
BULAKLAK SA TIGANG NA LUPA
Ni Percival Campoamor Cruz
(Nailathala sa Writings 8 ni Jobo Elizes, Amazon.com: http://www.amazon.com/Writings-Tatay-Jobo-Elizes-Pub/dp/1456438816#reader_1456438816)
. . . “Sa pamamagitan ng masidhing kadalisayan at sanghaya, tayo’y natututong magtagumpay.”
(… “With the same intense purity and fragrance, we are learning to overcome.")
-- Maria Lorena Barros
“Nagkakaroon ng katotohanan at nabibigyang-saysay ang kasaysayan ng buhay ni Maria Lorena Barros.”
(“The life story of Maria Lorena Barrosgained credence and historicity.”)
-- E. San Juan, Jr.
Si Lorena na may hawak na “armalite” at nakikipag-palitan ng putok sa mga sundalong tumutugis sa kanya. Si Lorena na nagtatalumpati at ikinukumpas nang madiin ang kamay sa hangin sa gitna ng isang pulutong ng “cadres”.
Nagtatag at naging puno ng Makibaka, samahan ng mga babae laban sa diktadurya ni Marcos, at sa pamahalaan niyang maka-Amerikano. Namundok nang malaman sa isang tagapaghimatong na dadakpin na siya ng militar. Iyan ang Lorena na inilalarawan sa kasaysayan.
Sumama siya sa mga “taga-labas”, isang hukbo ng mga kabataan na nagpasiyang lumaban sa galamay ng bulok na pamahalaan sa paraang marahas at “underground”. Ang marami sa aktibista ay hindi nilisan ang lungsod at ang pinili na pakikipaglaban ay ang mapayapa at lantarang pakikipaglaban sa kalye kontra sa pamahalaan gamit lamang ang tinig at tapang. Sila ay nasawi – biktima ng malupit na karahasan at pang-aabuso ng militar. Sila’y dinampot, ikinulong, ginahasa, “ti-norture”, o di kaya ay “si-nalvage”.
Iniwan ni Lorena ang isang mapagmahal na mag-anak, ang tahanang tumangkilik sa kanya sapul sa pagkabata hanggang sa siya ay maging isang ganap na dilag. Hindi sila nakaririwasa, nguni’t hindi rin maituturing na mahirap, pinag-aral si Lorena ng kanyang mga magulang sa mahuhusay na paaralan at binigyan siya ng pamumuhay na maginhawa at mapayapa.
Dumating siya sa unibersidad sa isang magulong panahon. Noon ay sumisiklab ang digmaan sa Vietnam at ang pagpapadala ng Pilipinas ng sundalo sa Vietnam ay naging malaking sigalot; di dapat tumulong ang Pilipinas sa pakikialam ng Amerika sa Vietnam, paniniwala ng mga aktibistang kabataan. Kasabay nito ay ang palabas ni Marcos na ang mga aktibista ay kasangkapan ng mga komunista at sinimulan niya ang paggamit ng pananakot at dahas laban sa mga kabataang sumasalungat sa kanya gayong ang katotohanan sa likod ng pagpapairal ng kamay na bakal (ang “martial law”) ay upang siya ay manatili sa kapangyarihan.
Umusbong ang sari-saring samahan at kilusan ng mga kabataan, ng mga magbubukid at manggagawa, na ang pakay ay gisingin ang isipan at damdamin ng taong-bayan tungo sa pagsalungat sa diktadurya ni Marcos at sa maka-imperyalismong pakikialam ng Amerika sa Pilipinas.
Sumapi si Lorena sa samahang aming itinatag, ang Sanduguang Kayumanggi. At dito unang namulat ang kanyang isipan sa mga palatuntunang makabayan. Naging matapat din siyang kasapi ng Bertrand Russell Foundation, ng SDK (Samahang Demokratiko ng Kabataan), at ng KM (Kabataang Makabayan), nang maglaon.
Sumama si Lorena sa maraming “demonstrations” at “rallies” sa kalsada, sa Malacanang at sa U.S. Embassy. Narinig niya ang mga mapaghimagsik na talumpati nina Jose Maria Sison at Jose David Lapuz; nakita niya ang sigla at tapang ng mga babae at lalaking kaedad niya na walang takot na nakikipagtuos sa mga armadong pulis at militar gayong hawak nila ay mga “placards” at bandila lamang. Ang mga matataginting na tinig na humihingi ng pagbabago sa pamahalaan at lipunan na narinig niya, ang init ng paninindigan na nakita niya sa kanyang kapuwa estudyante, ay nakaantig sa natutulog na damdamin ni Lorena. Bukod dito ay nananalaytay pala sa kanyang ugat ang dugo ng mag-anak na hiyang sa pagre-rebelde. Ang kanyang lolo ay isang Katipunero at ang kanyang ina mismo ay dating miyembro ng Hukbalahap.
Ang tagasunod ay naging lider. Binuo niya ang isang samahan, ang Makibaka, upang ang kilusang makabayan ay makaakit ng mga babae, upang magkaroon ng daan ang kanyang naging mataginting na ring tinig, matapos na mahasa kay Joma at iba pang lider ng kilusan. Naging matalas at mapusok ang kanyang panulat. Sinulat ni Lorena ang ganitong paniniwala:
“Mayroon tayong makalumang pag-iisip na ang babae ay pang-tahanan lamang – ina ng mga bata, taga-luto sa kusina, kasiping sa banig . . . mahahalaga ang mga nasabi at dapat na ipagpatuloy, nguni’t sana ay maidagdag sa mga tungkulin ng babaeng Pilipino ang pakikiisa sa kilusang makabayan.” (Isinalin sa Tagalog ng may-akda.)
(“We are suffering from a feudal sense of values in which women are considered adjuncts of the home — for the children, for the kitchen and for the bed…We are not trying to put down these traditional roles, we just want more active involvement from the Filipino women.”)
Sa pananaw ni Lorena, kailangang lumitaw ang katangian ng bagong Filipina.
“Ang babae ng bagong panahon, ang bagong Filipina, unang-una ay isang militante. . . At sapagka’t sa mga siyudad ang pagsali sa mga protesta ay nangangahulugan ng pagmamartsa at pag-ilag sa mga batuta ng pulis, pag-iwas sa mga yari sa likuran na molotovs. . . husay sa pagdapa sa lupa kapag ang mga pulis ay nagpapaputok na. . . ang bagong Filipina ay siyang marunong magdala sa kanyang sarili sa ganyang mga pangyayari sa paraang may dignidad at makakukumbinsi sa mga lalaking kasamahan na hindi niya kailangan ang tulong, pakiusap l’ang.
“Ang bagong Filipina ay kayang makisama sa mga nag-i-strike na manggagawa nang kahi’t ilang araw o gabi, pumulot ng dunong sa kanila na hindi niya napag-aralan sa mga eskwelang burgis. . . at higit sa lahat, mahalaga ang nakukumbinsi niya ang kanyang mga magulang na tama ang kanyang pagtulong sa mga manggagawa at magsasaka. . . isang pagtulong na humihingi ng mga husay at katangian na naiiba sa katangian ng pangkaraniwang babae. . . Siya ay isang babae na nakatuklas na may higit na magiting at malawak pa na pananagutan, isang babae na may pangako sa kasaysayan. . . hindi na siya ang babae na pangkasal lamang, kundi isang babae na panglaban.” (Isinalin sa Tagalog ng may-akda.)
(“The new woman, the new Filipina, is first and foremost a militant. . . And since in the cities, participation in protest marches means not only marching but also dodging police truncheons, evading precinct produced molotovs...expertise is hitting the ground whenever and whatever pig force starts firing. . . the new Filipina is one who has learned. . . to carry herself in these situations with sufficient ease and aplomb to convince the male comrades that they need not take care of her, please.
(“The new Filipina is one who can stay whole days and nights with striking workers, learning from them the social realities which her bourgeois education has kept from her. . . More important this means she has convinced her parents of the seriousness of her commitment to the workers and peasants cause. . . a commitment which requires all sorts of behavior previously way beyond the bounds of respectable womanhood. . . She is a woman who has discovered the exalting realm of responsibility, a woman fully engaged in the making of history... No longer is she a woman-for-marriage, but more and more a woman-for-action.”)
Nakilala namin si Lorena sa larangan ng paghihimok sa mga estudyante na sumapi sa samahang makabayan. Bumubuo kami ng mga pulong na ang pakay ay ang malinawan ng mga estudyante ang kahalagahan ng pakikibaka. Tahimik si Lorena at may pagkamayumi. Hindi siya ang masasabing may lakas ng loob na magtalumpati; datapuwa’t malinaw at may paninindigan ang kanyang panulat, kung kaya’t sa paraan ng pagsulat ng mga kalatas, paliwanag, at tula naiukol ang kanyang galing. Naiiba siya sa aming mga nakasabay na babae sa unibersidad. Napaka-mapagkumbaba niya, karaniwan ang pagbibihis at pag-aayos sa mukha. Mahaba at maitim ang kanyang buhok na lagi ay nakalugay lamang. Gumagamit siya ng salamin sa mata na makapal at maitim ang “frame”, na nagkukubli sa kanyang likas na kagandahan. Kaakit-akit ang kinis ng kanyang pisngi at balat; nangungusap ang kanyang mga mata.
Sa aking paningin, noon, si Lorena ay isang matipunong halaman na pinagpala ng mapagtangkilik na kamay at dinilig ng pag-ibig - hiyas na iningat-ingatan ng kanyang mga magulang - hanggang sa siya’y humantong sa sapat na edad at maitanghal na isang diwata na nang humarap sa lipunan; kawangis niya ang namumukadkad na bulaklak – ang maputi, dalisay at mabangong buko ng halaman - na handa nang mahangaan at magpa-angkin sa sino mang may dangal at tapang.
Di ko malilimot ang isang gabi ng Oktubre nang napag-isa kami sa “campus” ng unibersidad, matapos ang tradisyonal na “Hay Parade”. Inialay ni Lorena ang isang tula na siya ang may-katha na ganito ang ipinahahayag:
“Sariwa, maputi at kaaya-aya
Ang mga talulot ng bulaklak.
Lumalakas ito at dumidilag sa
Biyaya ng araw at ng hamog sa gabi.
Maluluoy ito
At sapagka’t natunghayan mo na ang kanyang ganda,
Sulit na ang kanyang pamumukadkad
At di mapipigil na pagkalagas.”
Bulaklak ang naging paboritong talinghaga ni Lorena na paulit-ulit na binabanggit sa kanyang mga tula at panitik. Palibhasa’y musmos pa noon sa Kaparaanan ni Kupido, at bingi at pipi sa talinghaga, hindi nasuklian nang tama ang damdaming noon, marahil, ay nag-aapoy sa dibdib ni Lorena. Nawala na lamang siya at sukat na walang paalam, at nang mabalitaan namin ay nasa piling na siya ng mga militante na naninirahan sa kabundukan at bukirin. Ibinuhos niya ang kanyang pag-ibig sa larangan ng pakikibaka. Siya’y naging guro, makata, mandirigma, at hiyas ng New People’s Army (NPA).
Wika niya sa isang kalatas: “Ano ang isang ina? Mayamang hapag ng gutom na sanggol. Kumot sa gabing maginaw. Matamis sa uyayi. Tubig sa naghahapding sugat…Ngunit ano ang isang makabayang ina? Maapoy na tanglaw tungo sa liwayway. Sandigang bato. Lupang bukal ng lakas sa digma. Katabi sa laba’t alalay sa tagumpay ang ina ko.”
Sa kanyang mga kasamahan sa larangan ay ito ang kanyang naging papuri:
“Sampagita
Ngayong umaga iniabot ni Totoy
ang buko ng isang bulaklak
at habang tinitingnan ko ito ay naaalaala kita, Felix,
aking mahal na kaibigan at komrad
at pati na ang matatapang na anak
ng ating nagdudusang bayan
na ang pagkamatay
ay pinatatalas ang ating mga gulok
at pinahuhusay ang asinta
ng ating mga bala.
Kawangis ng puting buko
ay ang ating mga bayani
na humahalimuyak ang pag-ibig
sa bayan at kababayan
na ang sinag ay di pa lubos na sumasabog.
Hindi kalungkutan ang kanilang magiging monumento
hinampas at nilatigo nang husto
ng mga bagyong dala ng bomba
hindi baga mamumukadkad
ang lupaing Asyano.
Tingnan ang pamumukadkad
ng bawa’t hanay ng matatapang
sa kawalan ng tapang
sa pamamagitan ng masidhing kadalisayan at sanghaya,
tayo’y natututong magtagumpay.”
(Isinalin sa Tagalog ng may-akda.)
( “Sampaguita
This morning Little Comrade
gave me a flower’s bud
I look at it now
remembering you, Felix
dear friend and comrade
and all the brave sons and daughters
of our suffering land
whose death
makes our blades sharper
gives our bullets
surer aim.
How like this pure white bud
are our martyrs
fiercely fragrant with love
for our country and people
With what radiance they should
still have unfolded.
But sadness should not be
their monument
whipped and lashed desperately
by bomb-raised storms
has not our Asian land
continued to bloom.
Look how bravely our ranks
bloom into each gap
With the same intense purity and fragrance
we are learning to overcome.”)
Nagpatuloy ang takbo ng piniling buhay at kapalaran ni Lorena. Nagkaroon siya ng isang anak na lalaki. Aking mahihinuha na lagi siyang nagkukubli, pagala-gala, nagtitiis sa mahirap na buhay, alang-alang sa Inang Bayan. Di alintana ng mga bayaning katulad ni Lorena ang paghihirap na dinadanas ng katawan; ang higit na mabigat na pasanin, sa kanilang pakiramdam, ay ang alalahanin ng puso na kung sino pa ang nagmamahal sa bayan ay sila pang tinutugis at lumilitaw na masama; samantalang ang mga makasarili ang iniluluklok sa trono ng kapangyarihan upang ang bayan ay pagnakawan, pagkaitan ng kaunlaran at ng tunay na demokrasya. Ang alalahaning ito ay tila balaraw na madiin at walang patid ang pagkakaturok sa kanilang puso.
Noong ika-dalawampu’t apat ng Marso, 1976, nagkaroon ng pagsasagupa ang pangkat ni Lorena at ng isang pangkat ng mga sundalo. Inutusan ni Lorena na ang kanyang mga kasamahan ay lumikas na, patungo sa kabundukan, at nang sila’y hindi na mapahamak. Naiwan si Lorena sa kanyang dampa at nakipagtuos hanggang sa siya ay masukol at mapatay ng mga hungkag na sundalo. Siya’y dalawampu’t walong Tag-init pa lamang nang sumakabilang-buhay sa Sinapupunan ni Bathala.
Si Maria Lorena Barros - sariwa’t dalisay na bulaklak, na matayog ang tindig at di natatakot sa panganib, ginapi siya ng apoy ng araw at init ng tigang na lupa – isa siyang bulaklak na humamon sa araw at tigang na lupa at naluoy bagama’t ubod nang tapang.
Sa kamatayan ay ipinagdiwang ng mga pantas ng himagsikan ang tagumpay ni Lorena. Sa dalawang tula ni E. San Juan, Jr. ay matutunghayan ang ganitong pagdadakila sa kanya:
“MARIA LORENA BARROS, PUMUPUTOL SA ALAMBRE’T REHAS (2009)
Kahit pumalaot na, lumalatay pa rin sa gunita:
24 Marso 1976 nang dakpin ng mga sundalo ng diktaduryang U.S.-Marcos.
Nang di mapiga ang tugon—walang tainga ang baril--pinaputukan ang ulo
bago sumubsob sa pampang ng “lupa ng araw, ng luwalhati’t pagsinta.”
Pahabol ng mga kaibigan: “Mababasag na ang bungo subalit hindi siya sumuko.”
Naakit ngunit ipinagkait. Kung maari, kahit di akalain, marahil.
Ano pa ang maidadagdag sa talang naibigay ni Maita Gomez?
Mahapdi ang dagok— Iadya mo, Birheng nagpupumipiglas mapanghas--
Sukat nang hagkan ang barbed wire na pumulupot sa katawan.
Di lamang tumalon ang babae (sabi ni Joi Barrios) sa “alambreng nakasabit…”
Isaisip ang nangyari kay Expedito Albarillo, saksi ang anak na si Adel--
dinurog ang katawan—di raw sinasadya--walang patawad ang mga hayup, di biro.
Sa gubat ng Mindoro, maamo ang lobong gutom. Bagamat di bawal.
Naakit ngunit ipinagkait. Kung maari, kahit di akalain, marahil.
Subsob na’t nakalupasay, iuumang pa ang dibdib sa bayoneta ng tadhana.
Mayuming gunita, sumakandungan ang armas mo. Iadya mo kami.
Mapagkandiling diwa, itayo ang katawang nalugmok.
Inang sumabog, nadurog.
Nakalatay sa budhi: ang ating kaligtasan ay nasa ating pagkilos.
Marsong walang katapusan, Abril, Mayo…
Kinalawang na alambreng putol.
Bakit di maari? Sa bawat hakbang natin nayayari ang landas
kung saan bumabagtas
at sumasalubong
ang nakabukang bisig ni Lori.”
“ANG TAGUMPAY NI MARIA LORENA BARROS (1983)
Punglong sumabog--
Simbuyo ng paghihimagsik!
Ipinagkaloob mo ang iyong metalikong kaluluwa
sa dapog ng Rebolusyon.
Di kailangan ang uling ng pagdadalamhati
Di dapat mamighati
Tilamsik ng dugo!
Sa sugatang himaymay ng iyong dibdib umapoy, sumigid
Ang umaasong adhika:
Kaluluwa mo'y masong dudurog sa tanikala ng kadiliman.
Sumagitsit, napugnaw--
Sa lagim ng iyong pagkatupok, titis ng hininga mo'y
Di tumirik, di nagsaabo....
Ang pasiya mong lumaban
Ay nagbagang tinggang umagnas, lumusaw sa anumang balakid.
Kailangang magpatigas,
Dapat maging bakal--
Hindi ginto o pilak--
Ang kaluluwa upang sa sumusugbang lagablab
ng pag-usig sa kabuktutan
Pandayin ang katawan ng ating pagnanais
Pandayin ang pinakamimithing kalayaan
Pandayin ang liwanag ng kinabukasan.”
Sa isang sanaysay, naitampok ni Renato Redentor Constantino, ang luklukan ni Lorena sa pahina ng kasaysayan:
“Si Lorena ay supling ng kanyang pamilya at anak ng kanyang bayan – natatampok na puno, ayon kay WH Auden, nakatindig sa madilaw na lupa at nakakiling sa bangin, na di alintana ang pagkahulog. Ilang dekada na ang nakalilipas, habang nasa panig ng mga guerilla at nakikipaglaban sa diktadurya ni Marcos, sinabi sa sulat ni Laurie sa isang kaibigan na ibig niyang matutuhang muli ang kahulugan ng pag-ibig. ‘Nasisilaw ako,’ sabi niya, nasisilaw siya sa sinag na nanggagaling sa mata ng taong kanyang minahal. ‘Di na ako nadala,’ patuloy niya, at marahil ay nakangiti siya nang wakasan ang sulat – ‘Hindi ko matutunang huwag masunog na muli. Noong umaga nang Marso 24, 1976 ang nagliliyab na hagupit ng martial law ni Marcos ay tumupok sa kanyang katawan.” (Isinalin sa Tagalog ng may-akda.)
(“Lorena Barros was a child of her family and a daughter of her people -- a single tree, as WH Auden wrote, shooting out from fallow ground and leaning out far over a cliff, contemptuous of the precipice. Decades ago, fighting the dictatorship from the guerilla zone, Laurie wrote a letter to a friend about learning all over again what love means. ‘Nasisilaw ako,’ she wrote, blinded by the eyes of the person whom she had come to embrace. ‘Di na ako nadala,’ wrote Laurie, ending her letter probably with the flourish of a secret smile – ‘I have not learned to keep from getting burned again.’ On the morning of March 24, 1976 the martial flood of the Marcos regime engulfed her body.”)
At sa panulat ni Bienvenido Lumbera:
“Ang mga Lorena
Noong tumakas ka sa Ipil Rehabilitation Center
asul-marinong T-shirt ko ang suot mo
(kailangan, wika mo, upang lumangkap sa gabi
ang hubog at galaw mo)
at kaming naiwan sa loob
ay nakisalo na lamang
sa layang nagdala sa iyo
sa gubat parang baryo bayang
malaya mong kinilusan,
at tuwing humaharap ka sa kaaway,
sumasanib sa masang inuugnayan,
kasama mo kaming iyong naiwan.
Nang ibaba sa Maynila ang iyong bangkay,
doon sa kasukalang iyong binagsakan
naiwan kaming naghihintay
na ikaw ay muling mabuhay.
Maglalabimpitong taon na iyon.
Tinulaan ang tapang mo
ng marami nang makata natin.
Ginawa kang bayaning nakabaril
sa dalawa nang dula.
Sinikap talagang buhayin ka
ng hindi na mabilang na mga salita,
at ang mga piraso ng talambuhay mo
at pinagtagni-tagni ngayon
ng kapwa mo babaeng nakatanaw
sa naglililang bukang-liwayway--
binibihisan ang walang kibong martir
at nakatihayang puta
(ganyan daw ang palad ng babaeng Pilipina)
ng bulaklaking blusa ng inang kadre
at pantalong parasyut ng pulang mandirigma.
Subalit walang sariling talino ang mga salita--
tulak lang sila ng taong
pira-piraso ang alam.
Kaya’t heto—sinukat ka’t tinabas
tinupi’t nililip,
at ang Lorenang lumabas
ay blusang pitis pantalong maluwag.
Ngayo’y Lorena ka
iba’t ibang guni-guni--
Lorena ng tibak
Lorena ng burges na intelektwal
Lorena ng makatang kababaihan
Lorena ng kumakalag sa gapos ng kumbensyon
Lorena ng magsasaka sa Timog Katagalugan
Lorena ng mga mandirigma
Parang sinulid ng manghahabi
ang mga salitang nagsasanib-sanib
dumurugtong sumisingit bumubuhol
hanggang mahabi ang mga larawang
ilalatag sa kalawakang naiwan
ng hubog mo at galaw
na sa sang-iglap ay binura
ng nag-unahang bala.
Ikaw at hindi ikaw
ang mga larawang
nakalulan sa talumpati
nakasabog sa pahina
nakadikit sa pader.
Pero huwag mo na kaming gimbalin,
huwag nang iharap
ang Lorenang walang-labis-walang-kulang.
Hindi namin kailangan iyan.
Sapat nang minsa’y isang magiting na babae
ang nanalig na, sa bukas na darating,
lalaya, magpapalayaan
ang babae at lalaki,
at di na makapaghintay,
tinawag ang kapwa babaeng nagpupuyos naiinip,
ginising ang mga abenyu bulibard liwasan,
at sa umaapoy na sigaw,
pinagbaga ang silangan,
sama-sama, isinabog ang umaga--
“Makibaka!”
Siya
ang mga Lorena.”
(Isinalin sa Tagalog ng may-akda.)
“All the Lorenas
When you escaped from the Ipil Rehabilitation Center
you wore my navy blue t-shirt
(I need it, you said, so my body will blend with the dark)
And we who stayed behind
partook of the freedom that took you
to the jungle like freedom village
where you lived.
And in every encounter against the enemy
we, who you left behind,
united with the masses
and fought with you.
When your body was brought down to Manila,
there in a decrepit dropping place
you left us waiting
till you resurrected.
Almost seventeen years have passed.
Many of our poets
have written poems about your bravery.
Depicted you in already two plays
as an armed heroine.
The women expectant of a purple dawn
have tried to make you come back
through different expressions
like recreating bits and pieces of your life story
in a quilt --
dressing up a quiet martyr
and a prostitute waiting in bed
(such, it was said, was the fate of the Filipina)
in the flowery blouse of a cadre
and the parachute pants of a red warrior.
But words have no mind of their own -
they only come out of the mouth
of people who know nothing.
Hear now — measured and cut
folded and basted,
the Lorena that came up
was a tight blouse and loose pants.
Now you are Lorena
of different interpretations --
Lorena of the soil
Lorena of the bourgeois intellectual
Lorena of the women poets
Lorena of the free from the chain of conventions
Lorena of the farmers in Southern Tagalog
Lorena of the warriors
The words being put together
simulate the thread of a weaver
extending inserting knotting
until the images created of you
are laid down
on the spot you occupied
and quickly erased
by racing bullets
The image
carried in speeches
splashed in the pages
posted on the wall
are you and not you.
But stop bothering us,
don’t show us
the Lorena, who is more or less she,
We don’t want that.
It is enough that once a great woman
believed that, in the coming days,
women and men will be free,
will free each other,
cannot wait,
she woke up the women who were half-awake, bored,
roused up the avenue boulevard park,
and with a fiery voice,
set the east on fire,
together, dispersed the morning --
“Fight!”
She
were the Lorenas.”
Ang kanyang kaisa-isang anak ay kawal din ng bayan, marahil, na nakikipagtugisan sa kalaban hanggang sa sandaling ito. Umiiwas na madakip o di kaya ay mapatay ng mga sundalo, nagkukubli sa anino ng mga punong-kahoy sa bundok, nagpapanggap na karaniwang magbubukid, at nagiging mabangis na mandirigma kung may pagkakataong gamitin ang “armalite” ni Lorena. Ang mga makabayan na kanilang kinabibilangan at ang maka-pamahalaan na kanilang kalaban ay tuloy-tuloy ang sagupaan, at magpapatuloy ang ganitong kalagayan hanggang sa magkaroon ng galing ang lipunan na baguhin ang kanyang sarili.
Si Lorena, na sa panahon ng pagpapahinga bilang matapang na kawal ng bayan, ay bumababa ng bundok at namumuhay bilang karaniwang ina sa mata ng mga kanayon. Si Lorena na larawan ng katigasan, ng puspusang pag-aalay ng sarili sa isang dakilang simulain. Hindi ko maubos-maisip na ito ang Lorena na aking naging kaibigan. Hindi ko akalain na ang nakilala kong mahiyain na Lorena ay ang mandirigma at bayani.