KALUPITAN NG NAKARARAMI
Dulang May Isang Tagpo ni Percival Campoamor Cruz
(Nagkamit ng gantimpala. Pagdiriwang ng Lungsod ng Maynila sa Ikasandaang Taon Ni Andres Bonifacio)
PANANON: 22 ng Marso, 1897
POOK: Sa isáng asyenda sa Teheros, San Francisco de Malabon, Kabite
MGA TAO:
ANDRES BONIEACIO, Supremo ng “Katipunan”
JACINTO LUMBRERAS, nangulo sa kapulungan
BALDOMERO AGUINALDO, pangulo ng Pangkat “Magdalo”
SEVERINO DE LAS ALAS, nagmungkahi sa pagbuwag ng “Katipunan”
DANIEL TIRONA, nagmungkahi sa paghirang ng isang abogado sa tungkuling Kalihim-Pangloob
ARTEMIO RICARTE, kalihim ng kapulungan
MARIANO TRIAS, naging kandidato sa panguluhan ng Pamahalaang Mapaghimagsik
EMILIANO RIEG0 DE DIOS, patnugot sa pakik idigma (sa pagkakahalal)
MGA KASAPI SA PANGKAT “MAGDALO”
ILANC KASAPI SA PANGKAT “MAGDIWANG” na kasama ng Supremo
TAGPO: (Sa bulwagan ng isang matandang bahay-kastila sa loob ng asyenda sa pook na nabanggit. Nakahanay ang mga likmuang yantok at kahoy saka ang ilang bangko na paharap sa panguluhan, na kinaroroonan ng isang maliit na hapag na may mga kasulatan, mga papel, panitik at dinsulan. Sa isang panig ay ang Sagisag ng Pangkat “Magdalo”. Sa mga likmuang ito nangakaupo ang mga nagsidalo sa pulong. Sa unang hanay nangakalikmo ang mga pangunahing tao ng himagsikan, maliban kay Heneral Emilio Aguinaldo na hindi nakadalo.)
· (Ikalawa na itong kapulungang ipinatawag ng Pangkat “Magdalo” na pinangunguluhan ni Baldomero Aguinaldo, pinsan ni Heneral Emilio Aguinaldo. Sa pagtitipon ay nakahihigit ang bilang ng mga mapaghimagsik na tubong Kabite, samantalang iilan lamang ang mga kabig na kasama ni Supremo Bonifacio doon. Tumugon nga si Supremo Bonifacio sa anyaya sa pulong na ito sa nasabing panig ng Kabite, bagaman kapanggagaling pa lamang sa larangan ng labanan sa Morong. Paksang pag-uusapan sa kapulungang ito ay ang “kung dapat o hindi dapat na buwagin ang “Katipunan” upang mabigyangdaan ang pagtatatag ng isang “Pamahalaang Mapanghimagsik”.)
JACINTO LUMBRERAS: (Pagkapukpok ng malyete sa hapag.) Mga kapatid, sa
pagtugon sa hinihingi ng mga pangyayari sa kabutihan ng Inang Bayan at sa ganap na ikapagkakaisa ng lahat, ay binubuksan ko ang kapulungang ito, bilang pagpapatuloy sa kapulungng idinaos sa Imus. Hindi kaila sa inyo, ang paksang lulutasin natin ngayon ay kung nararapat o hindi na buwagin ang “Katipunan”. Upang maging maayos ang ating pag-uusap at mapagbigyan ang nararapat pagbigyan, inililipat ko na pasamantala ang panguluhang ito sa kamay ng ating Supremo Andres Bonifacio.
(Náriníg ang palakpakan. May ilan pang sumigaw ng “Mabuhay” na gumimbal sa kaayusan ng pagtitipon. Pagkatapos, ay alingasngas at bulung-bulungan naman ang naghari.)
BONIFACIO: (Tumindig sa pagkakaupo, ngumiti nang bahagya, bago mabilis na lumakad, patungo ea panguluhan. Para siyang hapo, malamlam ang mata, datapuwa’t namumula ang mukha.) Bagaman ako at ang iilan kong kasamang kapatid ay kapanggagaling pa lamang sa larangan ng labanan sa Morong ay minarapat din naming dumalo sa kapulungang ito. Hindi ko ibig na mangyari na masabi ninyo na ako o kaming magkakasama ay umiiwas sa isang pagtutuos. Sa katotohanan, ay narito ako upang ipagtanggol ang nagawa't ginagawa pa ng “Katipunan” hanggang sa matamo ang pagsasarili ng ating bansa. Ngayong natiyak na ninyo ang aking paninindigan, tinatanggap ko ang alok na ako ang mangulo sa kapulugang ito. (Ipinukpók ni Bonifacio ang malyete sa hapag, saka nagpatuloy ng pagsasalita.) Ipagpatuloy natin, kung gayon, ang ating pagpupulong. . .
SEVERINO DE LAS ALAS: (Tumayo na parang may hinahanap, bago nagbukas
ng pangungusap.) Ginoong Pangulo, yamang lahat ng naririto ay may karapatang magsalita nang buong laya, ay may mungkahi akong ibig iharap sa hapag. Ang mungkahing ito ay kinakatigan ng aking mga kasama at ako ang minarapat nilang magharap nito sa kapulungan natin ngayon.
BONIFACIO: May laya kayong magmungkahi. Kinikilala ng hapag ang inyong karapatan.
SEVERINO DE LAS ALAS: Ginoong Pangulo, iminumungkahi ko pong buwagin na ang “Katipunan” upang mabigyang-daan ang pagtatatag ng ating Pamahalaang Mapaghimagsik. (Biglang naghari ang alingasngas. Ilang saglit lamang ay biglang napawi rin.)
BONIFACIO: May pumapangalawa?
ISANG KASAPI SA PANGKAT “MAGDALO” : Pumapangalawa po kami rito! (Walang anu-ano'y biglang nagulo ang kapulungan. Ang magkabilang panig ay ibig na mag-ukol ng paninindigan at pagmamatuwid. Sa isang dako ay narinig ang: “Sumasang-ayon kami!” Samantalang sa isang panig naman ay may humiyaw ng: “Tutol kami!” Napilitang ipukpok ng nangungulo ang malyete sa hapag.)
BONIFACIO: Hinihingi ko ang katahimikan at kaayusan sa pagpupulong. Magsi-upo sana ang mga nakatayo. (Nang mabalik ang kaayusan ay nagpatuloy siya ng pagaasalita.) Kung may pumapangalawa at may nagsisitutol ay kailangang idaan natin sa pagtatalo ang salitaan. May karapatang magsalita ang nagmungkahi upang mailahad ang kanyang pagmamatuwid.
SEVERINO DE LAS ALAS: Hinihingi ko, Ginoong Pangulo, ang pagbuwag
sa “Katipunan” dahilan sa dalawang pangunahingmatuwid. Una, natuklasan na ang 1ihim ng “Katipunan”, samakatuwid ay mahirap nang itaguyod ang mga hakbangin nito. Ikalawa, kailangan ang ganap na pagkakaisa, hindi katulad ngayon na nahahati tayo sa mga pangkat. Dahil dito ay lubhang kailangang itatag agad ang Pamahalaang Mapaghimagsik at humirang tayo agad ng bagong pamunuan.
ISANG KASAPI SA PANGKAT “MAGDALO”: Mabuhay ang bagong pamahalaan!
ISA SA MGA KAPULONG: Hindi pa tapos ang salitaan. Maaga pa ang pagbubunyi!
BONLFACIO: (Pagkatapos ng pagmamatuwid ni S. de las Alas). May ibig bang magsalita sa pagtatanggol sa mungkahing buwagin na ang “Katipunan”? Kung wala na ay binibigyan ko ng pagkakataon ang panig na tumututol upang makapagsalita naman.
ISA SA MGA KABIG NI BONIFACIO: Hinihingi po naming tumututol na bagaman kayo'y nangungulo ay bigyan na ng karapatan na magsalita sa pagtatanggol, yamang kayo ang kinikilala naming Supremo ng “Katipunan”.
BONIFACIO: May tumututol ba sa mungkahi na aka ang magmatuwid kung bakit hindi dapat na buwagin ang “Katipunan"”? (Tahimik ang kapulungan, kaya't nagpatuloy siya ng pagsasalita.) Nagpapasalamat ako, kung gayon, sa pagbibigay sa akin ng pagkakataon na maipahayag ang aking paninindigan. Mahigpit ang aking pagtutol, gaya rin ng aking mga kasama, sa balak na pagbuwag sa “Katipunan”, hindi sapagka't ako ang Kataastaasang Pinuno nito. Kung bubuwagin natin ang “Katipunan” ay para na ring pinawalang kabuluhan natin ang nagawa na' t ginagawa pa ng mga tagapagtanggol ng karapatan at kalayaan ng ating Inang Bayan. Marami nang buhay ang nalagas sa ilalim ng Watawat ng K.K.K. Lalong marami pa rin ang nangasugatan at nasalanta. Bilang bunga niyan ay daan-daang tahanan ang nawalan ng mga ama, anák, kapatid at kamag-anak. Kaya, kumapal ang bilang ng mga naging balo at ulila sa ating paligid. Nakapamuhunan na tayo ng pagod, hirap, pagsasakit. . . at higit sa lahat. . . ng dugo at luha! Yamang nakapagsimula na tayo sa pakikirigma sa ilalim ng Watawat ng “Katipunan”, kailangang tapusin na rin natin ang ating misyon hanggang sa makapagsarili ang Inang Bayan.
SEVERINO DE LAS ALAS: (Tumindig na muli.) Ang sinabi ko po ay nalantad na ang lihim ng “Katipunan” Malaki na, mga kapatid ko, ang magiging sagabal sa ating pakikipaglaban.
BONIFACIO: (Sa malakas na tinig.) Hindi na 1ihim ang ating paghihimagsik. Batid na ng buong daigdig, na sa pamamatnubay ni Bathala, tayo'y nagbangon at magpapakamatay upqng matubos ang ating kalayaan! (Nagkagulo ang kapulungan; marami ang nagsitindig at bawa't isa’y ibig magsalita.) Ibig kong igalang natin ang ating pagpupulong. . . Utang na loob, magsi-upo kayo, at pagpasiyahan natin ang suliranin. Mahalaga ang panahon sa atin. (Napatahimik na sa pag-upuang muli ang maaraming kaharap, kaya't nagpatuloy na naman sa pagsasalita si Bonifacio.) Handa na kayo sa pagbobotohan?
KAPULUNGAN: Handa na kami!
BONLFACIO: Kung gayon, lahat ng sumasang-ayon na buwagin ang “Katipunan” ay itaas ang kanang kamay. (Nagtaasan ang maraming kamay, na kumakatawan sa Pangkat “Magdalo” ni Aguinaldo.) Lahat naman ng tumututol ay itaas ang kanang kamay. (Iilan, kabilang na ang mga kasama ng Supremo ang nangagtaas ng kanang kamay.) Nagtagumpay ang mungkahi! Kalihim, (kay Ricarte.) itala ang pasiya ng nakararami. Kung ganyan ang pasiya ng nakararami ay buwagin na ang “Katipunan”, bagaman ako ay tumututol!
KAPULUNGAN: (Nakararami.) Mabuhay ang bagong pamahalaan!
BONIFACIO: Ngayong napagpasiyahan na natin ang suliranin, inililipat
kong muli ang panguluhan sa kapatid na Jacinto Lumbreras. Kung mamarapatin ninyo ay maidaraos na natin ang halalan ng pamunuan, bagaman sa palagay ko'y wala rito ang maraming kapatid na dapat natin sanang nakapulong. Sa kabila nito, ang lahat ay nasa inyong pagpapasiya.
KAPULUNGAN: (Nakararaming tinig.) Maghalalan na! Wala na tayong panahon pang ipaghihintay. (Sa sandaling ito ay nanaog sa panguluhan si Bonifacio at ini-abot ang malyete sa Kapatid na Lumbreras, na siyang nangulo agad upang mangasiwa sa halalan ng ma bagong mamiminuno.)
(Sa ilang sandali_pa'y tumindig na rin si Jacinto Lumbreras sa pagkakaupo at lumakad na patungo sa panguluhan upang tanggapin kay Bonifacio ang malyete.)
JACINTO LUMBRERAS: (Sa pagpapatuloy sa pangungulo.) Patuloy ang ating pulong. Narinig ko ang tinig ng kapulungan na hinihinging idaos na ang halalan. Mayroon bang tumututol? (Walang tumutol, kaya’t. . .) Kung gayon ay maaaring iharap sa hapag ang mga pangalan ng mga kandidato sa iba't ibang tungkulin. Ihahalal ng kapulungan ang pangulo, pangalawang pangulo, kalihim-digma o kapitan-heneral, pinuno sa pakikidigma, kalihim-pangloob at iba pa, na mapapalagay sa pagpapasiya ng kapulungan.
ISANG KASAPI SA MAGLALO: Maaari po bang iharap ang pangalan ng sinumang kapatid na wala rito sa kapulungan upang ikandidato sa alin mang tungkulin sa pamunuan?
JACINTO LUMBRERAS: Nasa kapulungan ang pagpapasiya sa bagay na iyan! May tumututol ba sa mungkahing maiharap ang pangalan ng sinumang wala rito sa kapulungan upang maging kandidato sa alin mang tungkulin ng pamunuang ating ihahalál? (Tahimik ang kapulungan.) Kung gayon ay maaaring iharap ang sinumang pangalang narito o wala man dito sa kapulungan. Una muna ang palagayan ukol sa mga kandidato sa panguluhan, susunod ang sa pangalawang pangulo, sa kalihim-digma at iba pa.
ISANG KASAPI SA “MAGDALO”: Inihaharap ko po si Heneral Emilio Aguinaldo upang maging pangulo ng Pamahalaang Mapaghimagsik.
JACINTO LUMBRERAS: Ginoong kalihim, (binalingan si Artemio Ricarte) mangyaring itala ang pangalan ni Heneral Emilio Aguinaldo, bilang kandidato sa panguluhan.
ISANG KASAPI SA “MAGDIWANG”: Inihaharap ko po ang pangalan ni Supremo Andres Bonifacio!
JACINTO LUMBRERAS: Itala ang pangalan ni Supremo Andres Bonifacio, bilang kandidato sa panguluhan.
ISANG KASAPI SA “MAGDALO”: Inihaharap ko po si Mariano Trias sa panguluhan.
JACINTO LUMBRERAS: Itala ang pangalan ni Mariano Trias, bilang kandidato sa panguluhan.
ISANG KASAPI SA “MAGDIWANG”: Hinihingi ko po na ipinid na ang paghaharap ng mga pangalan ukol sa panguluhan.
JACINTO LUMBRERAS: May tumututol?
KAPULUNGAN: Wala!
JACINTO LUMBRERAS: Kung gayon ay simulan na natin ang halalan. Nakahanda na ang ating lupon sa halalan upang ipamahagi ang mga balota, at narito sa panig ng ating kalihin ang urnang paghuhulugan ng mga halal ninyo. Ipinakikiusap ng hapag na mangyaring maging maayos sana tayo sa pagtupad
ng ating tungkulin.
(Nakaraan ang halos av kalahating oras)
Ngayon ay babasahin ng pangulo ng lupon ang mga balota at itatala ng kalihim ang mga bilang na nauukol sa bawa't kandidato. Pagkatapos, ay ipahahayag ng pangulo ng lupon sa halalan, ang kinalabasan nito. (Nagpatuloy ane gawain
ng lupon aa halalan, at makaraan ang halos isang oras ay ipinahayag ang kinalabasan ng halalan ukol sa panguluhan.)
PANGULO NG LUPON SA HALALAN: Sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng kapulungang ito ay inihahayg ko ang pananagumpay ni Heneral Emilio Aguinaldo sa ibabaw nina Supremo Bonifacio at Mariano Trias sa panguluhan, sa bisa ng malaking kalamangang natamo ng Heneral na taga-Kawit.
(Narinig ang maugong at mahabang palakpakan at sigawan ng “Mabuhay!”
Pagkatapos ay ipinagpatuloy naman ang halalan ukol sa ibang tungkulin at nagsilabas ang sumusunod: pangalawang pangulo, Mariamo Trias; kapitan- heneral (kalihim-digma), Artemio Ricarte: patnugot sa pakikidigma, Emiliano Riego de Dios. Pagkatapos ay idinaos ang halalan upang mapili kung sino naman ang magiging kalihim-pangloob. Napahalal sa tungkuling ito, sa bisa ng malaking kalamangan si Supremo Andres Bonifacio, nguni't. . .)
DANIEL TIRONA: Ginoong Pangulo, kung mamarapatin po ninyo ay ibig ko sanang magsalita bilang karapatán ko sa tinatawag na “Cuestion Privilegiada”.
JACINIO LUMBRERAS: Tapos na po ang halalan!
DANIEL TIRONA: May tutol po ako sa kinalabasan ng halalan.
JACINTO LUMBRERAS: Malinis po ang halalan at nakapagpasiya na ang nakararami sa kapulungan. (Sa malakas na tinig.)
DANIEL TIRONA: Ginoong Pangulo, itinuturing ko pong maselang na tungkulin ang kalihim-pangloob sa alin mang pamahalaan. Kinakailangan po rito'y isang taong dalubhasa sa batas at kinakailangan siyang maging isang abogado. Sa tungkuling iyan ay inihaharap ko si Abogado Del Rosario, ang mahal nating katoto at kababayan.
JACINTO LUMBRERAS: Inihalal ng kapulungan si Supremo Bonifacio! Dapat nating igalang ang pasiya ng nakararami.
BONIFACIO: (Tumindig sa pagkakaupo na namumtula ang mukha sa galit.) Kapatid na Tirona, tapos na ang halalan! Hindi ba't nagkaisa tayo na igalang ang pasiya ng nakararami? Kung ibig lamang ninyo na ako'y hamakin, nakahanda akong humarap sa inyo, lalaki sa lalaki! (sabay bunot sa rebolber at handa nang paputukan si Daniel Tirona ngunit maagap na humadlang si Artemio Ricarte at ang iba pang “kapatid” na may kalamigan ang loob.)
JACINTO LUMBRERAS: Alang-alang sa Inang Bayan tumiwasay tayo at dapat
na kumilala sa pasiya ng nakararami!
(Nguni’t patuloy pa rin ang pagsasalita ni Daniel Tirona na pinasisigla pa ng mga kasapi sa “Magdalo”.)
BONIFACIO: (Nagpatuloy sa pagsasalita sa tinig na makapangyarihan.) Kung
ang pasiya ng nakararami ay ibig pa ring baguhin ng nakararaning ito, nangangahulugang pinawalang-saysay ang lahat nang napag-usapan at napagpasiyahan na natin dito. Kung gayon ako at ang aking mga kasama ay hindi kumikilala sa napagkayarian na sa kapulungang ito. Itataas ko ang Watawat ng “Katipunan”. Kayo ang sumira sa salitaan at hindi ako. Kaming mga tapat na alagad ng Inang Bayan ay magpapatuloy sa kabundukan. Magdaraan kayo sa aming bangkay! Paalam sa inyo!
(Umalis si Bonifacio na kasunod ang kanyang mga tapat na kabig.)
(TELON)