ENGRANDE ANG KASAL NG MRS. NIYA
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Wala namang eskwela na maaaring pasukan ang isang lalaki upang mapag-aralan ang pag-aasawa.
Ang pag-aasawa, unang-una, ay biglang nangyayari na lamang. Hindi ka naman naghahanap ng asawa. Ang nangyayari ay biglang dumarating ang isang pagkakataon na di inaasahan at nariyan na sa iyong harapan ang isang babae na nagpapatibok sa iyong puso. Nariyan ang isang babae na kung sa ano pa mang kadahilanan, ikaw ay nagpapatibok din sa puso niya. At handang magpakasal sa iyo.
Payo ng magulang: Anak, kung mag-aasawa ka ay humanap ka ng mayroong pinag-aralan. Anak, kung mag-aasawa ka ay humanap ka ng may kaya sa buhay, kahi’t na hindi kalakihan. Anak, kung mag-aasawa ka ay iyong masipag. . . Di lang naman payo sa mga lalaki, pati ang mga babae ay nakaririnig din ng ganyang mga payo.
Sabi ng ina niya: Kung mag-aasawa ka, anak, mabuti na iyong ang mapipili mo ay kalahi natin.
Ang napangasawa niya ay anak ng Intsik.
Napakaganda ni Consuelo Tan. Makinis ang kanyang balat, tila porcelana. Katamtaman ang kanyang taas, bagay sa kanyang mapapangasawa, dahil hindi naman siya mataas na lalaki. Maiitim ang mata, at siempre, singkit. Mabilog ang kanyang pangangatawan, punong-puno ng pagmamahal.
Nagkita sila, nagkilala, naging mabuting magkaibigan, pagkatapos ay naging magkasintahan sa loob ng isang oficina na kung saan kapuwa sila empleado.
Suwerte ang nagdala sa kanila sa iisang lugar. Malay ba niya na doon siya mapapasok sa K.C. Tan Construction Co. Sa dinami-dami ng pinadalhan niya ng "letters of job application" ay doon siya natanggap. Ginawa siyang market researcher at si Consuelo ay ganoon din ang trabaho.
At sa gayong pangyayari ay lagi silang magkasama ni Consuelo, pati na doon sa mga pagpunta sa iba’t ibang lugar upang kumalap ng "market data".
Hindi niya alam na si Consuelo ay pamangkin ng may-ari ng kompanya, si Mr. Tan.
Hindi niya alam na may kaya sa buhay ang familia ni Consuelo.
Hindi niya rin alam na sa mga Intsik, bawal na bawal na ang babae ay mag-asawa ng hindi nila kalahi.
Malamang ay hindi alam ng mga magulang ni Consuelo na sila ay mayroon nang relasyon.
Sila’y mag-asawa na sa mata ng Diyos. Nanumpa sa isa’t isa na magmamahalan habang buhay. Nagsalo na sila sa gawain, sa pagkain, sa panahon, sa iisang higaan. At upang lalong matibay ang kanilang relasyon ay nagpakasal sila sa isang judge. Kahi’t na lihim, na sila lamang ang nakaaalam, ay nagkaroon sila ng "civil marriage".
Hindi man siya anak-mayaman ay mataas naman ang pinag-aralan. Hindi niya alam na ang pagiging hindi mayaman ay magiging balakid sa pagiging mag-asawa nila ni Consuelo. Hindi niya rin alam na ang kulay ng balat ay magiging udlot sa pagtanggap sa kanya bilang asawa ni Consuelo.
Isang araw ay nabatid niya ang katotohanan. Nang makita niya sa oficina si Consuelo ay mapulang-mapula ang mga mata sanhi ng pag-iyak. Kinakausap niya nguni’t hindi sumasagot at umiiwas sa kanya.
Maya-maya ay tinawag siya sa oficina ng may-ari. Pagpasok doon ay naroroon si Mr. Tan at ang kapatid nito na si Mr. Tan din, tatay ni Consuelo, nabatid niya nang lumaon.
“Mahusay kang kawani ng kompanya. Bilang premyo sa iyong magandang "performance" ay "promoted" ka sa mas mataas na puwesto. Ipadadala ka namin sa Abu Dhabi upang doon ay magsilbi bilang "assistant manager".” Magandang balita ni Mr. Tan.
Matapos magpakilala na siya ang tatay ni Consuelo, ang isa pang Mr. Tan ang nagsalita. “Inilihim sa amin ni Consuelo ang inyong relasyon. Kailan lamang siya nagtapat. Hindi makapupunta si Consuelo sa Abu Dhabi. Hindi kami makapapayag ng kanyang ina. Maganda na magkalayo kayo ni Consuelo sapagka’t masusubukan ang inyong pag-ibig sa isa’t isa. Pagkalipas ng panahon at buhay pa ang inyong pag-ibig ay tatanggapin namin na kayo nga ay bagay sa isa’t isa. Bibigyan kita ng isang milyong piso. Kung magbabago ang pag-ibig sa iyo ni Consuelo ay iyan na ang iyong kabayaran sa perjuicio. Kung magkakatuluyan kayo ni Consuelo kahi’t na kayo magkahiwalay at iibigin ka pa rin niya, iyan na ang premyo mo sa pagiging karapat-dapat sa aking anak.”
Nang matapos ang pag-uusap ay agad-agad siyang lumisan sa lugar na iyon. Aywan kung saan siya pinadpad ng mga paa. Magulo ang isip niya. Nang makahanap ng isang tahimik na lugar ay umupo at doon isinambulat ang galit.
“Bakit sumang-ayon si Consuelo na kami ay magkalayo! Bakit pumayag siya na ako ay bayaran! Hindi ipinagbibili ang aking pag-ibig!”
Hindi na sila nagkaroon ng pag-uusap. Nawala na lamang siya sa paningin niya, hindi man lamang nag-resign sa puwesto. Ang alok na isang milyong piso, dahil hindi tinanggap, sana ay nagsilbing sampal sa kanilang pagyurak sa kanyang kaligayahan at karangalan.
Batid na si Consuelo, katulad niya, ay naghihirap ang damdamin sa harap ng mga pangyayari. Maaaring wala siyang magagawa na malabanan ang napaka-makapangyarihang magulang at angkan.
Namuhay nang magkalayo at walang balita tungkol sa isa’t isa ang dalawa sa loob nang humigit-kumulang ay limang taon. Paminsan-minsan ay nagtataka siya na kung bakit si Consuelo ay hindi nagtatangka man lamang na hanapin siya gayong magagamit naman niya ang "driver" at mga katulong upang siya ay hanapin.
Nagbago na kaya siya? Nakalimot na kaya siya? Mayroon na kayang ibang kasintahan? Madalas ay sumasagi sa kanyang isipan ang mga alalahaning iyan.
Ang hindi niya nalalaman ay nagdalang-tao si Consuelo, nagsilang ng sanggol, at ang isinilang na batang lalaki ay anak nilang dalawa. Ang bagay na ito ay nalaman na lamang niya nang lumaon.
Sa kasalukuyan siya ay isang marketing manager sa isang pagawaan ng mga makina. Wala siyang "girlfriend". Nag-iisa siyang nakatira sa isang maliit na apartment.
Ang mga magulang at kamag-anak niya ay taga-Cebu. Kung ang mnga magulang ay nagkataong sa Maynila nakatira, malamang na siya ay makikitira na lamang sa iisang bahay upang makatipid at magkaroon ng mga kasama sa araw-araw. Nguni’t hindi ganoon ang naging suwerte niya. Siya’y isang matikas, kaakit-akit at matagumpay na junior executive, nguni’t masasabing malungkot ang kanyang buhay, sapagka’t siya’y nag-iisa.
Isang araw ng Linggo ay nagsimba siya sa parokya ng Remedios doon sa Malate. Nagkataong ang misa na kanyang dinaluhan ay magtatampok ng isang kasal. Ang simbahan ay napapaligiran ng mga bulaklak. Ang bukana ng simbahan at pati na ang daraanan patungo sa altar ay nagtatanghal ng pulang-pulang alfombra. Ang mga tao na nakaupo sa harapan ng simbahan ay mararangya ang kasuotan. Maririnig ang simula ng kanta ng koro mula sa itaas ng simbahan na sinasaliwan ng organo.
Mula sa kanyang upuan ay tinatanaw niya ang ikakasal at mga "escorts" nito. Maya-maya ay nakita niyang may huminto na malaking puting-puting Mercedes Benz sa harapan ng simbahan. Bumaba mula sa sasakyan ang ikakasal na babae.
Tiyak ay engrande ang kasal, naisip niya, batay sa pag-aayos sa simbahan na nakita niya, sa dami ng naroroong mga naimbita sa kasal, sa karangyaan ng mga suot ng mga taong naroroon. Mayaman tiyak ang ikakasal!
Pumasok na ang mga 'flower girls", ang "ring bearer", ang mga magulang at mga abay. Sa dako ng altar ay naroroon na at naghihintay ang lalaking ikakasal. Ang "ring bearer" ay isang tatlong-taong batang lalaki na nakatutuwa ang lakad. Makisig na makisig siya sa kasuotang abuhing amerikana na may kulay dilaw na "bow tie".
Maya-maya ay pumasok na ang babaeng ikakasal. Kumikinang sa alindog ang katauhan ng babae. Nakangiti siya at inililigid ang paningin sa mga taong nasa simbahan, habang dahan-dahang lumalakad patungo sa altar. Tila baga sinasabi ng babae, kumusta kayo mga kaibigan at kamag-anak at salamat sa inyong pagdating sa aking kasal.
Nanlaki ang mga mata niya at naramdaman ang pagbilis ng tibok ng kanyang puso. Ang mga tao sa simbahan ay nakatayo habang lumalakad ang mga "escorts" at ang babaeng ikakasal. Pakiramdam niya ay nanigas ang kanyang katawan sa pagkakatayo. Ibig niyang magsalita, ibig niyang gumalaw, nguni’t di niya magawa. Nasabi sa sarili – ang ikakasal, si Consuelo Tan!
Pinilit niya na ang kanyang katawan sy sumunod sa kanyang ipinag-uutos. Ibig niyang lisanin ang lugar na iyon noong ding segundo na iyon. Kung makalilipad nga lamang siya ay lilipad siya.
Katulad nang panahon na sinabihan siya ng tatay ni Consuelo na siya ay lumayo, noong minuto na iyon ay naramdaman niyang muli ang paghahalo ng galit, pagkabigo at paghihimagsik na sumasagitsit sa kanyang puso.
Nakuha niyang makalabas sa simbahan at sa pinaka-plaza nito ay doon naisabog ang isang “Diyos ko po!” habang nakatingala siya sa langit at nakataas ang dalawang naninigas na kamao.
Sa kanyang paanan ay naroroon ang isang "invitation" na nabitawan, marahil, ng isa sa mga bisita sa kasal. Pinulot niya at binasa ang nilalaman.
“Si Consuelo Tan nga.” Natiyak niya.
Ang "ring bearer", napag-alaman niya, ang pangalan ay Ricardo Almario, Jr.
Ang pangalan ng ating bida sa maikling kuwentong ito, Ricardo Almario.
Samakatuwid ay hindi naman pala nalimot si Ricardo. Ang bata, ang kanilang anak ni Consuelo, na dala-dala ang kanyang pangalan, ay katunayan na buhay sa isipan at puso ni Consuelo ang kanyang alaala.
(Photo credit:
http://tws1.ftwmedia.netdna-cdn.com/wp-content/plugins/jobber-import-articles/photos/136401-asian-bride-2.jpg)