"MY WAY"
Isang maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Nailathala ng Asian Journal San Diego noong Agosto 6, 2010):
http://www.scribd.com/doc/35494015/Asian-Journal-Aug-6-2010
It’s one of Frank Sintra’s greatest hits. It’s a song of international renown. Many love it, it’s a classic. If you are a Filipino, you know how deadly this song is. It has generated several deaths so far whenever the song is being sung in roadside night clubs or in local beer houses that the newspaper and other forms of media don’t even bother to report them. It’s that common an occurrence. So it’s one of the reminders to foreigners whenever they attempt to learn of the culture. When in the Philippines and invited to sing in the videoke, never ever sing “My Way” except when inside the family KTVs or mall arcade booths where the rooms are sound proof. Note that even having the best Frank-Sinatra-like voice doesn’t help at all. Don’t say you weren’t warned.
-- Arvoinen
Kilala si Pedro sa kanyang baranggay bilang ang jeepney driver na mahilig kumanta. Siya ang relo na gumigising sa kapit-bahayan sa tuwing alas-kuatro ng umaga na inilalabas niya ang kanyang jeepney. Maingay ang motor na diesel at todo ang lakas ng radyo ng kanyang jeepney; iyon lamang mga tila mantika kung matulog ang di nagigising sa bulabog na idinudulot ni Pedro sa kanyang mga ka-baranggay sa tuwing lalabas sa umaga at uuwi nang bandang alas-onse ng gabi.
Ang pasada ni Pedro ay pabalik-balik sa pagitan ng Tungko sa San Jose del Monte at Baclaran sa Paranaque. Dalawang oras halos ang biyahe paparoon at dalawang oras din paparito, kasama na ang pahinto-hinto sa daan dahilan sa traffic. Ginagaygay ng jeepney ni Pedro ang malalaki at mahahabang lansangan sa Kalakhang Maynila, katulad ng Commonwealth Avenue , Quezon Avenue at Taft Avenue.
Makulay ang mga jeepney sa Maynila, katulad ng kay Pedro. May kakaibang desenyo ang bawa't isa sa kanila, desenyo na tila modern art na ipininta ng kung sinong artista. Sari-saring hugis at guhit, maliliwanag at mapupusyaw na kulay ang tila inihagis ng artista sa magkabilang tabi ng jeepney at gayon din sa ibabaw ng hood nito. Ang kisame sa loob ng jeepney at pati na ang dashboard, gayon din, ay kawangis ng isang canvas
na binuhusan ng artista ng pambihirang sigla sa paglikha. Sa ibabaw ng hood ay kung anu-anong borloloy ang nakasabit, gaya ng replica na bakal ng kabayo, mga bilog na salamin, o di kaya'y replica na bakal din ng eroplano. Kapag taga-ibang bansa ang nakakikita sa jeepney, iniisip niya na ito ay isang sasakyang pangkarnabal. Over-decorated ito, sa medaling sabi.
Sampuan ang jeepney ni Pedro; ibig sabihin ay sampung pasahero ang nakauupo sa kanang hanay at sampu rin ang nakauupo sa kaliwang hanay. May dalawa pang pasahero na nakauupo sa harap, sa may tabi ng tsuper. Ang mga pasahero ay baba-manaog, bihira iyong derecho ang biyahe, iyong sumasakay sa simula ng rota at bumababa sa dulo ng rota.
Ang mga estudyante ay sasakay at bababa patungo sa mga eskwelahang naroroon sa daraanan ng jeepney. Gayon din ang gawa ng mga namamasukan sa mga opisina. Lulan din ng jeepney ang mga Mrs. na papunta sa palengke, at ang mga walang pasok sa trabaho na papunta lamang sa mall o sa pasyalan.
Makikilala ang jeepney ni Pedro sa pamamagitan ng karatula na mababasa sa harapan nito na sa malalaking letra ay ganito ang sinasabi: My Way. Bukod sa karatula ay makikilala ang jeepney ni Pedro sa pamamagitan ng isang naiibang katangian nito – ito lamang ang jeepney sa buong Maynila, marahil ay sa buong mundo, na may karaoke.
Habang nagbibiyahe si Pedro ay kumakanta siya sa harap ng isang portable microphone at inaaliw niya sa pamamagitan ng kanyang mga awitin ang kanyang mga pasahero. May mga natutuwa sa pambihirang entertainment sa loob ng jeepney ni Pedro, at may mga pasahero namang nabubuwisit, di lamang makapagsalita, dahil sa ang boses ni Pedro ay masakit sa taenga. Ipinapasa ni Pedro ang microphone sa mga pasahero at mayroon namang isa o dalawa sa kanila ang nagpapaunlak at kumakanta rin habang ang jeepney ay naglalakbay sa kahabaan ng mga boulevards. Mayroon pa ngang mga pasahero na lagpas na sa kanilang patutunguhang lugar nguni't ayaw pang bumaba dahil sa sila ay kumakanta pa.
Pinapangarap ni Pedro na maging isang sikat na mang-aawit. Idolo niya sina Frank Sinatra at Anthony Castelo. Sawa na siya sa pagmamaneho ng jeepney. Pagod na pagod na siya sa kakakayod. Naaawa na siya sa kanyang mag-anak, na hindi man naghihikahos, ay sabik na makatikim ng mas masasarap na pagkain, makapagsuot ng mas magagandang damit, makatira sa mas malaking bahay, at magkaroon ng panahon sa pagbabakasyon sa magagandang lugar. Ang pagmamaneho ng jeepney ay hindi ang kasagutan sa kanyang mga ninanasa sa buhay.
Si Pedro lamang ang di nakaaalam na wala sa kakayahan niya ang maging isang professional singer. Di niya angkin ang uri ng boses na naghahatid sa may-ari nito sa isang karera sa pag-awit o sa daan na patungo sa katanyagan at pagyaman. Malimit na sa pamamahinga sa gabi ay nagiging daan ni Pedro ang pag-awit pa rin sa harap ng kanyang karaoke upang mapawi ang pagod at ang mga alalahanin sa buhay. Malimit din na naririnig na kumakalabog sa bubungan ng kanyang bahay ang mga bato na inihahagis ng mga kapit-bahay sa tuwing naririnig sa oras ng pagtulog nila ang pag-awit ni Pedro na tila atungal ng aso. Ibig nilang makatulog at hindi ang pagkanta ni Pedro ang daan upang sila'y mapahimlay. Kakila-kilabot ang kanyang boses at dulot nito ay bangungot at hindi pamamahinga.
Dahilan sa kung anong himala ay nakarating sa Amerika si Pedro Cantero. Upang maging American-sounding ay nagpalit siya kaagad ng pangalan at nagpakilala siya bilang Pete Cantor.
Napanood ni Pete sa Oprah Winfrey Show ang naging guest na si Charice Pempengco, ang batang-batang song belter mula sa Pilipinas. Alam niya na sa karaoke nagsimula si Charice at, bunga ng tiyaga at lakas ng loob, siya ay superstar na Nagkaroon siya ng inspirasyon.
Nabalitaan din niya ang kasaysayan ni Arnel Pineda. Si Arnel ay naulila sa ina nang siya'y bata pa. Naging isang layas at batang-kalsada. Sumapi sa isang combo, tumugtog sa mga pipitsuging bars sa Maynila. Nadiskubre siya ng Journey sa YouTube at naging lead singer ng bantog na American rock band na nasabi.
Nakita rin niya sa tv si Renaldo Lapuz na sa Pilipinas ay naging tricycle driver. Sumubok na maging American Idol, lumabas sa sikat na tv show na nakasuot ng kapa, sombrero at puting-puting damit. Naging katawa-tawa siya, dala ng kanyang kasuotan at ng boses na walang kinabukasan; nguni't sa kabila ng pangyayari na lubhang kahiya-hiya ay nakilala naman sa buong mundo si Renaldo.
Aha Naisipan ni Pete, isang araw. -- Mag-au-audition ako sa American Icon Kapag natuklasan ako, sa pamamagitan ng top-rated show na nasabi, ay tapos na ang boksing. Hollywood, here I come. –
Dumating ang araw ng audition. Apat na pu't limang milyong tao ang nanonood noon ng American Icon sa buong Amerika; at sa unang pagkakataon ay makikita nila at maririnig si Pete Cantor, ang mang-aawit mula sa Pilipinas. Inaasahan ng balana na magiging kasing-galing siya ng mga Pilipinong unang nakilala nila sa American Idol o di kaya ay sa Got Talent, ang iba pang mga sikat na reality shows sa tv. Humanga sila at napaiyak sa husay sa pag-awit ni Madonna Decena (Britain's Got Talent). Namangha sila sa galing ng batang-batang singer na si Thea Megia (America's Got Talent).
Pinilini ni Pete na awitin ang My Way ni Frank Sinatra. Sa loob ng
kulang-kulang sa dalawang minuto ay narinig ng buong mundo ang walang katulad na boses ng mapangaraping lalaki. Nguni't nabigo ang mga nanonood at lalo na ang mga judges. Hindi pang-paligsahan ang uri ng boses ni Pete. Wala siya sa tono at di niya naabot ang matataas na nota. Masama ang kanyang diction at pronunciation. Malaking disgrasya ang nangyari. Nagkalat si Pete Ayon sa alituntunin ng nasabing tv show, nagbibigay ng mga puna ang mga kasapi ng lupon ng inampalan (judges), kasunod ng performance ng contestant.
Pagkatapos ng kanyang pagkanta, sabi sa kanya ng unang judge: Pete, your voice is awful. Your performance was really bad. Brother, I gotta tell you and, I want to lead you toward the right way, singing is not your way.
Komentaryo ng pangalawang judge: I'm sorry. You saw me laughing and it was not right for me to laugh at you. But, Pete, don't make a fool of yourself. My decision is a big No. You can't go to Hollywood.
Diga ng pangatlong judge: What was that? It was a super job. A super bad job. It's the worst thing I've ever heard in my life.
Hiyang-hiya si Pete, at galit na galit. May binunot sa bulsa na water
pistol. Iniumang ang baril sa tatlong judges at pinagbabaril niya sila
ng tubig. Naglundagan ang mga bodyguards sa studio at sinuggaban nila kaagad si Pete at isinubsob siya sa sahig. Kitang-kita sa tv ang kalagim-lagim na pangyayari.
Naging instant celebrity si Pete Cantor, sanhi ng kahindik-hindik na
pangyayari. Naging headline siya sa mga pahayagan at radio-tv newscasts at naging usapan siya sa internet. Sigaw ng mga headlines – American Icon judges shot by contestant. . . American Icon judges recover from shooting. . . Singer goes berserk, shoots judges. . . At sabi ng mga balita: A spurned American Icon contestant from the Philippines became temporarily insane and shot the three judges of the top-rated tv reality show aired last night. About forty million viewers watching the show witnessed the incident live. Everybody, including each of the judges, was extremely happy that there was not even a single casualty. The would-be assasin used a water gun.
Nagkaroon ng imbestigasyon ang mga pulis at napatunayang wala naming nalabag na batas si Pete nang pinagbabaril niya ng tubig ang mga judges. Nagpapatawa lamang daw siya, paliwanag ni Pete. Sabi nga ng isang imbestigador, -- Sino man ang ma-insulto nang kagaya ng pagkaka-insulto kay Pete ay tiyak na makagagawa ng karahasan na naaayon sa pagtatanggol sa kanyang puri. The judges got what they deserved. --
Lumipas ang maikling panahon, may nakilalang negosyante si Pete na mapagkawanggawa. Binigyan niya ng trabaho si Pete at ini-sponsor niya na madala ang kanyang buong pamilya sa Amerika.
Ang huling balita tungkol kay Pete ay nagmamay-ari na siya ng isang limousine company - iyong mahahabang luxury cars na ang mga chauffeur ay nakasuot ng tuxedo, at siyang ginagamit ng mga celebrity bilang sasakyan sa kanilang pagparoo't parito.
At bawa't isang limousine ay may karaoke, upang ang mga nagsisisakay na mga kleyente, ay makapagkakaraoke habang naglalakbay.