EVERLASTING ANG ALAALA
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
--- Walang samyo ang everlasting. Nguni’t maganda itong tingnan. Kulay ginto ang pinakabuko at tila gintong-pilak ang mga maninipis na talulot na nakapalibot sa buko. Ang katangian ng everlasting, bukod sa ganda, ay ang pagiging matibay nito at pagkakaroon ng mahabang-buhay. Hindi ito nalalanta o naluluoy. Kaya nga everlasting ang ngalan; ito’y nagiging simbolo ng walang-hanggang pag-ibig. ---
Napabilang sina Daniel at Laurie sa pangkat ng mga student leaders na ipinadala ng eskwela bilang delegado sa isang student conference sa Baguio. Magtatapos na sa high school ang dalawa at ang pagiging delegado sa Baguio ay isang karanasang kanilang inaasam-asam. Doon sa malamig na siyudad sa itaas ng bundok ay may pagkakataong makilala at makahalubilo ang mga delegado ng iba’t ibang eskwela. May pagsasanay sa pagiging leader. Mayroon ding masasayang palatuntunan, sayawan at kantahan sa gabi na sadyang nakaaaliw.
Magkasintahan na sina Daniel at Laurie nang panahon iyon. Ang kanilang bagong-silang na pag-iibigan ay naganap nang kamakailan lamang nang nagkaroon ng lakas ng loob si Daniel na ipagtapat ang pag-ibig kay Laurie. Magkaeskwela sila mula pa first year. Maaga pa man ay napansin na nila ang isa’t isa. Naging mabuting magkaibigan sila na nagtutulungan sa mga gawaing eskwela. Magkapareha sila kung may nagaganap na sayawan sa eskwela. Kapuwa sila seryoso sa pag-aaral sapagka’t iyon ang laging ipinapayo ng mga magulang; ang ipagpaliban ang laro, ang lakuwatsa, ang ligawan. Na gamitin nila ang panahon sa pagiging mabuting mag-aaral at nang sila ay magkaroon ng karangalan sa graduation at nang sila ay maging scoholar pagpasok sa kolehiyo.
Kung ano man ang ibig ipagtapat ni Daniel ay kinimkim niya hanggang sa mga huling sandali. Anim na buwan na lamang ay graduation na. At sila ni Laurie ay magkakahiwalay na. Ano ba ang malay niya kung saang kolehiyo ipapasok ng mga magulang si Laurie? Malamang na sila ay magkakalayo at baka sa susunod na eskwela ay makakikilala ng ibang lalaki si Laurie na higit na malakas ang loob kaysa kanya.
Magkatabi sila ng upuan sa history class noong araw na iyon. Habang nagtuturo ang teacher ay may isinulat sa papel si Daniel at iniabot kay Laurie ang mensahe. “Laurie, ayaw kong ikaw’y mapalayo sa akin. Maaari bang ipagpatuloy ang ating mabuting pagkakaibigan hanggang sa tayo ay mapunta sa kolehiyo. Tatanggapin mo ba na ako ay maging iyong kasintahan?”
At ibinalik ni Laurie ang papel na may kasagutan: “Oo, Daniel. Ang tagal mo namang magsalita!”
Kung kaya’t ang Baguio, ang magandang siyudad sa itaas ng bundok, ang naging tagpuan ng bagong pag-iibigan ng batang-batang magkasintahan. At minsan ay nalayo sila sa gawain sa eskwela at sa mapanuring mata ng mga magulang.
Magkahawak ang mga kamay nila sa pamamasyal sa Session Road, ang pataas-pababa na main street, sa Baguio. Naupo sila sa isang bench sa Burnham Park na ang bisig ni Daniel ay nakabalot sa balikat ni Laurie habang pinanonood nila ang mga namamangka sa lawa-lawaan sa gitna ng park. Sa tuwing may pagkakataon ay nagnanakaw ng halik sa pisngi si Daniel at si Laurie ay nagpaparaya naman.
Bago sila tumungo sa Baguio ay alinlangan si Laurie kung siya ay sasama sa pangkat o hindi. Gawi ng mga chaperon teachers na umupa ng kung ilang bus at doon isinasakay ang lahat ng mga delegado. Kung kaya’t ang pagpunta pa lamang sa Baguio ay napakasaya na. Ang limang oras na biyahe sa bus ay walang-katapusang kuwentuhan, biruan, tuksuhan, tawanan, at kantahan. Paalis na ang bus ay wala pa si Laurie at ang naghihintay na si Daniel at ang chaperon teacher ay alumpihit na. Maya-maya ay humahangos na dumating si Laurie. Humingi siya ng paumanhin sa pagiging huli at sinabing ang kanyang ina ay ipinasok sa ospital sapagka’t hindi mabuti ang pakiramdam. Ayaw sana niyang iwan ang ina ngun’t ang ina mismo ang nakiusap kay Laurie na siya ay lumakad na at huwag mag-alaala sapagka’t siya’y nasa mabuting kamay naman ng mga doktor at narses.
Doon dinala sa Teachers Camp ang mga delegado. Dormitory-style ang room accomodations. Ang mga babae ay sa isang building, ang mga lalaki sa kabila. Malalaki ang mga silid-tulugan. Kasya ang dalawampung tao sa isang silid. Ang higaan ay mga teheras. Sa labas ng mga silid-tulugan ay naroroon ang malalaki ring paliguan na pang-maraming tao.
Pag oras ng almusal, pananghalian at hapunan, ang mga delegado ay pumupunta sa dining hall at doon ay sama-sama silang kumakain. Mayroon namang isa pang malaking hall na ang gamit ay bilang conference hall. Doon nagaganap ang mga pagsasanay sa araw at sayawan o kantahan sa gabi.
Nang pangalawang gabi sa Teachers Camp ay hinatak ni Daniel ang tatlong kaibigang lalaki, dala-dala ang isang gitara. Tumapat sila sa dako ng women’s hall na kung saan doon matatagpuan ang silid-tulugan nina Laurie at mga kaeskwelang babae. Sa ilalim ng bintana ay umawit ng harana ang magkakaibigang lalaki na patungkol kay Laurie. Dumungaw sa bintana si Laurie, at pati na ang lahat ng mga babae, at nagpalakpakan sila pagkatapos ng kanta. Kilig na kilig si Laurie sa ginawang palabas ni Daniel at naging sabik na sabik na makausap ang kasintahan sa darating na umaga.
Sina Daniel naman at mga kaibigan ay bumalik na sa men’s hall upang makapagpahinga.
Makatatlong ulit nang si Daniel ay nagiging delegado ng kanyang eskwela sa Baguio Conference. Ang conference ay ginaganap taon-taon, sa tuwing Disyembre. Noong unang taon ni Daniel sa Baguio conference ay wala siyang kamalay-malay sa mga kapilyuhan na nangyayari sa men’s hall pagsapit ng gabi na oras na ng pagtulog.
Hinihintay ng mga beterano na sa conference na makatulog ang mga bagito. Sa kalagitnaan ng gabi, kapag mahimbing na ang tulog ng mga bagito, ay binubuhat sila ng mga pilyong delegado, ang teheras ng mga natutulog ay binubuhat nang dahan-dahan, at maingat na inililipat ito sa bathroom/toilet. Bukod dito, ay naglalagay pa ang mga salbahe, ng apat na kandila sa paligid ng teheras. Noong panahon na naging biktima si Daniel, nang magising siya isang umaga, ay nagising siya sa loob ng kubeta!
Noong gabing nasabi, na gabi ng paglilipat ng mga teheras, ang apat na magkakaibigang katatapos pa lamang mangharana, nagkunyari na matutulog na, nguni’t naghintay hanggang ang mga bagito ay makatulog. May isa pa silang gawain nang gabing iyon.
Hindi lamang sina Daniel at Laurie ang nagkaroon ng daan upang makatikim ng laya doon sa Baguio, sa conference. Ang edad na labing-anim, ang edad ng mga bata sa high school, ay panahon ng pagtawid mula kamusmusan tungo sa pagiging ganap na babae o lalaki. Sa edad na ito nakatitikim ang mga bata ng naiibang pakiramdam na galing sa kaibuturan ng kanilang puso. Ang tibok ng pag-ibig. Ang pagka-akit sa isang taong nagpapasaya sa kanila. Ang pagsunod sa iniuutos ng damdamin, hindi ng isip, upang makatamo ng kaganapan. Sa nasabing Baguio conference ay may iba pang Romeo at Julieta bukod kina Daniel at Laurie.
Ang bulaklak na everlasting ang bulaklak na tumutubo sa Baguio at ito ang nagiging handog ng mga nagkakaibigan sa isa’t isa. Ginagawa itong pumpon ng bulaklak o di kaya’y kuwintas na isinusuot sa leeg ng mga babae, maging ng mga lalaki.
Walang samyo ang everlasting. Nguni’t maganda itong tingnan. Kulay ginto ang pinakabuko at tila gintong-pilak ang mga maninipis na talulot na nakapalibot sa buko. Ang katangian ng everlasting, bukod sa ganda, ay ang pagiging matibay nito at pagkakaroon ng mahabang-buhay. Hindi ito nalalanta o naluluoy. Kaya nga everlasting ang ngalan; ito’y nagiging simbolo ng walang-hanggang pag-ibig.
Ang mga nagkakaibigan ay nagpapalitan ng handog na everlasting. May mga umuukit ng kanilang mga pangalan, sa loob ng guhit na puso, sa pinaka-katawan ng punong-pine (pine tree); at taon-taon, ang mga iniuukit na pangalan sa puno, ay binabalik-balikan ng mga magsing-irog at doon ay inuulit ang mga pangako sa isa’t isa. At mayroon ding namamangka sa lawa-lawaan sa Burnham Park at doon nakahahanap ng katahimikan, malayo sa pandinig ng mga mapanghimasok na taenga, at doon sinasambit ang kanilang mga matatamis na pangungusap na hangin lamang ang nakaririnig.
Ang panghuling gawain sa conference ay ang parada ng iba’t ibang eskwela sa mga kalsada sa paligid ng downtown Baguio. Ang mga taga-Baguio ay nag-aabang sa mga bangketa upang mapanood ang mga kabataang galing sa kapatagan. Pagkakataon ito para sa mga eskuwela na magpasikat sa pagpapakita ng makukulay na costumes o di kaya ay uniporme, pagpaparinig sa mga kanta, habang sila ay nagmamartsa. Natatapos ang parada sa harapan ng city hall na kung saan may pagdiriwang sa kapanganakan ni Jose Rizal.
Ang huling gabi ay kinatatampukan ng isang malaking party at pamamaalaman sa conference hall. Pangkaraniwan na ang mga babae ay napapaiyak sa pagwawakas ng isang napakagandang karanasan para sa isang teen-ager.
Bago matapos ang conference ay naisingit sa schedule ng pangkat nina Daniel at Laurie ang pamamasyal sa Asin Hot Spring. Nasa taluktok ng bundok ang Baguio City, ang nasabing hot spring, ay nasa paanan ng bundok. Maganda ang tanawin papunta doon. Walang kabahay-bahay sa magkabilang panig ng daan. Ang tanging makikita ay malalawak na lupain at ang masid ay nakaaabot hanggang sa kung saan nagsasalubong ang langit at lupa.
May sigla ang sinag ng araw noong oras na iyon bagama’t may malalaki at mapuputing ulap na lumilikha ng lilim sa iba’t ibang dako ng kalawakan. Tinawag ni Laurie ang pansin ni Daniel na tumingin sa isang pangitain. At kapuwa nila nakita ang isang nag-iisang libingan sa gitna ng kawalan, na puting-puti at kumikinang sa liwanag. -- Kay lungkot mag-isa sa kalagitnaan ng kawalan! -- nasabi ni Laurie.
Nang nakarating na sa Maynila ang dalawa, ang sumalubong sa kanila ay ang malungkot na balita na ang ina ni Laurie ay sumakabilang-buhay na. Binawian siya ng buhay habang nasa ospital. Ang oras ng kamatayan ay katapat noong oras na may nakita sina Daniel at Laurie na nag-iisang libingan sa kalawakan.
Nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo ang magkasintahan. Ikinasal sila at nagkaroon ng anak. Naging matagumpay ang kanilang pamumuhay at natamo nila ang kaligayahan sa piling ng isa’t isa. Hanggang sa sila’y tumanda na, hindi nila matiyak, kung ang nakitang libingan sa malawak na lupain sa Baguio ay totoong naroroon nga o bunga lamang ng kanilang imahinasyon.