auto, ipinasyal kung saan-saan, niregaluhan mo ng alahas, ipinagamot nang magkasakit, ibinili ng insurance, at lahat ng luho sa buhay? Magkano ang halaga ng lahat na iyan?
“Ipinaglaba ka ba ng damit, ipinagluto ka ba, menasahe ka ba sa gabi? Ang asawa mo ay pinabayaan mong maging isang donya. At sa huli ay iniwan ka. Ang masakit ay patuloy ang pagbabayad mo ng alimony sa asawa mo. Wala na siya nguni’t pinagkakagastusan mo pa rin. At kung sakaling namatay ka habang kayo ay kasal, ang kayamanan mo ay napasakanya sana. Hindi ba kagaguhan ang pasiya mo, Romano?”
Nag-isip nang malalim si Romano. Pinag-aralan nang mabuti ang mga sinabi ni Tony. Nagpalipas nang ilang araw bago gumawa ng pangalawang pagpapasiya tungkol sa pagtanggap kay Sarah. Pagkatapos ay tinawagan niya sa telepono si Sarah.
“Sarah, ang sagot ko ay oo. Tanggap ka sa trabaho.”
Housewife for Rent
Maikling Kuwento
Synopsis
Kapuwa sila naghahanap ng makakasama sa buhay. Ang lalaki ay kahihiwalay pa lamang sa asawa. Ang babae ay nangangailangan ng trabaho.
Inilalarawan sa kuwento ang pagbabago ng panahon at ng pag-iisip ng tao.
Sa pamamagitan ng internet at social media ang mga tao ay nagkakakilala at nagkakasundo. Instant gratification ang sabi sa Ingles. Mabilis naikakalat ang pakay at mabilis na nahahanap at nakakamit ang mga pangangailangan.
Nagbago rin ang moralidad ng tao. Upang mabuhay, ang tao ay kinakailangang magkaroon ng trabaho. Noong dati, ang trabaho ay kinakailangang maging matuwid at marangal. Ngayon, ang matuwid at marangal, ang tama at mali, ay paiba-iba; batay sa pangangailangan at kung sino ang nagbibigay ng interpretasyon.
Ang trabaho ay trabaho; gagawin ang alin mang bagay, upang magkatrabaho at mabuhay.
Parody ang uri ng kuwento; nguni’t anong lapit sa tunay na buhay!