Ang Babaeng Robin Hood
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Inilathala ng Asian Journal San Diego noong Mayo 7, 2010 http://www.scribd.com/doc/31008633/Asian-Journal-May-7-13-2010http:// )
Humahangos ang mga pulis nang dumating sa tindahan ng alahas. Nakatanggap sila ng emergency call na ang tindahan ay napagnakawan ng pinaka-mamahaling alahas nila. Naabutan ng mga pulis doon ang mga paramedic na nilalapatan ng cpr ang isang may edad na lalaki.
Nagbalik ang malay ng lalaki nguni't batay sa kanyang mga vital signs ay nagpasiya ang mga paramedic na makabubuti na siya ay madala sa ospital.
Ang My Lady Jeweler ay isa sa mga sikat na tindahan ng alahas sa Makati , ang pinaka-mayamang pook sa Kalakhang Maynila. Ayon sa pinagsama-samang salaysay ng mga empleado ng tindahan ay ganito ang nangyari:
Abala ang mga empleado sa pakikiharap sa mga dumating na customers. Si Mr. Jose Pacia, may-ari ng tindahan, humigit-kumulang sa 60 ang edad, ay nagmamasid, gaya ng naging ugali niya. May mga taong dumating na nakipagkita kay Mr. Pacia sa kanyang opisina. Karaniwan na ang mga ibig makipagkita kay Mr. Pacia ay mga taong kailangan niyang makausap, kaugnay sa pagpapatakbo ng tindahan; at di na pinapansin ng mga empleado ang pasok at labas ng mga bisita niya, bagkus at abala sila sa pakikitungo sa mga customers. Kung sino man ang dumampot at nagbulsa ng nawawalang alahas ay tiyak na isa sa mga naging bisita ni Mr. Pacia nang araw na iyon. Nguni't kung sino ay ang malalim na misteryo.
Napuna ng isang empleado na may di pangkaraniwang nangyari nang kuliling nang kuliling ang telepono ni Mr. Pacia sa opisina niya nguni't wala namang sumasagot dito. Sumilip siya sa opisina ni Mr. Pacia, at walang tao doon. Naghanap siya kay Mr. Pacia sa Men's Room; wala siya roon. Naisip niyang pumunta sa silid na sekreto, sa pinakaloob ng tindahan, na si Mr. Pacia lamang ang nakapapasok. Doon niya itinatago ang pinaka-mamahaling alahas at ang mga batong hindi pa nagiging alahas. Natuklasan ng empleado na hindi nakakandado ang pinto. Nang itulak niya ito at sumilip sa loob ng silid ay nakita niya si Mr. Pacia na nakahiga sa sahig, at tulog na tulog na tila sanggol na may bahagyang ngiti pa sa labi.
Agad ay humingi ng tulong ang empleado. Isa sa kasamahan niya sa trabaho ay pinulsuhan si Mr. Pacia at nang matiyak na ito ay buhay pa ay kinalong ang ulo nito sa kanyang kandungan at malumanay na sinubukang gisingin ito. Samantala ay may isa namang empleado pa na tumawag na ng ambulansya.
-- Tumawag kayo ng pulis! Napagnakawan tayo! -- ang unang nasabi ni Mr. Pacia nang magkamalay.
Kinabukasan ay sumabog sa pahayagan, radyo at tv ang naganap na pagnanakaw ng alahas sa My Lady Jeweler na nagpamangha sa mga pulis at reporter kung paano nangyari at kung sino ang may gawa. Ayon sa saysay ng Mrs. ni Mr. Pacia nang ito ay kapanayamin ng pulis at press, naiiba ang pagnanakaw na naganap dahil sa walang ebidensyang naiwan ang salarin at wala ring testigo na nakakita sa nangyari. Walang pwersang ginamit; walang get-away car, walang manloloob na nakatakip ng hood ang mukha na nakita sa paligid. Tanging si Mr. Pacia lamang ang makapagsasabi, nguni't batay sa kanyang salaysay ay wala ring magagamit na information ang mga pulis.
Sa loob ng silid na sekreto ng tindahan ay may manekin ng babae na nasusuotan ng makikinang na alahas. Dito sa silid na ito ipinakikita ni Mr. Pacia ang pinaka-mamahalin at pinaka-pambihirang alahas niya sa piling-piling customers lamang. May isang customer daw na lalaki, ayon kay Mr. Pacia, na naka-Amerikana at isang banyaga (foreigner), ang nakipagkita sa kanya sa opisina, matapos na ito ay humiling ng appointment sa telepono, isang oras bago dumating; at sa loob daw ng silid na sekreto, habang nagpapakita siya ng alahas, ay nagbuga ang lalaki ng isang spray sa kanyang mukha. At wala na siyang natatandaang iba pang nangyari pagkatapos nito . . .
------------------
Dinampot ni Naty mula sa passenger seat ang pahayagang Star na inilako sa kanya ng isang newspaper boy habang nakahinto sa traffic sa may Cubao ang kanyang kotse. Kararating pa lamang niya sa Smokey Mountain, kung saan siya ay isa mga volunteers. Bago bumaba ng sasakyan ay mabilis na binasa ang headline: "P5 Milyong Alahas Tinangay".
Napailing si Naty at nasabi sa sarili, -- What else is new? -- Palasak na ang krimen sa malaking lungsod kung kaya't di na siya nagugulat sa gayong balita.
Bibisitahin nang araw na iyon ni Naty ang limang pamilya na naka-atas sa kanya. Kasapi si Naty sa isang samahang-pangsimbahan na nagbibigay ng kalinga sa mga mahihirap na pamilya sa nasabing pook. Ang Smokey Mountain ay tambakan ng basura at ang mga nakatira doon ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagpulot sa basura ng ano mang maipagbibili at mapagkakakitahan.
Maganda si Naty. Mataas, kayumanggi, mahaba ang buhok, busog ang dibdib at, sa kabuuan, ay larawan ng isang kaaya-ayang babae na maaring maging artista sa pelikula. Nguni't sa pagkakataong ito ay payak at di pansinin ang anyo ni Naty. Nakamaong lamang siya at karaniwang t-shirt, at natatakpan ang mukha ng sunglasses at baseball cap. Nagtapos siya ng pag-aaral ng chemistry sa Unibersidad ng Pilipinas -- ang pamantasan ng matatalino at mga hasa sa pagtulong sa kapuwa. Hindi pa nagsisimulang magtrabaho si Naty dahil sa naghihintay pa ng magandang pagkakaton. Samantala ay patuloy ang pagtatangkilik sa kanya ng kanyang mga magulang na nakaririwasa naman.
Masasabing si Naty ay namamangka sa dalawang ilog. Sa isang panig ay may buhay siya na tahimik at nakaririwasa; at sa kabilang panig ay nakikisalamuha siya sa mga kapos-palad at may karamdaman na maligalig ang buhay. Sa isang panig ay masugid siyang kasapi at volunteer ng simbahan; at sa kabilang panig ay girlfriend siya ng isang aktibista na maka-kaliwa, na kanya ring tinutulungan, kaugnay sa pagpapalaganap ng mga layuning makabayan.
Naniniwala si Naty, kahi't na ang pagiging rebelde ay hindi mababasa sa kanyang anyo, na walang katarungan sa mundo. Ang marami ay nanghihigapos sa buhay dahil sa kawalan ng pagkakataon at sa pagsasamantala ng mga nasa kapangyarihan. Ang malalakas at mayayaman ay patuloy sa kanilang pagpupunyagi, samantalang ang mga mahihirap ay nabubuhay sa pispis at patuloy sa pagkakabaon sa burak ng kahirapan at karamdaman. Gagawa si Naty ng ano pa mang hakbang, na kahi't na pangsarili lamang, ay makatutulong tungo sa pagkakapantay ng timbangan ng katarungan.
Tinatangkilik ni Naty sa Smokey Mountain si Nestor, isang lilimampuing may sakit sa kidney. Dating taxi driver si Nestor, nguni't nahinto ang pagkita ng pera na pambuhay sa pamilya dahil sa pagkakasakit. Ang mga mayayaman na may sakit sa kidney ay nakapagpapagamot at nakabibili pa ng kidney kung kailangan ng kapalit. Nguni't ang mga mahihirap na katulad ni Nestor ay lipos ng pananakit ang katawan at naghihintay na lamang ng wakas, sa kawalan ng kakayahan na makabili ng gamot, bagkus ay makayanan ang gastusin sa isang transplant operasyon.
Si Lisa at Amy naman ay mag-ina na nabubuhay sa pagkalkal sa basura. Ang asawa ni Lisa ay napagkamalang miyembro ng NPA; dinampot siya isang araw, dinala sa Camp Capinpin ng mga sundalo, at di na muling narinig o nakita. Kung di gagawin ni Amy at Lisa ang araw-araw na pagsisid sa basura ay mamamatay sila nang dilat ang mga mata, dahil sa gutom at uhaw. Ang plastik at bote na napupulot sa basura ay nagiging kaunting barya na pangtawid nila sa buhay sa araw-araw na ginawa ng Diyos.
Ang paborito ni Naty sa lahat ng kanyang tinatangkilik sa Smokey Mountain ay si Richard, pitong taong anak na lalaki ni Jane. Napakaguwapo at matalino ng batang ito. Sa maghapon ay nag-iisa sa bahay si Richard, sapagka't sa araw ay nagpupunta sa trabaho ang kanyang ina. Siya ang bantay sa nakababatang kapatid na di pa man halos nakalalakad. Nagluluto si Richard at nagpapakain ng kapatid. Siya rin ang nagpapakain sa dalawang alagang baboy ng ina, naglilinis sa kanilang kulungan at naglilibot sa bahay-bahay upang humingi ng kaning-baboy. Kay laking responsibilidad gayong siya'y pitong taong gulang pa lamang!
-- Gusto ba ninyong uminom ng tubig, Miss Guevarra? -- alok ni Richard kay Naty. Gawi ni Naty na umupo sa bangko sa hapag-kainan nina Richard upang makipag-usap sa bata.
-- Salamat, Richard. Okay pa ako. --
-- Malaki ba ang bahay ninyo? Ang bahay namin ay yari sa karton at lumang yero, pero, siguro, pag mayaman na kami ay magkakaroon din kami ng bahay na bato at malaki. -- wika ni Richard.
Iniba ni Naty ang usapan. -- Kailan ka ba papasok sa eskwela? -- tanong ng dalaga.
-- Aywan ko po. Sa ngayon ay mas mahalaga ang mag-alaga kay Junior at sa mga baboy. Sana ay matuto po akong magbasa at nang kung ako'y naiinip ay makababasa ako ng libro. -- sagot ni Richard.
-- O, sige . . . sisimulan natin ngayon. Tuturuan kita muna ng ABC -- pakli naman ni Naty.
Lingid sa kaalaman ni Richard, siya ay isang Amerikano, anak ng isang Amerikano na nanilbihan sa Subic Bay. Nakilala ng nanay niya ang sundalong taga-California at sa loob ng walong buwan ay nag-live-in sila at naging bunga nga ng pagsasama nila si Richard. Pinangakuan ng sundalo si Jane na siya ay kukunin sa loob ng tatlong buwan lamang at maninirahan sila sa California, kasama ang magiging baby nila; nguni't ang mapait na katotohanan ay hanggang sa airport lamang umabot si Jane. Wala siyang natanggap sulat man lamang sa pinagkatiwalaan niya ng kanyang puso at katawan.
Ang nakababatang kapatid ni Richard, napag-alaman ni Naty kay Jane na rin, ay buhat sa ibang tatay. Matindi ang awa ni Naty sa pamilyang ito - kinabubuuan ng isang dalagang-ina na dalawang ulit nang nagkamali sa pag-ibig, na sa harap ng kahirapan at pagnanasang buhayin ang dalawang anak ay pumapasok sa isang trabaho na mababa ang uri; at ng dalawang bata na walang malay sa nangyayaring dagok sa kanilang kapalaran. Si Richard, dapat ay nasa California, at tinatamasa ang buhay na nauukol sa isang Amerikano. At sa halip ay nasa Smokey Mountain at pinagdudusahan ang isang mapait na kapalaran na hindi siya ang may gawa.
Ibinabahagi ni Naty ang kanyang panahon, isip at lakas upang ang mga tinatangkilik niya sa Smokey Mountain ay makakita ng bahagya man lamang na liwanag sa kulimlim na ulap na bumabalot sa kanilang buhay. Bukod pa sa pagkalinga ay may materyal na tulong na ibinabahagi si Naty sa kanila, na walang iba kundi ang ano mang salapi na sumasayad sa kanyang palad.
Nang gabing iyon sa pag-iisa ni Naty sa kanyang silid ay ginunita niya ang isang matagumpay na araw. Nagawa niya ang ninanasang mga gawain sa Smokey Mountain na makatutulong sa kapuwa at ang pakikiisa niya sa pagdadalamhati ng mahihirap; bagkus ay ang makagawa ng paraan upang maibsan ang kanilang pagdaralita sa pamamagitan ng pagbibigay ng pabuyang salapi.
Sa harap ng salamin ay inaninaw ni Naty ang kanyang sariling hubad na katawan at nangigiti sa nangyari sa kanila ni Mr. Pacia.
Hindi aaminin ni Mr. Pacia kung ano ang tunay na nangyari sa pagkawala ng kagila-gilalas na kuwintas na may malaking brilyante na nagkakahalaga ng limang milyong piso! Sapagka't ang tunay na nangyari ay kahiya-hiya! Siya at si Naty lamang ang nakaaalam sa tunay na naganap.
Si Naty ang isa sa mga dumating sa opisina ni Mr. Pacia noong araw na iyon, na nagkunwaring anak-mayaman na ibig makakita ng mamahaling kuwintas. Ipinasok siya ni Mr. Pacia sa silid na sekreto ng tindahan upang ituro ang nababagay sa customer, na ayon sa sariling saysay ay malapit nang ikasal. Itinuro ni Mr. Pacia ang kuwintas na nakasabit sa leeg ng manikin at sinabing iyon na ang pinaka-mahalagang alahas sa kanyang tindahan, at bukod doon, ay may mga pira-pirasong brilyante pa na di pa nagagawang alahas na nakapaloob sa isang maliit na kahon.
Humingi ng pahintulot ang dalaga na kung maaari ay maisuot niya ang kuwintas. Malugod namang nagpaunlak si Mr. Pacia. Humiling, sa katunayan, ang dilag na kung maaari ay tulungan siya ni Mr. Pacia na maisuot ang kuwintas. Lumapit ang lalaki sa babae at halos ay nagkayap sila, dahil kinailangang maibalot ni Mr. Pacia ang kanyang dalawang bisig sa leeg ni Naty, upang mailapat ang kuwintas nang tama. Nakaramdam ng naiibang pakiramdam si Mr. Pacia habang nakadikit sa katawan ng dilag. Tila siya isang bakal na hinigop ng magnet. Nasamyo niya ang bango ng "kayakap" at tila unti-unting nalalasing siya sa sarap. Ang kanya namang harapan ay nakaramdam ng pagkakadikit sa dalawang matitipunong bundok na wari niya'y bukal ng isang libo't isang kaligayahan.
-- Mr. Pacia, alang-alang sa inyo, ay may idudulot akong ligaya. -- at habang nakayakap ang may-ari ng tindahan sa kanya ay unti-unting inalis ni Naty sa pagkakabutones ang kanyang suot na blusa. Lantad na ang mga busog na busog na dibdib ni Naty. Kagyat ay uminit lalo ang dugo ni Mr. Pacia at nagpaunlak sa paanyaya. At ano pa ang magagawa ng lalaki kundi ang namnamamin sa halik ang makikinis na pisngi at labi ng nakababaliw na ineng. Unti-unting pinagapang ni Mr. Pacia ang kanyang nanginginig na labi hanggang sa ito ay humantong sa dalawang bundok na una muna'y nilasap-lasap ng dila niya at pagkatapos ay hinigop.
At dahil si Naty ay isang chemist, may ipinahid siya sa paligid at dulo ng kanyang dalawang bundok na chemical na pampatulog. Inalalayan niya ang matanda nang mawalan ito ng uliran, at nang hindi ito mabuwal, at sa halip ay malumanay na mapahiga lamang ito sa sahig. Sa gayon ay wala man lamang kahi't na kaunting alingasngas na tatawag sa pansin ng mga empleado. Suot na ni Naty ang mamahaling kuwintas sa kanyang leeg, isinara na lamang ang blusa, at pagkatapos ay walang malisyang nilisan ng dalaga ang tindahan. Dumakot pa siya ng isang bungkos na brilyante bago lumabas ng pinto ng silid na sekreto.
Ni si Mr. Pacia, ni si Naty ay di na kikibo tungkol sa katotohanan sa pagkawala ng mga alahas.