BEAUTY SALON
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
May mga kabataan na nagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo. Hangad nila na makapagtapos ng isang degree at magkaroon ng propesyon tulad ng pagiging accountant, nurse, doktor, engineer, o teacher. May mga kabataan naman na ang hangad ay makapagtrabaho kaagad pagkakatapos ng high school at nang makapaghanap-buhay kaagad. Vocational courses ang kinukuha nila. Sa isa o dalawang taon ay nakakatapos na at maaari nang mamasukan sa trabaho.
Kabilang sa pangalawang uri ng kabataan sina Susana at Greta. Magkaeskwela sila sa high school at kapuwa nagmamadali na makapagtrabaho kaagad.
Nag-aral sila ng cosmetology at hair science sa isang vocational school sa Los Angeles, California. Kapuwa sila anak ng mga magulang na Filipino na nag-immigrate sa Amerika.
Nagsasama ang dalawa sa isang 2-bedroom apartment sa Highland Park. Hati sila sa upa at bayad sa tubig at kuryente.
Sa kasalukuyan ay namamasukan sila bilang make-up at hair stylist sa kani-kanyang beauty salon.
Maraming suki ang dalawa at maganda ang kinikita nila.
Kaya nga lamang ay mahaba ang oras ng trabaho; nakapapagod. Halos wala na silang pahinga sapagka’t kahi’t na Sabado at Linggo ay nagtatrabaho sila. Sa katunayan, lalong marami ang nagpapagupit o nagpapaayos kung Sabado’t Linggo.
Kapuwa masayahin at masigla ang magkaibigan. Pagod sila sa pag-uwi sa gabi; nguni’t paggising sa umaga ay may bago silang sigla at pagpapahalaga sa trabaho.
Nguni’t habang tumatakbo ang panahon ay mapapansin na si Susana, kung ihahambing kay Greta, ay nagiging lalong pagod at mapagpasan ng problema. Hindi niya sariling problema; problema ng ibang tao.
Ikinukuwento ni Susana kay Greta. . .
. . . “Ako’y nagiging tambakan ng problema. Ang mga customers ko, hindi mapigilan sa paghihinga ng kanilang mga hinanakit sa buhay habang sila’y nagpapaayos sa akin.
“Tulad ni Samantha. Kabata-bata at kakakasal pa lamang ay ibig nang i-diborsyo ang asawa. Lasenggo daw at nananakit ang Mr. niya.
“Sabi ko ay magsumbong siya sa pulisya. Ayaw naman dahil nagtatalo pa ang loob niya kung iniibig pa niya ang asawa o hindi na. Aba, e, baka mapatay siya ng asawa minsang masira ang ulo noon.
“Iyon namang si Mrs. Stevenson, magsesetenta’y singko na ang edad ay nakikipagkita pa sa isang batang-batang lalaki.”
Sabat ni Greta, “E, ano? Biyuda naman yata at mapera.”
“Ang kaso mo ay buhay pa ang asawa. Matanda na’t may Alzheimer. Nasa facility. Hindi ba immoral ang ginagawa ni Mrs. Stevenson?
“May isa pa. Nakaaawa. May kanser. Dumarating siya sa salon upang magpa-shampoo. Nalalagas na ang buhok pero nagiginhawahan siya sa pagsa-shampoo kaya't maya't maya ay nasa salon. May kasama kasing masahe sa ulo ang pagsa-shampoo.
"Ang problema sa kanya ay napakasungit. Inirereklamo ako sa aking boss na mabigat daw ang kamay ko. Hindi naman totoo. Kung totoo, bakit ako ang palaging hinihingi niya pag dumarating sa salon? Masungit na, kuripot pa! Hindi nagbibigay ng tip.”
Payo ni Greta: “Alam mo, Susana? Ikaw ang may problema. Bakit mo pinapasan ang problema ng ibang tao? Dapat ay pasok sa isang tenga at labas sa kabila ang ano mang naririnig mo na hindi mainam.”
Sagot ni Susana, “Tama ka, sis. Pero aywan ko ba. Hindi ko maialis sa isip ko ang naririnig mula sa mga customers. Bakit nila ikinukuwento sa akin ang kanilang problema? Tuloy pati ako ay nadadamay. Ako’y isa lamang hamak na hairstylist. Hindi ako psychologist."
Ang Greta ay napakakalmada. Ang mga customers niya ay mababait. Walang problema. Tahimik.
“May customer ako na kulot na kulot ang buhok. Ang hirap suklayin. Kahi’t na masabunot ko ang buhok ay hindi nagagalit.
“Hindi sila madaldal. Ako ang salita nang salita. Kahi’t na pintasan ko ang buhok nila dahil sa tuyo na tuyo at may balakubak o di kaya ay magaspang ang balat nila sa mukha, hindi sila nagagalit.
“May mga customers pa ako na celebrities. Pero, hindi sila mayabang.
“Naging customers ko na si Michael Jackson. At saka si Whitney Houston.”
“Ang suwerte mo naman! Nakakainggit ka,” komentaryo ni Susana kay Greta.
Namamasukan si Susana sa Joie de Vivre Beauty Salon sa Beverly Hills.
Si Greta ay namamasukan sa Glendale. Sa Forest Lawn Memorial Park.