Nagising sa katotohanan ang magkapatid na sina Felix, 20, at Miriam, 23, na pati pala ang mga matatanda ay maaari ring makagawa ng mga kagulat-gulat at walang pakundangang bagay sa kanilang buhay.
Malimit na ang mga kabataan lamang ang itinuturing na gumagawa ng mga kabaliwan at nagpapakita ng masasamang asal dala ng kanilang pagiging mapagsubok sa hindi pa nasusubukan at sa hindi mapigil na bugso ng kabataan. Mabibilang ba natin ang mga kabataan na kagyat ay nakararanas ng unwanted pregnancy samantalang sinusubukan ang paanyaya ng laman? Ilan ang kabataang nakikilala ninyo na nabulid sa pag-inom ng alak at pagsubok sa droga? Ang nagmamaneho ng awto na walang pagpapahalaga sa disgrasya? Ang nagpapatato? Ang nagsasabit ng kung anu-anong hikaw sa taenga, ilong at dila? Ang nakukulong dahil sa shoplifting? Ang naglalayas upang maghimagsik sa di malaman na kung anong dahilan? Hindi pala ganoon kagimbal-gimbal ang kawalang-isip ng mga kabataan.
Kung kailan pa tumuntong sa kalagitnaan ng kanilang buhay ay saka pa nagpakita ng kabuktutan ang ina at ama nina Felix at Miriam.
Ang nanay nila, si Josefina, ay naging mabuting ina sa kanila. Maganda siya, katamtaman ang taas, kayumanggi ang balat at itim na itim ang mga mata. Hugis coca-cola ang kanyang pangangatawan, lalo na noong siya’y bata-bata pa.
Larawan siya ng isang uliran, mabait, kagalang-galang na pagkababae. Mataas ang kanyang naabot sa pag-aaral; mayroon siyang Master’s Degree sa Chemistry. Sa kasalukuyan ay naghahawak siya ng isang mahalagang katungkulan at tumatanggap ng magandang sahod sa isang food processing company.
Ang tatay naman nila, si Florentino, ay naging mabuting ama sa kanila, naging tunay na haligi ng tahanan, na laging handa na tumangkilik sa lahat ng kanilang pangangailangan. Matipuno ang pangangatawan ni Tino. Mataas siya, may kaitiman ang balat, buo at mapuputi ang mga ngipin, may pagkakulot ang buhok at mahusay magbihis. Masasabing magandang lalaki si Tino. Sa kasalukuyan ay courier siya ng isang UPS truck at maganda rin ang kita.
Masaya ang pamilya at pangkaraniwan ang takbo ng kanilang buhay. Malimit ay nagsasaya sa kanilang bahay ang pamilya kasama ang mga piling-piling mga kamag-anak at kaibigan. Mahilig magluto si Tino at mahusay namang mag-aliw ng mga panauhin si Josefina. Mahusay siyang tumugtog ng piano at pasimuno siya palagi sa kantahan.
Ang bawa’t isa ay may kani-kaniyang mga hilig at aliwan. May pinagkakaabalahan silang pampamilya at mayroon ding pangsarili. Si Felix ay malimit na kasama ang mga kabarkada sa pagbibisekleta. Si Miriam ay pala-aral, mahilig magbasa at mag-computer. Nasa bahay lamang siya sa malimit.
May ilang pagkakataon na si Josefina ay lumalabas upang mag-shopping o nanood ng sine kasama ang kumare na si Eva, ninang sa binyag ni Miriam. Fishing naman ang hobby ni Tino. May mga weekends na hindi siya natutulog sa bahay sapagka’t kasama ang mga kaibigan sa pangingisda. Matalik niyang kaibigan at kasama sa mga lakad si Derek, malayong pinsan niya sa ama, samakatuwid, ay tiyohin siya nina Felix at Miriam.
Taong 2010 na, malaki na ang pinag-iba ng mga pag-iisip, pag-uugali at pagpapahalaga ng mga tao. Noong araw ay kinikipkip ang lihim at nang hindi maging kahiya-hiya sa lipunan. Magugunita ang maikling kuwento ni Amado V. Hernandez (Pamagat: “Magpinsan”). Nagka-ibigan ang magpinsan at naging mabigat na pasanin ang sasabihin ng mga tao kung sila’y padadala sa udyok ng kanilang mga puso.
Ayon kay A.V.H. : "Sa pagsinta ay walang magpinsan, " ang putol ni Nestor. "Lalong mabuti sapagka't iisa ang dugong nananalaytay sa ating mga ugat, iisa ang ating damdamin, iisa ang ating puso. At bakit natin pakikinggan ang sasabihin ng tao? Ang dila ng tao'y talagang makasalanan at hindi marunong humatol. Alalahanin mo ang ating kabataan, ang pagmamahalan natin noong tayo'y mga batang musmos. Hindi ka ba nanghihinayang sa lahat ng yaon kung ikaw o ako, ngayong kita'y may gulang nang ganap, ay mapasaibang kamay at mapasaibang dibdib?"
Isang pangyayari ang yumanig sa tahimik at pangkaraniwang buhay ng pamilya. Nagkasundo sina Josefina at Florentino na maghiwalay. Matagal na nilang iniisip na gawin ang ganito; subali’t naghintay sila sa pagpapatupad ng iniisip hanggang sa ang mga anak ay lumaki na muna at magkaisip. Dumating na ang tamang panahon.
Mainit na usapin sa buong Amerika ang pagbibigay ng karapatan sa mga bakla at tomboy na sila ay makapag-asawa sa isa’t isa (same-sex marriage). Kung sa bagay ay magkasama na sa bahay (at sa buhay) ang mga partners, bakit di pa sila bigyan ng karapatan na mapakasal at nang maging legal ang pagsasama, ito ang hinihingi ng mga mungkahi. Aywan natin kung kailan magpapasiya ang Korte Suprema at kung ano ang magiging pasiya.
Kung may batas man o wala, ang katotohanan ay laganap na ang lantaran na pagpapakita ng tunay na pagkatao. Nagladlad na ng kapa ang mga bakla. At “nagsuot na ng bigote”ang mga tomboy. Wala nang natatakot, wala nang nahihiya. At ang balana ay naging mapagbigay at maunawain. May bakla at tomboy sa army, may bakla at tomboy sa matataas na katungkulan sa simbahan; bukas-palad na ang pagtanggap sa kanila kahi’t na saan. Ang tanging lugar na nananatiling mahigpit sa pagpapakita ng pagkabakla o pagka-tomboy ay ang mga bansang Muslim na kung saan pinupugutan ng ulo ang mga nahuhuling lumalabag sa Batas ni Mohamed.
Ang mag-asawang Josefina at Florentino ay kapuwa may itinatagong lihim sa buhay. Si Josefina ay balaki o babaeng lalaki. Si Florentino ay binabae o lalaking babae. Kapuwa sila kaluluwang nakabilanggo sa katawan na hindi nila gusto. Sinubukan nilang magkaroon ng buhay na normal. Pinatigasan ang pagganap sa kasarian na kanilang kinagisnan. Nagsuyuan. Nagligawan. Nagpakasal. Nagka-anak. Nguni’t ang lahat na ginampanan nilang papel sa tanghalan ng buhay ay labag pala sa kagustuhan ng kanilang kalooban. Dinaya nila ang kanilang mga sarili. Pilit nilang ikinubli ang kanilang tunay na pagkatao. Sila’y nagbalatkayo sa mata ng tao.
Matagal na palang naglalaro ng apoy si Josefina. Ang kanyang naging kalaguyo ay si Kumareng Eva na may hilig din pala sa kapuwa babae. Kapuwa nila tinikman ang pinagbabawal na mansanas. At sa panig naman ni Tino, siya’y maluwat na ring namamangka sa dalawang ilog; nakikipagtalik siya kay Derek. Ang kanilang pagpunta-punta sa dagat o di kaya’y sa lawa ay hindi pala sa layong makapangisda kundi upang maidaos ang kanilang nag-aapoy na pagnanasa sa isa’t isa.
May isip na sina Felix at Miriam. Masakit ang kanilang kalooban sa harap ng mga pangyayari nguni’t wala naman silang magagawa o masisisi. Wala silang hinangad kundi ang lumigaya sana ang mga kinauukulan at silang magkapatid ay makalagpas sana sa panahon ng pagkabigla at kalungkutan.
Nagpaputol ng buhok si Josefina at ipinamigay ang lahat ng mga damit na pangbabae. Pantalon at t-shirt ang kanyang naging paboritong kasuotan. Kapag nagsasalita ay pinalalaki niya ang kanyang boses at sinasadyang kumilos na tila lalaki. Ayaw na niyang matawag na Josefina kung kaya’t Joe na ang tawag sa kanya ng lahat.
Si Florentino naman ay nagpahaba ng buhok, pinakulayan ito ng kulay-mais. Nagpabutas ng taenga at nagsabit ng hikaw sa mga ito. Bagama’t panglalaki pa rin ang kanyang damit na kasuotan ay mapupuna na ang kanyang sandalyas ay pambabae na. Mayroon na rin siyang palaging dalang handbag ngayon na naglalaman ng pulbos, pabango, eyeliner at lipstick. Tuwang-tuwa siya kapag tinatawag siya na Tina sa halip na Tino.
Dati rati’y buo ang mag-anak sa pakikinig ng misa tuwing Linggo. Nang huli, ang magkapatid na Felix at Miriam na lamang ang nagsisimba bagama’t nakikitang umuupo sila sa isang sulok ng simbahan na hindi pansinin ng mga tao. Sa isang sermon ni Father Ben, tila baga ang mga salita ay patungkol sa naguhong pagkakaisa ng isang pamilya. Sabi niya "Paano na ang mga bata? Paano na ang lipunan? Mula pa sa noong unang panahon ay babae at lalaki na ang ugat at puno ng lipunan. Ang kanilang pagsasama ay itinalaga ng Diyos at ng Katalagahan upang maging daan sa paglikha ng mga supling, sa pagpapalaganap ng mag-anak, sa pagpapatibay ng lipunan. Mag-anak ang haligi at kinabukasan ng lipunan. Dumating na ba ang katapusan ng mag-anak?
"Babae, lalaki at mga supling ang kaayusan ng sansinukob, nguni’t ang kaayusang iyan ay tila masisira sanhi sa pagpapahalaga ng iilan sa pangsariling kabutihan sa halip na panglahatang kabutihan. Baka ang tao’y mauwi sa pamamaraan ng mga hayop na may katuwiran ang alin mang ninanasang gawin kung ito’y naaayon sa pagpapalawig ng sariling buhay o kaligayahan man."
Nagkaroon ng referendum sa California tungkol sa same-sex marriage. Ang lumilitaw na damdamin ng publiko: Magsama na kung ibig magsama ang mga alanganin ang kasarian; hindi nila kasalanan ang magkagayon, at idagdag pa diyan na ibigay sa kanila ang mga karapatan ng mag-asawa. Nguni’t hindi makatuwiran na ang lipunan ay pumayag na ang kasal ay maging sa pagitan ng lalaki at lalaki o ng babae at babae. Ang kasal ay nauukol lamang sa pagitan ng lalaki at babae.
Matatalino at matitibay na mga bata sina Felix at Miriam. Mabilis nilang nasakyan ang naganap sa buhay ng kanilang pamilya na bagama’t biglang-biglang dumating ang katulad ng di inaasahang pagbagyo na may kasamang kidlat at kulog ay natutuhan nilang sumakay sa agos. Bagama’t naging tila problema sa matematika ang kanilang family tree ay kagyat naunawaan ng magkapatid ang bagong equation: Si Joe na nanay nila dati ay naging tatay na ngayon, si Eva na ninang ni Miriam noon ay ninang at nanay na ngayon. Si Tino na dati ay tatay ay nanay na ngayon at si Derek na kanilang tiyohin ay tiyohin na at tatay pa ngayon.
Nguni’t di maiwasan na paminsan-minsan, sa gabi, ay nagigising sa kalagitnaan ng isang masamang panaginip si Miriam at napapatili: Ano?! Tatay ko ang nanay ko?!