ISANG SUPOT NG LANSONES,
ISANG SUPOT NG MANI.
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Nailathala ng Asian Journal San Diego, Abril 10, 2009):
http://www.scribd.com/doc/14132130/Asian-Journal-Apr-10-2009
Ang Quiapo ay pusod ngMaynilana di natutulog. Dito naghahalo ang mga madasalin, sapagka't ito ang tahanan ng Santo Nazareno; at ang mga mapagsamantala na ang hanapbuhay ay mandukot sa kapuwa. Di magkamayaw ang dating at alis ng mga tao at ng mga sasakyan, ano mang oras ng araw o gabi, sapagka't dito pumupulot ng pasahero ang mga bus at jeepney, at dito rin nagsasadya ang mayayaman at mahihirap na kapuwa ay naghahanap ng bagay-bagay na mabibili nang mura mula sa mga nagbabaratilyo sa bangketa.
Ang unang bahagi ng salaysay na may kinalaman sa isang tinderong Batanggenyo sa Quiapo ay may pagkakahawig sa isang patawa na umiikot sa kuwentuhan ng mga barkada. Bukod sa bagay na ito, ang ating salaysay ay naiiba. Ang ating salaysay ay tungkol sa isang sinto-sinto na itinuring na tahanan niya ang Plaza Miranda sa Quiapo. Labing-walong taong gulang, ang kanyang isip ay katumbas ng sa pitong taong gulang na bata. Maagang naulila sa ina, ang nagpalaki at nag-aruga sa kanya ay ang lola, na ang bahay ay isang kariton na nakaparada sa likuran ng palengke sa Calle Echague, isang dipa ang layo sa ilog Pasig.
Jose ang ngalan niya, at Yosi ang bansag ng mga nakakikilala at kapuwa homeless niya sa magulong distrito na ito ng Maynila. Ang walang tahanan na katulad ni Yosi ay nabubuhay sa araw-araw sa pagpapala ng mga di kilalang tao na napapadpad sa Quiapo. Ang ilan sa mga nagpupunta sa Quiapo ay napapadaan lamang, tungo sa mga sakayan ng bus. Ang marami ay naroroon upang tumingin-tingin sa mga murang paninda na mabibili. At higit na marami naman ang naroroon upang pumasok sa simbahan, mag-alay ng dasal at kandila sa Mahal na Santo Nazareno, ang Tagapagligtas ng mga mahihirap at may suliranin sa buhay.
Si Yosi ay mahilig manigarilyo, kung kaya't binansagan siyang, Yosi. Nguni't ang hinihitit niyang sigarilyo ay hindi kanya; hindi siya bumibili ng sigarilyo kailanman, sapagka't wala siyang pera na panustos sa gayong bisyo. Nakapagsisigarilyo siya sa pamamagitan ng paghingi sa mga kasama at pagpulot sa mga beha na itinatapon sa lupa ng mga tao.
Kung sa pagkain naman ay nakararaos si Yosi sa pamamagitan din ng hingi at pagdukot-dukot ng kakanin sa mga bilao ng mga tindera. Sa gabi, ang mahiligang sulok ng bangketa ang nagiging mistulang silid-tulugan niya, matapos na maglatag ng napupulot na karton at plastic na nagsisilbing sapin, higaan at kumot.
Nakatutuwa ang nangyari kay Yosi at sa tindero ng lansones na taga-Batangas. Panahon noon ng lansones at naglipana sa Plaza Miranda ang mga tindahang-kariton na ang tinda ay lansones. Ugali ng mga tindero na ilagay na sa supot ang katumbas ng isang kilo ng lansones at itinutumpok ang mga supot sa isang panig ng kariton. Sa gayon ay mabilis ang bilihan -- kung may bibili, ang customer ay pupulot na lamang ng supot at magbabayad. Di na kailangang piliin ang lansones, ipasok sa supot at timbangin ito. Ang mga gawaing ito ay nagawa na bago pa dumating ang mamimili.
Nguni't panaka-naka ay may mamimili na makulit. Hindi siya interasado sa lansones na nasa supot at natimbang na. Siya ang pipili sa bungkos ng lansones, isa-isa; pipisil-pisilin at aamoy-amuyin niya ang bawa't bungkos, bago ilalagay ito sa supot. Kung walang langgam na lumalakad sa ibabaw ng mga lansones ay di siya bibili at pupunta sa ibang tindero na ang lansones ay nilalanggam. Ang langgam ang nagpapatunay na ang prutas ay matamis. Ibig din niya na siya ang titimbang sa napiling lansones, upang makatiyak na ang timbang ay tama sa kilo. At bago magbayad ay pupulot pa ito ng isang dakot na lansones, bilang dagdag.
Nang araw na yaon ay may problema sa tiyan si Yosi. Ibig niyang madumi, nguni't wala siyang mapuntahang palikuran. Itinataboy na siya sa palikuran sa simbahan at maging iyong nasa mga restaurant; marahil ay nagsawa na ang mga may-ari ng palikuran sa pagbibigay sa kanya, bukod pa sa hindi siya marunong gumamit ng palikuran.
Dahil sa matinding tawag ng pangangailangan, ang ginawa ni Yosi ay lumapit sa isa sa mga tindahan sa kariton na nagtitinda ng lansones at di nagpahalata na kumupit ng isang supot na pang-isang kilo ang sukat, at ito'y ikinubli sa kanyang kili-kili. Naghanap ng isang sulok na kubli at doon sa supot ay nagparaos sa kanyang sakit ng tiyan.
Makikitang dala-dala ni Yosi ang isang supot na tila ang laman ay isang kilo ng lansones. Maayos ang pagkakatupi niya sa supot at talagang tila ito ay may lamang prutas. At dahil sa itong si Yosi ay sinto-sinto nga, sa halip na ang supot ay ihulog sa basurahan, ito ay inilapag niya sa isang tindahang-kariton ng lansones, habang ang tindero ay hindi nakatingin. Sa makatuwid ay naging mistulang paninda ang dumi ni Yosi at napasama ito sa hanay ng mga lansones na nakasupot na at naghihintay na mabili.
Dumating itong customer na laging bumibili ng lansones sa tuwing Biyernes na siya ay nagsisimba sa Quiapo. May edad na babae ang customer na ito na manang na manang ang dating – nakasuot ng damit na kulay lila na gaya ng kulay ng suot ng Nazareno, at may kung anu-anong estampita na nakasabit sa kanyang leeg. Sa tingin ay isa siyang malumanay, mabait at napakamadasaling tao.
Lumapit ang babae sa kariton, sinipat ang nakahanay na mga supot ng lansones at pinili ang isang supot. Pinulot niya ito at inilagay sa timbangan.
-- Husto ba ang timbang nito, mama? -- tanong sa tinderong Batanggenyo.
-- Opo, m'am, isang kilo po iyan, sagot ng tindero. --
-- Matamis ba? -- pangalawang tanong ng customer.
-- Syempre naman, ma'am, piling-pili po ang mga lansones ko. --
Kulang sa isang kilo ang laman ng supot, napag-alaman ng customer, ayon sa timbangan, kung kaya't inalis ng customer ang supot mula sa timbangan, binuksan ang supot na hindi tinitingnan ito, at nagbalak na magdagdag pa ng lansones upang maghusto ang timbang sa isang kilo. Wala pa ring tingin-tingin ay ipinasok ng customer ang kanyang kanang kamay sa loob ng supot, na ang balak ay kapain ang mga lansones. Sa halip na ang mahipo ay lansones, naramdaman ng customer na ang nahihipo niya ay bagay na malambot, madulas at basa-basa. Nagtaka ang customer, -- Ano ba ito? -- at sinilip ang laman ng supot, at napasigaw -- Hay, naku, ta _! --
Nagitla ang tindero at bago makapagsalita ito ay nakaramdam na bumagsak sa kanyang kanang pisngi ang isang mainit at masaganang sampal mula sa kamay na mabaho ng galit na galit na customer, na may kasunod pang, -- P_ _ _ _ _ ina mo ka! --
Kinabukasan, habang nakikipagkuwentuhan ang tindero sa kapuwa tindero, ay nasabi ng nakatikim ng sampal -- Ala , e, dito pala sa Quiapo, pag hindi husto ang timbang ng dumi e makatitikim ka ng mura at sampal. --
---------------
Noong mga panahon na yaon ay sumibol din sa Quiapo ang mga nagtitinda ng mga bila-bilaong mani. Sa mga bangketa ay di magkamayaw ang mga bilao ng mani na ang bawa't bilao ay may naiibang luto. May mani na pinirito, malutong at may asin. May mani na pula, iyong nababalutan pa ng balok, at iyong mani na puti na nahubad na ang balok; mayroon ding mani na inihaw na buo pa ang balat at mayroon ding maning may balat pa na nilaga sa kumukulong tubig.
Hari ng mga magmamani si Tano, isang apat na pung taong gulang na mestisong Intsik, na ang negosyo ay mag-imbak ng mani, galing sa mga bukirin sa probinsya, at ipagbili ito sa mga nagluluto at naglalako ng pangkukot na paborito ng balana.
Si Jesse naman, halos ay kaedad ni Tano, ay isa sa mga nagbabagsak ng mani sa kanyang bodega. Kinatawan siya ng isang korporasyon sa Makati na nagtatanim ng mani sa Palawan . Bulto-bultong sako ng mani ang ibinabagsak ni Jesse sa tuwing may ipinadadalang ani ang mga nasa bukid. Ang transakyon ng dalawa ay nagkakahalaga ng libo-libong piso buwan-buwan.
Kailangan ni Tano si Jesse at dahil marunong siyang magpahalaga sa gawain nito ay palaging may balato siya para sa kanyang supplier. Sa dulo ng kanilang pakikipag-usap ay may iniaabot na supot ng hilaw na mani si Tano kay Jesse, kasama ang bulong na
-- Heto ang dalawang kilong mani; tiyakin mo na makaaabot kay Trining, (asawa ni Jesse). --
Pagdating sa bahay ay ibinubuhos ni Jesse ang nilalaman ng supot at kahalo ng mga mani ay may bungkos ng tig-iisang daang pisong salapi – regalo ito ni Tano o pabuya sa pagpapanatili ng magandang hanapbuhay sa mani na namamagitan sa kanilang dalawa.
Magara ang auto ni Jesse. Malimit na may suot na bagong polo shirt, kung di man, bagong sapatos o relo. Malinaw na nakaririwasa sa buhay si Jesse. Malimit din na siya ay kumakain sa restaurant, habang ang mga kasamahan sa trabaho ay sa office lamang kumakain ng pagkaing-tira galing sa bahay.
Makailang ulit na isinasama sa lakad ni Jesse, hinggil sa pagbabagsak ng mani sa Quiapo, ang bagong graduate na si Dado. Ito ang naging utos ng amo ni Jesse, na magsanay ng isang assistant na, pagdating ng araw, ay makapapalit sa kanya.
Bagong graduate si Dado at ang pagtitinda ng mani ay malayo sa kanyang pinapanagarap na karera. Nag-aral ng economics sa Ateneo si Dado, at ang kanyang pangarap ay maging isang tanyag na bangkero o di kaya ay ekonomista sa gobyerno. Tinanggap niya ang pagiging alalay ni Jesse, sa isip na, tutal ito naman ay pang-unang hakbang lamang patungo sa katuparan ng kanyang tunay na pangarap.
Matalino at matalas ang pag-uunawa ni Dado sa kahulugan ng mga kilos ng mga tao at ng mga nakikita niya sa kanyang kapaligiran. Bukod pa rito ay masasabing idealistic si Dado, gaya ng maraming bagong graduate. Ang prinsipyo, sa kanila, ay higit na mahalaga kaysa sa salapi. Ang pagiging tapat at malinis sa pakikitungo sa mga kausap sa hanapbuhay ay isang matigas na panunutunan na hindi mababali.
Sa isang kagyat ay napansin na niya kaagad ang hilig sa luho ni Jesse, na di maaring pairalin kung suweldo sa opisina lamang ang panggagalingan ng kita. May hinuha kaagad si Dado na si Jesse ay may ginagawang kababalaghan, kung kaya't nagkakaroon siya ng salapi na panustos sa kanyang mga luho.
Sa tuwing maghahatid ng mani sa bodega ni Tano ay kabuntot ni Jesse si Dado. Ipinaliliwanag ni Jesse sa batang assistant ang sunod-sunod na hakbangin na dapat ay matupad, mula sa simula hanggang sa dulo, upang ang transaksyon sa mani ay maisakatuparan nang maayos. Mabuting estudyante si Dado, kung kaya't mabilis niyang natutuhan ang kalakaran sa negosyo ng mani. Umabot ang pag-aaral hanggang sa punto na kung may mangyayari kay Jesse ay maipagpapatuloy na ni Dado ang gawain ni Jesse na walang pangambang siya ay magkakamali o ang korporasyon ay malulugi hinggil sa hanapbuhay sa mani dahil sa kanyang pagkakamali.
Hindi lingid sa kaalaman ni Dado ang tungkol sa supot ng mani na sa tuwing bago maghihiwalay sina Tano at Jesse ay tinatanggap ng huli bilang pasalubong sa asawa. Malalim na pinag-isipan ni Dado na ang nakikitang pag-aabutan ng supot ng mani ay di pangkaraniwan. Bakit bibigyan ng mani si Jesse, samantalang siya ang pinagmumulan ng mani? Bakit ito ibinibigay kay Jesse na nakasupot na at ginagawa ang paglalagay sa supot sa paraang walang nakakikita? Patago? Bakit si Jesse lamang ang binibigyan ng mani, samantalang naroon din siya sa eksena at kasa-kasama ni Jesse sa tuwing may paghahatid ng mani? Napaghinuha ni Dado na ang mani ay suhol o naglalaman ng suhol ang supot ng mani. Nguni't, pansamantala, ay walang balak na magsumbong o gumawa ng ano mang hakbangin si Dado.
Lumipas ang ilan pang buwan, nagkaroon ng stroke si Jesse at naging baldado siya. Si Dado ang naging kapalit sa trabaho. At kung si Tano ang naging hari ng mga magmamani sa Quiapo, ang korporasyon naman ni Dado ang naging pinakamalaking tagapaghatid ng mani galing sa pataniman; at si Dado ang naging mistulang prinsipe na maaaring bumuhay o pumatay sa hanapbuhay ni Tano o ng korporasyon.
Dumating ang panahon ng pagsubok. Isang araw, nang matapos na ang lahat ng gawain tungkol sa paghahatid ng mani sa bodega ni Tano; nang araw na iyon ay isang trak ng mani na nakapaloob sa bulto-bultong sako ang naging transaksyon nina Tano at Dado, na ang naging halaga ay umabot sa P150,000.00. Tuwang-tuwa si Tano na nagpatuloy ang pagkakaroon niya ng mani na mataas ang uri na naipagbibili niya at tumutubo ng malaking halaga, kahi't wala na si Jesse. Tiyak na malaki ang kanyang kikitahin, sa tuwing may delivery si Dado. Bago umalis si Dado noong araw na iyon ay nagpasalamat nang labis si Tano, at iniabot sa nakababatang bagong partner ang isang supot ng mani.
-- Ito ay para sa iyo, Dado. --
Alam ni Dado na ang nangyari na ay mangyayari muli, at mahirap na ang ganitong tadhana ay mag-iba pa. Tinaggap niya ang supot, sapagka't kung tatanggihan niya ito, ay baka ikasama ng loob ni Tano. Bukod doon ay, kung tatanggihan niya ang supot, ay di niya malalaman kung totoo ang hinuha niya na ang supot ay may naglalaman ng suhol.
Dahil tinanggap niya ay aakalain ni Tano na siya ay katulad din ni Jesse na mabibili sa suhol ang prinsipyo.
Tila walang pakiramdam at wala sa isip na tinaggap ni Dado ang supot. Salo ito sa palad na tila munting kayamanan nang magsimulang maglakad patungo sa sasakyan ng bus. Nang naroon na siya sa kalagitnaan ng Plaza Miranda, ay may taong biglang sumulpot sa kanyang kanan, isang binatilyo; hinablot ng di kilalang tao ang supot mula sa kanyang kamay, bago tila sibat na tumakbo patungo sa kakapalan ng tao. Walang nagawa si Dado kundi ang mamangha sa bilis ng mga pangyayari. Sinundan niya ng tingin ang umagaw sa supot; siya'y lumiko sa isang panulukan at tuluyang nawala na parang bula.
Nang gabing iyon ay may pasalubong na mani si Yosi sa kanyang naghihintay na lola, na sa buong araw ay inaasam-asam ang lasa ng pagkain, kung sakaling mayroong pagkaing darating. Nang gabi ring iyon, kung papalarin, ay magkakapera ang matandang babae na magagamit niya sa pagpapatingin sa doktor sa darating na bukas.