ANG KAKAIBANG KATANGIAN NG TIYANAK
Ni Percival Campoamor Cruz
(Nailathala ng Asian Journal San Diego noong Enero 14, 2011):
http://www.scribd.com/doc/46878408/Asian-Journal-January-14-2011-issue
Nawala ang ina na kasisilang pa lamang ng sanggol. Nagulo ang maternity ward ng ospital. Ang mga narses at helpers ay naging balisang-balisa sa paghahanap sa pasyenteng hindi pa man nakapagpapahinga nang sapat ay lumabas na nang walang paalam. Naulinigan ng ibang ina sa ward ang nangyari at sila ay nagkaroon ng ligamgam.
Umiiyak ang sanggol na iniwan ng ina; nilapitan siya ng isang nars upang payapain. Binuhat ang sanggol mula sa kuna at kanyang niyakap ang bagong silang at isinayaw-sayaw pa. Nagimbal ang nars nang maramdaman na ang sanggol na salo sa kanyang bisig at nakadantay sa kanyang dibdib ay biglang lumaki at bumigat. Itinulak niya ang sanggol papalayo sa kanyang katawan at ibig na ihagis o ihulog iyon nguni’t ang mga kamay nito ay nakasakal na sa kanyang leeg. Nakita niya ang sanggol na nag-iba ang anyo, nagkaroon ng balahibo ang mukha at mga bisig, nanlilisik ang mga mata, at naging matutulis ang mga kuko. Hindi man lamang nakasigaw ang nars; nang matagpuan siya ay nakahandusay na sa sahig, dilat ang mga mata, duguan, at wala nang buhay. Ang mukha at dibdib ng nars ay tila karne sa tadtaran na hiniwa-hiwa ng kutsilyong matalim.
Hindi kaagad maipaliwanag ng mga pulis kung ano ang totoong naganap. Nawala ang nagsilang na ina at nawala rin ang isinilang na sanggol na, ayon sa sabi-sabi, ay siyang pumatay sa nars.
Samantala, sa nayon ng Lagrimas ay kadarating pa lamang, sakay ng isang tricycle, ang isang babaeng nakalugay ang buhok at tila pagod sa paglalakbay. Habang bumababa ang babae mula sa tricycle ay pasakay naman sa sasakyan ding tinuran si Father Robert. May ilang taga-nayon ang nakapaligid kay Fr. Robert. Nagbibigay sila sa pari ng pasasalamat at magandang hangarin na siya sana ay magkaroon ng mahinahong paglalakbay at magandang kapalaran sa susunod na tungkulin. Nagpasiya ang puno ng simbahan sa probinsyang kinabibilangan ng Lagrimas na isara na ang maliit na kapilya sa nasabing nayon. Kakaunti ang tao sa Lagrimas at lalong kakaunti ang tumatangkilik sa kapilya.
Sa malayo ay nakatanaw mula sa bintana ng kanyang kubo ang arbolaryo ng nayon, si Tata Pepe.
“Gunding, paalis na ang pari,” sabi sa asawa. “Natuloy ang pagsasara sa kapilya. Natitiyak kong malaya nang makapaglalaro ang mga masasamang espirito.”
“Mahabaging Birhen ng Lagrimas! Huwag naman sanang mangyari, Pepe. . .” sagot ni Gunding.
Nang gabing iyon ay malakas ang hihip ng hangin. Tila may namumuong sama ng panahon; marahil ay padating ang isang bagyo. Naririnig ng mag-asawang Pepe at Gunding ang pinto ng kapilya na humahampas sa dingding gawa ng malakas na hangin; naiwan ni Father Robert ang pinto na hindi mahigpit ang pagkakasara.
“Pepe, halika’t ikandado natin ang pinto ng kapilya,” paanyaya ni Gunding sa asawa.
Agad na tinahak ng mag-asawa ang landas patungo sa kapilya. Inabutan nila ang pinto na hindi mapatigil sa bukas at sara dahil sa malakas na hihip ng hangin. Maingay ang salpok nito sa pader at nakagagambala ang langitngit ng mga kalawanging bisagra nito. Madilim sa kapilya nguni’t naaninag ng mag-asawa ang estatwa ng birhen sa may dako ng altar. Malamang na ang estatwa ay mahuhulog sa lupa at mabibiyak kung magpapatuloy ang pag-uga dito ng malakas na hangin.
“Pepe, iuwi muna natin ang birhen habang sarado ang kapilya at habang walang pari na nag-aalaga.”
“Ikaw ang bahala, Gunding.”
At makikita sa kadiliman ang mag-asawa na buhat-buhat ang imahen ng birhen habang sila’y maingat na naglalakad pabalik sa kanilang bahay; makikitang pinapagpag ng hangin ang kanilang kasuotan at balabal. Mula sa malayo ang nakatatakot na atungal ng aso ay maririnig.
Sa isang bahay-kubo ay magkasalo sa hapunan ang isang mag-ina: sina Ka Dolor at Veronica. Dumating galing sa Maynila ang huli, anak na babae ni Ka Dolor, nang hapong iyon. Nagpasa-Maynila si Veronica upang doon mag-aral sa kolehiyo. Ang kanyang pagdating sa nayon ng Lagrimas na walang pangunang balita ay ikinagulat ni Ka Dolor.
Maganda si Veronica. May kaitiman ang kulay ng balat at napakaamo ang mukha. Humigit-kumulang ay dalawampu’t limang taong gulang siya. Balingkinitan ang kanyang katawan at katamtaman ang taas. Ang palatandaan sa kanya ay ang maliit na nunal sa mukha na nasa may ilalim ng kanyang kaliwang mata. Ayon sa kanyang ina, siya’y ipinaglihi sa Birhen ng Lagrimas, imahen ng Ina ni Kristo na may patak ng luha sa kaliwang mata – ang patron ng nayong Lagrimas, ang imaheng inilikas ng mag-asawang Pepe at Gunding mula sa isinarang kapilya patungo sa kanilang bahay.
Nararamdaman ni Ka Dolor na may problema ang anak na babae. Tila siya pagod at balisa.
“Babalik ako sa eskwela, Inang, makalipas lamang nang ilang araw. Sinamantala ko na mabisita kayo habang nakabakasyon ang mga estudyante,” pahayag ni Veronica sa ina.
“Salamat naman, anak, at nakaalala ka. Bukas ay makapapasyal tayo sa parang. May mapipitas pang mangga . . . Sana nga lamang ay hindi sasama ang panahon,” sabi ni Ka Dolor.
Malamang na hindi matutuloy ang binabalak ni Ka Dolor na pamamasyal sa bukid. Nang gabi pa lamang na iyon ay malakas na ang hangin at may maririnig na kulog sa kalayuan, kapuwa pagbabadya na may unos na dumarating.
Nguni’t higit na balakid kaysa panahon ang naganap nang gabing iyon. Sa kalagitnaan ng gabi ay nagising si Ka Dolor sapagka’t narinig niyang umuungol si Veronica. Pinuntahan niya sa silid ang anak at sinabihan ng: “Veronica, Veronica, gising!”
“Lumayo ka sa akin,” sabi ni Veronica sa boses na malaki at nakapagpapatayo ng balahibo.
Tila wala sa sarili si Veronica. Nakangiwi ang kanyang bibig, dilat nguni’t nakatirik ang mga mata. Hindi maintindihan kung siya ay tulog o gising. Namimilipit siya sa higaan.
“Huwag kang makialam!” salitang lumabas sa bibig ni Veronica na ang tinutukoy ay ang ina. “Huwag kang lalapit!”
Nahintakutan si Ka Dolor sa nakita at narinig nguni’t pinilit pa rin niya na mayakap ang anak. Nadama niya na mainit ang katawan ni Veronica. Nagpumiglas si Veronica sa pagkakayakap at itinulak ang ina. Pambihira ang lakas ng pagkakatulak, humagis ang ina at bumangga sa dingding ang kanyang likod.
Litong-lito si Ka Dolor sa nangyayari. Ang naisipan niyang gawin ay puntahan kaagad si Tata Pepe upang humingi ng tulong.
Nang makita ni Tata Pepe ang kalagayan ni Veronica ay alam na niya kung ano ang nagaganap. Agad siyang nagdasal nang malakas at inilantad sa harap ni Veronica ang isang kurus. Matapos ang ilang sandali ay namayapa si Veronica at nakatulog muli.
“Sinapian siya ng masamang espirito, Ka Dolor. Hayaan n’yo siyang makapagpahinga at sa umaga ay babalik ako at mag-uusap kami ni Veronica nang masinsinan,” pasubali ni Tata Pepe.
May isa pang tao, isang dayo, na kadarating din sa nayon ng Lagrimas. Siya si Balthazar, isang sekreta o tiktik (detective/investigator) mula sa Manila Police. Siya ang naatasang magbigay linaw at kalutasan sa kalagim-lagim na pagkakapatay sa nars sa ospital. Hinuha ni Balthazar na may kinalaman sa krimen ang babaeng nagsilang ng sanggol bago biglang nawala. Napag-alaman niya na ang babaeng nagsilang ng sanggol at nawala ay taga-Lagrimas. Iyon ang dahilan kung bakit siya ay nasa nayon na iyon.
Hiniling ni Tata Pepe kay Ka Dolor na lumisan panandalian upang sila ni Veronica ay magkaroon ng malayang pag-uusap. Ipinagtapat ni Veronica kay Tata Pepe ang buong katotohanan:
Minsang siya ay nag-iisa sa kanyang silid sa dormitoryo ay may nakapasok na lalaki na hindi niya alam kung saan nagdaan, sapagka’t hindi naman bumukas ang pinto. Inakit siya sa pamamagitan ng magagandang salita at kung anong uri ng panggagayuma na nagpawala sa kanya ng lakas na lumaban. Ni hindi siya nakasigaw sapagka’t siya’y nasa pagitan ng isang panaginip at pagiging gising.
“Tata Pepe, nailugso ang aking puri ng lalaking di ko kilala at sa aking panghihina ay hindi ko naipagtanggol ang aking sarili,” salaysay ni Veronica na may mga luhang nagpupumiglas sa kanyang mga mata. . . “At paglipas ng sapat na panahon ay nagsilang ako ng isang sanggol. Hindi ko matanggap na angkinin ang bata. Kung kaya’t iniwan ko sa ospital. May ilang gabi bago nangyari ang pagpasok ng lalaki sa aking silid, ako’y nagkakaroon ng masasamang panaginip. Ibig kong gumising at sumigaw nguni’t di ko magawa. Init na init ang pakiramdam ko at tila may yumuyugyog sa aking katawan. . .”
Pinayuhan ni Tata Pepe si Veronica na isuot sa kanyang leeg ang isang rosaryo na sa may dulo nito ay may nakasabit na kurus. “At sa tuwing may mararamdaman ka na ligamgam na magpapatayo sa iyong balahibo ay dasalin mo ang orasyon na ibinigay ko sa iyo.”
“Sana po Tata Pepe ay di malaman ng Inang . . .”
Pagdating ni Tata Pepe sa kanyang kubo ay naroo’t naghihintay ang isang mataas na lalaki na maputi at makinis ang balat – mapagkikilatis na ang lalaki ay taga-siyudad. Matipuno ang pangangatawan at may bigote. “Ako po si Tenyente Balthazar, tiktik mula sa Manila Police Department,” pagpapakilala kay Tata Pepe ng di inaasahang panauhin.
Dagdag pa niya, “May sinisiyasat po akong kaso at sa pagtatanong ko sa mga taga-rito ay napag-alaman kong kayo pala ang sanggunian ng mga taga-rito. Hinahanap ko po ang isang babaeng nagngangalang, Veronica dela Paz.” At isinalaysay ng tiktik ang krimen na naganap sa Calalang General Hospital sa Maynila.
“Sa akin pong palagay ay si Veronica dela Paz ang salarin. Paano pong ang isang kasisilang na sanggol ay maaaring pumatay sa isang nars?” tuwirang ipinagtapat ng tiktik.
“Hindi mo nalalaman kung ano ang Tiyanak. Ipaliliwanag ko sa iyo: Nasa ating paligid ang iba’t ibang uri ng espirito. Magkaminsan ay naghahangad ang mga espirito na maranasan ang pagkakaroon ng katawang-tao. Ang sinasabi mong Veronica ay hinalay ng isang makapangyarihang espirito at nagpunla ng sanggol sa sinapupunan ng nasabing kaawa-awang birhen. Tiyanak ang tawag doon sa mga ipinanganganak ng nilalang na babae na ang pinagmulan o ang “ama” ay masamang espirito. Anyong sanggol sila at nagagaya ang iyak ng sanggol kung kaya’t nakaaakit ng tao at pagkatapos ay nag-iiba ang anyo – lumalaki ang katawan, humahaba ang mga kuko, nagkakabuhok na tila buhok ng baboy, kumukulubot ang balat, nagkakapangil at nagkakaroon ng pambihirang lakas. Nakalalakad sila nguni’t maikli ang isang paa at kung mamalasin ay katulad sila ng matandang lalaking iika-ika kung lumakad. Maaari din namang ang Tiyanak ay nasa sinapupunan ng isang ina na namatay bago siya magsilang. Pagkalibing sa inang namatay ay nakalalabas sa pagkakabaon sa lupa ang ibig magka-katawang tao na espirito na kung tawagin ay Tiyanak nga.”
Tila namangha si Balthazar sa isinalaysay ng kausap na arbolaryo. Iniisip niya kung ang kausap ay totoong may nalalaman sa mga sinasabing kababalaghan sa mundo o malikot lamang ang kanyang pag-iisip at ang mga bagay na kanyang kapapaliwanag ay kathang-isip lamang.
“Bale wala ang baril mo, kaibigan, sa Tiyanak o sa makapangyarihang espirito. Kung ibig mong ipagpatuloy ang iyong pagtigil dito sa nayon at sa iyong pagsisiyasat ay makabubuting humanap ka ng bala ng baril na yari sa pilak. Narito ang isang supot na bawang – takot ang Tiyanak sa bawang – at, tandaan mo, sila’y mapapatay mo lamang sa pamamagitan ng punglo na pilak,” payo ni Tata Pepe.
Nagpaalam bigla ang tiktik at mahahalatang ito ay pinapawisan at nagmamadali sa paglisan. Sa di kalayuan ay itinapon niya ang supot ng bawang na ibinigay sa kanya ni Tata Pepe.
Babalik na sa Maynila si Veronica nang kinabukasan kung kaya’t nang gabing iyon ay naisipan niyang sumaglit sa kapilya upang magbigay-galang sa Birhen ng Lagrimas. Malaking sorpresa sa kanya na ang kapilyang nadatnan ay bukas ang pinto, madilim, at nagkalat sa sahig nito ang mga nilipad na dahon mula sa labas. Nguni’t pumasok pa rin siya, lumuhod sa may altar, at nagdasal.
Sa di kaginsa-ginsa ay may humablot sa kanyang mga kamay at hinatak siya patungo sa isang poste ng kapilya. Ipinaikot ang kanyang mga braso sa poste bago kinabitan ng posas ang kanyang mga kamay.
“Ngayon ay hindi ka na makatatakas pang muli, Veronica,” sabi ng lalaking di pa naaaninag ng bihag kung sino dahil sa madilim ang paligid.
“Heto sa iyong harapan ang kaawa-awang sanggol na tinalikuran mo; masdan mo siyang mapoot sa iyo,” banta ng mahiwagang lalaki.
“Mahabaging Birhen ng Lagrimas, tulungan mo po ako!” nasambit ni Veronica.
“Wala nang maykapangyarihan sa kapilya na ito, sa nayon na ito, kundi ako ang Prinsipe ng Kadiliman. Wala nang pari, wala nang Birhen, wala nang sagradong kurus.” Hiyaw ng lalaki na pagalit ang himig.
Samantala ay umiyak na bahagya ang sanggol, bago ang boses sanggol ay nagbago - naging magaralgal na boses ng isang halimaw na nagagalit din. Lumaki ang sanggol at naging Tiyanak. Papalapit siya kay Veronica upang sakmalin ang kanyang leeg.
Nagtitili si Veronica at ang kanyang tili ay pumunit sa katahimikan ng gabi.
Pagkatapos ay may narinig na apat na putok mula sa isang riple. Nakita ni Veronica na tumumba ang lalaking naglagay ng posas sa kanyang mga kamay at pati na ang Tiyanak na nakaakmang pumatay sa kanya.
Lumapit sa kanya si Tata Pepe na may hawak na riple at ang dulo ng riple ay umuusok pa. Naroon din si Gunding na may hawak na sulo.
Inilawan ni Gunding ang dalawang katawan na nakasubsob sa sahig. Nakita nila na ang isa ay si Balthazar, ang nagpanggap kay Tata Pepe na siya ay isang tiktik ng Manila Police; at ang isa ay isang matandang lalaki na kulubot ang mukha.
Itinapat ni Tata Pepe ang imahen ng Birhen ng Lagrimas sa dalawang nagkatawang-tao na nasa sahig at di na gumagalaw. Alam niyang sila ay masasamang espirito – kampon ng “mabait” – at sa ilang saglit ay tila nadarang sila sa apoy, umusok, at bigla na lamang nawala.
Natuloy kinabukasan ang pagluwas ni Veronica sa Maynila. Nang sumunod na Linggo ay dumating sa kapilya ang mga taga-nayon upang buksan muli ang mga pinto nito at ilagak muli ang Birhen ng Lagrimas sa kanyang hantungan. Nilinis nila ang kapilya, ibinalik ang mga ilaw, at tiniyak nila na di na muling makababalik ang mga “mababait”; na magpapatuloy ang pagtatangkilk ng birhen sa mga taga-nayon at nang sila ay magkaroon ng kaligtasan at kapayapaan. At kung wala mang pari na maninirahan sa kanilang nayon ay may paring darating tuwing Linggo upang ipagdiwang ang misa.