KILLJOY SI AL SAYMER
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Ang pitumpu’t pitong taong gulang na matandang lalaki ay masayang nagbihis, pagkatapos ay naupo sa kanyang kotse at pinaandar ang sasakyan papunta sa Dodgers Stadium.
Nag-iisa na lamang na namumuhay si Alberto. Ipinagpatuloy niya ang paninirahan sa kanyang bahay sa siyudad ng Los Angeles kahi’t na wala na ang asawa, sumakabilang-buhay na siya. Iyon ang kanyang naging tahanan mula’t sapul pa nang kakakasal pa lamang niya sa asawa, humigit-kumulang na mga apatnapu’t limang taon na ang nakalilipas.
May isa siyang anak na lalaki na bihira na niyang makita. Siya’y sa East Coast naninirahan at abala sa trabaho at sa pag-aasikaso sa kanyang sariling familia. Kung masusunod ang anak, ang makabubuti ay manirahan ang ama sa isang retirement home, at nang siya ay may makakasamang ibang tao. Doon ay may mga caregivers na titingin sa kanyang pangangailangan. Nguni’t ang ibig ni Alberto ay mamuhay nang malaya at batay sa kanyang paniniwalang kaya niyang magsarili.
Malusog ang pangangatawan ni Alberto. Nakapagmamaneho pa nga siya. Nguni’t siya’y malilimutin na.
Noong buhay pa ang asawa, malimit na nababahala ang asawa sapagka’t maraming nalilimutan si Alberto.
Nalilimutang mag-flush ng toilet pagkagamit nito. Nalilimutang patayin ang apoy sa stove kahi’t na natuyo na ang pinakukulong tubig para sa kape.
Minsan ay paalis si Alberto. Lumabas na ng bahay. Wala pang tatlong minuto ay bumalik – nalimutan daw niya ang kanyang susi ng awto. Pinulot ang susi at lumabas na muli. Maya-maya ay bumalik na naman. Nalimutan daw niya ang salamin sa mata.
Hindi naman sila masyadong nagkakaiba ng asawa. Ang asawa ay malilimutin din. Ang pagiging malilimutin ay kapuwa nila itinuring na bahagi ng pagtanda, natural lamang na mangyari, at di maiiwasan.
Malimit ay sinasabi ng babae – “Ay, Alberto, kung hindi nakakabit iyang sa iyo, malamang ay malilimutan mo rin kung saan mo inilagay.”
Abogado si Alberto noong araw, bago siya mag-retire. Matalas ang kanyang isip at mahusay siya sa pagsasalita at pagpapaliwanag. Karamihan ng kaso niya sa korte ay panalo.
Kamakailan ay nagwagi ng premyo si Alberto sa pa-contest ng isang radio station. Ang lucky caller ay magwawagi ng libreng ticket sa isang Dodgers baseball game. May dagdag pa na free dinner for two and hotel accommodation sa Hotel Bounaventure. Pipili ang radio station ng isa pang winner na makaka-date ng lucky caller sa dinner at sa pagkakaroon ng good time sa gabing nabanggit.
Sapagka’t si Alberto ay isa nang balo, walang masama na siya ay makakilala at makipagkita sa isang babae.
Di nakikita ni Alberto ang kanyang magiging ka-date, nguni’t batay sa paglalarawan ng radio announcer, ang magiging ka-date ay bata at maganda.
Siya si Tara, tatlumpu’t walong taong gulang, isang dibursiyada, real estate ang profesion, maganda, at mahilig sa baseball.
Sabi ng radio announcer: “Hey, Alberto, aren’t you a very lucky man. This lady on the phone, who will be your date on baseball night, described herself as voluptuous. Are you excited?”
Sagot ni Alberto, “Well, who wouldn’t be? I’m a fun person, she's a fun person. We’ll see what happens.”
Sabi naman ni Tara, “Alberto, you sound like a very interesting man. I’m excited to meet you at the baseball game and the dinner date.”
Nagmamaneho ang matandang lalaki ng kanyang awto patungo sa Dodgers Stadium. Sinundan niya ang direksyon papunta sa Freeway I-5. Sumampa siya sa freeway at sinundan ang lane papunta sa nasabing lugar. Marami nang beses na siya ay nakapunta sa Dodgers upang manood ng baseball. Kabisado niya ang daan papunta doon.
Karaniwan ay makinis ang kalsada at mabilis ang daloy ng traffic sa freeway. Noong oras na iyon, biglang naging baku-bako ang daan. May nagaganap na road construction. Hindi inaasahan ni Alberto na madaraanan niya ang isang road construction. May mga cones o harang sa daan kung kaya’t kinailangang bumago siya ng lane. Mabilis pa rin ang takbo ng awto niya at ng ibang awto. Hinihintay niya na magpakita ang sign na ibinabalita ang exit patungo sa Dodgers Stadium. Walang sign na lumilitaw. Alam niya na malayo na siya. Lagpas na sa Dodgers exit. Nguni’t kinailangang sumunod siya sa daloy ng traffic.
Sa kasusunod sa lane ay napunta siya sa isang pasikip na pasikip na daan. Bumagal ang takbo ng traffic. Maya-maya ay napunta na siya sa loob ng isang palengke, katulad ng mga palengke sa Mexico at sa Filipinas. Maraming taong nagtitinda at taong namimili na nakahambalang sa daan. Binagalan niya ang paandar sa awto at ang ibig na lamang niyang gawin ay humanap ng mahihintuan at nang makapagtanong kung nasasaan na ba siya.
May nakita siyang mahihintuan. Huminto siya at bumaba sa awto. Tila siya nalilito at kinakabahan. Umupo siya sa isang upuang bakal na nasa gilid ng daan.
Umupo siya roon nang kung ilang minuto na tila nakatingin sa malayo at wala sa sarili.
Maya-maya ay may lumapit na babae na nagtanong, “Mama, kailangan ba ninyo ng tulong?”
“Oo, sabi ng matandang lalaki.
“Naliligaw ako.”
“Saan kayo papunta?”
“Di ko matandaan.”
“Ano pong pangalan ninyo.”
“Hindi ko matandaan.”
Samantala sa pinag-usapan nilang waiting area sa Dodgers Stadium ay naghintay at naghintay si Tara, hanggang sa magsimula na ang laro. Nang magsimula na ang baseball game ay pumasok na si Tara sa stadium na nag-iisa at nag-iisip kung bakit hindi dumating si Alberto.