ANG SIYAM NA BUHAY NI FELIZARDO CABANGBANG
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Nailathala ng Asian Journal Hulyo 23, 2010): http://www.scribd.com/doc/34746579/AJ-July-23-29-2010)
(Lumabas din sa www.definitelyfilipino.com noong
http://definitelyfilipino.com/blog/2012/09/02/ang-siyam-na-buhay-ni-felizardo-cabangbang/)
Mahina ang tuhod ng matandang lalaki kung kaya't siya'y nakatalaga sa isang wheelchair. Nguni't bukod sa nasabing kapansanan ay wala nang iba pang karamdaman ang pitongpu't isang taong gulang na residente ng Sunflower Retirement House. Kay talas pa ng kanyang isip at malalakas pa ang kanyang mga bisig. Sa edad na iyon ay buo pa ang kanyang mga ngipin at malinaw pa ang paningin. Ayon sa doktor, ang kanyang puso ay masigla ang kabog at tila puso ng binata!
Ang matatandang katulad niya ay karaniwang nag-iisa na sa buhay at walang kamag-anak na nag-aalaga; sila'y nagiging "pasyente" sa tahanan ng matatanda, na kung saan, ay may upahang tagapag-alaga sila, may pribadong silid-tulugan, may pagkain, may pagpapa-araw sa tuwing umaga, may oras para sa panonood ng TV at pakikipag-usap sa mga kasamahang "pasyente" rin.
Ang matandang lalaki ay naroroon, itinalaga ng gobyerno, “upang siya ay maging malusog, maligaya, at ligtas sa kapahamakan.”
"Bull-shit ng lahat ng `yan"! himutok ng matanda.
Maagang napag-alaman ng mga magulang ni Felizardo Cabangbang na ang kanilang anak ay isang masuwerteng nilalang. Kung di ba naman ay sumulpot siya sa mundo na may nakapulupot na kurdon ng pusod sa kanyang leeg! Karaniwang ang isinisilang sa gayong kalagayan ay nasasakal habang lumalabas sa sinapupunan ng ina, at patay na kung iluwal. Nguni't naiiba ang sanggol na ito.
Kung kaya't sa laki ng tuwa at pasasalamat ng mga magulang ay mabilis na pinabinyagan ang sanggol. At doon siya dinala sa parokya ng Santo Ninyo upang mabinyagan; ang mag-anak ay taga-Tundo. Felizardo ang piniling pangalan para sa kanya, bilang alaala sa ama ng ama, na Felizardo din ang pangalan, na ang ibig sabihin ay, Kagalakan.
Nang si Felizardo ay tumuntong sa edad na lima , ipinasok siya ng ina sa kindergarten school na naroroon sa bakuran ng parokya. Minsang naglalaro si Felizardo kasama ang mga kaeskwela, sa may gilid ng simbahan, isa sa mga bata ang nagpatigil sa kanilang paglalaro, at hinimok sila na sundan siya, patungo sa hardin ng eskwela. At nang makarating sila doon sa kalagitnaan ng malawak na hardin, na walang gusali sa paligid, sa walang kaginsa-ginsa, ay yumanig ang lupa. Lindol, lindol! Naghiyawan ang mga guro, habang nagtatakbuhan sila na litong-lito kung saan lilikas.
May malalaking tipak ng bato na napilas mula sa tore ng simbahan, sanhi ng malakas na pag-ugoy ng lupa, at bumagsak ang mga ito doon mismo sa dating pinaglalaruan ng mga bata. Kung hindi nilisan ng mga bata iyong lugar na iyon ay tiyak na may nabagsakan ng bato at may namatay sa kanila; marahil, ay si Felizardo.
Makalipas ang kahindik-hindik na lindol ay nagmisa ang kura-paroko bilang pasasalamat sa Diyos. Sa naturang misa ay napaupo ang mag-anak na Cabangbang sa dakong harapan ng simbahan, malapit sa altar, na kung saan nakalantad ang imahen ng Santo Ninyo. Natunghayan ni Felizardo ang Santo Ninyo; nanlaki ang mga mata niya, sumampa sa ina at nanggigilalas na ibinulong ang ganito: "Inay, inay", sabay turo sa Santo Ninyo, "siya . . . siya ang batang nagpasunod sa amin, bago lumindol!"
Kung may mga taong malas, ay isa marahil si Felizardo sa iilan na laging masuwerte. Nang nasa high school na, ay kinagat siya ng isang asong-kalye, habang naglalakad pauwi mula sa paaralan. Sa awa ng Diyos ay hindi siya nagkaroon ng rabies. Tiyak na pagkabaliw at kamatayan ang nagiging epekto ng rabies.
Muntik din siyang mabagsakan ng isang mabigat na bagay, nang ang isang aparador ay tumumba, sanhi ng malakas na hangin na pumalo sa bahay nila isang gabing natutulog si Felizardo sa sahig. Bumagsak at kumalabog sa sahig ang natumbang "mueble de madera" at, isang himala, hindi tinamaan ang ulo ni Felizardo, kahi't na ang pagitan mula sa natumbang aparador at sa ulo niya ay isang dangkal lamang! Kay lapit na kamatayan, na ang pagiging masuwerte lamang ang naging hadlang.
Minsang nagdiwang ng kaarawan si Felizardo ay binigyang-aliw siya ng ama. Isinama siya sa Calle Ongpin, na kung saan kumain sila ng pata tim, sa Panciteria San Jacinto. Sumakay sila, pagkatapos, sa isang jeepney at nagpahatid sa Baclaran at doon ay naglakad at nagpahangin sa may baybay-dagat. Bago umuwi ng bahay ay bumili ng isang banig ng loterya ang ama, na si Felizardo ang pumili, mula sa isang tindera na matiyagang bumuntot sa mag-ama sa kanilang paglalakad. Nang tingnan ng ama ang nanalong numero sa pahayagan, kinabukasan, napag-alaman niya na tumama ang kanyang taya. Ang salapi mula sa panalo ay siyang ipinagpatayo ng ama ng isang bagong bahay sa karatig na pook ng Maynila.
Nang maging ganap nang tao si Felizardo ay nag-apply siya ng trabaho sa isang merchant marine company at natanggap naman kaagad. Ang barko, na kung saan siya ay nabigyan ng trabaho, ay naglayag sa pagitan ng Maynila at Los Angeles , California . Minsang ang barko ay papalapit sa daungan sa Long Beach, ay nagkaroon ng sunog sa engine room, nagkaroon ng malaking pagsabog, kumalat ang sunog sa buong barko at naglundagan sa dagat ang mga tripolante, kasama na si Felizardo.
Sampu sa mga kasamahan ni Felizardo ang naglaho sa sunog o sa dagat, dala ng pagkalunod. Sa kabilang dako, nakayanan ni Felizardo na lumutang sa tubig, sa tulong ng isang salva-vida, hanggang sa siya ay matagpuan at mailigtas ng coast guard.
Nagbitiw si Felizardo sa trabaho sa dagat at nanatili na lamang sa lupa. Nagpasiya siyang magpirmi sa siyudad ng Los Angeles , at doon ay makipagsapalaran. Walang tigil ang kanyang pagpupunyagi, at sa huli, siya ay nakahanap ng trabaho sa army. Di malaon ay nakapag-asawa siya ng isang kapuwa taga-Pilipinas, at namuhay sila nang matahimik at nakaririwasa, at napabilang sila sa mga taga-Pilipinas na iginalang bilang masisipag at mararangal na naturalized americans.
Nang sumiklab ang guerra sa Vietnam , naatasan si Felizardo na maging infantryman, maging at siya'y ipinadala sa Saigon . Maliit na lalaki si Felizardo, nguni't gahigante ang kanyang katapangan. Napabalita ang kabayanihan niya, hindi ayon sa kanyang sariling salaysay, kundi ayon sa salaysay ng mga kasamahan sa guerra. Sa isang encuentro, sinabing may tama na ng bala si Felizardo sa kanyang kaliwang bisig; nguni't sa dahilang ang kanyang pangkat ay nasukol na ng mga sundalong Vietcong, ay di niya inalintana ang sugat at matapang na pinangunahan ang pagsagupa sa mga kalaban.
Pinulot ng mga kasamahan at ng medic si Felizardo na wala nang malay, dulot ng pagkawala ng maraming dugo. Inilikas siya sa isang ligtas na lugar, at pagkatapos ay isinakay sa isang Huey helicopter papunta sa ospital. Sa ika-anim na pagkakataon sa kanyang makulay na buhay, si Felizardo ay nanaig na naman sa hatak ng kamatayan. Ayon sa salaysay ng kanyang mga kapangkat, tila asong-ulol si Felizardo na sumugod sa pugad ng mga sundalong Vietcong, habang walang patlang na pinapuputok ang kanyang armas at inihahagis ang sunud-sunod na granada sa kumpol ng mga kalaban, hanggang sa mapatay niya silang lahat, na napag-alaman, pagkatapos, na isang pangkat na labing-pitong tao pala ang bilang.
Naging pangalawang bayan ni Felizardo ang Amerika. Binigyan siya nito ng parangal, bilang isang bayani. Matagal niyang pinag-isipan ang kung saan siya maninirahan: sa Pilipinas ba o sa Amerika. Laging nananariwa sa kanyang alaala ang alindog ng kanyang bayan at ang tamis ng pagmamahalan at pakikipagsamahan ng mga kamag-anak at kababayan sa sinilangang lupa. Iba ang simoy, ang himig, ang lasa, ang kulay at sayaw ng buhay sa Pilipinas. Mas masarap, mas masaya.
Nalulungkot siya sa tuwing maaalaala ang naiwang mga magulang; na sa kanilang pagtanda ay wala siya sa kanilang piling upang kumalinga sa kanilang mga pangangailangan. Ang mga kapatid na nakapag-asawa na at nagkaroon na ng mga anak at apo ay larawan ng tagumpay at kaligayahan na malimit niyang nakikita sa kanyang isipan lamang – at nagdurugo ang kanyang puso na di niya talaga nakita at nadama ang mahahalagang pangyayari sa buhay ng kanyang mga kamag-anak.
Nguni't pinakamahapdi ang alaala ni Estrella, ang kanyang naging kasintahan, na naghintay nang naghintay sa kanyang pagbabalik, hanggang sa siya'y nawalan na ng pag-asa, at sa huli, ay pumayag na mapakasal sa isang lalaking hindi lubos ang kanyang pagmamahal.
Tayo'y may kalayaan, nguni't higit na malakas ang tawag at hatak ng kapalaran. Natiyak ito ni Felizardo sa sarili, habang nagbubulay-bulay tungkol sa kanyang nakalipas.
Nagugunita ni Felizardo ang paksa ng isa sa mga tulang isinulat ng kanyang makatang ama:
“TADHANA
habang minamasid
ang yukod ng sanga
at ang pagkalagas ng dahong nalanta
na wari'y hinabol
ng mga talulot
na pinigtal na rin ng hanging nagdala,
hindi ko mawari
ang hiwagang ito ng Katalagahang
siyang nagbabadya.
tanong sa sarili:
ang Tagsibol kaya'y nagtakda ng hangga
upang itong kulay, halimuyak, ganda'y
masarili niya?
kung saan hahantong
ang lagas na dahon
saka ang talulot na dinapit-hapon,
sa pakiramdam ko,
ang dibdib ng lupa ay sumasalubong,
gaya ng pagtanggap sa isang kabaong.
ngayon, ang sabi ko:
Tadhana! Sino ba ang makahahadlang
sa ibig mangyari
ng Katalagahan? . . .
kung ang Tagsibol, kay tuling nagdaan,
mahihintay nati'y ang isang Tag-ulan!
ulan ay luha rin ng Sangkatauhan
bendita ng langit
sa nahihirapan.”
Ang huling pagsasaya ni Felizardo ay naganap sampung taon bago siya napapunta sa retirement home. Nilakbay niya ang kahabaan ng Interstate 5, mula sa San Diego hanggang sa Vancouver, na nag-iisa, sakay ng isang Harley-Davidson. -- Ang maglakbay nang nag-iisa, tungo sa saan mang ibig mong patunguhan, sa bilis na ang hangin ay humahampas sa iyong mukha at katawan, iyan ang ideya ko ng kalayaan, -- sambit ni Felizardo sa sarili.
Ginaygay niya ang freeway, at sa ilang lugar ay pumasok siya sa mga country roads at doon ay binusog niya ang kanyang mga mata sa magagandang tanawin sa may baybayin ng Dagat Pacifico at sa mga bulubunduking maliliit na bayan na malapit sa Monterey. Hinintuan niya ang maliliit na kapihan at nakipagkilala sa mga kapuwa bikers na ang edad ay kalahati lamang ng edad niya.
Pagsapit sa hangganan ng California at Oregon ay pinatakbo niya ang kanyang motorsiklo na pagkatulin-tulin na sumibat siya sa daan na parang isang umaapoy na demonyo.
Umuulan at madulas naman ang daan, pagsapit niya sa Washington; nguni't bale wala ang siya'y "matunaw" sa ulan; tila siya bata na hiyaw nang hiyaw at halakhak nang halakhak, habang sumisibat sa kalagitnaan ng sigwada sa mahabang freeway ang kanyang motorsiklo. Nagugunita niya ang isang payo ni Dalai Lama - dance like nobody was watching you!
Tila baga laging si Felizardo ay sinusundan ng sakuna at suwerte - may pinasok siyang isang one-way pala na daan, hindi niya namalayan, at nakipagsalpukan siya sa isang dumarating na auto. Ang tsuper na babae ay di inaasahang may masasalubong siya na motorsiklo. Dapat ay iyon na ang sakunang ikinamatay ni Felizardo, nguni't liban sa pagkabali ng buto sa kapuwa tuhod at binti, ay nakaligtas pang muli ang matibay na lalaki.
Walang halaga kay Felizardo ang dinanas na sakit sanhi ng pagkakaopera ng tuhod. Bale wala ang pagkawala ng kakayahang makalakad - mula noon ay magiging bilanggo na siya sa loob ng isang wheelchair. Ang higit na makirot at nakapagpalumo kay Felizardo ay ang pasiya ng pulisya na bawiin na ang kanyang driver's license. Matanda na raw siya at di na maaaring makapagmaneho. Kapag nagmaneho pa ay magiging peligro siya sa kanyang sarili at sa ibang tao, sabi ng pulisya. At kaakibat ng pagkawala ng lisensiya sa pagmamaneho ay ang pagkawala ng kalayaan.
Pakiramdam niya ay preso siya sa loob ng isang maliit na bilangguan, ang wheelchair; at preso rin siya sa loob ng mas malaking kulungan: ang retirement home.
Nagbabalik sa kanyang alaala ang tahanan niya sa Los Feliz, sa kalagitnaan ng Los Angeles - isang karaniwang three-bedroom na Victorian ang design. Dalawangpu't- limang taong yaon ang naging maliit na paraiso ni Felizardo at ng kanyang kabiyak na si Elizabeth sa balat ng lupa. Aliw na aliw sila sa hardin na nasa likuran ng bahay, na siksik sa mga tanim na rosas at sampagita, at sa gilid-gilid, sa tanim na kamatis, ampalaya at kalamansi. Mayroon din silang malaking hawla ng ibon na pugad ng walong pares na lovebirds na sari-sari ang kulay. Bukod sa mga ibon ay mayroon silang alagang aso na pagkalambing-lambing sa kanila, na sa gabi ay natutulog pa sa paanan ni Felizardo.
Ang maybahay ay buhos ang pag-aalaga kay Felizardo, lalo na sa pagluluto. Ang pagkain ay ayon sa kanyang panglasa - pinakbet, sinigang na manok, kare-kareng baka na may sangkap na bagoong-isda; mga pagkaing nagpapaalaala sa kanya sa kanyang nakalipas na kabataan at sa yumao niyang napakabuting ina na napakasarap kung magluto. Kahi't sila'y dadalawa, at sila lamang ang laging magkasama sa bahay, ay di sila nagsasawa sa isa't isa at sa mga gawain sa araw-araw; at ang pagsasalo sa hapag-kainan, kahi't na karaniwang pangyayari lamang, ang pakiwari nila ay piging o malaking pagdiriwang ang kanilang dinadaluhan.
Sa oras ng pamamahinga ay pinatutugtog niya ang mga lumang plaka na galing sa Pilipinas. Nababalot ang bahay sa magiliw na himig ng awitin ni Conching Rosal, gaya ng "Ang Maya", at iba pang mga kundiman. At bagama't tahimik ang mag-asawa sa pakikinig, ay tila musika ang naglalapat ng salita sa kanilang mga tikom na labi na nagpapahayag ng walang maliw na paggalang, pag-aalaga at pagmamahal sa isa't isa.
Sa hindi inaasahang pangyayari, isang umaga, ay di na nagising sa pagtulog ang butihing maybahay. Biglang dumilim at gumuho ang magandang daigdig na ginagalawan ni Felizardo.
Dumanas siya ng matindi at mahabang pagluluksa at pangungulila. Nawalan na siya ng pakiramdam at pagnanasa sa buhay. Ayaw na niyang makipag-usap sa kanino man. Minsan ay nagkulong siya sa kusina at iniwang sumisingaw ang gaas mula sa kalan. Ibig na niyang magpakamatay. Umalingawngaw ang fire alarm sa bahay, sumaklolo ang kapitbahay at dumating ang bombero at paramedic; at nakaligtas na naman sa kamatayan ang walang-kamatayang nilalang.
Di naglaon at nagpasiya ang gobyerno, at walang nagawa kundi tumupad sa utos ang kaisa-isang anak ni Felizardo, na noon ay may sarili nang pamilya, na ipagbili na ang bahay at ilagak ang lalaking ulian sa isang retirement home.
Mahaba, makasaysayan at lipos ng pakikibaka, kabayanihan at pananabik, kapahamakan at tagumpay ang landas na tinahak ni Felizardo, na nagsimula pa sa Tundo, Maynila at tila magwawakas sa Los Angeles , California , U.S.A.
Nasasapuso at isip ni Felizardo ang katotohanang: Ang buhay at ang mabuhay ay kabanal-banalang handog ng Diyos sa isang nilalang; nguni't, ang pagbawi sa buhay na iyan, sa pamamagitan din ng kamay ng Diyos, ay isa ring walang kapantay na kabanal-banalang pagbibigay.