ALIPATO
Maikling kuwento ni P Campoamor Cruz
Sa mata ng paslit na bata ang ano mang kakaibang karanasan o panginorin ay isang hiwaga na kung ang bata ay mapagtanong ay magkakaroon ng linaw at paliwanag.
Hindi nga ba’t ang mga bata ay walang talos ang pagtatanong ng ano, sino, saan, kailan, kanino, at ang pinakamahirap na sagutin ay ang tanong na bakit.
At sa dahilang ang isip ng bata ay tila isang pisara na walang ano mang nakasulat, ang bawa’t isang paliwanag ay nasusulat doon at nananatiling nakamarka, hindi nabubura, kahi’t na mahabang panahon na ang nagdaan.
Nangingiti si Virgilio sa tuwing maalaala niya ang kanyang kabataan at ang salitang “alipato”. Nang unang banggitin ng ama ang “alipato” ay natawa siya. “Pato, tatay? Hindi ba hayop iyon; iyong alaga natin sa likod ng bahay?”
Natawa rin ang tatay. “Alipato, anak. Hindi pato. Magka-iba sila.”
Noon ay anim na taong gulang pa lamang si Virgilio; ang kanyang tatay ay limampu, humigit-kumulang.
Pagdating sa bahay, galing sa trabaho, ugali ni Mang Jose ang kalaruin ang bunsong anak na si Virgilio. Pagkatapos ay nauupo sila sa may harapan ng bahay na may maliit na terasa. Doon ay pinanonood nilang mag-ama ang mga dumadaang sasakyan at ang mga taong nagsisilakad sa gilid ng kalsada.
Abala ang kalsada nila. Sa isang dulo ay naroroon ang pier. Paro’t parito ang mga trak na naghahatid ng mga kalakal mula sa mga bapor sa pier patungo sa mga pamilihan o pabrika na nangangailangan ng mga kalakal.
Paminsan-minsan ay may nahuhulog na kalakal na hindi namamalayan ng tsuper ng trak. Takbuhan ang mga taga-roon na nag-aabang sa gilid ng kalsada at kanilang pinupulot ang mga kalakal na itinuturing nilang “hulog ng langit” sa kanino mang mauuna sa pagsagap sa mga ito. Sako ng bigas o niyog o mani, bigkis ng gulay, buslo ng prutas, bungkos ng bakawan na panggatong . . . humahantong ang mga ito sa hapag-kainan ng nakapupulot o di kaya ay sa palengke na kung saan mabilis na nagiging pera ang kalakal matapos na maipagbili sila sa mga tindero doon.
Sa kabilang panig ng kalsada ay naroroon ang isang malaking palengke na dinadayo ng maraming mamimili at mangangalakal na nagmumula sa iba’t ibang panig ng malaking lungsod. Bukod dito ay mayroon pang mangilan-ngilang maliliit na palengke o umpukan na kung saan ang mga taga-roon ay nakabibili ng pananghalian o panghapunang isda, baboy, gulay at iba pang pang-araw-araw na pagkain.
Abala at masaya ang kalsada nila. Nakahanay doon ang mga tindahan – may botika, may klinika ng doktor at dentista, may sari-sari store, may bagsakan ng basyo ng bote at diyaryo, at naroroon din ang panaderia na pag-aari ng isang Intsik.
“Chua” kung tawagin ng mga taga-roon ang may-ari ng panaderia. Popular si Chua sa mga taga-roon sa dahilang siya at ang asawang Filipina ay silang nagtitinda at namamahala sa panaderia. Kasalimuha sila ng mga tao sa tuwing bibili ng tinapay. Paborito ng mga tao ang malalaki, malulutong na pan de sal. Sa buong maghapon, hanggang sa gumabi, ay tuloy-tuloy ang dating ng mga tao na bumibili ng pan de sal ni Chua. Nagtitinda din siya ng matamis na bao na may latik at iyon, dahil sa katambal ng pan de sal, ay paborito ring bilihin ng mga tao. Ang mga pan de sal na natitira, paglipas ng araw, ay ibinabalik ni Chua sa hurno at ginagawang biskocho na nagiging paborito naman ng mga bata dahil sa malutong ito at malinamnam lalo na kung pinapahiran ng mantikilya na may asukal.
Isa lamang ang taong sa puso ay may nakatanim na galit kay Chua, si Simon, na dating kasintahan ni Mildred. Ngayon ay asawa ni Chua si Mildred. Matagal-tagal ding naningalang-pugad si Simon sa tahanan nina Mildred. Nagpakita siya ng kanyang pagiging mabuting tao sa pamamagitan ng pagtulong sa tuwing may mabigat na gawain gaya ng pagkukumpuni ng mga gamit na nasisira sa bahay. At sapagka’t noon ay walang tubig na tumatakbo papunta sa bahay nina Mildred ay si Simon ang umiigib ng tubig sa isang poso sa di kalayuan sa nasabing bahay. Niligawan ni Simon ang babae, at sa huli ay sinagot siya ng oo. Masasabing niligawan din niya ang mga magulang ni Mildred, sa paraang pagiging matulungan, masipag, at magalang; nguni’t hindi siya gusto ng mga magulang.
Sa madaling sabi ay hati ang damdamin ni Mildred. Samantalang nahulog na siya sa pangliligaw ni Simon ay kinailangan namang igalang niya ang payo ng mga magulang. “Anak, kung mag-aasawa ka, sana ay piliin mo ang nakaririwasa sa buhay. Ang pag-aasawa ay hindi lamang tungkol sa pag-ibig. Kung ang pag-aasawa ay mababalot ng paghihirap at pagdurusa, hindi ito magtatagal.”
Nag-alok na si Simon na sila ay magpakasal ni Mildred; datapuwa’t nangatuwiran ang huli na hindi pa sila kapuwa handa sa mga responsibilidad ng pag-aasawa, na sila ay dapat munang mag-ipon at maghintay pa. Sa ganitong katayuan kung papaano nakapasok sa buhay ni Mildred si Chua na naging asawa niya. Sa kabibili ng pan de sal ni Mildred sa panaderia ni Chua ay naging mabuting magkaibigan ang dalawa.
Matindi ang pangangailangan ni Chua na magkaroon ng asawang Filipina. Dumating siya sa Filipinas mula sa Tsina, kasama ang mga magulang, bilang mga “dayuhang walang papel”. Sila ay maaaring paalisin ng gobyerno kung hindi magkakaroon ng legal na estado, na sa kaso ni Chua, ang paraan ay ang pagkaroon ng asawang Filipina.
Mabilis ang mga pangyayari. Isang araw ay nabalita na lamang sa pook na iyon na sina Chua at Mildred ay ikinasal na, at ang huling taong nakaalam sa balita ay si Simon.
Tila nadaganan ng mundo ang balikat ni Simon, ganoon ang kanyang naramdamang bigat at sakit. Tulala siya sa simula at di makapaniwala sa nangyari, pagkatapos ay dumating ang hapdi na sa araw-araw ay nagpapasakit sa kanyang puso. Sinundan ito ng pakiramdam ng kahihiyan, ng galit, ng paghihiganti.
Nasabi sa una ng kuwento na pagdating sa bahay, galing sa trabaho, ugali ni Mang Jose ang kalaruin ang bunsong anak na si Virgilio. Pagkatapos ay nauupo sila sa may harapan ng bahay na may maliit na terasa. Doon ay pinanonood nilang mag-ama ang mga dumadaang sasakyan at mga taong nagsisilakad sa gilid ng kalsada.
At sa gabi naman ay pinanonood nila sa kalangitan ang puting usok at alipato na nanggagaling sa chimenea ng panaderia ni Chua.
Manghang-mangha si Virgilio sa mga alipato. “Tatay, ano ang alipato?” tanong sa tatay ni Virgilio.
Matiyaga namang binigyan ng tatay ng kahulugan ang bagong salita. Bakawan ang gamit ng panaderia ni Chua sa paggawa ng apoy na siya namang nagluluto sa tinapay. Nagbabaga ang kahoy at naglilikha ng matinding init sa hurno, na kung saan naluluto ang masa at nagiging pan de sal. Mula sa hurno, ang usok na likha ng apoy at ang mga alipato, kung baga ay tilamsik ng apoy, ay sumisibat sa chiminea, hinihigop ng hangin paitaas, patungo sa kalawakan.
Si Mang Jose ay staffer ng isang magazine at paminsan-minsan ay nakakakatha siya ng tula. Tungkol sa alipato ay ito ang kanyang naikathang maikling tula.
Alipato
Ibinuga ng chimenea
Pula, dilaw, bughaw.
Kay ganda sa mata ng bata.
Kislap, tilamsik, singaw.
Kuwitis sa langit na madilim.
Lipad, lutang, taas.
Kasabay, usok na abuhin.
Hihip, hangin, lakas.
Bagang ang kulay kikinangkinang.
Alipato'y ano?
Laro ng apoy sa karimlan.
Sa bata’y misteryo.
Saan kaya nanggaling ito?
Kung saan may apoy,
Naron din ang usok at alipato.
Hayun, tingin totoy!
Isang gabing nakatunghay sina Mang Jose at Virgilio sa kalangitan, habang nag-aabang sa mahinahong paglabas ng puting usok at manaka-nakang puslit ng alipato, ang nakita nila ay isang pagsabog, malakas na sigabo ng nagngangalit na apoy, at buga ng makapal na itim na usok. Napansin din ni Mang Jose na may mga taong nagtatakbuhan sa kalsada at nagsisisigaw ng Sunog! Sunog!
Maya-maya ay narinig na ang sirena mula sa mga trak ng bombero. At naglabasan na mula sa kanilang mga bahay ang mga tao at nagtakbuhan paikot-ikot sa kalsada na puno ng ligamgam.
Napag-alaman, makalipas ang ilang araw, na may lalaking nagbuhos ng kerosina sa panaderia ni Chua bago naghagis ng apoy sa kapaligiran nito. Natupok ng apoy ang panaderia at nadamay pati ang dalawang bahay na nakadikit doon.
Nagsimula ang pagsisiyasat ng mga pulis at bombero. May hinuha sina Chua at Mildred kung sino ang sadyang nagsunog sa kanilang panaderia at tirahan.
Hanggang sa nagka-edad na si Virgilio ay di niya nalimutan ang naisalaysay na pangyayari. Ang alipato ay naging alaala ng magandang kabataan sa piling ng mapagmahal na ama, naging simbolo ng mga karaniwang bagay na nagiging hiyas sa mata ng nakakikita; at ang sunog naman ay paalaala na ang alipato ay nagiging lagablab, na alipato at sunog ay kapuwa likha ng apoy; at batay sa kung sino ang gagamit nito at sa kung anong kaparaanan, ang apoy ay may hinahon, ganda, at silbi; nguni't maaaring maging mabangis at mapanganib na patalim sa kamay ng isang naghihimagsik ang damdamin.