BUY TAGALOG SHORT STORIES BOOK COLLECTION AT AMAZON.COM
https://www.amazon.com/s?k=PERCIVAL+CRUZ&ref=nb_sb_noss
https://www.amazon.com/s?k=ALBERTO+SEGISMUNDO+CRUZ&ref=nb_sb_noss
https://www.amazon.com/s?k=PERCIVAL+CRUZ&ref=nb_sb_noss
https://www.amazon.com/s?k=ALBERTO+SEGISMUNDO+CRUZ&ref=nb_sb_noss

SI MARIANG BITUIN
Alberto Segismundo Cruz
Hindi lingid sa náyon ng Pinyahan ang kakaibang paglilihi ni Aling Petra, asawa ni Bundong magdaramo. Sa tuwing titingala si Aling Petra sa langit, kung gabi, na ang mga bituin ay parang isinabog na mga hiyas ni Bathala, ay ano ba't para siyang nakakikita ng mga bato ng brilyanteng nagpapasasal sa tibok ng kanyang puso. Nang isilang ang kanyang unang sanggol na isang babae ay hindi pa gaanong napuna ang bunga ng gayong kakatuwang paglilihi. Nguni't nang magdalagita na si Maria (ito ang pangalang ibininyag sa sanggol sa pagsunod sa pangalan ng Ina ng Awa) ay saka napaghalata at napagkilala kung ano ang ibinunga ng gayong hinala sa pagdadalang-tao ng isang ina. Si Maria na isang dalagitang kayumanggi, may magandang mukha at may malago't kulot-kulot na buhok na kakulay ng sa mais, ay nagkaroon ng katangiang bihirang mapantayan: Ang maganda niyang mata na waring may kutitap ng mga bituin. Hindi iilan ang kapangalan ni Maria sa nayong iyon, kaya't upang matiyak na siya ang tinutukoy ay pinalayawan siyang si Mariang Bituin.
Matuling tumakbo ang panahon at sa ilang taong nakalipas na ipinag-aral ni Mariang Bituin ay napuna ang hilig nito sa pagsisimba. Sa harap ng marikit na larawan ng Ina ng Awa na panata ng nayon, ay mataimtim siyang nakatitig at mandi'y kinakausap ang banal na imahen na para sa kanya’y buhay na buhay. Datapuwa't lingid sa kaalaman nino man, bukod sa kanyang pamamanata ay may isang lalo pang makapangyarihang dahilan kung bakit nagkagayon siya -- ang manatili sa gayong pamamanata sa Birhen ng Pinyahan. May isang kuwintas na ginto at palawit na kurus na ginto rin ang panata ng nayon. Nguni’t ang kurus na ito ay batbat ng malalaking batong-brilyante. Handog ito ng isang mayamang “heredera” na nag-iisang anak ng nag-kapitang Kastila sa lalawigang nakasasaklaw sa nayon. Ang handog na iyon ay nanatili, may isang siglo na halos ang nakalilipas; at iyan ang isa pang dahilan kung bakit gayon na lamang kasaya at pinagdarayo ng makapal na tao ang pista ng Pinyahan.
Habang lumalaon ay nag-aalab ang pag-ibig at pagmimithi ni Maria sa kurus na brilyante ng Ina ng Awa. Hindi lamang sa karaniwang oras siya napatutungo sa simbahan; malimit pa, kung nagdarapit-hapon, ay nagtutungo siya -- isang bagay na hindi man lamang nakapagpapaligalig sa “piskal ng simbahan”, si Tata Joaquin, at sa kampanerong si Tandang Abdong Nguso, bagama't binubulay-bulay nila ang pag-uugali, sa gayong kasidhian sa pamamanata ng dalagang nayon.
Buhat nang makapagtapos ng “high school” si Mariang Bituin ay nanatili na lamang sa bahay upang tumulong sa ina sa mga gawain sa tahanan at kung minsan ay sa pagtatali ng damo, kundi man sa pagsasalansán nito. Marami man ang nagsisiligaw sa kanya ay wala siyang tinutugon pa, kaya’t may ilang nagkahinala sa nayon na dahilan sa kanyang pamamanata ay malamang na magmadre ang dilag ng Pinyahan.
Subali’t mali ang hinala ng bayan. Si Rodrigo, anak ng isang nakaririwasang magbubukid, ay may lihim na pag-ibig kay Maria, at sa lihim na ito ng kanilang kabataan ay ang dalaga lamang ang nakababatid, sapagka't palihím man ding nagpapasugo si Rodrigo sa kanilang katiwalang si Tandang Teroy at iniaabot tuwina dito ang 1iham ng pag-ibig para sa dalaga. Sa kabila nito ay wala pa ring natatamong 1iwanag si Rodrigo, kaya't sa dakong huli ay nagkahinuha na rin na hindi malalaon at si Mariang Bituin ay magiging isa pang kabiyak ng dibdib ni Kristo.
Dumating ang malaking pista ng nayon na napabalita hanggang sa Maynila. Ginayakan nang lalong magara ang birhen at minsan pang inilagay sa tapat ng dibdib ang kurus na kumikinang. “Narito na ang pagkakataon!” naibulong sa sarili ni Maria. “Matagal nang hindi ko naisasagawa ang ibig kong magawa, nguni't ngayon ko makakamit ang nais ng aking kaluluwa.
Sa boong maghapon, ang nayon ay masasabing nagpakalasing sa pagdiriwang. Sa 1iwasang-bayan ay walang tigil ang tugtugan ng tatlong banda ng musika. Sa palaruang-bayan ay idinaos ang mga palaro, samantalang sa gabi ay idinaos ang palatuntunan at sayawan ng kabataan. Sa kinaumagahan, kinabukasan, ay nagkaroon ng prusisyon at sa gabi ay prusisyon din at niwakasan ng mga paputok at ng tinatawag na “fuegos artificiales”. Samantala, lahat ng tahanan -- mahihirap o mayayaman ay nagpiging, Maraming panauhin, masagana ang handa, may tungaan ng alak; may katuwaan; may halakhakan. . .
Nang mamatay na ane ilaw ng simbahan nang gabing yaon at malabí na lamang ang dalawang naglalamay na kandila sa altar ng Birhen, matapos na ipasok ang prusisyon, isang anino ang nakapagtago sa likurán ng altar na pinagbalikan ng banal na imahen. Buhat dito, ang mahiwagang kamay ay iniabot at bumaltak sa kuwintas ng Birhen. Kahi’t ang yabag ng paa ng kumuha ay hindi napansin, sapagka’t nakatungtong sa alpombra. Samantalang nagaganap ang ganitong pangyayari sa loob ng simbahan, ang puyat at nahapong nayon na nagpapahingalay ay biglang ginimbal ng sunod-sunod na mga putok. “Mga tulisan! Mga tulisan!” At nagkagising ang boong bayan higit pa ang nagkaroon ng malaking sunog. Putukan. sagupaan, hiyawan, kaguluhan. . . hanggang sa dumating nang huli na sa panahon ang isang pangkat ng mga kostable. Nguni’t maliban sa ilang nasugatan at isang namatay na matanda, dahilan sa pagkakatama ng isang ligaw na punglo, ay wala nang iba pang nabatid ang bayan. Sa nangyaring kaguluhan ay gumawa ng kaukulang pagsisiyasat ang mga pinuno, pati na ang pinunong lalawigan at pamunuan ng hukbo. Datapuwa’t ang bayan ay lalong naligalig nang sumambulat ang balita, makaraan pa ang dalawampu’t apat na oras, na ang Hiyas ng Birhen ay nawawala. Hininala agad na ito'y pinagsamantalahán ng mga tulisan o ng mga taong-labas.
Biglang-biglang napuna ng nayon, makaraan ang ilang buwan, na si Mariang Bituin ay nagbago na mandin ng akala. Hindi na siya naging masugid sa pagbabanal, sapagka’t kung araw na lamang ng Linggo tumutupad ng panata. Kasabay ng pagbabago ng ugali niya ay ang isang pag-uugaling lalong naiiba kaysa dati. Naging lagi siyang masaya, napahilig sa mga pasiyalan at pagdiriwang ng kabataan, hanggang sa nagkaroon tuloy ng pagkakataon na maging malaya rin ang kanyang puso sa anyaya ng pala-hangang kabataan. Sinamantala ni Rodrigo ang ganitong pagbabago sa katauhan ng kanyang minamahal at inihain ang kanyang pag-ibig. Sa isa nilang pagkikita sa isang piknik sa Tabing-Ilog ay nagpunyagi ang binata na matamo ang “oo” ni Maria. Sa lilim ng isang punong-mangga ay nagkausap silang mabuti at doon nagsalita nang malaya ang dalaga. Na hindi maaaring siya’y maging marapat sa pag-ibig ninuman. Na ang kaligayahan niya at tunay na pag-ibig ay nasa kanyang pag-iisa.
Hindi nga maubos-maisip ni Rodrigo ang kadahilanan nang gayong hindi pagtugon sa pag-ibig na kanyang inihain sa dalagang minamahal, gayong sa kilos, sa anyo at sa lahat ng bagay ay ay napagkikilala niya at nadarama na may pagmamahal ang dalaga.
Ang samahan ng kabataang Pinyahan, kung nalalapit na ang buwan ng Mayo, ay nagdaraos ng pagdiriwang sa pagbubunyi sa mga bulaklak. Ang pinakatampok ng pagdiriwang na ito ay walang iba kundi ang paghirang ng tinatawag na “Flora” na kumakatawan sa Reyna ng mga Bulaklak. Sa pagkakataon, si Maria na sadyang kabigha-bighani ay nahirang na patnubay na "Flora” at sapagka’t kilala ng madla ang binatang nagsusumakit sa pangingibig sa dalaga, ay hinirang naman si Rodrigo upang siyang maging kapareha niya sa boong maghapon.
May paliguan sa ilog, may papakan ng litson, may sayawan at paglilibot sa marikit na pook ng Pinyahan, hindi kalayuan sa Tabing-Ilog. Nang makapananghali na si Maria at si Rodrigo ay niyaya ng binata ang kanyang kapareha sa isang panig na kubli, sa lilim ng manggahan. Sa pook na ito na anaki’y ibiniyaya ng Katalagahan sa Pinyahan ay ipinarama na namang muli ni Rodrigo ang kanyang walang maliw na pagmamahal sa dalaga. Nguni’t si Maria ay matigas din, at tahasang sinabing “Kung ako’y iniibig mo, Rodrigo, ay pagpipitaganan mo ang aking nais. Datapuwa’t kasabay ng pagbibitiw ng pangungusap ng dalaga ay siya namang pagkahulog ng isang manggang maniba lang na napatapat sa ulo ni Rodrigo. Salamat at padaplis ang tama; gayon man ay nagkaroon din ng bukol at dinaluyan ng bahagyang dugo. Sa katotohanan ay saglit na nawalan ng malay-tao si Rodrigo. Nang matauhan ang binata ay napuna niya na ang ulo niya’y nasa kandungan ng dalaga at pinagyayaman ng binasang panyolito nito ang sugat sa ulo. Sinamantala ng binata ang gayong pagkakataon, at ipinikit na muli ang mga mata at nagkunwang wala pa siyang malay. Hindi magkantututo se gagawin si Maria nang mapuna niyang hindi pa nahihimasmasan ang binata. Kaya’t halos pasubsob siyang nagmamalasakit upang mabasa ng tubig pati mukha nito. Sa gayong katayuan ay idinilat nang bahagya ni Rodrigo ang mga mata at ang mayamang dibdib ng dalaga ay napatanghal sa kanyang paningin, hanggang sa mapuna ang kumikislap na hiyas -- ang kurus na nagniningníng -- sa pinaka-leeg ng kamison nito. Noon di’y napatindig ang binata. Nagulumihanan siya, samantalang ang dalaga naman ay nakangiti sa pagbabalik ng malay ng kanyang pinagpala, bagaman kumakaba ang dibdib. Napagkilala ni Rodrigo kung sino si Maria na kanyang iniibig at pinakamamahal. Ang kurus na iyon ay kurus ng Mahal na Birhen.
Kung ilang araw na binubulay-bulay ni Rodrigo ang dapat niyang isagawa: Ibunyag kaya ang kasalanan ni Maria at ipausig ito upang huwag pamarisan? O timpiin kaya se kanyang puso ang lihim na iyon na nagpaulap na bigla sa langit ng kanyang pag-ibig? Masakit na ang kanyang ulo at maging sa gawain sa pagtulong sa kanyang ama at sa pag-aaral ay hindi magkangtututo. Isang magnanakaw ang kanyang iniibig. At ang pinagkasalahan pa naman ay ang birheng panata.
Samantala, sa landas ng kapalaran ni Maria ay may bumagtas ne isang hindi kilalang lalaki. Napansin si Maria, isang araw ng Linggo, na nagbuhat sa pamilihang-bayan. Sinundan ito, boong pitagan ipinagtapat ang kanyang pangalan -- Lucio Magpantay – at humingi ng paumanhin na kung maaari’y maihatid ang dalaga hanggang sa tarangkahan ng kanilang tahanan.
Nagpasalamat si Maria sa pagkakadala sa kanyang maliit na “basket”na kinasisidlan ng pinamili. Datapuwa’t sumasal ang kaba ng kanyang dibdib. Ang 1alaking iyon ay hindi kilala at hindi sadyang nakikilala sa Pinyahan. Gayon man, napaghalata niya na may kagandahan ding lalaki ang binata, matipuno ang pangangatawan at may laman kung magbitiw ng pangungusap. Ang ganitong pagsabay-sabáy sa pamilihan kay Maria ay naging malimit, hanggang mapuna ng madla at ni Rodrigo. Nguni’t batíd ni Rodrigo na wala siyang karapatan upang manibugho sapagka’t wala pang nabibitiwang kapangakuan ang dalaga sa pag-ibig sa kanya.
Minsan, sa ganitong pagsabay-sabay ni Lucio kay Maria ay napilitang magparama ng pagkayamot ang dalaga, sapagka’t naipagtapat na niya sa masugid na binata na siya naman ay maaaring dalawin sa bahay, nguni’t minamarapat pa ang bumuntot sa daan. Namula ang mukha ni Lucio sa gayong tinuran ng binibini at boong katigasan ng loob na nagsabi ng gayari: “Nasabi ko na na pinagpipitaganan kita, sapagka’t may pag-ibig ako sa iyo. Datapuwa’t wala akong panahon upang sundín pa ang pamamaraan at kuskus-balungus ng lípunan. Nasugatan ang damdamin, si Maria ay boong ngitngit na tumugon: “Dinaramdam ko, ginoo; may iba nang pinaglalaanan ang aking puso. “Kung mayroon,” tugon naman na pahamon ng binata, mahuhulog siya sa aking kamay!” Biglang nahintakutan si Maria at napatilí tuloy sa ipinahayag ng binata. Sa takot ni Lucio na baka siya’y umugin sa pook na hindi siya kilala, dahilan sa parang lumitaw na may ginawa siyang hindi marapat sa dalaga ay boong dahas na binuhat si Maria, na bagaman naglaban at humingi ng saklolo, ay nangyeri ring maisekay sa kabayong ipinugal ng binata sa malaking katawan ng isang puno ng dapdap, hindi kalayuan sa pamilihang-bayan. Nasa kabayo na
si Maria ay nagpapatihulog pa rin, datapuwe’t may panyolitong basa ng eter ang mabilis at pangahas na binata na itinakip agad sa mukha ng kanyang inagaw, kaya’t nang malayu-layo na ang kabayo ay para na ring patay ang dalaga. Sa di-kawasa’y nagkagulo ang taong-bayan, lalo na nang may sumigaw na “Harang! Harang!” Datapuwa’t nang magsirating ang punong-bayan saka ang ilang pulis at isang pangkat ng mga mamamayang sandatahan ay hindi man lamang natanaw kahi’t alikabok ng kabayong kabo-negro ng binatang tulisan.
Kinahapunan din ng araw ng pagkakaagaw kay Maria, ay nagpulong ang mga mamamayan sa liwasang-bayan. Dumalo sa pagkakataon ang matataas na puno sa lalawigan at sa bayan, gayon din ang mga alagad ng batas. Pinag-usapan nila ang pagsalakay sa pangkat ng mga tulisang pinamumunuan ni Juan Silakbo. Nang una, ay
binalak na magbuo ng isang pangkat ng mga mamamayan upang magsilusob, kasunod sa likuran ang pangkat ng mga kostable at pulis. Datapuwa’t si Rodrigo ay tutol at sinabi niyang mangyayari ang malubhang pagdanak ng dugo, kapag nagkataon. Ipinayo ni Rodrigo na lalong mabuti na ang isa o ang dalawa ay maniktik muna sa dako ng kabundukan na kinahihimpilan ng mga tulisen upang mapag-aralan ang kilos ng mga tanod at ang lakas ng pangkat na labag sa batas. Sinabi rin niya na siya et ang isang matapat na kaibigan, si Tikong, na kapwa-bata niya, ay maaaring tumupad ng gayong maselan na gawain. Pumayag ang mga nagpulong sa gayong balak ni Rodrigo, bagaman marami rin ang tumutol, kabilang na rito ang kanyang ama, na nagturing na iyon ay isang kapangahasan kundi man masasabing isang paghamon sa kamatayan.
Samantala, sa himpilan ng mga tulisán si Maria ay tinatanurang mabuti ng dalawang alagad ni Juan Silakbo, saka ng isang babaeng nangangalang Tinay, na kababata ni Lucio at anak din ng isang matandang tulisan. Lihim kay Maria, ay hindi niya nalalamang naninibugho si Tinay na may malaking pag-ibig kay Lucio. Sa kabila nito, sapagka’t naatasan si Tinay na pagpalaing mabuti ang dalagang inagaw, kaya’t tinupad din ang tungkulin. Inaliw niya ang delagang bilanggo, bagaman lihim na nagdurugo ang kanyang puso. Nasa isip ni Tinay, na ang bilanggo, sa malao't madali, ay siyang aagaw ng kanyang bugtong na pag-ibig kay Lucio. Hindi niya mapapayagang mangyari ang gayon, kasakdalang ikasawi man yata ng kanyang buhay.
Luhaang-luhaan si Maria. Ang alo ni Tinay, saka ang masasarap na pagkaing idinudulot ay nawalan lamang ng halaga, may hinuha si Maria na hindi malalaon ay darating na ang kanyang mga taga-pagligtas. Sa kaibuturan ng puso naman ni Tinay, ay ito rin ang kanyang ibig na mangyari: Mailigtas si Maria at nang masarili niya (ni Tinay) ang puso ni Lucio!
Nang sinundang gabi, nang maglaho ang buwang kabilugan at magbanta ng pag-ulan ang panahon, dalawang anino ang pagapang na umaakyat sa kabundukan. Sa paminsan minsang pagkidlat ay napapalantad na sila’y sandatahan. Ang dalawang anino ay walang iba kundi si Rodrigo at si Tikong, kapwa-bata ng una at matapat na kaibigan. May misyon sila kapwa sa pangalan ng bayan at ng pag-ibig na, kung makakaya, ay iligtas noon dín sa kabuhungan ng mga tulisan ang Dilag ng Pinyahan.
Sa lumang simbahan ng Pinyahan ay tumugtog ang ikalabing-dalawa ng hatinggabi na wari'y isang malungkot na agunyas. Nang oras ding yaon, parang pinagtiyap ng tadhana, ay magkasabay halos na nabulagta ang dalawang tanod sa labas ng kampamentong kinatutulugan ni Maria at ni Tinay. Mabilís na pumasok ang dalawang anino, at sa isang iglap, ay nabusalan agad ang bibig ng dalawang babae upang hindi makasigaw. Sumasal ang tibok ng puso ni Mariang Bituin at ang tibuking iyon ay hindi nagkabula, sapagka’t narinig niyang bumulong ang isa sa lumusob. “Sumunod ka sa amin. Mahal ko, ano man ang mangyari:” Ang tinig ay kay Rodrigo. Samantala, ang ikalawa namang lumusob ay nagpasiyang itali nang mahigpit si Tinay sa higaan, matapos na ito'y mabusalan. Pagkatapos ay isinakay agad ni Rodrigo si Maria sa kabayong nakahanda na noon. Ang ikalawang anino ay sumakay na rin sa kabayong ipinugal sa isang punong-kahoy, matapos na matiyak na hindi na makatatakas ang itinaling babaing tanod ng mge tulisan. Nang malayo na sila ay nagpasiya ang dalewa na tagapagligtas ni Maria na maghiwalay ng landas. Si Tikong ay dumako sa sapa upang bagtasín ito at nang makahingi agad ng saklolo upang mahadlangan sa panahon ang pag-uusig ng mga tulisan. Samantala, si Rodrigo naman, na kasakay sa kabayo si Mariang Bituin, ay nagpasiyang dumako sa isang kubling panig, hindi kalayuan sa Tabing-Ilog upang sila’y magkapanayam ng dalagang iniligtas. “Rodrigo, ano kaya ang maigaganti ko sa iyo sa pagliligtas mo sa aking buhay?” tanong ng dalaga. “Ganti?” tugon ni Rodrigo, “hindi ko pa natutuped ang lalong dakilang tungkuling dapat kong tupdín -- ang iligtas ang iyong kapurihan. “Ano ang ibig mong sabihin, Rodrigo?” usisang nanggigilalas ng dalaga. “Ang hiyes ng Birhen, mahal ko, nababatid kong. . .” at di na naituloy pa ng binata ang bibigkasing pangungusap.
Kapag-daka ay humagulgol ng iyak na parang musmos si Maria. “Ako’y isang salarin; isang magnanakaw na dapat parusahan. Iwan mo ako at pabayaang masawi na rito. Ibig ko nang mamatay. At tumugon si Rodrigo na nanginginig ang tinig. “Maria, napakadakila ng aking pag-ibig sa iyo, kaya’t salarin ka man ay iniibig pa rin kita. Mey paraan upang mahugasan ang iyong kasalanan. Ngayon din ay maibabalik natin sa dibdíb ng Mahal na Birhen ang nawawalang hiyas. Sa katotohanan ang boong bayan ay naniniwala na nasa kamay iyan ng mga tulisán. Sapagka’t iniibig kita kaya’t inari ko na ang lihim mo ay lihim ko rin!”
Bago magbukang-1iwayway ay tinugtog ang unang misa sa simbahan ng Pinyahan at bago magtapos ito, nang lumaganap na ang liwanag ng bukang-liwayway, ang mga nananalangin sa loob ng tahanan ng Diyos ay biglang namangha nang matanawan at mamasid na nasa dibdib ng Mahal na Birhen ang kumikinang na hiyas. Kumalat agad ang balita sa boong nayon, bayan, at lalawigan, at gayon na lamang ang pasasalamat, lalo na nga nang dumating pa ang isang balitang buhat sa kabundukan na diumano’y nangapatay na ang pamunuan ne mga tulisan at kenilang kabig, maliban sa iilang nakatakas. Naging dahilan ang mga pangyayaring ito upang ipagpasalamat ng bayan ang paglkakabalik ng hiyas ng kanilang Birhen, kasabay ng pagbabalik ng katiwasayan.
Nang idaos ang sumunod na pista ng bayan, ang pagdiriwang ay dinaluhan ng lalong makaapal na tao at panauhin buhat sa Maynila at mga karatig-bayan. Naging araw ng pasasalamat ang gayong pagbubunyi. Sa araw ding ito na sinadyang itakda ng magkabilang panig, si Rodrigo at si Marying Bituin ay pinag-isang dibdib sa harap ng altar ng Ina ng Awa. Nakatitig na gaya nang dati si Maria sa hiyas ng Birhen, nguni’t sa pagkakataong yaon ay nakatitig din si Rodrigo. Paano’y lalong naging dakila at wagas ang kanilang pag-ibig, na may kinalaman ang kurus na batbat ng brilyante ng Panata ng Pinyahan.