
MAY DAHILAN ANG LAHAT
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Noong umagang iyon ay nakagayak si Gaston na pumunta sa pakikipagpulong sa isang cliente ng kanyang compania. Si Gaston ay isang arkitekto ng Steegh and Associates.
Nagsimula ang araw niya nang mga alas-siete. Maaga siyang gumising dahil nga may pupuntahan siyang business meeting. Tulog pa ang Mrs. niya nang siya ay tumayo mula sa kama. May kadiliman pa sa labas ng bintana. Nag-shower si Gaston at mabilis na nagbihis. Walang oras upang mag-almusal kung kaya’t naghanda lamang siya ng kape at, bitbit ang kape at kaberton, ay umalis na siya.
Isang oras ang viaje patungo sa oficina ng cliente. Tatlumpung milya lamang ang layo nguni’t dahil sa kabagalan ng traffic, inaabot ng isang oras ang viaje.
Magpapakita ng mga plano si Gaston sa kanyang cliente – mga plano ng office building na itatayo. Patungo siya sa pinakamataas na gusali sa Manhattan, New York. Naroon ang oficina ng kanyang cliente.
Nang gabing nagdaan ay naging napaka-sentimental ng kanyang asawa. Kapuwa sila mahigit seseinta anyos na. Sila’y tatlumpung taong kasal na. Hindi sila pinagpala na magkaroon ng anak; isa sa kanila ay may problema sa pagkakaroon ng anak.
Kumain sa labas ang mag-asawa; ipinagdiwang ang kanilang wedding anniversary sa isang paboritong restaurant at ang kanilang hapunan ay pinangunahan ng tig-isa silang kopa ng Stella Rosa, ang kanilang paboritong alak. Matapos ang hapunan ay magkahawak ang kamay na naglakad ang dalawa sa avenida na kung saan maliliwanag ang mga window display pauwi sa kanilang apartment.
“Tatlumpung taon,” pahayag ni Aiza. “Ganoon na ba tayo katanda?”
“Ang edad ay nasa isip at puso. Kung anong pakiramdam mo, iyon ang edad mo,” pakli ni Gaston.
“Napaligaya mo ako, Gaston. Nagpapasalamat ako sa iyo at nangangakong mamahalin ka sa natitira pang panahon sa ating buhay.”
“Ganoon din ang pakiramdam ko, Aiza. Ang hiling ko sa Panginoon ay pagbigyan Niya sana tayo ng mas mahaba pang buhay, na tayo’y magpatuloy na malusog, maligaya sa piling ng isa’t isa, at malayo sa disgrasya. Sana ay mauna Niya akong bawiin, kung panahon na; at nang di ko maranasan ang mawala ka sa aking buhay.”
Nakauwi ang mag-asawa, sumandaling nanood ng news sa TV, at pagkatapos ay humiga na sa kama. Yakap-yakap ni Aiza ang asawa at bago ipinikit ang mata ay sinabi muli kung gaano niya siya kamahal. “Yakapin mo ako, Gaston; aywan ko kung bakit nanlalamig ako na parang nenenerbyos. Niyakap ni Gaston ang asawa at di nagtatagal ay kapuwa na sila nakatulog.
Kay laki-laki ng gusaling pupuntahan ni Gaston. Ito ang pinaka-matayog na gusali sa buong mundo. Libo-libo ang mga taong nagpupunta doon araw-araw, ang pugad ng libong mga oficina, nesgosyo, tindahan, restaurant, at kung anu-ano pa.
Ang gusali ay tila bantayog na sa pagiging pagkataas-taas ay patunay na ang Estados Unidos ang pinaka-makapangyarihang bansa sa mundo, na ang New York ang sentro ng negosyo, ng yaman, ng kapangyarihan.
Maaga ring lumabas ng bahay si Flavio. Waiter siya sa restaurant na nasa pinakamataas na palapag ng nasabing gusali. Katulad ni Gaston, kailangang makarating siya sa gusali nang maaga, upang makatupad sa isang kompromiso. Si Flavio ang naatasang magbukas ng restaurant noong umagang iyon.
Sa mga unang oras ng umaga ay pumapasok sa gusali ang mga may maagang schedule. Masasabing ang laman ng gusali sa mga unang oras ng umaga ay hindi pa full capacity. Humigit-kumulang dalawang libo. Habang tumatanghali ay dumarating ang marami pang ibang empleado at bisita, at sa mga bandang alas-dose, ay inaabot na nang punong-puno ang gusali.
Humigit-kumulang ay kalahating oras nang nakikipagpulong si Gaston sa kanyang cliente. Katulad ng maraming meeting, ang pag-uusap ay hindi naman puro business lamang. May kaunting kuwentuhan, biruan, higop ng mainit na kape. . . Sa kalagitnaan ng maganda at mahinahon nilang pag-uusap ay biglang gumalaw ang gusali, umuga, at ang alarma ay nagsimulang tumunog nang malakas.
“Lindol!” sabi ng kausap ni Gaston. “Takbo. Dali. Kailangang makababa tayo at makalabas ng building kaagad,” nagmamadali at nahihintakutang payo ng cliente. Takbo naman si Gaston, sunod-sunod sa likod ng kanyang cliente.
“Hintay! Naiwan ko ang aking kaberton at ang mga plano,” naalaala ni Gaston. Ibig niyang bumalik sa oficina upang kunin ang gamit.
“Gaston, keep going! It’s not safe to go back. Forget whatever you left behind. Run!”
Sumunod si Gaston sa payo. Hindi na sila sumakay sa elevator. Takbo sila pababa sa stairway. At sila’y nakalabas. Ganoon din ang ginawa ng maraming taong naroroon na sa gusali noong minuto na iyon.
Mula sa kinalalagyan sa labas ng gusali, sa harapan nito, ay tumingala ang dalawang magkasama upang tanawin ang kabuuan ng gusali. Nakita nilang ang itaas ng gusali ay nag-aapoy. Malaking sunog ang nagaganap sa dakong itaas ng gusali.
Maya-maya ay dumating na ang mga bombero at pulis na ang mga sirena ng kanilang mga truck at kotse ay nakatutulig sa lakas ng hiyaw habang tumatakbo sa lansangan. Naglabasan na rin sa kalsada at nag-ipon ang mga tao sa kung saan makikita nila ang nagaganap na pangyayari. Sa pagmumukha nila ay makikita ang takot, pangamba, pagtataka.
Ang mga pangyayari pala ay ibinabalita na ng radio at TV sa mamamayan ng buong mundo. Isang eroplanong pampasahero ang bumangga sa dakong itaas na palapag ng World Trade Center. Malaking pagsabog ang naganap at sa kasalukuyan ay nilalamon ng apoy ang gusali.
Ilang minuto ang lumipas, may dumating na eroplanong pampasehro na lumilipad nang mababa. Sinundan ng tingin ng mga taong nanonood sa nangyayari, pati na ng mga TV cameras na noon ay nakatutok sa nangyayari, ang nasabing eroplano. Ito’y mabilis, tila sibat, na lumilipad patungo sa twin tower ng World Trade Center. Ang nasabing eroplano ay sumalpok, sumabog, sa nasabing tower, at sumigabo ang napakalakas na apoy. Napag-alaman matapos ang sumandali na dalawang malalaking eroplanong pampasahero ang sadyang itinutok at isinalpok sa World Trade Center sa layuning takutin at ipahiya ang Amerika. Mga terorista ang nasa likod ng pag-atake.
Ang mga nasa itaas ng gusali ay nakulong sa apoy at usok. Katulad nila, si Flavio ay dalawa lamang ang pagpipilian. Ang mamatay sa paglanghap ng maitim na usok at pagkasunog. O ang mamatay sa pagtalon mula sa itaas ng gusali.
Umusal ng maikling dasal si Flavio, nagkurus, isinaisip ang asawa at anak, at pagkatapos ay lumundag sa hangin. Tila batong mabilis na bumagsak si Flavio patungo sa lupa. Isa lamang siya sa daan-dang iba pa na lumundag patungo sa kanilang kamatayan.
Sa bahay ni Gaston, ang asawa ay halos mahimatay sa nakikitang pangyayari sa TV. Nanlalamig siya sa takot at nararamdaman niya ang kabog ng kanyang puso.
“Panginoong Diyos, ko. Naroroon si Gaston!” nasambit ni Aiza. “Panginoon, iligtas mo po sa disgrasya ang aking asawa! Siya lamang po ang kaisa-isang kasama ko sa buhay!”
Gamit ang cell phone ay tinawagan ni Aiza ang asawa. Walang sumasagot. Una lamang iyon sa marahil ay isang daang ulit niyang pagtawag sa cell phone. Naiwan ni Gaston ang kanyang cell phone sa oficina ng cliente.
Sa Manhattan at paligid ng New York ay nagkabuhol-buhol na ang traffic. Nawala ang koryente at linea ng telefono. Tumigil sa pagpasada ang mga tren at bus. Nagsimulang magsilakad at magsitakbo ang mga tao papalayo mula sa tinamaang gusali.
Sa maikling panahon ay natunaw ang mga bakal na nagpapanatiling nakatindig ang magkakambal na gusali. Bumagsak ang mga gusali na tila gumuhong buhangin at makapal na usok ng dumi at pulbos ng konkreto ang bumalot sa buong paligid. Ang mga taong inabot ng pulbos ay nabalot sa puting alikabok at sila’y nagmukhang tila multo na nagtatakbuhan at naglilipana sa lansangan.
Alas diez na nang gabi ay wala pa ring balita kay Gaston. Di mailarawan ang anyo ni Aiza o maipaliwanag ang kanyang niloloob noong mga oras na iyon. Tila siya nauupos na kandila, na nasa pagitan ng sindak at takot at pakiramdam na siya’y mamatay sa atake sa puso. “Panginoong Diyos, pangalagaan po ninyo si Gaston…” paulit-ulit niyang samo.
Bakit kaya inatake ng mga terorista ang World Trade Center? Bakit kaya ang mga piloto, matatalinong tao, ay pumayag na maging sakripisyo sila? Bakit kaya ang gobyerno ay hindi nabatid ang tangkang pag-atake bago ito naganap? Bakit kaya may mga namatay at may mga nakaligtas sa sakuna? Si Gaston kaya ay nakaligtas o nasawi? Si Flavio kaya ay mahahanap pa ng kanyang asawa at anak?
Kung ilang daang mga bombero at pulis ang pumasok at umakyat sa gusali upang labanan ang sunog at magligtas ng buhay; silang lahat ay nasawi rin, nakulong at nadaganan ng mga bakal at konkreto, nang ang dalawang gusali ay gumuho. Bakit kaya isinuong nila ang kanilang buhay sa tiyak na peligro? Alam kaya nila kung gaano kaselan ang pangyayari? Kung may Diyos nga, bakit Niya pinahintulutan na mangyari ang gayong walang katulad na kapahamakan?
Tumunog ang doorbell sa pintuan ng bahay nina Gaston at Aiza. Halos wala nang malay si Aiza sanhi ng pagod at matinding kalungkutan. Sang-ilog na marahil ang iniluha niya at garil na ang boses sa katitili at kahihingi ng pakiusap sa Panginoon. Ang nasa pintuan kaya ay si Gaston o mga pulis na naroroon upang ibalita na si Gaston ay patay na?
Inipon niya ang naiiwan pang lakas at marahang pumunta sa pintuan. Binuksan ang pinto at nakitang nakatayo sa labas ang hugis ng isang lalaking tila multo sa puti ng mukha at katawan.
“Gaston!”
“Ako nga, Aiza”
Nagyakapan ang dalawa at kapuwa nagsimulang umiyak.
“Aiza, may dahilan ang lahat,” bulong ni Gaston sa taenga ng asawa, sabay himas sa likod nito.