MONEY IS NOT EVERYTHING
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Nang araw na iyon ay ipinakita sa publiko sa kauna-unahang pagkakataon ang iskultura na simbolo ng Las Vegas.
Nag-ipon sa lugar na masasabing pintuan tungo sa Las Vegas ang may limang daang tao na binubuo ng mga taong nakatira sa Las Vegas, mga pinuno ng ciudad, at mga inimbita na galing sa media at iba't ibang larangan.
May banda ng musiko na sa pagtugtog nito ng masasayang martsa ay nagdulot ng pananabik sa pagtitipon.
Sa takdang sandali ay nagbigay ng maikling pagbati ang mayor. Katulong ang Mrs., pagkatapos ng speech, ay hinatak ng mayor ang lubid na nagtanggal sa telang nakatalakbong sa iskultura.
Namangha ang lahat sa nakitang iskultura - ito'y iskultura ng isang malaking 100 hundred dollar bill. Palakpakan ang mga tao. Kuhanan ng retrato at video ang mga reporters.
Ang iskultura ang magsisilbing simbolo at welcome sign ng Las Vegas. Sa pinaka-itaas ng iskultura ay mababasa ang ganitong mensahe: "Welcome to Las Vegas. Money is not everything. It is the only thing!"
Ang tatlong magkakaibigan - sina Pepe, Gogoy, at Resty ay nagkataong nagbabakasyon sa Las Vegas noong araw na iyon. Nakita nila ang pagpapasinaya sa iskultura.
Pinuntahan nila kaagad ang Pete's Whiskey, ang unang casino, na mararating kapapasok pa lamang sa Las Vegas. Naglaro sila ng Black Jack.
Mula sa puhunan na tig-bebeinte dolares, sa loob ng isang oras, ay napalago ng tatlo ang puhunan. May titig-tatlong daang dolares na sila.
Habang naglalaro ng Black Jack ay nag-uusap sa Tagalog ang tatlo. Ito'y ikinabahala ng dealer. May pinindot na buton sa ilalim ng mesa at di nagtagal ay dumating and dalawang security men. Tumayo ang dalawa sa paligid ng Black Jack table. Iniisip siguro ng dealer na may ginagawang kababalaghan ang tatlo, kung kaya't nananalo.
"Pare ko," sabi ni Gogoy. "Sibat na tayo. Mukhang duda sa atin ang mga mokong!" Tumayo ang tatlo at nilisan ang casino.
Ang mga pumupunta sa Las Vegas ay may pakay na maka-jackpot, manalo ng limpak-limpak na salapi sa kakaunting puhunan.
Tuwing may mananalo ng malaki ay nalalagay ang balita sa radyo at TV.
Halimbawa, may naghulog ng $1 sa isang slot machine at ang tao'y nanalo ng isang milyong dolares na jackpot. Ganitong balita ang nag-uudyok sa mga taga-ibang lugar na dumayo sa Las Vegas.
Ang tatlo ay kumain ng masasarap sa mga sikat na restaurant, nag-check in sa isang bagong-bagong hotel, minasid ang lobbies ng iba pang magagandang hotel, lumangoy sa swimming pool na may alon, likha ng makina na gumagawa ng alon; nanood ng concert ng isang rock star. At tuwing may pahinga o pagkakataon ay sugal ang inatupag ng tatlo.
Pinapalad sila sapagka't noong pangalawang araw ay may tig-iisang libo na sila. Kinabukasan sila ay babalik na sa Los Angeles.
Limang oras ang layo sa pagitan ng Los Angeles at Las Vegas. Tuwid na tuwid ang freeway at disyerto ang magkabilang gilid kung kaya't nakaiinip ang biyahe.
May matitigilang gasolinahan o kainan sa kahabaan ng freeway. Nakatutuwa na may isang freeway exit, papunta sa disyerto, na ang pangalan ng lugar na nakasulat sa sign ay Zzyssx. What a name for a place! Wala ni isang vowel.
Nang gabi na bisperas ng kanilang pag-alis sa Las Vegas ay nakatanggap ng tawag sa cell phone si Resty. Ibig siyang makausap ng kanyang kapatid na nasa Filipinas.
"Kuya, malubha ang lagay ng inang." Balita ng kapatid.
"Nagka-pneumonia siya at nasa intensive care. Kailangan ng pera para sa gamot, doktor, at pambayad sa ospital. Kung maaari, magpadala ka kaagad gamit ang Western Union."
Natulala at nabahala si Resty. "Magkano ang kailangan?" tanong ni Resty.
"One hundred fifty thousand pesos."
Sa dollar ay $3000.00 ang kailangan. "Wala akong ganoong kalaking salapi," sabi ni Resty. "Pero, hahanap ako ng paraan."
Nang malaman nina Gogoy at Pepe ang problema ni Resty ay walang pag-aatubili nilang ibinigay ang tig-iisang libo sa kaibigan. Nanalo ang tatlo sa sugal at sa isang kisap ay naging hangin ang kanilang panalo.
Ang natira nilang cash ay husto lamang na pambili ng gasolina. At sa halip na tumigil sila sa isang mamahaling restaurant upang kumain, ay doon sila kumain sa isang taco truck. Tig-iisang burrito sila at libreng tubig na panulak.
Papalabas na sila sa may boundary ng Las Vegas. Ang huling bagay na nakita nila ay ang bagong tayong iskultura.
Binasa at binigkas nang malakas ni Resty ang sign sa iskultura: "Welcome to Las Vegas. Money is not everything. It is the only thing!"