SI COMET AT SI TWINKLE
Isang maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Nailahathala sa Asian Journal San Diego:
http://www.scribd.com/doc/38509477/Asian-Journal-Oct-1-2010)
Iniluwal sila, magkapatid na magkakambal at kapuwa babae, ng kanilang ina sa kandungan ng puting-puting buhangin sa dalampasigan ng Brookes Point sa Isla ng Palawan sa Pilipinas. Sila’y dala-dala ng ina sa sinapupunan sa loob ng tatlong buwan at nang sila’y isilang na ay kinailangang matulog at magpalaki pa sila sa init ng yakap ng buhanging pinag-iwanan sa kanila sa loob ng dalawang buwan.
Bumalik sa dagat ang ina na ang pakiramdam ay nabawasan ang kanyang pasanin sa buhay. Sa dagat ay muling nagpalakas at ninamnam ang buhay na malaya; sa dagat na siyang tahanan, pook na laruan at libangan, ang pinagmumulan ng kinakaing maliliit na isda at halaman.
Panaka-naka ay tumutuntong siya, pati na ang kanyang mga katulad, sa lupa upang doon ay makatikim ng init mula sa sikat ng araw; sila’y lumilibot sa kalupaan, humuhukay ng mga lungga, nagsisiksik sa pagitan ng mga bato, at naghahanap ng mga bulate o kulisap na makakain. Oo, sila’y mga nilikha na may kakayahang mabuhay sa dagat man o sa lupa.
Kay ganda ng kanilang daigdig. Ang buong paligid ay sariwa at malinis. Malalago ang mga puno at buhay na buhay ang mga halaman. Tila pulbos sa kapinuhan ang buhangin, kulay pula ang lupa at tila mo mayamang-mayaman sa mga sangkap na nagpapatayog at nagpapalakas sa mga puno at halaman. Ang tubig sa dagat ay napakamalinaw at ang ugoy ay tahimik. Malinaw na maaaninag ang mga isda at isdang-bituin na nananahan sa ilalim ng dagat. Bihirang marating ng tao ang maliit na paraisong ito. Malayo ito sa mapanirang pakikialam ng tao sa kalikasan.
Paglipas ng dalawang buwan, ang dalawang bagong silang ay lumitaw mula sa taguang buhangin, nagmasid- masid, lumakad nang maingat sa buhangin at pagkatapos ay lumusong sa dagat. Ito na ang simula ng buhay na walang tulong mula sa magulang o kanino man.
Isang araw ay pinukaw ng ingay ng isang bangkang may motor ang katahimikan sa Brookes Point. Hila-hila ng bangka ang isang lambat at tangay ng lambat ang ano mang lamang-dagat na madaanan nito. Sa kasamaang-palad ay napabilang ang dalawang kadidilat pa lamang ang mga mata na magkapatid na kambal sa mga natangay ng lambat.
Sa malaking lungsod ng Maynila ay dumating ang mga nahuling isda at lamang-dagat at doon sa isang malaking gusali ay pinili sila at pinaghiwa-hiwalay ng mga manggagawa. Nagpasalin-salin sila sa iba’t ibang pook, sasakyan, at kamay hanggang sa ang magkakambal ay humantong sa isang pet shop sa loob ng isang university campus.
Biglang naudlot ang pamumuhay nila sa karagatan, sa kagubatang-pulo, na murang-mura pa ang kanilang diwa; di na nila makikita at matututuhan pa ang paraan ng pamumuhay sa pusod ng kalikasan. Ano ba ang malay nila sa mga nagaganap na pangyayari? Maaring lito sila sa nakikitang mga pook at di kilalang mga mukha, o sila’y musmos pa at di pa kayang kilalanin ang pagkakaiba ng likas na tahanan sa kapaligirang hiram lamang.
Nagkataong kaarawan ni Miki nang araw na iyon. Isa sa mga bumati sa kanya ay ang kaibigang si Rowena. Bilang regalo ay iniabot ni Rowena kay Miki, sa loob ng isang plastic bag na may tubig, ang magkakambal na galing pa sa Palawan. Tuwang-tuwa si Miki sa regalo. Nang araw ding iyon ay bumili siya, sa tulong ng ama, ng isang bahay na salamin na paglalagyan sa dalawa.
Si Miki ay freshman student ng music sa unibersidad, labing-limang taong gulang at batang mabait sa mga hayop. Nakapag-alaga na siya ng isang kuneho na sa kasamaang-palad ay nabuhay nang kung ilang buwan lamang.
Tamang-tama na dumating ang magkakambal sa buhay ni Miki sa panahong kailangan niya ng kaibigan at kalaro. Naging “ina” siya ng magkakambal na siyang naging pinagmumulan ng kanilang pagkain, tubig, araw, prutas, halaman, laruan at ano pa mang magpapasaya at magpapasigla sa kanila. Sa tuwing mage-ensayo ng violin si Miki ay doon siya tumutugtog sa harapan ng magkakambal na tila sila ang kanyang masugid na tagapanood.
Nang dumating ang magkakambal ay isang pulgada lamang ang kanilang haba; samakatuwid ay kasing-haba sila ng hinlalaki ng isang taong may edad. Sa paglakad ng panahon ay lumaki nang lumaki ang dalawa hanggang sa sila’y maging kasing-laki ng isang buong kamay ng isang taong may edad.
Sa paglakad ng panahon ay nabuo rin ang balak ng mga magulang ni Miki na mangibang-bayan ang buong mag-anak. Lilisanin ang Pilipinas at maninirahan sa California. Sa araw ng kanilang pag-alis ay ipinagkatiwala ni Miki ang kanyang dalawang alaga sa isang tapat na kaibigan. Nagkataon na ang bahay ng kaibigan ay may maliit na fishpond sa kanilang bakuran at iyon ay naging angkop na angkop na pansamantalang tahanan ng magkakambal. Naging napakabait din at napaka-maalaga ng kaibigan at ng nanay niya kung kaya’t ang mga alaga ni Miki ay nagpatuloy sa paglaki at nagkaroon ng buhay na maginhawa sa panahon ng paghihiwalay.
Paglipas ng isang taon ay hindi maiwasan na bumalik sa Pilipinas si Miki at ang kanyang ama upang sunduin ang mga naiwang alaga. Nguni’t natuklasan nila na hindi pala ganoon kadali ang maglabas ng alagang hayop mula sa Pilipinas at hindi rin ganoon kadali ang magpasok sa kanila sa ibang bansa. Katulad ng tao na nangingibang-bayan, kailangan nila ng mga papeles. Mahalaga na patunayan sa pamamagitan ng mga papeles na ang maglalakbay na alaga ay hindi nabibilang sa mga endangered species o ang mga nilikha na kakaunti na lamang ang bilang at nanganganib na mawala na sa balat ng lupa. May batas ang Pilipinas at pati na ang ibang bansa na upang mabigyan ng kaligtasan ang mga hayop na pambihira na ang dami ay hindi sila maaaring ilayo sa kanilang likas na tahanan maliban na lamang kung may pahintulot mula sa gobyerno.
Nilakad ng ama ni Miki na magkaroon ng lahat ng mga papeles at permiso upang maisama sa Amerika ang mga alaga. Samantala ang ina naman niya na nasa California ay nilakad na magkaroon din ng mga papeles mula sa panig ng California at nang ang mga alaga ay makapasok sa California. Kinailangan din na ang magkakambal ay magkaroon ng sariling tiket at “upuan” sa eroplano.
Sa wakas ay nalunan sa eroplano ang mag-ama kasama ang mga alaga patungo sa Amerika.
Pagbaba ng eroplano at pagbubukas ng pinto nito ay naganap ang isang nakatutuwang pangyayari. Sinalubong sila na tila mga celebrities nang dumating sa Los Angeles Airport.
Sa pintuan pa lamang ng eroplano ay nakaabang na ang isang pangkat ng customs officers na naatasang tumanggap at maghatid sa reception area ng customs sa mga dumating mula sa Pilipinas.
Inaabot ng labing-apat na oras ang paglalakbay sa eroplano mula sa Maynila hanggang sa Los Angeles. Mula sa eroplano hanggang sa welcome lounge ng airport, inaabot ng isa o isa’t kalahating oras pa ang pagpila at paghihintay sa immigration counter at pati na sa customs at ang pagkuha ng bagahe sa carousel.
Sa immigration ay tinitingnan ng mga officers ang passport at visa ng dumarating. Dito tinitiyak na ang visa ay tunay. Na ang taong may hawak ng visa at ng passport ay siya ring tao na nasa retrato at sa mga dokumento.
Tanong ng officer, -- How long are you going to stay in the U.S.? –
Ang karaniwang sagot ay, -- One month, -- kahi’t na ang balak ng tao ay maghanap ng trabaho at huwag nang bumalik sa Pilipinas.
-- Are you going to live with your relatives? – dagdag pa ng immigration officer.
Sa niloloob ng tinatanong, -- Ano ba ang pakialam nitong buwisit na ito? – Pero sasagot siya ng ganito,
-- No, Sir. I don’t have relatives in California (kahi’t na dito nakatira ang tatlo niyang kapatid, siyam na pinsan, at dalawang tiyo).
-- How much dollars do you carry on you? – ibig ding malaman ng officer. Kung kakaunti ang perang idedeklara ng tao, iisipin ng officer na baka walang pambayad ang tao sa otel at baka magiging kargo siya ng estado. Kung marami naman ay baka isipin na siya ay isang smuggler o di kaya ay drug dealer. Kailangan ay di hihigit sa sampung libong dolyar ang idedeklara niya. – Sasagot ang tao ng, -- Three thousand dollars cash. And I have a couple of credit cards. –
Okay, lusot na ang tao sa immigration. Susunod ay pipila naman siya sa customs counter. Dito ibig malaman ng mga officers kung may dala ang tao na mga ipinagbabawal na bagay katulad ng halaman, pagkain, droga, hayop, at iba pa.
Itinatanong ng officer kung may dala ang tao na galing sa Pilipinas na bagoong, mangga, tuyo, balut, white flower . . .
Ang sagot ng tao ay -- wala, wala, wala, wala, wala -- . . . Ang bagahe ng tao ay idinadaan sa x-ray machine at doo'y matutuklasan ng officer na nagsinungaling ang tao sapagka’t lima sa limang bagay na sinabi niya na hindi niya dala ay naroroon pala sa loob ng maleta! Ikukulong siya panandalian sa isang kuarto at doon ay tatanungin ng iba pang bagay at pagkatapos ay pagbabayarin ng multa na umaabot sa $200. Samantala ay naghihintay ang kanyang tatlong kapatid at siyam na pinsan sa arrival area at inip na inip na sa kahihintay.
Masuwerte si Miki at ang kanyang tatay dahil sa sila ay sinalubong mula sa pintuan ng eroplano at sinamahan pa patungo sa reception area ng mga customs officers. Hindi na sila pumila, hindi na sila natanong, hindi na sila na-inspeksyon.
Sa reception area ay ibig makita ng mga officers ang dala-dalang alaga ni Miki. Inilapag ni Miki ang magkakambal na alaga sa isang mesa, habang nakapaligid dito ang mga officers, na sabik na sabik na matunghan ang mga alaga.
Sari-saring paghanga ang nabitiwan ng mga officers, lalo na ng mga babae, nang lumabas mula sa isang basket ang magkakambal na alaga. – Wow! Oh my gosh! Unbelievable! They’re pretty! How cute! –
Tanong ng isang officer – And who is Comet? Itinuro ni Miki si Comet. – So, that other one, is Twinkle! They’re lovely –
-- So they both have the same surnames? – tanong pa ng nasabing officer, habang ang ibang officers ay aliw na aliw na nanonood at nakikinig sa nagaganap. Sagot ni Miki – Yep, they’re both Cruzes, after our last name. –
Tinatakan ang papel ng mga alaga, samantalang ang mga dokumento ng mag-ama ay bahagya nang tiningnan; at sinamahan sila papalabas sa restricted area. Nakalabas sa airport ang mag-ama, tangay sina Comet at Twinkle, sa loob lamang ng beinte minutos. Iba na ang may kasamang mga celebrities.
Si Comet at si Twinkle ay mga pagong na ang uri ay red eared sliders – ibig sabhihin ay may guhit na pula ang gilid ng kanilang mga ulo at mahusay silang magpadulas mula sa mga bato patungo sa tubig. Nang dumating sa Amerika sina Comet at Twinkle sila ay tatlong taong gulang. Umaabot sa pitong pung taon ang haba ng buhay ng mga pagong na ganito ang uri. Kung aabot sa ganoong edad ang dalawa, bunga ng mabuting pag-aalaga ni Miki, ay baka sa bandang taong 2070 ay makatatanggap pa sila ng mga retirement benefits kung sakaling magkakaroon ng retirement benefits ang mga alagang hayop sa Amerika pagdating ng nabanggit na taon.
Ang mga pagong ay mabubuting alaga sapagka’t napakagaganda nilang pagmasdan na lumalangoy sa tubig. Sila’y matatalino rin sapagka’t nakakikilala sa mga tao at marurunong humingi ng pagkain at kung papaano magpa-cute. Sila’y mahuhusay gumamit ng mga laruan at mga tuntungan na inilalagay sa kanilang aquarium. Higit sa lahat, sila’y matatahimik, matitipid sa pagkain (hindi kailangang pakainin nang araw-araw), at maaaring iwanan na walang bantay. Mga katangian na hindi maihahambing sa mga katangian ng aso o pusa.
Mapapalad na mga nilalang sina Comet at Twinkle. Masasabing maginhawa ang kanilang pamumuhay dahil sa natatanggap na mataas na uri ng pag-aalaga mula sa kanilang tagapag-aruga. Ang kanilang paglalakbay mula sa pulo na kinasilangan hanggang makarating sa California ay maituturing din na pambihira at may uring first class - sa pamamagitan ng eroplano at may welcome committee pa sa airport.
Ang karamihan sa mga hayop na hinahango sa kanilang likas na tahanan at inililipat sa di kinabihasnang lugar ay dumaraan sa maraming paghihirap. Hindi pagmamahal kundi negosyo ang pakay ng mga naglilikas sa kanila mula sa kagubatan o kapuluan patungo sa mga lungsod na kung saan sila ay ipinagbibili bilang mga pets. Sana ay matutuhang igalang ng mga negosyante ang karapatan ng mga hayop na maging ligtas sila sa paghihirap at panganib.
Minsan ay namasyal sa Monterey Park si Miki at ang tatay niya at doon ay nakakita sila sa isang chinese supermarket ng laksa-laksang soft-shell turtles na buhay pa, nagsisiksikan at patong-patong sa malalamig na kulungan, at naghihintay sa tiyak na malupit na kapalaran. Sila’y nagiging pagkain na inihahalo sa sabaw ng mga instsik. Awang-awa si Miki sa mga pagong at kung maaari lamang ay ibig niyang bilhin silang lahat, iuwi sila at alagaan o di kaya ay palayain sa dagat.
Sa kuwentong ito ay malalaman na may pitak sa puso ng tao na nauukol sa pagmamahal sa mga hayop. At ang sukli naman ng mga alaga sa nag-aalaga sa kanila ay ang walang maliw na katuwaan, katapatan, at ang pagkakaroon ng pusong-bata.
Sa kuwentong ito ay malalaman din na hindi lamang tao pala ang nangingibang-bayan. Tao man o hayop ay sumusunod sa tawag ng kapalaran, naglalakbay, nagbabago ayon sa hinihingi ng pagkakataon at ng paligid.