Iris - Ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay
Kuwento ni Alberto Segismundo Cruz
(Nailathala ng Balaghari, Marso 6, 1948 at ng Asian Journal San Diego, Enero 28, 2011, p. 22: http://www.scribd.com/doc/47688779/Asian-Journal-January-28-2011-issue)
Sa lahat ng bathala at dilag, si Iris – ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay o Reyna ng Bahaghari - ang siyang lipos ng hiwaga sa kanyang kapangyarihan at kaningningan. Tinatangkilik siya ng ilaw at lakas o biyaya ng buhay na dulot ni Apolo at siyang "kalaro" ng Langit na laging bughaw at ng Tubig na sinasalamin nito sa loob ng walang katapusang Tag-araw ng Buhay at Panahon ng Pamumulaklak ng Kabataan.
Marami ang nagmimithing Dioses sa dilag ni Iris. May iba't ibang taglay na kapangyarihan, balani, at baluting kaakibat sa katauhan, nguni't ni sino man ay walang makatawag man lamang sa kanyang pansin, sa mula’t mula pa. Lahat ay umasa sa kanyang pagtingin at pagpapala, hanggang sa maging ganap na alipin, isa na rito si Hermes, na nagkapakpak na tuloy ang mga paa upang maging mabilis sa pagsunod sa kanyang mga pita, sa lahat ng panahon, pagkakataon, at lahat ng saglit sa buong buhay niya . . .
Paano'y talagang si Iris ang "bukal na hiwaga" ng lahat ng kulay, na nagdudulot ng sining sa daigdig. Ang daigdig na walang kulay, tuyot, at hubad sa tulain ay magiging ganap na patay na planeta kung walang kulay. Datapuwa't dahilan kay Iris na sadyang may isang bahaghari ng iba't ibang kulay na nakabalantok sa himpapawid, na ang magkabilang dulo'y mahiwagang nakaangat sa langit at sa di matarok na hanggahan ng lupa, di kalayuan sa tinatawag na "guhit-tagpuan" ng daigdig ay nagkabuhay, nagkaroon ng kahulugan, at nangyari tuloy na magkatao ito, hanggang sa umunlad at makilala ang dalawang uri ng Paraiso, pagkatapos, ng daan-daang taon, ang Paraisong Nagmaliw, na nakita lamang sa guniguni ng isang dakilang Milton.
Kaya nga’t buhat nang umusbong ang isang hamak na ugat, na nagmula sa isang mahiwagang binhi ng Katalagahan, iyang halama’y umunlad at yumabong din; datapuwa’t kasabay ng pagyabong na ito ay ang pagkakaroon ng likas na kulay ng kanyang mga sanga at dahon, na "hango" at "hiram" sa kulay na nasa bahaghari ng dakilang Iris.
Ang bunga ng kahoy, na makikilala sa kulay kung hilaw o hinog na'y mahiwagang biyaya rin ng Katalagahan, na "ibiniyaya" naman nang lipos ng kababalaghan ni Iris, sa tulong ng kanyang balag na "bukal" ng kulay. Kaya't ang mga unang tumao sa iba't ibang panig ng daigdig, lalo na sa kagubatan, kabilang na rito ang mababangis na hayop at taong-bundok, ay nakakilala agad kung alin ang bungang-kahoy na maaaring mapakinabangan at maaaring makapagdulot pa ng pagkain sa kanila. Kasabay niyan, ay napagtiyak din naman nila, na ang mga dahon ng kahoy, sa taglay na kulay nito, ay maaaring mabatid agad ang lagay ng panahon at halumigmig. Kung luntian at nasa yamungmong, ang taglilim at panahon ng kasariwaan ay patuloy; datapuwa't kung abuhin na at nangalalanta na, nangangahulugang mainit ang singaw ng panahon kundi man nananalasa ang matinding init ni Apolo, na nagpaparamdam sa ubaning Lupa ng kanyang lakas at kapangyarihan.
Gayon din naman, si Iris, sa pamamagitan ng kanyang mahiwagang kapangyarihan, ay naaaring magpabatid, kapagdaka, sa paghihilamos lamang ng langit, alalaong baga, kung umuulan man, walang ibig na sabihin ito kundi ''naghihilamos'' lamang ang kaayaayang mukha ng langit, matapos na maglamay sa buong magdamag sa pagtangkilik sa mga anak ng liwanag sa kandungan ng gabi. Ang mga anak na ito'y walang iba kundi sina Buwan at mga Bituin.
Subali't matapos ang mahabang panahon ng pag-inog ng daigdig at takbo ng mga pangyayari, ang pag-iisa ni Iris ay kanyang dinamdam. Maaaring mayaman siya sa kulay at kaningningan, maaring may mga alipin siyang Dioses, na pangunahin na si Hermes, na nauutusan niya nang kasing-bilis ni Kidlat, datapuwa't ang puso niya'y laging tumitibok nang masasal.
Sa wakas, samantalang nakasandig siya sa pagkakatulog nang di-sinasadya sa tabi ng kanyang mahiwagang balag, walang anu-ano, sa gitna ng karimlan ay parang may biglang napunit na dakilang bagay sa Langit-Silangan. Nagulantang siya at kinusot na mabuti ang kanyang magagandang mata, na nanghiram ng luningning sa mga bituin, sa pag-aalaalang baka iyon ay isang kaaway o isang makapangyarihang mandirigama na nagnanais na umagaw sa kanya.
Hindi rito natapos ang kanyang agam-agam at sikdo ng dibdib. Kasabay ng pagkahawi ng dilim ay parang isinaboy sa kanya ang sandaigdig na halimuyak buhat sa pabango ng mga bulaklak-gubat, kasabay ang marikit na awit ng mga ibong nagpalipat-lipat sa mga sanga ng kahoy at ng lagaslas ng tubig sa dako roon, sa kabila ng kakapalan ng kakahuyan, na para bagang lumilikha ng isang marikit na kundiman ng pag-ibig na kailan man ay hindi pa niya naririnig sa buo niyang buhay.
Lalong tumibok nang masasal ang kanyang puso. Hindi siya makatatagal. Hindi maaring di isuko ang kapangyarihan ng kanyang pagka-bathala sa gayong gayuma ng lalong makapangyarihang lakas at balani, na humihikayat sa puso niya.
Umiibig si Iris. Umiibig ang Reyna ng Bahaghari. At nang unti-unti nang mahawi ang durungawan ng Langit-Silangan na magdamag na may lambong na luksa ng Gabi, ay nakilala niya si Bukang-Liwayway, ang bunsong binatang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag, na tiyak na magmamana ng buong kaharian ni Apolo sa buong panahon ng Katagarawan at Walang Maliw na Pagtanglaw sa Daigdig.
Walang anu-ano’y narinig niyang may isang tinig na nangungusap, na sa bawa’t bahagi’y sumasaliw man din ang musika ng Katalagahang kangi-kangina lamang ay kanyang naulinigan.
-- Iris! Reyna ng lahat ng Kulay, ibig kong maging alipin mo sa habang panahon. Kung ako'y magiging marapat, nais kong maging himlayan ang iyong bahaghari. --
-- Sino ka? -- ang usisa ni Iris, na lipos ng panggigilalas, bagaman naaakit na ganap ang kanyang puso. --
-- Sino pa? Kung hindi si Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. -- At narama, kapagdaka, ni Iris na ang kanyang sinapupunan ay nagka-ilaw, kasabay ng pagsaboy na muli ng mahiwagang halimuyak sa kanyang paligid.
-- Paano ko matitiyak ang katapatan ng iyong pag-ibig, kung ang iyong ama'y kailangan pang magpasiya? – tanong sa di-kawasa ni Iris.
-- Sa pag-ibig ay dalawa lamang ang nag-uusap. Puso lamang na tumitibok ang nagsasalita. Kaluluwa lamang ang nakababatid - ang sa dalawang kaluluwa ng sumusuyo't sinusuyo! -- anang Prinsipe ng WalangMaliw na Liwanag. . .
-- Kay tamis mong mangusap! Bukas din mababatid mo ang aking katugunan. Uutusan ko sa iyo si Hermes, na isang tunay na bayani ng pag-ibig. Inibig niya ang maging alipin kong utusan sa habang panahon, huwag lamang na marinig niya sa aking labi na siya'y hindi ko iniibig bagaman siya lamang ang maaaring makipaghabulan sa kidlat at makahuli ng aking mga kalapating tagapaghatid ng sariling damdamin sa apat na sulok ng himpapawid. --
-- Maghihintay ako, kung gayon! Sa oras ding ito! -- At nagtangkang humalik ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag sa Reyna Iris o Reyna ng Bahaghari. Sa pagkakataong yaon, ang sandaigdig na kulay ay lalong kuminang: Gumanda wari ang kagubatan, sa biglang pagbabagong-damit ng mga punong-kahoy, halaman, at mga bunga nito. Gayon din ang pakpak ng mga ibon, paruparo, saka ang langit, tubig, at kalawakan. Lalong naghari ang "kagandahan" ng daigdig sa balat ng lupa, at nag-aanyaya mandin ang Katalagahan sa kabataan. Kaya't biglang-bigla na lamang bumalantok ang bahaghari. . . Pula, dilaw, luntian, bughaw - mga saligang-kulay na naging tulay kapagdaka, na ang isang dulo ay nasa isang panig ng langit at ang kabilang dulo'y nakahangga naman sa isang mahiwagang pook ng lupa, na diumano'y siyang katutuklasan ng walang maliw na kayamanan.
Nang masdan ng mga taong-bundok ang balantok o bahaghari sila’y nagpanakbuhan. Akala nila’y babala na iyon ng isang wakas, kundi man tanda ng isang masamang panahon. Nagpanakbuhan sila at sa mga lunday na nasa baybay-dagat ay nag-unahang magsisakay; nguni’t walang anu-ano’y bumuhos ang malamig na ulan – maninipis na hilatsa ng sutlang ulan – na bumasa sa kanila at sa hiwaga ng lamig nito’y nagkaroon sila ng panibagong dilidili.
Nagsibalik uli sila sa daan upang mapanunghan ang isang maliwanag na katanghalian. Nakita nila, higit sa dati, ang dilag ng kanilang paligid. Nasamyo ang kailan man ay hindi nila nasasamyong hanging may pabango ng mga bulaklak-gubat. Saka nadinig pa ang kailan man ay hindi nila naririnig na musika ng Katalagahan: ang marikit na awit ng mga ibon, ang lagaslas ng batis, ang bru-bru ng dahon, ang dampi ng mayuming alon sa pasigan, saka ang langitngit ng kawayanan, sa dako roon, na sa kanilang humahangang paningin ay walang iniwan sa malantik na baywang ng isang hadang nagsasayaw sa kagubatan.
Ang mga nagsipamayang ito sa kabundukan at mga kinapal sa lupa na di pa nakasisinag ng kahi’t bahagyang liwanag ng kabihasnan ay parang nahihikayat na lumapit sa mga punong-kahoy, halaman, batis at ilog; at noon nila natuklas, sa unang pagkakataon, na kailangan ang pagtatangkilik nila upang manatili ang mga biyayang nasabi ng Katalagahan na siyang makapagpapatuloy sa kanila sa kabuhayang kasiyasiya roon.
Nasinag nila sa bughaw, nguni’t maliwanag na tubig, ang naglangoy-langoy na isda, napagkilala nila ang mga dahon ng kahoy na maaaring maging panlunas sa mga karamdaman, natuklasan nila ang bukal nang walang maliw na kabataan, (sapagka’t dalisay na maiinom), saka natagpuan din naman nila ang ilang uri ng hayop na maaari nilang pakinabangan at maaari pang makatulong sa gawain.
Anopa’t ang sumunod na ikot ng daigdig sa Orasan ng Palad, na maikli lamang sa mga taong-bundok ay maitatala na nang kung ilang daang taon, hanggang sa matutuhan nila ang gumawa ng tahanan buhat sa mga kahoy at iba pang sangkap ng kagubatan at magsipagpatulo ng pawis, samantalang sumisikat ang araw, na nagpapasigla sa kanilang katawan.
Datapuwa’t sa orasan ng mga Dioses, lalo na sa kay Iris at sa Prinsipe ng Liwanag, ay nagdaan lamang ang maghapon at isa pang magdamag upang sila’y magkawatasan na gaya nang kanilang pinagkasunduan.
Sa buong liwanag ng araw na dulot ni Apolo, ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag, ay nagtapat sa kanyang ama. Ipinahayag ang laman ng dibdib at ang dahilan ng pagnanais na makita uli si Iris – ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay.
--Talaga pong iniibig ko si Iris! – pagtatapat ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag.
--Hangal! – ani Apolo.
-- Ibig mong sabihing isusuko mo ang Liwanag natin, na siyang biyaya ng lakas at buhay sa daigdig, sa isa lamang bahaghari ng mga kulay? –
-- Wala po sa isip ko ang isuko ang ating kapangyarihan. Puso ko po ang nagpasiya na ako’y umibig sa kanya hangga’t ako’y Prinsipe ng Liwanag at habang nagiging tungkulin ko ang pumunit sa Kortina ng Gabi sa Langit-Silangan. --
-- Ah! Talagang hangal ka, anak ko. Ngayon pa lamang ay napaaalipin na ang iyong kaluluwa kay Iris. Walang utang na loob. Malaon na akong may balak na ipagtapat sa iyo na ang hirang ko ay si Aurora. Mahabag ka kay Aurora na sa pagbabangon mo pa lamang sa Langit-Silangan ay nagsasabog na ng mga bulaklak sa iyong daraanan. Kahabag-habag siya . . . --
-- Ngun’t, ama ko. Na kay Iris po ang aking puso! -- matigas na pahayag ng Prinsipe ng Liwanag.
-- Kung gayon ang ibig mo, kailan man, anak ko, ay hindi matutupad ang inyong nais, sapagka’t hindi maaaring paalipin ang Liwanag – ang biyaya’t lakas ng daigdig – sa kalipunan lamang ng mga kulay. --
-- Ama ko! – Sa kulay po nagkakahulugan ang buong daigdig. Nakilala ang bulaklak sa kanilang iba’t ibang kulay. Dumilag sila at lalong naging mapanghalina, bukod pa sa mga bunga ng kahoy, ay lalong nagkahalaga, sapagka’t nabatid ng mga kinapal sa lupa ang kahalagahan ng isa’t isa sa kanilang buhay at kabuhayan. --
-- Minsan lamang akong magpasiya, anak ko, -- ani Apolo.
Hindi na nakapangusap pa ang Prinsipe; at walang anu-ano’y narinig niya ang tinig ni Hermes na nag-usisa:
-- Ako po ang alipin ni Iris – ng aking Reyna. Ibig pong mabatid ng Kanyang Sanghaya kung magaganap ang inyong salitaan. --
Napipi ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. Napatungo sa lupa, at naluha.
Lalaki ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. Nguni’t lalaki man ay natutuhan din ang lumuha. Nalaglag ang mga patak ng luhang ito. Naging hamog sa mga bulaklak . . .
. . . Samantalang si Hermes, na mabilis pa noon kaysa Kidlat ay nagbalik sa Reyna ng Bahaghari at inihatid ang malungkot na balita.
Tugon ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag ay hindi nabigkas ng bibig. Nasabi sa kanyang luha. Madarama pa nga sa labi ng mga bulaklak. Lalo na ng mga bulaklak sa kagubatan!
Noon din ay nagdalang-poot si Iris. Poot na may himig-panibugho. Batid niya ang lihim ni Apolo: Ang nais nito sa kanyang bunsong prinsipe upang makaisang-dibdib si Aurora.
Kaya’t sa ilang saglit lamang ay nag-utos na kay Hermes upang makipaghabulan sa Kidlat. Pinakilos ang mga panginorin sa himpapawid. Pinapagdilim ang langit kahi’t katanghalian at nasa karurukan si Apolo. Nagluksa man din pati mga dahon at nagtungo ng ulo ang mga talulot at bulaklak. Noon din ay nagsala-salabat ang kidlat sa kalawakan. Narinig ang nakakabingaw na kulog. Nahintakutan ang daigdig!
Kaya’t mula na noon ay nangupas na ang maraming kulay. Kulay sa mga dahon at bulaklak. Nagbago na ng lakad ang mga pangyayari. Namatay na ang sigla ng buhay. At, ang Tag-araw at Tag-ulan, ay sumasapit sa pana-panahon. Naging tiyak din naman ang Tadhana: ang mga bagay at kinapal sa lupa na walang maliw ay nagmaliw na ri’t napatakda sa Kanluran ang paghihingalo ni Apolo. Nguni’t patuloy ang ganyang takbo nga ng mga pangyayari. Saka ang lalong malungkot ay nalalanta na ang mga bulaklak kundi man nangungupas ang mga kulay . . .
-- Ay! -- buntong-hininga ng Reyna ng Sandaigdig na Kulay.
-- Ay! – ang tugong buntong-hiniga rin ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag sa Langit-Silangan.
Nguni’t kailan man ay hindi na natupad pa ang kanilang pangarap, kaya’t ang Reyna ng Bahaghari ay naging patrona na lamang ng mga alagad ng sining, lalo na ng mga batikang alagad ng D’Vina.

Ang Damo
Kuwento ni Alberto Segismundo Cruz
(Unang nailathala ng Ilang-Ilang, Nobyembre 23, 1947; at ng Asian Journal noong Oktubre 15, 2010: http://www.scribd.com/doc/39421639/Asian-Journal-Oct-15-2010)
-- Ang luntiang damo sa paanan ni Edmundo Rosal ay tagapagpagunita sa kanya ng buhay na wagas at walang pagkukunwari. --
Marami nang taon ang nagdaan . . . marahil ay may labing-walo o dalawampung taon na, at sa makapal na Aklat ng Panahon, ay may nakasulat sa likod ng nanlalabo nang mga titik. Nguni't hindi maaaring mabasa iyan ng karaniwang mata ng sinomang kinapal. Manapa'y si Tadhana lamang ang buong liwanag na makatutunghay.
Ibang-iba na si Edmundo Rosal. Hindi na siya ang dating tinatangkilik lamang ng isang propyetaryong may malaking pasaka sa isang lalawigan sa Kalagitnaan ng Luson. Hindi na siya ang dating naglilingkod na halos ay parang utusan upang makapag-aral lamang. Hindi na siya ang dating probinsyanong pugot ang salawal, balanggot ang sumbalilo, at lilinga-linga sa gitna ng mataong lunsod. Hindi na siya ang bagong dating na kabababa pa lamang sa himpilan ng tren sa Tutuban, isang malamig na umaga ng Disyembre, na dala-dala ang isang maliit na balutan at ipinagtatanong sa balana kung saan naroon ang daang Pennsylvania . . .
Noon ay patungo siya sa tahanan ng tinurang mayamang propyetaryo. Patungo siya roon upang maglingkod sa pangunahing dahilang iyon ang tanging pagkakataong dumating sa kanyang buhay na kung talagang siya'y papalarin o magkaroon kaya ng
mabuting kapalaran, ang kahirapan niya ay maaaring mabihisan, bukod pa sa maari pa rin siyang tanghaling isang luwalhati ng sariling nayon - ng nayon ng Pinamulaklakan.
. . . At makaraan ang mahaba't mapagsumakit na pakikitunggali sa larangan ng buhay, siya ngayon ay ganap nang mangangalakal. Matapos na matamo niya ang katibayan sa pagiging dalubhasa sa karunungan sa kalakal ay isinakatuparan niya ang kanyang adhika sa buhay. Buhat sa pagiging ahente ng isang malaking bahay-kalakal, siya'y napataas at naging punong-tagapagpalaganap at tagapagbili hanggang sa makapagsarili na, sa bisa ng katamtaman niyang naimpok.
Saka ngayon ay matunog na ang kanyang pangalan. Hindi lamang naririnig sa bibig ng balana sa pamilihan at sa purok ng kalakal, kundi naririnig pa rin sa radyo. Bukod dito ay nababasa pa rin ang pangalan niya sa mga anunsyo saka sa mga lathalaing may kinalaman sa pangangalakal.
Kaugnay ng kanyang tagumpay sa larangan ng pangangalakal at pamumuhunan ay ang pagiging pulot-gata niya sa kababaihan. Sa mababang lipunan ay tinitingala siya ng mga nagsishihanga; sa mataas na lipunan ay sinusundan-sundan ng masid ang takbo at galaw niya, na walang iniwan sa isang ibong may malawak na pakpak sa himpapawid.
Kay amo ng lahat sa kanya. Katulad ng maamong kalapati ang mga kaibigan. Marami siyang papuri't pahayag ng pakikilugod na naririnig saan mang pagtitipon o pagkakataon. Sa panahong ito ay masasabing ganap na ang kanyang tagumpay sa buhay at dapat na sana siyang magpasalamat sa Lumikha, sa harap ng mga biyayang nagiging maamo sa paglapit sa kanya. Anak mandin siya ng kapalaran – ng magandang kapalaran. Habang lumalaon ay nagiging malaki ang kanyang puhunan, at habang lumalaki ang puhunan, ay nagiging malawak naman ang kanyang nagagalawan.
Nagiging maliit ang daigdig sa kanya. Kaabutan niya ng palad ang "malalaki" kahi't sa malayo. Kangitian niya kahi't sa gabi ang nagkislap-kislap na mga bituin sa langit.
Datapuwa't . . .
Isang hapon ng masayang Nobyembre . . . pagkatapos na pagkatapos ng idinaos na garden party sa Manila Hotel, sa karangalan ng ilang naglibot sa daigdig, ay ano ba't napansin niya ang damo sa pinaka-bakuran ng otel. Ang damo – malawak na damuhang lungtian - na sa hihip ng hangin buhat sa dagat ay waring lumilikha ng maliliit na along nakakikiliti sa mga binti't paang napaparaan doon. At ang kaaya-ayang tanawin ay sadyang marilag sa mata ng isang kinapal. Lalo na sa isang alagad ng sining, kung mapagsusuri ang makitid na landas na anak'y listong kayumanggi na pasikut-sikot at nawawala sa dako ng halamanan at ng hanay ng gumamela.
Ang malaong panahong nakalipas ay "muling nagbalik" sa kanyang alaala. Parang biglang nabuksan ang Aklat ng Kahapon, at sa sarili niya'y naitanong ang ganito:
-- Nag-iisa ba ako sa daigdig na ito? Diyos ko! Ano kaya ang dahilan ng laging biglang pagkakatigatig na naghahari sa aking kaluluwa?
Tinanaw niya uli ang damo – lungtian, anaki'y dulo ng sibat na hindi patalim, kundi hantungan ng hamog kung umaga at waring alpombra ng katalagahang sumasangga sa init upang ang magpasyal sa dakong iyon ay maging kaaya-aya't kanais-nais lalo na kung dapit-hapong palubog na ang araw sa Look ng Maynila, na isang tunay na kababalaghan ng Dapit-hapon sa dako ng mga lunsaran.
Damo! May kahulugan ang damo sa kanyang buhay, marahil ay may malaking kaugnayan pa, sapagka't ang damong iyan, ang di miminsang bumasa sa kanyang mga paang walang sapin, kinunan niya ng hamog at ipinahid nang minsang magsikip ang kanyang dibdib, baka, kung matuyo naman ang luha ng langit na hamog ding iyan ay siya rin niyang ginagawang banig at hinihimlayan upang makita sa kaitaasan – sa kabughawan – ang langit, ang takbo ng panginorin, ang galaw ng alapaap…
Napapansin din naman niya ang mga ibong bumabagtas sa kalawakan ng himpapawid, ang wari'y paghahabulan ng mga kinapal na ito na walang kaluluwa hanggang sa maliliit na sanga ng mga punong-kahoy saka ang biglang balantok ng bahaghari sa
kabughawan, lalo na't nagbabanta ang ulan sa dako ng kabukiran. . .
Nguni't ang mga alalahaning ito'y nauukol sa nakalipas. Sa isang panahon ng kabataan, at palibhasa'y nauukol sa panahon ng kabataan, kaya't nagbabalik din naman sa isip niya't alalahanin ang lahat.
Na siya sa bukirin ng Pinamulaklakan ay malimit na magpastol ng kalabaw sa malawak na bukid na iyon ni Don Ernesto. Na gayong siya'y pastol ay kung bakit si Don Enrique, na marahas at mapusok sa mga kasama, ay naging mapagtangkilik at mapagmahal sa kanya. Sa katotohanan nang siya'y lumaki-laki na't natutong makialam sa pagtatanin at iba pang gawain sa bukid, siya pa rin ang itinalaga ng mayamang propyetaryo upang maging pinaka-patnugot ng mga magbubukid sa gawain.
At, anong ganda ng kabukiran, lalo na kung malapit na ang pag-aani! Natatandaan niya na katulong siya sa pagmamandala ng palay, isang araw ng malamig na Disyembre. At sapagka't siya'y binata na, noon, at natuto nang kumalabit ng gitara, kaya't natuto na rin namang magsalita nang patula – mga salita ng pusong nag-aatas!
Paano'y naroon si Seni! -- Nakasandig sa isa sa mga mandalang iyon, matapos ang gawain sa maghapon. Kung ano ang ganda ng kabukiran, kung gaano kayaman ng palayan, at kung gaano kadakila ang buhay sa nayon ay siya ring ganda, kayaman ng ugali't kadakilaan ng puso ni Seni. Nguni't si Seni'y naiiba sa karaniwan. Para sa kanya simula't wakas na ng kanyang buhay ang panahon sa kabukiran. Para sa sariling pagpapahalaga, ang daigdig niya'y nasa kanyang nayon at ang dambana'y sariling tahanang halos ay dampa sa bukid.
Tunay at nakapag-aral si Seni at nakatapos ng high school sa bayang-pangulo ng lalawigan. Tunay din naman at naging Mutya siya ng kagandahan nang ipagdiwang ang Arbor Day sa Pinamulaklakan, na dinaluhan pa ng ilang matataas na puno ng
pamahalaan kabilang na rito ang kagawaran ng pagsasaka at paghahalaman.
At, siya, si Seni'y kanyang nilapitan. Nilapitan upang pagparinggan ng isang "kabaliwan ng kabataan". Nakapagtapos na rin si Edmundo, noon, sa high school at sariwang-sariwa sa kanya ang maririkit na tula ng mga makatang kanluranin, lalo na ni Edgar Allan Poe.
Nguni't ibang-iba, noon, ang pakita sa kanya ni Seni. Kung kailan pa inaasahan niya ang malapit na katuparan ng kanyang mga pinapangarap at saka pa niya napansin ang kunot ng noo ng dalaga at ang magagandang matang biglang pinangulimliman ng ilaw sanhi sa paggiti ng luhang nagpupumiglas wari sa pagpatak.
-- Bakit Seni? -- ang kanyang naitanong.
Hindi tumugon ang dalaga.
-- Sinugatan ko ba ang iyong dibdib? -- ang muli niyang usisa.
-- Kahimanawari'y patnubayan ka ng Diyos! -- ang sa wakas ay namulas sa mga labi ni Seni.
Hindi nga naglaon at nabatid nang maaga ni Seni na siya (Si Edmundo) pala'y patutungo ng Maynila, sa pasiya ng makapangyarihang propyetaryo. Sa katotohanan, sa ilang matatanda sa nayon ng Pinamulaklakan ay narinig niya ang malungkot na kasyasayan ng buhay ni Edmundo, isang kasaysayang nababalot ng hiwaga. Datapuwa't wala siyang lakas na makapagsalita! Sukat ang magparinig siya ng magandang hangarin sa binata. Nahahabag siya, ang ating dalaga, sa harap ng mapait na katotohanang nakapaligid sa buhay ni Edmundo. Nahahabag! Sapagka't lingid kay Edmundo ang mapait na katotohanan . . . at siya, si Seni, na nakababatid ay sadya namang walang lakas ng loob na makapagtapat ng nalalaman.
Sa likod ng lahat at sa matuling takbo ng panahon ay nalulugod naman si Seni sa mga balitang nanggagaling sa Maynila. Nguni't sa kaligayahang ito ay nalulungkot din naman siya, hindi sapagka't di man lamang nadadalaw sa sariling nayon ang kanilang luwalhating si Edmundo, ngayong isa nang tanyag na mangangalakal at mamumuhunan, kundi dahilan sa pangyayaring ano man ang kalagayan ni Edmundo ay sadyang malungkot din ang kanyang buhay.
Paano'y nakaligtaan ni Edmundo ang dapat na maging laging sariwa sa isip at alaala ng isang tao o isang kinapal sa lupa. Nakakaligtaan nga ang lalong malapit sa kanyang puso, ang lalong dakila sa kanyang kaluluwa! At, nakaligtaang katulad ng damong laging nagpapala sa kanya sa bukid, lalo na't hihimlayan niya kung kinakausap ang alapaap at sinasangguni ang kabughawang parang malapit na malapit sa kanyang mga mata.
Ang isang kaisipan ng tao ay hindi maaaring manatili na habang panahon, sapagka't hindi iyan ang batas ng Katalagahan. Ang batas ay nag-aatas na tumakbo ang mga pangyayri, kasabay ng karaniwang pag-inog ng daigdig. Ganyan ang kaisipan ng Tao. Malikot na tulad ng kanyang guni-guni. Walang makasasansala niyan. Katulad din ng pagiging lungtian ng mga damo, matapos na sumipot at tumubo sa alin mang panig ng lupa o ng bukirin. Maaaring ang damo'y mamamatay – ibig sabihin ay malanta o maunsiyami at mamula-mula o maging ganap na kayumanggi, - gaya ng pagkatuyot ng halaman, nguni't darating ang araw …
darating din ang araw na ang damong iyan ay mananariwa.
Iyan ang nangyari sa kaisipan, katauhan at kaluluwa ni Edmundo nang makita niya ang damo at ang mga bakas ng paa sa wari'y listong landas sa damuhan ng tanyag na otel. Iyan ang biglang nakapagpasariwa sa kanyang alaala ng lahat ng bagay na nauukol sa kanyang kahapon, lalo na nga nang mamasid ang damong sariwa, ang damong lungtian, ang damong anaki'y inaalon ng mabining simoy na nanggagaling sa Look ng Maynila.
Kaya't mabilis siyang nagpasiya! Hindi maaaring makapagpatuloy siya sa kanyang landas sa buhay. Maaari siyang nagtatagumpay at nakikita pa ang luningning sa dako pa roon; datapuwa't hindi siya maaaring hindi lumingon sa pinaggalingan. Iniaatas iyan ng isang mahiwaga, nguni't mala-bato-balaning kapangyarihang nakapanaig sa karaniwang pasiya ng taong katulad niya. At, noon din, parang ipu-ipo ay nagbagong-akala siya; ipinihit ang mga hakbang sa tahanang nasa isang mataong purok, pinawalang-kabuluhan ang iba pang lakad at pakikipanayam, at sa unang biyahe ng tren, sa kinabukasan, ay sumakay siya't walang abug-abog na lumunsad sa himpilan ng bayan. Buhat doon ay isang uuga-ugang karitela ang nilipatan niya at nagpahatid sa nayong Pinamulaklakan.
Sa karitela pa lamang – (nakatatawa!) – ay inalis na ang kanyang sapatos; hinubad ang amerikana't inalis ang kurbata, at walang inilabi kundi ang pantalong inililis niya ang dulo, na gaya ng dati, na sa biglaang tingin ay waring pugot na salawal. At, anong lamig, nguni't kasiya-siyang hangin ang sumisimoy, noon, at humahalik nang masuyo sa kanyang mukha!
Sa daan pa lamang ay dami nang mata ng madla ang buong pananabik na nakamasid sa kanya:
-- Mundong!—ang sigaw ng ilang kababata niya.
-- Ka Mundong! – ang narinig niya sa isang batang kasalukuyang nanunungkit ng kamatsile sa bakuran nina Tikang.
Minsan pa, sa loob ng gayong katagal na panahon, ay nadama niya ang kasiglahan ng dugo ng kabataang nag-iinapoy pa rin sa kanyang puso. Sa ilang saglit pa'y nagpasiya na siyang bumaba ng karitela, nagbayad sa kutsero na lubhang malaki ang pagtataka: Sapagka't malayu-layo pa rin ang Pinamulaklakan. Bumaba na nga siya, saka tuluyan nang yapak na lumakad, bitbit ang sapatos, saka pasampay sa kaliwang bisig ang amerikana at kurbatang pinawalang-kabuluhan niya. . . bilang katibayan ng makabagong kabihasnan.
At siya'y pumaswit. Lumapit ang ilang bata; na sabay-sabay na nagsigawan, nang siya'y makilala.
-- Ka Mundong, narito ang tirador. May pugo na ngayon! Halina sa palayan.
Parang bata rin, siya'y kumarimot nang takbo, at sumunod sa anyaya ng mga musmos.
Pagkatapos na mabigyan niya ng kasiyahan ang mga bata ay nagpaalam at sinabing siya'y magtutuloy na. Nguni't mainit ang araw, at nakaramdam siya ng kainitan. Dahilan diyan, ay naalaala niya ang matandang lungaw – ang anaki'y batis sa lilim ng punong-mangga ni Nana Tale – at doon ay para siyang musmos na naglunoy, at inilapag na parang walang ano man ang mga dala niya sa damuhan.
Pagkatapos ay isinuot na muli ang kanyang panloob at kamisadentro, nguni't itinaas din ang pantalon, saka nahiga sa damo. Katulad ng dati ay hinagod ng masid niya ang naghahabulang alapaap saka, sinalamin ang bughaw na langit.
Hanggang . . . sa siya'y matigatig sa paglapit ng mga yabag, na nang mapaharap sa kanya, ay nakilala niya kung sino.
-- Seni! – ang sa biglang pagkahiya niya'y namutawi sa kanyang labi.
-- Mundong, bakit? – at napangiti, bago pinamulahan ng mukha ang dalaga.
Lumungkot ang mukha ni Edmundo, bago ibinaba ang tingin na anaki'y isang tunay na binatang-bukid.
-- Dadalaw ako kay Inang kaya't . . .
At, naluha rin si Seni, sapagka't ang ina ni Edmundo ay dating kapit-bahay nila at katuwang sa gawain sa bukid. Isang babaing maganda, mabait, nguni't sanhi sa karalitaan, ay hindi nakatutol sa hangad ng masakim na propyetario. Inibig nang labag sa batas ang babaing iyon ni Don Ernesto, gayong ang mayamang propyetaryo ay may-asawa; at sa harap ng makasalanang pagibig, matapos na iluwal sa maliwanag si Edmundo, ay hindi naglaon at namatay din ang kahabag-habag na babae. Siya si Aling Clara – si Nana Clara – sa balana sa nayon. Nang mamatay ang tunay na asawa ng mayamang propyetaryo ay saka pa lamang nagpasiya nang buong laya ito. Tinangkilik si Edmundo, ngunit hindi ipinagtapat ang mapait na katotohanan, maliban sa pangyayaring siya, ang binata, ay may inang namatay at may amang hindi malaman kung ano ang naging kapalaran.
-- Kung dadalaw ka kay Nana Clara – ang paliwanag naman ni Seni, -- ay kailangang magtungo tayo sa kamposanto. Narito ang lalong maikling bagtasan.
-- Oo nga, hindi ko tiyak ang daraanan. Nalimot ko na! -- ang pahimutok na pagtatapat ng binata, bago inakay ang dalaga.
-- Halina kung gayon! -- ang anyaya ni Seni
Sa lilim ng mga punong-kahoy, sa panig ng anaki'y kasukalan sa bukid at sa tumana, sa mga pinyahan at sa isang sapang may uuga-ugang tulay na kawayan, sila'y nagpatuloy sa kanilang lakad, hanggang sa dumating sa matandang libingan ng nayong madaling mapagkilala sa maraming kurus na nagkalat doon.
Inihatid sila ng kanilang hakbang sa isang ulilang puntod na may katamtamang laking kurus na nakatanda at nakatitik ang pangalan ng ina ni Edmundo.
-- Sariwa pa ang mga bulaklak dito! -- ani Edmundo na lipos nang pamamangha.
-- Araw-araw sa umaga't hapon ay nagdadala ako kay Nana Clara ng bulaklak-gubat at itinuro ang sariwang pumpon sa puntod.
-- Seni ang nakaliligtaan ko'y iyo palang . . . ang sa dikawasa'y nasabi ni Edmundo na lipos ng pagdaramdam.
-- Oo sapagka't . . . nababatid kong hindi mo malilimot ang iyong nayon.
-- Oo Seni -- ang matimyas na pangungusap ng binata, -- habang narito ka at habang si Inang ay naririto rin.
-- Kung wala na? -- ang parang pagsubok naman ng dalaga.
-- Kung wala na'y . . . hindi maaari! -- ani Edmundo. -- Habang sariwa ang damo at habang may damo akong namamasid sa balat ng lupa ang ating nayon, ikaw, si Inang . . . ay laging nasa aking puso -- nasa aking kaluluwa. Iyan ang dahilan kaya ako'y nagbalik!
-- Tunay? -- ang may hamong tanong ni Seni, na pinalagkit pa ang masid sa binata.
-- Ano pang katunayan ang ibig mo? -- ang matatag na tanong ng binata, saka masuyong pinagpakuan ng mga mata niyang hilam sa luha.
Kinagabihan din noon, si Don Ernesto'y madaliang nagpahanda at ibinunyag ang pagdating ng kanyang anak. Sa pagtitipon ay ipinagbunyi ang luwalhati ng Pinamulaklakan! Nguni't ang pagbubunyi'y lalong naging makasaysayan nang ibunyag ni Edmundo na rin na hihingin niya ang kamay ni Seni sa mga magulang nito.

Mapait na Kabihasnan
Kuwento ni Alberto Segismundo Cruz
(Isa sa limampung kuwentong ginto na itinampok ni Pedrito Reyes sa kanyang kalipunan ng mga kuwento na may pamagat na "50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista" (Ateneo Press, 1998. Ang "50 Kuwentong Ginto ng 50 Batikang Kuwentista" ay inilabas ng Ramon Roces Publications sa kauna-unahang pagkakataon noong 1939. Ang kuwentong ito ay lumabas din sa Asian Journal San Diego noong Hunyo 10, 2011: http://www.scribd.com/doc/57958783/Asian-Journal-June-10-2011-edition)
ANG KABIHASNAN AY MINSAN pang nanagumpay sa kabundukan.
Iyan ang sadyang masasabi sa pagkahikayat sa mga magulang na Igurote na mapababa sa kapatagan ang kanilang mga anak upang diumano'y papag-aralin at “nang mangaging tagapagmulat ng liping dapat na maging bihasa sa pagtatanggol man lamang ng sariling mga karapatan”. ..
Nang tumulak ang pangkat ng kabataang nahikayat ng mga punong-abala sa kilusang ito ngmisyon ng mga Protestante sa Hilaga ng Luson ay kasama si Pad-leng, ang lalabinganiming taong batang lalaking Igurote, na sa mga pinili ug mga misyonero ay siyang natatangi sa kagandahang lalaki, sa kalusugan ng pangangatawan, at sa pagkakaiba ng kulay na anaki'y isang tubo sa kapatagan.
Unang hakbang na ginawa ng mga misyonerong Protestante ay ang pagbibinyag sa mga batang Iguroteng ito, at sa kabutihang-palad, si Pad-leng, ay nabinyagan sa pangalang itinumpak sa pagkakatangi niya sa mga kasamahan; "Raul" saka isinunod ang apelyidong “Del Monte” upang magpakilala na siya ay “taong-bundok”.
Buhat noon, si Pad-leng, gaya rin ng ibang mga kasamahan niya ay nakadadalaw sa kanilang pook na kinamulatan; makalawa sa isang taon, kung natatapos ang mga pagsusulit kung Marso. Sa mga pagliliwaliw na ito ni Pad-leng nagsimula ang pagkagising ng kaniyang puso sa pag-ibig. Halos naniningalang- pugad pa lamang siya at nasa huling baytang pa lamang ng intermedya ay nakakahumnalingan na niya ang maghihiling ng “everlasting” kay Puranti -- sa lalabing limahing taong Igurota na sang-ayon sa mga matatandang pantas sa Bontoc, ay ipinaglihi sa bukang-liwayway; kaya't may himaymay ng ginto ang buhok na malago, may ilaw ang mga mata, at may dugo ng araw ang mga labi, bagama’t kayumangging kaligatan ang balat na tila pangil ng baboy-bundok. . .
Buhat noon hanggang sa dumating ang mga huling araw ng pag-aaral sa Maynila ni Pad-leng -- may pag-aalinlangan man sa pagtatapat ng binata si Puranti — ay ganap pa rin ang kaniyang pag-ibig na nasasalig sa isang pag-asang sa kinabukasan ay sisikat din sa taluktok ng Tarik ang marikit na bukang-liwayway.
Subali't ang malaong pagkakahiwalay ng dalawang pusong magsing-ibig ay sadyang mapanganib, lalo na nga sa kalagayan ni Pad-leng at ni Puranti.
Naroon ang dalagang Igurota sa kabundukan ng Hilaga, na walang nagiging aliwan kundi malas-malasin ang malulusog na binhi ng palay sa libis ng bundok; narito ang binatang Igurote, na sa liwanag ng siyudad na mailaw at sa halimuyak ng masangsang na pabango ng mga liwaliwan at palipasan ng oras, ay nagsisinaya sa kaniyang mga tagumpay; naroon nga si Puranti, na sa sariling himutok at sa imbay ng kamay sa paghahabi pinalilipas ang lalong malulungkot na sandali sa pag-aalaala sa kawagasan ng pag-ibig ni Pad-leng. . . At, bukod dito. . . si Pad-leng, ang ngayon ay kilala nang si Raul del Monte sa loob at labas ng campus ng Unibersidad ng Pilipinas, ay masasabing baliw na baliw sa kaniyang mga tagumpay.
Kailan lamang ay nakamit niya ang katibayang “poet-laureate” sanhi sa kaniyang pagkadalubhasa sa paglikha ng tula sa kalikasan na siyang naging paksa niya sa ipinagtagumpay na tula sa timpalak-panitik na binuksan ng “Literary Guild” at itinaon sa kaarawan ng unibersidad ; kamakaiian naman, ay nakamit din niya ang medalyang ginto sa paghahagis ng tandus o “javelin”; at kailan nga lamang ay muntik na niyang masira ang rekord sa isang daang yardang layo sa Dulong-Silangan nang siya ay sumali sa takbuhang nilahukan ng Unibersidad ng Pamahalaan upang hirangin ang mga ipadadala sa Olimpiyada noon. O! kay inam gunitain ang pangyayaring yaon, nang tumakbo si Raul, na animo'y tumutugis ng baboy-bundok. . . subali't hindt nagunita ng kaniyang mga katunggali sa paligsahan, na siya ay isang tunay at wagas na “taong bundok”.
Sa bawa't baytang ng tagumpay ni Pad-leng sa pag-aaral dito sa Maynila ay naging malaki mandin ang agwat sa pag-ibig niya kay Puranti. “Ang pag-ibig”, anang isang pantas, “ay pabangong lumilipas”. At masasabi naman nating ang pag-ibig na hindi nadidilig ng pagniniig at pagsusuyuan ay sadyang nalalaing.
Paano'y talagang sa pagitan niya at ni Puranti ay may isa nang “gayumang” nakahadlang ngayon. May kumatlo na sa “triangulo” ng pag-ibig. Dati ay si Pad-leng at si Puranti -- silang dalawa lamang; ngayon ay may isa nang dilag, sa katauhan ni Rita Miraflor.
Iyan ang tunay na dahilan kung bakit si Raul ay hindi na nagnais na magliwaliw sa tanging dalawang pagkakataon sa loob ng panahon ng kaniyang pag-aaral sa unibersidad, sa taun-taon. Bagama't ang mga magulang niya sa kabundukan, gaya rin ni Puranti, ay nagsisipanabik na siya ay makapiling at makaulayaw.
Nagbago na ngang ganap si Raul. Sa palagay ng maraming nakababatid sa kaniyang kabuhayan, ni ayaw na siya ngayong matawag na Igurote. Ayaw na niyang masasabing siya ay isang “taong bundok”. Hindi na niya ibig marinig na siya ay galing sa Bontok. At maliban sa paminsan-minsang bugso ng damdaming likha ng pagmamahal sa magulang at sa kinamulatan, si Raul ay naging tunay na Raul nang napaalipin sa isang birhen ng Katagalugan.
Sa campus, sa mga pagtitipon, sa mga palabas-dulaan, sa mga sayawan, sa mga piknik, si Raul del Monte at si Rita Miraflor ay napapansin ng madlang hindi nagkakalayo sa pag-uusap. Paano'y sadyang sila ay magkasuyo na, magkasintahan na, at sa bibig ng isang palabirong kaibigan nila, “minsan pa”, diumanong “nagtagumpay ang kapatagan sa kabundukan”. . .
Subali't sa Banawe, Bontok, ay isang dalagang Igurota ang naghihinagpis. Sang-ayon sa mga matatandang pantas doon, si Puranti ay nababaliw na. Paano'y malimit itong makitang lumuluha sa taluktok ng bundok, kung minsan, na nakatitig sa mga zig-zag a patungong Maynila ang paningin; kung minsan naman, ay napapansin ng mga kamag-anak na rin ni Puranti na ito ay nagbububulong at waring kinakausap ang mga dulo ng pinong tila sadyang nakikipaghalikan sa simoy ng hangin.
O! Kabihasnan. . . kabihasnan! -- ang halos ay isinisigaw ng damdamin ni Puranti na tila inihahanap ng katugunan sa mga yungib ng Bontok.
Datapwa't kinakailangan pa niyang gawin ang huling pagsubok. Ito ang sumilid na bigla sa kaniyang isip. Susubukin niya kung talagang siya ay umaasa nang wala siyang inaasahan.Kahuli-hulihan ngang tangka sa pagtiyak sa damdamin ni Pad-leng ang isinagawa ni Puranti. Isang maliit na tungkos ng mga “everlasting” na pinili niya sa mga pili ang maingat na inilagay sa isang maliit na buslo at sa pamamagitan ng isang amerikanang kakilala niya at nagkataong paluwas noon sa Maynila, ay ipinakiusap na paabutin lamang ang alaalang yaon kay Pad-leng.
Nag-ukol din ng malaking pagsasakit si Puranti upang maisagawa ang gayong pagpapahatid ng mga “everlasting”. Namuhunan siya ng mabuting pakikisama sa nasabing amerikana, na isa ring alagad ng misyon ng mga Protestante sa Hilagang Luson; naglingkod siya rito sa pamamagitan ng pagiging paturo o “guide” sa pagdalaw sa mga liblib na pook ng lalawigan ng mga Igurote, maipadala lamang ang huling alaala ng pusong “limutin man yata ay hindi makalimot sa isang minamahal”.
Subali't nagdaan ang mga araw, lumipas ang mga linggo, at parang laho lamang na naparam ang mga pangyayari sa isang buwan.. . at hanggang sa mapabalik na muli sa Banawe ang misyonerang amerikana, ay hindi man lamang nakatanggap ng kahi't anong uri ng “ganti” ang kahabag-habag na si Puranti.
Paano'y haling na haling sa mga tagumpay si Pad-leng, ang binatang Igurote, sa tagumpay na halos ay nagiging pampasigla sa kaniyang pamimintuho at maalab na pagmamahal sa isang “co-ed” -- kay Rita Miraflor, ang Birhen ng Katagalugan alinsunod sa mga tula sa pag-ibig ni Raul del Monte.
Sa di-kawasa ay natapos din ang panahon ng pag-aaral. Isa nang manggngamot ngayon si Raul del Monte -- ang binatang Igurote, na sa kaniyang kinamulatan ay lalong kilala pa rin sa pamagat na Pad-leng. Halos pagkatapos na pagkatapos matanggap niya ang katibayan, ay hiningi na niya agad sa mga magulang ni Rita ang kamay nito, yamang siya ay mapapatakda sa paglilingkod sa isang pagamutan ng mga misyonero sa Bontok. Tawag ng tungkuling hindi maaaring di niya dinggin, at kaway ng kinamulatang-lupa ang kaniyang namamasid, kaya't kailangan niyang talikuran ang siyudad ng mga ilaw; ang kahanga-hangang Maynila.
Buwang mabulaklak nang idaos ang kanilang biglang-biglang pag-iisang-dibdib; at pagkaraan nang mahigit na isang linggong paghahanda, si Raul at si Rita, taglay ang lahat ng kanilang mga kailangan sa isang tahanan, ay umakyat na sa kabundukan ng Bagyo, upang buhat doon ay tumungo sa Banawe, sa pagtugon sa tawag ng tungkulin at sa pagharap sa tunay na pakikibaka sa buhay.
Napasinayaan na ang pagamutan sa Banawe ng mga di binyagan. Ang lahat ng mga Igurote ay inanyayahan pa, at naging isang dakilang pagkakataon ang pagbabalik doon ng isang dalubhasa at magiting na kalipi nila, na ayon sa puno ng lalawigang-bulubundukin, ay nagbalik upang maglingkod sa kinamulatang lupa at maging ilaw na patnubay ng mga kababayan niyang naghahanap at nangangailangan ng liwanag.
Subali't tumbalik ang pagkakataong nasabi sa tunay na dinaramdam ni Puranti. Umalis si Pad-leng na noon ay taglay “ang kaniyang pag-ibig at pananalig, subali't nagbalik itong wari'y may pasalubong na dita upang ipalasap sa kaniyang naghihirap nang kaluluwa.
At sa paghihingalo ng araw kung dapit-hapon sa Banawe, na ang mga huling sinag na ginto ay nagdudulot ng maputlang dilaw sa mga dulo ng pino, ay parang may nababasa si Puranti. Nasisinag niya ang batas sa kabundukan. Ang pag-ibig na hindi maipagtagumpay ay talagang dapat na humarap sa kamatayan. At para sa kaniya, anong timyas ng humimlay sa lilim ng pino at sa harap ng mga tiwangwang na taniman ng pa lay sa libis ng bundok!. . .
Iyan ang kaisipang nasisilid sa nahihibang nang pag-iisip ni Puranti, at kung nang hapong yaon, ay tila may nagbabalang bagyo sa dakong Hilaga, ay may nangyayari na ring bagyo na ibig magahak sa mga pitak ng kaniyang dibdib na sugat-sugatan na sa dalmhati.
Si Puranti ay may handa nang palaso. Palasong ang talim o tulislis ay pinahiran pa ng dagta ng ugat ng isang kahoy na may lason. Natitiyak noon ni Puranti na buhat sa taluktok ng bundok ay maaabot ng kaniyang palaso ang dibdib ng magkasing umagaw sa kaniyang kaligayahan. Tuwing dapit-hapon ay nababatid niyang ang magkasi ay nagsisipagpasyal sa libis, na walang gaanong agwat buhat sa pagamutan na siya rin nilang kinatatahanan, at doon nila inuulit ang awit ng dalawang kalapating pumaimbulong sa kaluwalhatian.
O! Inaasam-asam ni Puranti na dumating ang dapit-hapon sa kinabukasan. Papatay siya, at siya man naman ay dapat nang humarap sa kamatayan. lyan ang batas sa kabundukan. Iyan nng sariling sigaw ng kaniyang damdamin upang makapaghiganti.
At kinabukasan. . .
Kay lamlam ng dapit-hapong yaon!
Namumutla na sa pagbihingalo ang mga huling sinag ng iraw, ay kung bakit ang mga dulo ng pino ay tila pa hinahalikan ng maiitim na ibong bihirang makita sa mga pook na yaon.
Sugo na kaya yaon ni Kamatayan? Yaon na nga kaya ang hudyat ng kasaliwaang-palad ni Raul at ni Rita sa kamayng Igurotang maghihiganti sa kasawian ng pag-ibig?
Aywan natin! Subali't ang totoo ay nakahanda na si Puranti. Nakapanganlong siya sa isang malaking tipak ng batong-buhay na nagagalaw ng kaniyang matipunong bisig, sapagka't ang batong yaon ay nasa bingit ng isang bangin.
Nakita ni Puranti buhat sa kaniyang kinalalagyan ang magkapiling na magkasi. Ibibinit na sana ang palaso sa busog na hawak. . .
Subaii't. . . bigla siyang nanggipuspos. . . Nawalan ng lakas ang kaniyang mga bisig. . .
O! Ang lalaking yaon: ang pangarap at pag-ibig ng kanyang kabataang naghingalo sa kasawian ng kanyang pag-ibig!
Hindi! Hindi! Hindi ang kamay niya ang maaaring pumatay. At parang baliw, ang buong bigat ng katawan niya'y nanabagsak sa bato sa bingit ng bangin, hanggang sa siya ay tuloy-tuloy na dumagusdos na parang isang tipak lamang ng lupang nalaglag buhat sa taluktok ng mataas na bundok. At kung anong himala ng kapalaran, ang batong-buhay ay sumunod pa sa kaniya at waring pabigat sa kaniyang katawan na humantong sa kapatagang malapit sa pagamutan.
At naganap ang Tadhana: mamatay o pumatay! Walang lakas upang patayin ni Puranti ang lalaking yaon, subali't ang Tadhana ang lalong makapangyarilian kay sa kaniya, at ang batas ng kabundukan ay sadyang dapat na maisakatuparan.
Ang sawing pag-ibig ay dapat humarap sa kamatayan!
Nang dumating ang magkasi sa pook ng sakuna, at isagawa ni Raul del Monte ang mga unang paglalapat ng lunas, ay namasid niya nang buong liwanag ang mukha ni Puranti, na nakangiti pa sa kaniya, bagama’t tigmak sa sariling dugo.
“Puranti”, ani Raul.
Kiang-wan. . . kiang-wan! . . Wala na, wala na!
At pinangiliran na lamang ng luha si Raul at gayon din ang mga kubabayan niyang nagkagulo sa pook ng sakuna.
Ang mga pantas sa Banawe ay nagsiiling na lamang.
Sadyang malupit ang kabihasnan! Anila.