ANG KAIBIGANG ALIEN
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Nailimbag
Part 1, p. B6 Asian Journal Los Angeles Hunyo 23, 2010
http://www.ajdigitaledition.com/webpaper/webpapers/2010/aj100623/multi/index.html
Part 2, p. B6, Hunyo 30, 2010
http://www.ajdigitaledition.com/webpaper/webpapers/2010/aj100630/multi/index.html
Part 3, p. B6, Hulyo 7, 2010
http://www.ajdigitaledition.com/webpaper/webpapers/2010/aj100707/multi/index.html)
SI ANTON AY ISANG SCREENPLAY writer na ang hanapbuhay ay ang sumulat ng script para sa pelikula. Palagi siyang nakapako sa harap ng kanyang computer at sulat nang sulat hanggang makabuo ng script. Wala siyang opisinang pinupuntahan nang araw-araw, katulad ng marami; wala siyang oras ng trabaho, at wala rin siyang tiyak na kinikita.
Ang kanyang daigdig ay isang mesa sa tabi ng bintana. Kung siya'y sinisipag, magdamag siyang nagsusulat. Sa araw naman, siya ay tulog o kalahating-tulog, kalahating-gising habang ginagawa ang mga bilin ng Mrs. -- kaunting laba dito, kaunting luto doon, kaunting linis . . . habang ang asawa ay nasa trabaho. Oo, si Mrs. ang may palagiang trabaho at ang nagsusumikap na manunulat ay siyang minsan ay may project, at kung minsan ay wala.
Nabasa niya ang mga akda ni Carl Sagan, ang sikat na astronomer. -- Isang malaking kayabangan,-- wika ni Sagan, -- na maniwalang ang mundo lamang ang maaaring magtangkilik ng buhay. Milyun-milyon ang bituin sa kalawakan at malaki ang pagkakataon na may iba pang mga mundo na tumatangkilik din ng buhay sa paligid ng mga bituin, na kagaya ng ating mundo.--
Mahilig si Anton na magbasa ng mga tungkol sa UFO. -- Ang mga iyan kaya ay ang mga sasakyang pagkalawakan ng ibang nilalang na galing sa ibang mga mundo na ayon kay Sagan ay nagkalat sa cosmos? -- pinag-iisipan ni Anton nang malimit.
Ang bahay ni Anton at kabiyak na si Marisa ay nasa gilid ng isang bundok sa bulubunduking lungsod sa California na ang pangalan ay Laguna Beach. Dahil sa mataas ang kinaluluklukan ng bahay nina Anton at Marisa ay tanaw sa malayo ang Dagat Pacifico mula sa malalaking durungawan.
Sa kalayuan pa ng dagat ay matatanaw din ang maliit na isla na kung tawagin ay Catalina Island. Sa gabi, habang si Anton ay nagsusulat at sa malimit na pagkakataon na siya ay napapamulagat, sa madilim na tanawin ay nakakikita siya ng mga tila bulalakaw, mga palaso ng liwanag na nagmumula sa kalangitan at sumisibat patungo sa dagat at saka nawawala.
Sabi ng mga eksperto sa UFO, at sila'y na-interview sa tv nang minsang nanonood si Anton, mayroon daw airport ang mga alien at ito daw ay nasa ilalim ng dagat sa pook na nasa harapan lamang ng Catalina Island at kay lapit sa Laguna Beach! -- Kay palad ko naman, -- iniisip ni Anton, -- kay lapit ko sa daraanan ng mga aliens. Magandang istorya sana ang magagawa ko kung may makakaibigan akong isang alien. --
Isipin natin na ang alien ay nasa kalagitnaan ng dagat, sa pagitan ng Catalina Island at Laguna Beach. Pagtingin ng alien sa kabundukan ng Laguna Beach ay makakikita siya ng isang natatanging liwanag at ito'y ang ilawan na nagmumula sa durungawan ng isang bahay, ang bahay ni Anton.
Paniniwala ni Anton, -- Tiyak, makikita ng alien ang ilawan ko na sa magdamag ay sumisikat dahil ako'y gising at nagsusulat. Ang natatanging tao sa Laguna Beach na gising at bukas ang ilaw hanggang sa kalaliman ng gabi ay natatanging ako lamang.
-- Gising, Anton, -- sabi niya sa sarili. -- Nagpa-pantasya ka na naman!--
Nakikipag-chat din si Anton sa internet sa tuwing nagpapahinga sa pagsulat. Maraming tao na di rin natutulog sa magdamag katulad niya, na nasa iba't ibang lugar sa Estados Unidos o sa mundo, na ang libangan ay ang makipag-chat sa katulad nilang may insomnia rin, ang nakikipag-talastasan sa pamamagitan ng computer.
-- Anton, kumusta ang gabi mo? -- lumitaw ang bati sa screen ng computer. Ka-chat niya ang isang misteryosang babae na nasa New York daw siya at gumagamit sa pangalang Black Widow.
-- Okay, naman, -- sagot niya, sa paraang pa-chat; itina-type ang sagot sa keypad ng computer at ipinadadala ang mensahe na lumilitaw sa screen sa pamamagitan ng pag-click sa buton na Send.
-- At ikaw, Blackie, kumusta ang gabi mo? -- balik niya.
-- Heto, nag-aapoy ang katawan, kahi't na 0 degree dito sa New York. Alam mo ba na ang kalaban ng apoy ay apoy din? Anton, sabihin mong nag-aapoy din ang katawan mo. Ibig kong manggaling sa iyo - na nag-aapoy din ang pakiramdam mo at uhaw na uhaw . . .at ibig mo na ang init ko at init mo ay magsalpukan, maglikha ng higit na malaking apoy, darangin tayo kapuwa sa kaligayahan, hanggang sa maging magkayakap na mistulang aso at usok tayo. -- pahayag ng ka-chat. Napapailing na lamang si Anton sa kabaliwan ng babaeng ito. Nguni't sumasakay na lamang siya sa kahibangan.
May ka-chat din si Anton na si Buddy. Tila cowboy ang dating. Barako ang mga pananalita at kuru-kuro. Taga-Texas daw siya. Nagpadala pa ng photo attachment - retrato niya na may cowboy hat na suot sa ulo nguni't hubad naman ang buong katawan, at sa ibaba ay may suot na Speedo lamang. -- Padalhan ko rin daw siya ng retrato ko, -- bulong ni Anton sa sarili. -- Malamang na bakla itong si Buddy!
Pinaka-normal na marahil sa mga kaibigan ni Anton sa internet ay ang lalaking may pangalang Rexor. Ang kagandahan sa internet ay nagkakaroon ng contact ang mga magkakakilala, magkakamag-anak o di kaya'y magkakaibigan; sa paraan lamang ng pagpapalitan ng mensahe mula sa isang computer, patungo sa isang computer.
May mga napupuntahan din, na websites ang tawag, sa internet na makakikilala ng mga bagong kaibigan. May website ukol sa mga mahihilig sa pakikipagkaibigan. May website ukol sa mga mahihilig sa pulitika, sa science, sa comedy, sa negosyo at kung anu-ano pang kinalilibangan o pinag-iinteresan ng mga tao.
Nakilala ni Anton si Rexor sa website ukol sa mga mahihilig sa UFO. Natutuhan niya ang pagkatao ni Rexor batay sa mga palitan nila ng mga balita at kuru-kuro. Hindi siya katulad ng iba niyang ka-chat o ka-kontak sa internet na abnormal ang dating, walang saysay ang sinasabi, at nasa internet lamang upang magpalipas ng oras. Malawak ang kaalaman ni Rexor at malawak din ang nararating nilang mga paksain sa kanilang pakikipagtalakayan.
Ni minsan ay di nagkuwento si Rexor ng tungkol sa kanyang sarili o sa kanyang pamilya. Hindi rin alam ni Anton kung ano ang itsura ng ka-chat niya. Hind ito iyong nagvo-volunteer na magpadala ng retrato, kahi't na hindi naman hinihingian. Sa isang dako ay bukas na libro ang paglalarawan ni Rexor sa mga paksaing pinag-uusapan nila; nguni't sa kabilang dako ay malihim siya pagdating sa paglalahad ng tunkol sa kanyang sarili.
Ang website sa UFO ay lugar para sa talakayan tungkol sa science at space travel at unusual occurrences. Kung may buhay sa ibang planeta? Paano makapaglalakbay sa kalawakan? Paanong malalagpasan ang bilis ng liwanag upang marating ang malalayong planeta at paano magkakaroon ng hustong fuel at fuerza upang makabalik sa lupa sa panahon ng isang buhay?
Makarelihiyon din si Rexor. Ang sabi niya -- ang lahat sa relihiyon ay maipaliliwang ng science at ang lahat sa science ay maipaliliwanag ng relihiyon. Ang science at relihiyon ay iisa lamang, ayon sa kanya. Kaya sila magkaiba ay dahil sa ito ang makitid na pagkakaalam ng tao, mababaw pa ang kaalaman at abot ng isipan ng mga taong nabubuhay sa mundo sa pangkasalukuyang panahon.
Si Marisa, ang Mrs. ni Anton, ay isang nurse. Namamasukan siya sa isang ospital na di kalayuan sa kanilang bahay. Masasabing malawak ang kaalaman ni Marisa tungkol sa balangkas ng katawan ng tao, sa mga iba't ibang organs at kung paano sila gumagana, sa mga mahihimalaing katangian ng utak at dugo. At dahil sa ang kanyang gawain ay ang tulungan ang mga maysakit na gumaling kaagad, batid niya ang mga gamot at kung ano pa mang lunas ang mabibisa sa paglaban sa iba't ibang karamdaman. Mapalad si Anton sapagka't si Marisa ang kanyang tagapag-alaga sa tuwing siya ay matamlay at may dinaramdam sa katawan.
Maganda si Marisa; makinis ang balat, mahaba at itim na itim ang buhok, di kataasan at maganda ang pangangatawan. Di pangkaraniwan ang kulay ng kanyang mga mata - na tila nag-aagaw na asul at berde. Mataginting ang kanyang boses na tila boses ni Ariel, ang serena sa Little Mermaid. At kung kumilos ay kay gandang tingnan - tila pasayaw ang hakbang at nakabibighani ang kilos ng ulo at kamay. May isa lamang bagay na naiiba kay Marisa - may anim na daliri ang kanyang kanang kamay. Kapag siya ay tumuturo, makikitang ang kanyang hintuturo ay kambal na daliri. Kapag napag-uusapan ang daliri, binibiro siya ni Anton at nasasabing, -- taga-ibang planeta ka marahil. --
Mayroon bang Diyos? Sa paksa na ito ay sabi ni Rexor --- Ang Diyos ay nasa Cosmos, siya'y naging tao, bumisita sa mundo, ipinako sa kurus, nabuhay nang muli, at suma-Cosmos muli.
Mayroon bang langit? Sabi ni Rexor -- Ang langit nga ay ang Cosmos at nararating lamang ng mga karapat-dapat; sapagka't may paraan kung batid mo ang paraan.
Sa Bethlehem ay may lumitaw na makislap na bituin. Ano iyong bituin na iyon? -- Bituin ba o sasakyang pangkalawakan? -- sabi ni Rexor.
Bakit nakapaglakad sa tubig si Hesus? -- Himala ba o anti-gravity.
Bakit napagaling niya ang maysakit at napatayo ang patay?! -- Muli, maaaring himala, maaaring magnetic cellular restoration.
Maraming gabi ang lumipas na ang katalakayan ni Anton sa internet ay si Rexor.
-- Kailan kaya tayo magkikita nang personal? -- tanong ni Anton sa kaibigan.
-- Huwag kang mag-alaala, makikita mo rin ako sa tamang panahon, -- pahayag ni Rexor.
Minsan ay may lumabas na balita na may retrato pang kasama sa front page ng National Reporter na may nabitag na alien, di umano, ang mga sundalong Aleman. Pandak ang alien, malaki ang ulo, tila walang ilong, at makitid, hindi bilog, ang mga mata.
Naging paksa ito ng chat nina Anton at Rexor. Sabi ni Rexor, -- ang paniniwala ko ay fake ang retrato. Ang National Reporter ay isang tabloid at di kapani-paniwala ang mga balita.
-- Kung may mga alien sa mundo, ang paniniwala ko ay di mag-iiba ang anyo nila sa anyo ng tao, -- patuloy ni Rexor. -- Sila ay may katawang tao, nguni't iba ang programa ng kanilang pag-iisip. Ang pakay nila sa mundo ay upang mapabuti ang kalagayan ng tao. Sila'y tila mga anghel na isinugo ng Panginoon sa mundo upang magmasid at magbantay at mabigyan ng kaligtasan at kabutihan ang sangnilalang.
Kumbinsido si Anton na may saysay ang sinasabi ni Rexor. -- Matanong kita, kaibigan, -- sabi ni Anton, -- may mga tao sa kasaysayan na pambihira ang nagawa sa ikabubuti ng sangnilalang; halimbawa sina Jonas Salk, na nakadiskubre ng antibiotic; si Michael Gorbachev na nagbigay ng demokrasya sa Russia; si Andy Grove na nag-imbento ng chip sa laptop computer; at kung dadako pa tayo sa higit na matandang panahon at kung sino-sino ang mga taong dakila na nagpabuti sa mundo, kabilang diyan si Hesu Kristo. Mga taga-ibang planeta ba sila?
-- Ano ang palagay mo? -- sagot ni Rexor, na isa ring tanong.
Isang alien si Rexor. Sugo mula sa planetang Herta. Isang alien siya, kabilang sa marami, na nakikihalubilo sa mga taga-mundo. Ang bawa't isa sa kanila ay may takdang atas sa mundo. Ang atas ni Rexor ay ang magbigay ng gabay at tiyakin ang tagumpay at kaligtasan ni Anton - isang piling-piling nilalang na batay sa kanyang galing sa pagsulat ay makalilikha ng isang akda, na isasapelikula, at magpapamulat sa isipan ng mga tao at magpapabago sa takbo ng buhay sa mundo.
Ang Herta ay ang kambal na planeta ng mundo. Ito'y nasa rurok ng kalawakan, sa isang orbit na di napakalapit sa kanyang araw at di rin napakalayo; may tubig, hangin, kalupaan, puno, isda, pagkain, mga kimikal at mineral na tumatangkilik ng buhay. Higit na matanda kaysa mundo ang planetang ito, kung kaya't ang mga taga-roon ay may paraan upang makapaglakbay sa malalayong destinasyon sa bilis na libong ulit ang bilis kaysa liwanag. Tila paham ang bawa't nilalang sa Herta -- malawak ang kaalaman, malaginto ang mga puso, at mapagmahal sa kapayaan. Pakay nila na ang mundo ay makaabot sa antas ng sibilisasyon kagaya ng sa Herta - na ang mga tao ay di maghihirap, di magkakasakit, di malilipol ng digmaan o sakuna.
Sila ang nagbigay ng gabay kina Einstein, Salk, Madam Curie, Gorbachev at lahat ng dakilang nilalang na ang likhang-isip ay nagpabago sa takbo ng buhay sa mundo. Sa Bibliya, ang isang gabay na katulad ni Rexor ay tinaguriang anghel, angel de la guardia.
Lumipas ang panahon, nabuo ni Anton ang kanyang obra maestra - isang kasaysayang pampelikula. Lumagda siya sa kontrata na nagbigay daan sa pagsasapelikula at pagpapalabas nito sa lahat ng sinehan sa buong mundo.
Ang buod ng kasaysayan ay ang pagkakatuklas ng isang astronomer ng isang planeta na masasabing kakambal ng Earth. Ang balita na ang tao ay hindi nag-iisa sa kalawakan ay gumimbal sa mundo. Nahati ang mga mamamayan sa dalawang kampo - ang isa ay sang-ayon sa paghahanda sa digmaan, kung sakaling lulusob ang mga taga-ibang planeta. Samantalang ang isang kampo ay sang-ayon sa pagkakaroon ng contact at mapayapang pakikipag-ugnayan.
Disyembre 29 ng taong yaon ang takdang world premier ng pelikula ni Anton. Natapos ni Anton ang pinakamalaking proyekto sa kanyang buhay at natamo niya nang tiyak ang isang lugar sa hanay ng mga influential persons na ang kuro-kuro ay pakikinggan ng madla.
Tapos na rin ang misyon ni Rexor sa mundo. Sa di kalayuang panahon ay lilisan na siya pabalik sa Herta. Sa araw ding yaon, Disyembre 29, ay pinakamalapit ang distansya ng Herta mula sa mundo, batay sa wormhole theory. Sa araw na iyon ay sasakay si Rexor, lulan ng kanyang UFO; ito'y papailanlang sa kalawakan at sisibad patungo sa planeta niyang kinabibilangan.
Sa huling pagpapalitan nina Rexor at Anton ng kumustahan sa email, nagpaalam ang alien sa pagsasabing, – ... tapos na ang aking misyon, ako'y maglalakbay at mawawala nang matagal. Paalam muna, kaibigan.
Nang gabing paalis na si Rexor, tumayo siya sa kanyang kinaroroonan, itinapat ang mukha sa lugar ng Laguna Beach; itinaas ang kanang kamay at itinuro ang hintuturo, na kambal din katulad ng sa Mrs. ni Anton, sa nasabing pook. Sa madilim na paligid ay kumikislap ang mga mata ni Rexor at akmang nakikipag-usap sa pamamagitan ng isip lamang.
Sa tahanan ni Anton, malapit nang mag-alas tres ng umaga. Mahimbing na natutulog si Anton sa kanyang silid. Madilim at tahimik ang paligid. Si Marisa ay nasa durungawan, nakatayo, nakaharap sa Dagat Pacifico, na ang kanang kamay at kambal na hintuturo ay nakatapat sa pook na kinaroroonan ni Rexor. Kumikislap sa dilim ang mga mata ni Marisa at ang kanyang ayos ay akmang nakikipag-usap na di bumubukas ang bibig at tila sa pamamagitan ng isip lamang nakikipagtalastasan.
Rexor: – Hunuwoq, gulutu hu su huz Uswes. (Kapatid, bahala ka na kay Anton.) Wozuhos de usk huszusk wukidnuz uw hutokwuvus. (Tiyakin mo ang kanyang tagumpay at kaligtasan).
Marisa: – Hunuwoq, dulut su dulut he vo Uswes. Losqo he vozu nuguguzuus (Kapatid, mahal na mahal ko si Anton. Hindi ko siya pababayaan).
Makalipas pa ang ilang minuto ay may sumibat na liwanag na biglang lumitaw mula sa dagat, gumuhit sa madilim na kalangitan at saglit na lumiit sa paningin, naging tila bituin, hanggang sa mawalang tuluyan sa kalawakan. [email protected]