I-TEXT MO SA AKIN, HA!
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Filipinas ang texting capital of the world.
Simula nang mauso ang cellphones, nakahiligan na ng mga Filipino ang pagte-text sa isa’t-isa. Kung ikukumpara sa voice call, mas mura ang gastos sa texting.
Noong araw na walang cellphones at walang texting, ang pera ng mga tao ay ginagamit sa pagbili ng pagkain at damit. Nguni’t sa kasalukuyan, ang pera ay napupunta sa pagbabayad ng cellphone bills. May epekto ang pangyayaring ito sa benta ng mga produkto, gaya ng Coke. Sa halip na ibili ng Coke, ang pera ay ginagamit sa pagbili ng cellphone air time.
Uso na ba ang cellpones noong magka-Edsa Revolution? Tanda ko ay oo. Sa pamamagitan ng texting ay mabilis na naikalat ng mga tao ang paghimok sa mga kamag-anak at kaibigan na mag-ipon-ipon sa Edsa, sa may harapan ng Camp Crame, at isagawa ang protesta laban sa diktadurya ni Marcos. Masasabing dahilan sa cellphone ay bumagsak si Marcos.
Si Martin ay namamasukan sa isa sa mga cellphone service providers. Halimbawa ng cellphone service providers ay Smart, Sprint, ATT&T, Verizon. Si Martin ay kabilang sa stable ng mga gag (joke) writers na ang trabaho ay mag-isip at mag-sulat ng mga jokes na ikinakalat sa himpapawid sa pamamagitan ng texting. Ang mga taong nakatatanggap ng mga katawa-tawang texts ay ipinapasa naman ang mga iyon sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Mahigit sa sampung milyon ang tao sa Metro Manila. Walumpung-milyon na yata ang population ng buong Filipinas. Karamihan ng tao ay may cellphone. Hindi biro ang dami – milyon – ang text na umiikot sa oras-oras. Bawa’t text ay kita sa punto de vista ng cellphone service providers: Milyun-milyon pisong kita!
Kung kaya’t mahalaga ang mga taong katulad ni Martin. Sila’y nakatatanggap ng malalaking suweldo.
Sa office ay binabasa ng mga gag writers ang jokes na naisusulat nila. At ang magagandang jokes ay lumilikha ng halakhakan. Hindi ba masaya na mag-trabaho sa isang lugar na walang ginawa ang mga tao kundi humalakhak?
Binasa ni Martin ang pinaka-bago niyang joke.
Libing ng biyenan
Pare 1: oh pare xan ka galing?
Pare 2: sa libing ng byenan ku
Pare 1: oh bt ganyan itchura muh? Puro k sugat at dumi
Pare 2: hirap kasi ilibing lumalaban ehh…
Tawanan ang magkakasama sa trabaho. “Heto pa ang isa,” sabi ni Martin.
Sino mas matalino?
Anak: tay, cno po ang mas matalino? ang tatay o ang anak?
Tatay: syempre ang tatay!
Anak: sino po ang nag imbento ng telepono?
Tatay: c alexander graham bell…
Anak: bakit hndi ung tatay nya?
Tawanan na naman sila.
Sa labas ng trabaho ay malungkot si Martin dahilan sa ang kaisa-isa niyang anak ay maysakit. Kailan lamang ay sinabi ng doktor na baka ang bata ay may leukemia. Ang sakit na ito ay nakamamatay.
Ilang gabi nang hindi makatulog silang mag-asawa dahilan sa pag-aalala. Ang asawang si Rita ay iyak nang iyak sa gabi. Namumugto na ang mata sa kaiiyak. Kapag kaharap ang anak ay di ipinakikita ng mag-asawa ang pag-aalala at nang ang bata ay hindi matakot. Masaya sa panglabas na anyo, nguni’t ang kalooban nila ay puspos ng kalungkutan at pag-aalala sa maaaring mangyari.
Walang kasing-sakit para sa isang magulang ang makitang ang anak ay naghihirap at may taning na ang buhay.
Pasalin-salin ang isip ni Martin sa pagitan ng pag-aalala tungkol sa kalagayan ng anak at ng pag-iisip ng jokes para sa kanyang trabaho. Napakahirap na magpatawa samantalang ang puso ay nagdurugo sa kalungkutan.
“Mga katoto, heto, pakinggan n’yo,” balita ni Martin sa mga kasamahan sa trabaho.
Magdala ng hayop sa iskul
Anak: nay, sabi ni mam magdala daw kami ng iba’t ibang hayop bukas.
Nanay: malaki ba o maliit?
Anak: pwede kahit ano basta wag lang daw mabangis
Nanay: ibon, manok, kambing
Anak: lahat meron na po sila, di pwede pareho.
Nanay: E di yung animal mong ama na lang!
Hagikhikan ang magkakasama.
At sunud-sunod pang ibinida ni Martin ang bagong katha niyang mga patawa:
Holdap `to!
Isang lalaki ang hinold-up at tinutukan ng baril sa ulo.
Holdaper: Anong gusto mo? ibibigay mo sa akin ang pitaka mo o pasasabugin ko ang ulo
mo?
Bart: Pareho lang `yan
Holdaper: Anong pareho lang ?!
Bart: Pareho lang `yang walang laman!
Sa isang Museum..
Juan: Ito bang pangit na 'to ang tinatawag nyo na "ART"?!
Ang pangit, nakakasuka! Painting ba to?
Guide: Hindi po sir, salamin yan! Hahaha!
Isang araw na nasa trabaho si Martin at, kagaya nang nangyayari araw-araw ay nagtatawanan ang magkakasama sa trabaho, ay nakatanggap siya ng text mula sa asawa na nagsasaad ng ganito: “Kailangan kang pumarito dito sa ospital, ngayon din.”
Nagmamadaling nagpaalam sa trabaho si Martin at tumungo sa ospital na mabilis ang tibok ng kanyang puso at pinapawisan ng malamig, kagaya ng nangyayari sa taong haharap sa di inaasahang pangyayari.
Samantala, ang buong bayan ay patuloy sa pagtanggap at pagpasa ng mga nakatatawang text at sa pamamagitan ng mga ito ay nagkakaroon ng saglit mang pahinga ang mga tao sa kanilang mga problema at pasanin sa buhay.
Samantala ang mga cellphone service providers ay kumikita ng limpak-limpak na salapi.
May kasabihan tungkol sa pagkakaroon ng tuwa at lungkot sa mundo: Tumawa ka at kasama mo ang buong mundo sa pagtawa. Umiyak ka at iiyak ka na nag-iisa.