ANG BALIKBAYAN BOX
NI DORAY
Maikling kuwento ni
Percival Campoamor Cruz
(Nailathala ng Asian Journal San Diego noong Hulyo 16, 2010:
http://www.scribd.com/doc/34434117/Asian-Journal-July-16-22-2010
at sa Asian Journal Los Angeles noong Agosto 4, 2010, Part 1, p. B6
http://www.ajdigitaledition.com/pdfs/PDF/2010_LA/2010_07_28/2010_LA_07_28_B%206.pdf
Part 2, p. B6 http://www.ajdigitaledition.com/pdfs/PDF/2010_LA/2010_08_04/2010_LA_08_04_B%206.pdf)
Ayon sa Greek mythology, si Pandora ang unang babaeng nilalang, na nilikha ni Zeus upang maging bukal ng lahat ng masasama at mabubuti sa mundo. Ginawa siyang tagapagtago ng isang kahon, na dapat ay di niya bubuksan; subali't naging mausisa si Pandora, binuksan niya ang kahon, at agad-agad, ay kumalat ang sakit, inggit, pagdaraya, pagnanais, galit at lahat ng masasama. Isang bagay lamang ang naiwan sa loob ng kahon - ang pag-asa.
Tatlong taong nakipagsapalaran sa Amerika si Doray. Nilisan niya ang Pilipinas at ang minamahal na pamilya sa pag-asang makahahanap ng higit na magandang kabuhayan at kinabukasan sa "lupa ng gatas at pulot-pukyutan". Isa siya sa maraming pinalad na pinagkalooban ng U.S. Embassy, sa Maynila, ng visa upang makapamasyal sa Amerika bilang turista. Ang pahintulot na ito ay may bisa lamang nang anim na buwan; samakatuwid, pagdating ng takdang panahon, ang turista na pinagkalooban ng visa ay inaasahang lilisanin ang Amerika at babalik sa Pilipinas o alin mang pinanggalingang bayan. Isa si Doray sa marami nating kababayan na, sa halip na bumalik sa Pilipinas paglipas ng anim na buwan, ay nagpasiyang "magtago" at makipagsapalaran sa Amerika.
Nakataguriang "TNT" ang mga kababayan nating katulad ni Doray, na ang ibig sabihin ay "tago nang tago". Bagama't hindi sila pinag-uukulan ng panahon at pinaghahanap na isa-isa ng mga kawani ng Immigration, kaugnay sa paglabag sa pinag-aatas ng visa, hindi rin sila maaaring lumantad o maging pansinin, at baka ang makaaalam sa kanilang katayuan ay magsumbong sa Immigration at sila ay madadakip.
Ang mamuhay nang nag-iisa at malayo sa mga minamahal sa buhay ay mabigat na pagsubok sa katatagan ng layunin at tibay ng loob ng isang nilalang. Lalo na kung ang kinaroroonan ay hindi inibig na puntahan, kundi ito ay atas lamang ng pangangailangan.
Sa simula, ang buong panginorin ay kakaiba sa iyong kinagisnan na dati'y nakikita sa araw-araw. Iba ang hugis, kilos, tunog at amoy ng mundong ngayon ay nakapaligid sa iyong katauhan. Kailangang ikaw'y managumpay sa pagka-ilang, pagkatakot, at pangungulila. At bagama't ang pagkakaunawa sa bagong mundo ay dumarating nang unti-unti, sa paglipas ng sapat na panahon, ang taong "nakakulong" sa pook na hindi angkop sa kanya ay nagiging bihasa at handa sa pakikibaka.
Magiliw na tinanggap si Doray, bilang panauhin sa tahanan ng kanyang pinsan na si Rosemary, sa Los Angeles. May isang guest room si Rosemary na masayang ipinagamit sa kanya habang siya ay wala pang tiyak na matutuluyan. Ipinasyal siya ng pinsan sa Disneyland, at makailang ulit, sa baybay-dagat ng Sta Monica. Ipinagamit sa kanya ang telepono, upang makausap ang asawa at mga anak, na naiwan sa Pilipinas. Ipinagmaneho siya sa ilang pinuntahang appointments kaugnay sa paghahanp ng trabaho. Isinama siya sa mga dinners sa restaurants. At sa loob ng isang buwan ay nabuhay siya sa California, sa Amerika, sa pagtatangkilik ng mabait na pinsan. Sinuklian naman ni Doray ang kabaitan ng pinsan sa pamamagitan ng paglalaba at pagpaplantsa sa mga damit ng mag-asawa at sa pag-aayos sa mga gamit sa magulong garahe, bukod pa sa pagluluto at paglilinis ng bahay.
Isang umaga, habang nag-aalmusal si Rosemary, kasabay ang asawang Amerikano, ay naulinigan ni Doray mula sa kanyang kuwarto na ang mag-asawa ay tila nagtatalo.
-- Please be more understanding, -- mahinang sabi ni Rosemary sa asawa.
-- How much longer are we gonna pay for her food and electricity and gasoline? Why can't she stay in the hotel, Im sure she can find a cheap one. --
-- You don't understand, -- pakiusap ni Rosemary sa asawa.
Nguni't matigas ang asawang Puti, -- What is the part of paying costlier bills that you don't understand? --
Paglisan ng mag-asawa nang umagang iyon, patungo sa kanilang trabaho, ay gumayak na si Doray na lisanin ang lugar na kanyang naging pansamantalang tahanan sa humigit kumulang na isang buwan, batay sa narining na usapan ng mag-asawa. Kahi't na hindi niya alam kung saan siya patutungo, dahil sa narining ay nagpasiya na ipagpatuloy ang kanyang paglalakbay.
Tinawagan ang pinsan sa telepono upang ipaalam na siya'y may nahanap nang lilipatan, kahi't na wala pa, at nagpaalam dito at nagpasalamt sa kanyang kagandahang- loob. Bago lisanin ni Doray ang tahanan ni Rosemary ay nag-iwan siya ng isang liham na may kalakip na $100 na nagsasaad nang ganito: Hindi man sapat ang halagang ito upang mabayaran ang lahat ng kabutihang ibinigay mo sa akin, ay maluwag sa loob ko na iwanan ang maliit na halaga na aking makakayanan; salamat sa iyo at kay John; tatawag ako sa iyo upang ipaalam ang aking katayuan.
Nagkapalad naman si Doray, na sa paglipas ng dadalawang araw pa lamang mula sa paglisan niya sa bahay ni Rosemary, ay nabigyan siya kaagad ng trabaho sa isang tahanan na may maliit na batang nangangailangan ng taga-alaga.
Malimit na pangtawid-gutom ni Doray ang isang supot ng mansanas na kanyang nilalasap-lasap sa kanyang maliit na silid kapag nag-iisa. At kahi't na ang mga mansanas ay mapupulang-mapupula at busog na busog sa katas, mababango at kanais-nais ang amoy, ang lasa ng mansanas sa panglasa ni Doray ay isang prutas na mapakla na ang dagta ay naiiwan sa bibig, pumapatay sa kanyang gana sa pagkain. Gayon din ang Amerika. Matamis sa iba. Nguni't kay Dora ay mapakla. Ang karanasan sa Amerika ay ang kanyang pangungulila sa mainit na yakap ng asawa at mga anak.
Sila'y naiwan sa Pilipinas. Si Mario, na dalawampung limang taon na niyang katuwang sa buhay, ay namamasukan sa City Hall ng isang malaking lungsod bilang assistant. Ang panganay na anak na si Susan ay nasa kaligitnaan ng pag-aaral sa kolehiyo. At ang bunsong anak na si William ay nagsisimula pa lamang sa kolehiyo. Kung aasa lamang sa kinikita ni Mario ang pamilya ay hindi sapat iyon na magkaroon sila ng maginhawang buhay at mapag-aral pa ang mga bata sa kolehiyo. Mapalad sila sapagka't ang ina at ama ni Doray ay malalakas pa at may kaunting kinikita. Sinasagot nila ang ano mang kakulangan sa pangangailangan, katulad ng pagkain sa mesa. Kinukupkop din nila ang pamilya ni Doray sa kanilang tahanan. Kung kaya't libre na ang upa sa bahay.
Nang bagong dating si Doray ay lungkot na lungkot siya. Malimit ay napapaiyak kung nag-iisa. Nawala sa kanyang piling ang asawang karamay sa araw-araw sa gawain at pagsubok sa buhay. Nawala ang bulungan nila ng matatamis na salita, ang haplos at yakap ng asawa pagsapit ng oras ng pagtulog. Gawi niyang ipaghanda ng damit at baon ang dalawang anak sa tuwing umaga na papasok sila sa eskwela. Pag-uwi nila sa hapon ay sabay-sabay silang nanonood ng tv, pagkatapos pagsaluhan ang hapunan. Paminsan-minsan ay pinuputulan niya ng kuko ang anak na lalaki o di kaya ay sinusuklay ang buhok ng anak na babae habang sila'y nagkukuwentuhan. Maliliit na bagay, nguni't bahagi silang lahat ng kanyang alaala ng isang buo at masayang pamilya.
Nagpapalungkot din sa kanya ang alaala ng mga bagay na likas sa iniwang pook, sa Baranggay Sta. Quiteria, na malapit sa Tandang Sora. Pagbubukang-liwayway ay lumulutang sa himpapawid ang tilaok ng manok, na tila tahimik na musika na bahagya nang pumupukaw sa mga natutulog. Ang mga unang maririnig sa umaga bukod sa tilaok ng manok ay ang mga huni ng mga ibon, ang atungal ng aso, ang palayaw ng mga nagtitinda ng pang-almusal - "Taho!" . . . "Mais!" . . . "Puto!" . . . "Pandesal!" At habang gumigising ang lungsod at gumagayak sa isa na namang bagong araw ay umiingay ang paligid sa sama-samang konsyerto ng mga hayop, ng masasayang hiyawan ng mga batang naglalaro, ng kuwentuhan at halakhakan ng mga lalaki at babae, ng himig ng mga sasakyan sa highway at ugong ng tren sa di kalayuan. Nakalulungkot alalahanin ang magkahalong amoy ng simoy ng hanging galing sa dagat at ang sari-saring amoy ng lungsod, kanais-nais man o hindi.
Nguni't alang-alang sa mga minamahal sa buhay at sa kanilang ikabubuti ay pinili ni Doray ang hamon ng pag-iisa at kalungkutan. Pinatibay niya ang kanyang kalooban at pinatatag ang pagkatao upang siya'y magtagumpay sa mga pagsubok sa banyagang lupa na piniling maging pangsamantalang tahanan.
Ang akala ng mga tao sa Pilipinas ay pumupulot ng pera sa kalsada ang mga kababayang nasa Amerika. Malungkot at mahirap ang buhay sa Amerika. Kahi't na masagana ang pagkain at madaling makabibili ng mga karangyaan sa buhay, gaya ng damit, awto o bahay man, wala namang panahon ang mga tao upang makapagpahinga, makapagbakasyon, makapag-aliw kasama ng pamilya, sapagka't ang lahat ng oras ay oras para sa trabaho. Kayod nang kayod ang mga kababayan nating nasa Amerika, sa kabila ng akala na sila ay laging nag-aaliw at nagpapasarap lamang at namumulot ng pera sa daan. Kayod nang kayod upang makabayad sa mga utang at makapagpadala ng pera at pasalubong sa mga kamag-anak na nasa Pilipinas. Kayod nang kayod upang maka-ipon at nang, pagkatapos nang mahabang panahon, ay makapag-retiro at makabalik sa Pilipinas.
Sabihin nang napapaligiran ng karangyaan at masasarap na pagkain at magagandang tanawin ang ating mga kababayan sa Amerika, sila nama'y pagal sa trabaho at lipos ng kalungkutan dahil sa sa pag-iisa.
Nang si Doray ay nagsimula nang kumita bilang nanny, sapagka't siya ay live-in nanny, libre ang kanyang pagkain at board and lodging at di niya kinailangan na gumastos sa transportasyon, siya'y nag-iiwan lamang ng maliit na bahagi ng kanyang kinikitang dollars para sa kanyang sarili; at halos lahat ng kinikitang dollars, ay ipinadadala sa asawa't anak.
Naging ugali ni Doray, sa buwan-buwan, bukod sa salapi, ang magpadala ng balikbayan box sa kanyang pamilya sa Pilipinas. Ang balikbayan box ay isang kahong yari sa karton, na ang sukat ay 60 x 30 x 30 na pulgada. Pinupuno ito ng sari-saring bagay - gamit sa bahay, canned goods, chocolates, damit, appliances, libro, at ano pa mang bagay na ibig ibahagi ng nagpapadala sa kanyang mga minamahal sa buhay sa Pilipinas. Ito ang pinakamatipid na paraan ng pagpapadala ng regalo sa Pilipinas. Limampung dolyar ang bayad sa bawa't kahon at ang timbang ay hindi tinutuos ng cargo company. Kahi't gaano kabigat ang kahon, at kahi't na ano ang laman ng kahon (maliban sa kung ang laman ay labag sa batas) ito'y inihahatid ng cargo company sa pintuan ng alin mang tahanan sa Pilipinas, at ang bayad sa serbisyo ay limampung dolyar lamang, walang labis, walang kulang.
Sa kanyang minamahal na asawa ay palaging may padala, sa pamamagitan ng balikbayan box, si Doray, na magagarang polo shirts, mga pantalon, relo at pabango, na bawa't isa ay may tanyag na tatak. Naging makisig si Mario sa paningin ng mga babaeng kasama sa trabaho, sanhi ng mga kasuotan at alahas na "Made in USA", at idagdag sa kisig ay ang bisa ng salaping galing kay Doray, nagiging kaakit-akit na chickboy si Mario. Halos gabi-gabi ay may isinasama siyang kaibigang babae na inaaliw sa disco at night club, at doon niya inuubos ang mahabang oras at salapi. Humantong ang ganitong pamumuhay sa dako na nahumaling si Mario sa isang ka-opisinang babae, at hinimok niya ito na makipag-live-in sa kanya, lingid sa kaalaman ni Doray at ng mga anak niya. Naging palalo si Mario at hudas sa kanyang mapagtiis na asawa.
Sa anak na babae na si Susan, ang laging padala sa balikbayan box ni Doray, ay ang mga libro at magasin na makatutulong sa kanya sa kanyang pag-aaral ng nursing sa kolehiyo. May kalakip din sa balibayan box na mga music cds at dvds ng mga pelikula na mapaglilibangan ng dalagita.
Sa dahilang wala ang ina sa kanyang paligid, at ang tatay ay wala sa bahay sa tuwina, naging mapagpabaya si Susan sa kanyang pag-aaral. May mga araw na, sa halip na pumasok sa eskwela, ay naglalagi siya sa mall, kasama ang mga kaeskwela, upang doon mag-aksaya ng oras. May panahon din na uubusin niya ang maghapon sa kanyang silid o sa bahay ng isang kaibigan at doon ay manonood ng pelikula sa tv o makikinig sa kanyang mga cds na walang pakundangan. Malimit na siya ay punahin ng lola at lolo at paalalahanan na dapat ay ituon ang pansin sa kanyang pag-aaral, nguni't naging bingi sa pangaral at mapaghimagsik si Susan.
Sa anak na lalaki na si William, nag-ipon si Doray ng sari-saring bahagi ng isang motorsiklo, at ang mga ito'y isa-isang ipinadala sa pamamagitan ng balikbayan box. Sa tiyaga at haba ng panahon ay nakabuo ng isang motorsiklo si William. Naging pang-araw-araw na transportasyon niya ang maganda at matulin na motorsiklo. Gamit niya ito sa pagtungo niya sa eskwela at sa pag-uwi sa hapon. Maingat magpa-andar ng motorsiklo si Wiliam. Nguni't hindi sapat ang pag-iingat kung may nagbabadyang kapahamakan. Minsan ay may taxi na nakasagi kay William. Napatilapon siya mula sa motorsiko at bumagsak sa kalye na una ang ulo. Nabagok ang kanyang ulo sa aspalto at nawalan ng malay. Salamat na lamang sa Diyos at hindi nasagasaan ng mga dumadaang sasakyan si William, habang ito ay nakahandusay sa kalye. Tumigil ang mga sasakyan at may mabubuting tao na tumulong sa kanya. Nadala siya sa ospital, nalapatan ng emergency procedure at nakaligtas sa muntik nang kamatayan.
Sa mga balikbayan box na ipinapadala ni Doray sa pamilya, laging may nakasingit na chocolates, cookies, corned beef, junk food, at iba't iba pang pagkaing-Amerikano, na nakasiksik sa sulok-sulok ng kahon. Ang kanyang ina naman na si Aling Tessie ang nagtatamasa sa mga padalang ito, sapagka't mahilig siyang magkakain ng tsitsirya. Di malaon ay nagkaroon ng mga sintomas ng diabetes at blood pressure si Aling Tessie, at ito ay natiyak ng doctor na sumapit na nga kay Aling Tessie ang mga sakit, nang siya'y kumunsulta sa klinika. Nagkasakit si Aling Tessie sanhi ng pagkain ng matatamis at maaalat na pagkaing mula sa Amerika.
Naging larawan ng pag-unlad ang pamilya ni Doray. Batid ng mga kapitbahay ang biyayang dumarating mula sa Amerika na nakapagpaluwag sa kabuhayan ng mag-anak. Hindi maitatago ang sunud-sunod na dating ng mga balikbayan box sa tahanan ng pamilya ni Doray. Ang bulag lamang ang di makapapansin sa mga dumarating na malalaking kahon na matingkad na dilaw ang kulay at kinakailangang dalawang lalaki ang bumubuhat dahil sa bigat ng mga ito. Ang mga kapitbahay, dahil sa matinding inggit, ay naging malamig ang pakikitungo sa mag-anak ni Doray.
Ang balikbayan box ni Doray ay naging bukal ng paglililo at pagdaraya ng asawa, ng paghihimagsik at kapabayaan ng anak na babae, ng kapahamakan ng anak na lalaki sa motorsiklo, ng sakit ng ina, at ng inggit ng mga kapitbahay. Ang pakay niya ay makapagdulot ng ligaya, kabutihan at ginhawa, ang maibahagi sa mga minamahal sa buhay ang maliliit na pilas ng America; upang maranasan nila, nang bahagya man lamang, ang lasa ng "gatas at pulot-pukyutan". Nguni't ang naging bunga nito ay hilahil at kasamaan.
Natakot si Doray sa nangyayari sa kanyang pamilya. Nabahala siya sa sunud-sunod na suliranin at kapahamakan na dumating sa kanyang mag-anak. Naramdaman niyang ibig na niyang bumalik sa Pilipinas, upang magampanan niya ang papel ng isang ina at makagawa siya ng mga hakbang upang mapigilan ang patuloy na paglubog ng kanyang pamilya sa malalim na balon ng kapahamakan.
Isang araw ay may dumating na limang balikbayan box sa tahanan nina Doray sa Sta. Quiteria. Tuwang-tuwa ang mag-anak ni Doray na mayroon na namang dumating na maraming magagandang padala ang nagsusumakit na ina sa Amerika. Hindi pa nakikita ang laman ng mga kahon ay napapangarap na ni Mario ang mabibikas na damit at sapatos na maipagmamayabang sa mga kaibigan. Nananabik naman ang anak sa mga dvd ng pelikula, at ang kanyang ina at ama, sa mga corned beef na pabortio nilang pang-almusal. Nang buksan ang mga kahon, ang nakita ng pamilya na nilalaman ng mga kahon, ay mga lumang damit na pambabae, mga lumang sapatos at handbag, mga gamit sa kusina, mga retrato at sari-saring abubot na pambahay. Malaking sorpresa! Ano ang ibig sabihin nito, naisip ng bawa't isa.
Kumililing ang telepono at may long distance call mula sa Los Angeles. Si Doray ay nasa linya.
-- Mario, -- sabi sa asawa, -- uuwi na ako; ang arrival ko ay sa Miyerkoles na darating. Sunduin ninyo ako sa airport. Ang dumating na mga balikbayan box ay naglalaman ng mga kasuotan ko at sari-saring gamit na personal. Ipakilagay na lamang sa kuwarto natin ang mga kahon at ako na ang maglalabas at mag-aayos ng mga nilalaman nila pagdating ko diyan. Kumusta si Susan? Si William? Ang tatay? Ang nanay?
Namutla si Mario sa naririnig at nakikitang pangyayari. Ang mga bata naman ay nangingiti sapagka't kahi't hindi inaasahan ang mga pangyayari, maluwag sa loob nila na wala nang tatanggaping pasalubong sa pamamagitan ng balikbayan box mula noon, kung ang ina naman nila ay uuwi na. Wala nang pasalubong na hihigit pa sa pagbabalik ng isang napawalay na ina.
Sa huli ay napagtiyak ni Doray na ang mahalaga sa buhay ay ang pagkakaisa ng kanyang mag-anak. Mahalaga ang salapi at mahalaga rin ang karangyaan, nguni't ang mga ito ay hindi maaaring maging kahalili ng pagsasama-sama ng pamilya, sa hirap man at sa ginhawa. Mahalaga ang pagiging nandiyan ng isang ina sa tuwing siya ay kailangan ng asawa at anak. Mahalaga ang pagbabantay sa pamilya, bilang ina, at ang pagpapanatili na nagliliyab ang ilaw ng tahanan na nagbibigay-gabay sa landas na tinatahak.