WALANG KAMAG-ANAK SA PAG-IBIG
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Nailathala ng Asian Journal San Diego noong Mayo 13, 2011)
Natatandaan ko si Kaka Mundo. Panganay na kapatid siya ng nanay ko. Ang Lola Cion ko ay nakapag-asawa nang makalawa, mangyari ay namatay ang unang asawa. Si Kaka Mundo ay unang anak sa unang asawa at ang nanay ko ay bunsong anak sa pangalawa.
Bata pa ako noon. Sa tuwing pista sa Tundo ay pumupunta kami sa bahay ni Kaka Mundo. Kaugalian noon sa Tundo na kung pista, kaarawan ng Santo Ninyo, ang lahat ng bahay ay may handa. Kilala man o hindi, ang mga dumadayo ay tinatanggap sa kanino mang bahay upang makakain ng masasarap na pagkain.
May sinasabi sa buhay si Kaka Mundo. Mekaniko siya ng sasakyan. Mahusay pa siya sa negosyo. Si Kaka Mundo, nakita ko, ay hari ng mga jeepney drivers noong araw. Siya ang may-ari ng humigit-kumulang na sandaang jeepneys.
Maliliit pa ang mga jeepney noon, nagsasakay lamang ng siyam, kasama na ang tsuper; ngayon ay malalaki at mahahaba na ang mga jeepney – nagsasakay ng mga dalawampu’t pitong katao, kasama na ang tsuper. Ang plaka ng maliliit na jeepney noon ay may titik na AC, ibig sabihin ay “Auto-Calesa”.
Upang makilala ang mga jeepney ni Kaka Mundo, ginawa niyang berde ang kulay ng lahat ng jeepney na pag-aari niya.
Sa pook na pinaghihintayan ng jeepney ay karaniwang mayroong “kristo”. Siya ang tumatawag sa pansin ng mga sasakay at nagbabalita kung saan patungo ang jeepney. Binabayaran siya ng tsuper ng kung ilang peseta kapag napuno na ng pasahero ang jeepney.
Tundo noon ang tirahan ng mga may sinasabi sa Maynila. Di pa sikat noon ang Quezon City at Makati. Nasa Tundo ang mga kalakal at ang pier ng mga bapor na pumupunta sa Bisaya at sa Amerika. Nasa Tundo rin ang Divisoria, ang pinakamalaking pamilihan ng lahat ng pangangailangan. May kasabihan noon, kung ano man ang hinahanap mo, sa Divisoria mo matatagpuan.
Kung saan pumaparada ang mga jeepney sa gabi ay doon din naroroon ang talyer ni Kaka Mundo. Siya mismo ang nangangasiwa sa pag-aayos sa mga jeepney kung ang mga ito ay nasisira, doon sa talyer na iyon.
Nang bata pa ako, sa tuwing bibisita kami sa aking Kaka Mundo, ay kailangang magmamano ako sa kanya, bilang tanda ng pagbati at paggalang sa matanda. . . kahi’t na nangingitim sa dumi at puno ng langis ang kanyang kamay. Nasisilip ko sa isang silid ng talyer na nagbibilang ng pera na iniintrega ng mga tsuper ang asawa ni Kaka Mundo, kasama ang isang katulong. Noong panahong iyon ay papel ang pera, hindi metal. Pagkabilang ng pera ay pinaplantsa nila, gamit ang plantsang pangtuwid sa lukot na damit, ang dagsa-dagsang singko sentimos, diyes sentimos, beinte sentimos – mga perang papel na may iba’t ibang kulay.
Mayroong diyes sentimo na metal na napakaliit at karaniwang itinatago ng mga tao sa taynga, sa halip na ilagay sa bulsa. Nagugunita ko ang istorya ng isang napaka-sexy na babae na sumakay sa jeepney. Maikli ang palda at ang suot na blusa ay talaga namang nakatatawag pansin dahil kita ang lusog ng kanyang mga bundok. Nang bababa na ay nagsabi ng, “Para na, mama. Sa tabi l’ang.” Sabay dukot ng diyes sentimos na nasa kanyang kanang taynga.
Ang pasahe noon ay diyes sentimos. Kaya nga may paalaala sa loob ng jeepney na nagsasabi ng: “Upong diyes po lamang”. Pakiusap ito sa mga babae na kung umupo ay patagilid, tuloy ay wala nang espasyong maupuan ang bagong kasasakay na pasahero. Isa pang paboritong paalaala na mababasa sa loob ng jeepney ay: “God knows hudas not pay.”
May anak na lalaki si Kaka Mundo; si Eddie, Kuya Eddie ang tawag ko. Wala siyang hilig na mag-aral. Natural na ang kinahantungan niya ay ang pagiging mekaniko at katulong ng tatay niya sa talyer at sa pagpapatakbo ng negosyo ng jeepney. Samantalang ang isa pang anak na lalaki, si Dengdeng, ay naging abogado at kumandidato pa sa pagiging konsehal sa Tundo. Nagkaroon si Dengdeng ng mga kabayong pangkarera na inilalaban sa mga hipodromo ng San Lazaro at Santa Ana.
Hindi nabuhay nang matagal ang asawa ni Kaka Mundo. Palibhasa ay may katabaan, siya ay nagkaroon ng sakit sa puso; at nang lumaon ay iyon ang kanyang ikinamatay. Malaking babae at malapad si Kakang Goneng. Nagpagawa pa ng kabaong na espesyal para sa kanya dahil di siya husto sa karaniwang kabaong. Nalungkot sa pag-iisa si Kaka Mundo. Nawala ang gana niya sa pagtatrabaho at napabayaan ang negosyo.
Nasa kamay ni Kuya Eddie ang ikalulunas ng kalungkutan ng kanyang ama. Isinasama niya ang ama sa kanyang mga lakad. Nakilala ni Kaka Mundo ang kasintahan ni Kuya Eddie na ang pangalan ay Lumeng. Maputi si Lumeng at maamo ang mukha. Maikli ang buhok kahi’t na noong mga panahon na iyon ay mahabang buhok ang uso. Masasabing si Lumeng ay babaeng makabago.
May mga panahon na si Lumeng ay bumibisita sa bahay nina Kaka Mundo at Kuya Eddie. Tumutulong siya sa mga gawaing bahay. Nagluluto at nagbabantay kay Kaka Mundo, tila nars na tagabigay ng gamot at inumin ng matanda.
Kahi’t anong alaga at pang-aliw ang subukan nina Kuya Eddie at Lumeng ay di nagkakabisa sa aking Kaka Mundo. Palagi siyang malungkot at walang sigla.
Isang araw ay nasabi ni Kuya Eddie, “Tatay, palagay ko ay dapat kayong mag-asawang muli. Bata pa kayo at malakas pa.”
“Anak, setenta na ako, paano naman naging bata? Sino pa ang magkakagusto sa akin?” sagot ni Kaka Mundo.
Marami pa ang iibig kay Kaka Mundo. Kahi’t na ang mga bata-batang mga babae ay iibig sa kanya. Sapagka’t kahi’t na siya ay sitenta anyos ay maganda pa ang pangangatawan ni Kaka Mundo. Maskulado siya at malalakas ang mga bisig. Maganda ang tindig at kung lumakad ay mabilis.
Higit sa lahat ay mayaman si Kaka Mundo. May kaya siya sa buhay – may mga jeepney na araw-araw ay nag-uuwi ng libo-libong pisong kita sa kanyang bulsa. Malaki ang kanyang bahay at mayroon pang mga paupahang accessorias sa Tundo. Ang iibig kay Kaka Mundo ay tiyak na giginhawa ang buhay.
Dahil sa malimit na pagbisita ni Lumeng at pag-aalaga kay Kaka Mundo ay nagkaroon ng malapit na pagkikilala ang dalawa. Unti-unti ay nagkakaroon ng interes kay Lumeng si Kaka Mundo. Sa tuwing lalapit ang magandang babae upang tulungan siyang makainom ng gamot o di kaya ay ng refresco na malamig na tubig o katas ng buko ay nalalanghap niya ang nakahuhumaling na pabango ni Lumeng. “Kung mag-aasawa akong muli ay isang kagaya ni Lumeng ang aking hahanapin. Kung di l’ang sana nagkasundo na si Lumeng at si Eddie. . .” bulong ni Kaka Mundo sa sarili.
“Tatay, lumabas kayo ng bahay. Mamasyal kayo. Ayain ninyo ang inyong mga kaibigan at maglibang kayo,” payo ni Eddie.
“Kung alam mo lamang, anak; ang magpapaligaya sa akin ay naririto sa bahay palagi. Hindi na ako kailangang pumunta pa sa malayo. Nguni’t papaano ang gagawin ko. May interes ako kay Lumeng, nguni’t siya ay kasintahan mo na!” Sabi ni Kaka Mundo sa kanyang sarili lamang.
Isang araw ay hindi na nakapagpigil si Kaka Mundo. Nang tiyak niya na si Eddie ay abala sa pagkukumpini ng jeepney, nagtapat siya kay Lumeng.
“Mang Mundo, baka gutom na kayo, handa na po ang pananghalian,” paanyaya ni Lumeng.
“Lumeng, ang gutom ko ay hindi sa pagkain, kundi sa pagmamahal. Anong gagawin mo kung sabihin kong may pagtingin ako sa iyo?” tanong ni Kaka Mundo.
Namula ang mukha ni Lumeng. Hindi nakapagsalita kaagad bago nagsabi ng, “Mapagbiro kayo Mang Mundo.”
Paglipas ng ilang linggo ay nagbalik ang dating sigla ni Kaka Mundo. Nakukuha na niyang sumipol at kung minsan ay umaawit pa habang nagkukumpini ng jeepney. Naging masipag siyang muli at mapag-alaala sa kanyang negosyo. Napansin ni Eddie ang malaking pagbabago sa kilos at kalagyan ng pag-iisip ng ama.
Paano ay pumayag ang babaeng nakursunadahan niya na sila ay lumabas at mag-aliw. Ilang gabing sunud-sunod na sila ay nagpupunta sa pasyalan – sa Luneta o di kaya ay sa tabing-dagat. Kumakain sa restaurant. Nagsasayaw sa night club.
Pagkatapos ay nakahahanap sila ng pag-iisa sa silid ng isang motel at doon ay nagkakaroon ng katuparan ang pagsisilakbo ng kanilang mga damdamin.
Maligaya na si Kaka Mundo nguni’t sa kabilang dako ay binabagabag siya ng kanyang konsyensya. Sabi niya sa sarili, “Kaawa-awa naman si Eddie. Paano ko kaya sasabihin sa kanya ang nangyayari? Naging Hudas ako sa sarili kong anak!”
Isang araw ay nag-usap ang mag-ama. Sabi ni Kuya Eddie, “Tatay, nagpasiya kami ni Lumeng na magpakasal na. Nagpasiya kami na magpakasal sa susunod na buwan.”
Muntik nang ibuga ni Kaka Mundo ang kahihigop na kape. “Magpapakasal kayo ni Lumeng!? Anak, hindi mo alam ang iyong ginagawa.”
“Bakit, Tatay, kapuwa kami may edad na ni Lumeng. Tiyak na alam namin ang aming ginagawa.” Sagot ni Kuya Eddie.
“Ang ibig kong sabihin ay . . .” at ipinagtapat ng ama sa anak ang mga nangyari.
“Patawarin mo ako, Eddie. Ako ang minamahal ni Lumeng at ang pagpayag niya na makipagkasal sa iyo ay wala sa kanyang loob.”
“Kung gayon ay kayo ang magpakasal sa kanya sa susunod na buwan. Handa ba kayo?” tila hamon na ibinato ni Kuya Eddie sa kanyang tatay.
Sa araw na pinagkasunduan ay nagkaroon ng malaking kasalan sa katedral ng Santo Ninyo sa Tundo.
Sabay ikinasal ang mag-amang Kaka Mundo at Kuya Eddie ko.
Si Kuya Eddie kay Lumeng na kanyang matagal nang kasintahan.
Si Kaka Mundo kay Loleng, ang kakambal ni Lumeng, na siyang naging nars niya at kapareha sa sayawan at sa pugad ng pag-ibig.
Binalak nina Kuya Eddie at Lumeng ang lahat. At ang paglilinlang ay nagbunga ng maganda.