ANG BATANG NANAGINIP NA SIYA'Y NAKALILIPAD
Ni Edgar Maranan
NOONG SIYA'Y PASLIT PA LAMANG, madalas managinip si Selina na siya'y tinubuan ng pakpak, at malaya siyang nakalilipad sa langit, sumisisid sa himpapawid, tumutulay sa bahaghari, pumapaimbulog sa loob at labas ng mapuputing ulap. Nakatunghay siya sa isang planetang luntia't bughaw, sa mga bukid at bundok, sa mga ilog at dagat.
Buong-buo ang kanyang pakiramdam na lahat ng ito'y nangyayari nga sa kanya. Walang kasinggaan ang kanyang katawan. Damang-dama niya ang hugos ng hangin, ang salakab ng araw sa kanya sa papawirin, ang halumigmig ng ulap, ang nakalululang bulusok at muling pagsibad paakyat sa langit! Sa kanyang paglingon, natanaw niyang humahabol ang kanyang mga kaibigan: ang maya, ang tutubi, at ang paruparo.
Biglang-bigla, lulukob muli ang gabi. Ang ulap ay mahahalinhan ng mga anino sa dilim. Ang magaan-pa-sa-hanging pakiramdam ay magiging simbigat-ng-batong kalungkutan. Lagi siyang nagigising sa madaling-araw kapag naglalahong parang bula ang panaginip, at bawat paghugot niya ng hininga ay may kasamang kirot na hindi niya maunawaan.
Nang lumaon, paminsan-minsan na lamang kung siya'y dalawin ng panaginip na iyon. Napansin ng kanyang mga magulang ang kanyang pagkalungkot. Ikinuwento niya ang panaginip, at ang pagdalang ng dalaw nito sa kanyang pagtulog. Natawa na lamang ang kanyang mga magulang, napailing ang mga ito.
“Baka ang panaginip mo ay maging pangarap, na di kayang abutin at napakataas!” ang sabi ng kanyang Itay, na natatawa-tawa.
“Anak, huwag ka nang mangarap na maging anghel. Anghel ka na sa amin, kahit wala kang pakpak!” ang sabi ng kanyang Inay.
Sa pagdaraan ng maraming taon, kinasabikan niya ang pagbabalik ng panaginip. Kinasabikan niyang muling mahaplos sa kanyang likod ang magilas na mga pakpak na naghatid sa kanya sa matatayog na ulap.
* * * *
Ang daigdig ng batang si Selina ay isang maayang bukid. Doon, masaya ang kanyang buhay, at lagi siyang umaawit. Tulad ng mahiwagang pakpak, ang awit ay bigla na lamang umusbong sa kanyang puso isang araw.
Kaibigang maya, hatid ng umaga
Sa iyong pagdapo, may awit na dala!
Akala mo'y hitik sa bunga ang mga sanga tuwing nagdadatingan ang mga ibon pagsilay ng umaga. Sabay-sabay ang kanilang matinis na pag-awit, sabay-sabay ang kanilang pagsibad, sabay-sabay ang kanilang pagsisid sa himpapawid.
Tutubi, tutubi, ayaw magpahuli
Kay bilis tumakas, at walang pasabi!
Tumatawa si Selina kahit panay ang kanyang hingal. Takang-taka siya. Kahit anong ingat ang kanyang gawin, alam na alam ng tutubi na siya'y lalapit. Ano kayang klaseng mata mayroon ito? Bago pa man maabot ni Selina ang dulo ng tila-karayom-sa-payat na buntot ng tutubi, nakatalilis na itong pataas, papalayo sa kanya.
Kung minsan naman, sinusuwerte si Selina. Tinatamad o inaantok marahil ang tutubi, kaya't nahuhuli niya ito. Hindi naman niya ito hinahawakan nang matagal. Pinakakawalan din niya ito upang makalipad nang buong laya sa ibabaw ng bukid, ilog, kahuyan, hanggang maglaho sa malawak na parang.
Paruparong bukid, ikaw nga'y lumapit
Nais kong makita, kulay mong marikit!
Sinusundan-sundan rin ni Selina ang malalaki't maliliit na mga paruparong paroo't parito sa mga bulaklak ng sampagita at kosmos, rosas at rosal, kalatsutsi at bogambilya. Manghang-mangha siya sa kanilang kulay at disenyo. Parang kamay ng pintor ang gumuhit sa mga pakpak nilang sutla! May dilaw at asul, may kahel at pula, may guhit na itim, rosas, biyoleta, at ang gilid ay puti, kundi man kayumanggi, at mayroon din namang tig-iisang kulay lamang. Sa tama ng araw, lahat sila'y parang hinabi mula sa maningning na hibla ng bahaghari. Hinahabol-habol niya ang mga paruparo sa kanilang hardin, hanggang sila'y makarating sa malawak na bukirin.
* * * *
Si Selina ay mahilig ring gumuhit. Minsang lumuwas ang kanyang Itay sa bayan, pagbalik nito'y may pasalubong sa kanyang maraming papel at bagong krayola. Sa pagdaraan ng panahon, napudpod ang mga pangkulay, ngunit nakaipon si Selina ng maraming guhit, di lamang ng kalarong maya, tutubi't paruparo, kundi pati na rin ng maririkit na tanawin sa bukid.
“Paglaki ko, ako'y magiging pintor!” sabi ni Selina sa kanyang mga magulang.
“Akala ko ba'y kompositor, at ang hilig mong umawit!” sabi sa kanya ng kanyang Inay.
“Akala ko ba’y manunulat, at maraming kababalaghang hinahabi ang iyong utak!” sabi sa kanya ng kanyang Itay, sabay halakhak.
Ngunit bahagyang nalungkot ang mag-asawa. Ang totoo, pangarap nilang sana'y maging titser, nars, duktora, abugada, o inhinyera ang kanilang masayahin at matalinong bugtong na anak.
Sa katunayan, madalas sabihin sa kanya ng kanyang ina, habang panay naman ang tango ng kanyang ama:
“Naku, anak, maging nars ka sana, sapagkat sabi sa radyo, kailangan sa Amerika’t Europa ang nars, kahit ilang libo!”
Ngunit sa pinakalihim na bahagi ng kanyang puso, naroon pa rin ang isang lumang pangarap na sumuloy mula sa isang di-malimot na panaginip: higit sa lahat, nais ni Selinang makalipad! Makalipad hindi sa ibang bayan, kundi sa langit, sa ulap, nang di lumalayo sa sariling tahanan!
Mataas-na-Lupa ang tawag sa nayon ni Selina. Malapit ito— nakatunghay pa nga—sa isang lawa na napabantog sa buong bansa, sapagkat ito'y may bulkan sa gitna.
Ilang ulit nang sumabog ang bulkang iyon, kaya't mayaman ang lupa sa halos buong lalawigan. Malalawak na berdeng palayan, gulayan, at hardin ng milyong bulaklak: ito ang daigdig na nagisnan ni Selina sa Mataas-na-Lupa.
* * * *
Hindi inakala ng mga taganayon na magbabagong bigla ang kanilang buhay. Isang malaking negosyante ang namili nang namili ng mga lupain isang araw. Ipinabuldoser nito ang mga berdeng palayan, ang mga punong hitik sa prutas sa tag-araw. Hinakot maging ang buhangin sa gilid ng lawa, inuka ang gilid ng nakapaligid na bundok upang kunan ng bato't simento, at pinaghalo ang mga sangkap upang gawing pambuhos.
Nagpagawa pa ito ng malalawak na kalsada na tumatagos sa kagubatan at kahuyan. Yao't dito ang mga trak na panghakot ng graba at bato. Yao't dito ang mga higanteng makinang bumabago sa hugis ng lupa. Yao't dito ang isang maingay na sasakyang panghimpapawid na kinatakutang lubha ni Selina, kahit na ang hugis nito'y isang tutubi. Anong ibon o kulisap ang makatatagal sa ingay na likha ng dambuhalang bakal na ito?
Unti-unting nabuo ang kakaibang daigdig sa nayon ni Selina. Magagarang bahay na bakasyunan ang nakatunghay sa lawa't sa bulkan, at may nakatindig pang isang napakalaking kastilyong bato. Bawat matulis na tore nito ay may makulay na bandila. Nangaglaylay ang mahahabang taling nasasabitan ng banderita.
Sa loob ng kahariang ito, tumindig ang mga bakal na posteng iniikutan ng makukulay na yerong sasakyang pang-aliw, iba't iba ang hugis. May hugis-tutubi, hugis-paruparo, hugis-maya, at kung anu-ano pang hugis ng ibon at kulisap. May tren na pambata, may alupihang de-gulong, at kung anu-ano pang katuwaan para sa mga batang dinadala roon ng mga magulang mula pa sa malalayong lunsod at bayan.
Karnabal, piyesta, at Pasko araw-araw sa bagong daigdig, na ang pangalang may-dagitab ay tanaw mula sa pinakaliblib na sulok ng nayon. Nakatutulig ang tinig na nagmumula roon sa buong maghapon, hanggang lumatag ang dilim.
Matanda at bata, hala lapit dito,
Perya ng tsubibo, madyik at sirkero!
Aliwin ang puso, busugin ang mata,
Halinang lahat sa Planeta Pantasya!
Malikmata si Selina at ang mga batang taganayon nang buksan ang malaking Planeta Pantasya. Gayang-gaya pa raw ito mula sa ibang bansa, at malaki ang nagasta ng may-ari, kaya’t mga anak lamang ng maykaya at mga dayuhang turista ang nakakapasok itto.
Patuloy sa paglawak ang bagong kaharian, habang nawawalan naman ng lupang sinasaka ang maraming taganayon. Dahil sa hirap ng buhay, marami sa kanila ang nagtinda ng lupa at lumikas sa Maynila. Isa na rito ang pamilya ni Selina. Malungkot si Selina nang siya’y lumisan. Ni hindi siya nakapagpaalam sa mga kalaro, sapagkat wala na ang hardin at ang bukid na tahanan ng maya, tutubi, at paruparo.
Umiyak na lamang si Selina nang umiyak, habang papalayo sa mahal niyang nayon.
* * * *
Maraming taon ang matuling lumipas. Lola na si Selina, at matagal na siyang nakatira sa isang lumang bahay sa Maynila. Sa kalumaan, lumalagitik na ang mga kahoy nito, at nanganganib lumipad ang yero sa tuwing babagyo.
Mahina na siya, at kaya lamang siya nakakakilos ay upang maalagaan ang tatlong apo. Ilang taon na ring hindi siya nakakauwi sa lumang nayon ng Mataas-na-Lupa. Kung sabagay, bakit pa ba naman siya babalik doon, wala na naman siyang uuwian. Matagal nang namayapa ang kanyang mga magulang.
Ang huling balita niya, nalugi na rin ang Planeta Pantasya, at pinagbabaklas na ito. Ngunit sa halip na mabalik ang mga bukirin, mga makabagong pabrika naman ang itinirik doon, kaya't di lamang ang lupa kundi pati na rin ang lawa ay unti-unting nalason.
Sabik na sabik si Selina sa lumang nayon ng Mataas-na-Lupa. Liban sa kanyang plorerang may bulaklak, ni wala siyang makitang anumang halaman sa kanyang tinitirhan, di gaya noong kanyang kabataan. Noon, pagbaba pa lamang niya ng ilang baytang sa hagdang kawayan ay panay gulay at bulaklak na ang babati sa kanya. At sa dako pa roon, mayayabong na punong mangga at matatayog na kawayan . . .
Ang kanilang bahay sa Maynila ay napaliligiran ng madidilim na gusaling yari sa gusgusing kongkreto, kinakalawang na bakal, at basag na salamin. Sa di-kalayuan, mayroong dambuhalang supermarket at umaasbok na pabrika. At sa kalakhang bahagi ng kalunsuran, nakadipa't gumagapang ang marurusing na pook ng mahihirap.
Madilim ang kanilang lugar at di halos nasisilayan ng araw. Lalo itong dumidilim at lumulungkot kapag dinadalaw ng bagyo ang nagtitibatib na lunsod.
Isang gabing malakas ang ulan, naroon siya sa silid ng kanyang mga apo. Ang anak niyang ama ng mga ito ay nasa isang malayong bayan, sa ibayong dagat, pagkat doon nakahanap ng trabaho. Ang kanilang ina naman ay naglalako ng kung anu-anong alahas at kasangkapan, at laging gabi na kung umuwi.
“Lola, kuwentuhan n'yo naman kami!”
“Di ho kami makatulog sa lakas ng kidlat at kulog!”
“O siya, kukuwentuhan ko kayo ng tungkol sa isang batang kilala ko . . .”
“Totoong bata ho?”
“Oo, isang karaniwang bata, kasing-edad n'yo pa nga, e, at mahilig din sa laro, kagaya n'yo. . . .”
“Naka, ang korni naman!” maktol ng isang apo.
“Wala man lang magic powers na panlaban sa mga monsters at evil spirits?” padyak ng ikalawa.
“Gusto ho naming kuwento, yung merong mga starships 'tsaka dragons 'tsaka wizards 'tsaka superheroes 'tsaka amazon warriors, tulad ng nakikita namin sa TV, sa sine, sa arcade, at sa computer games!” irap ng ikatlo.
Napabuntong-hininga si Selina. Nais na sana niyang sabihin, ang batang ito ay may pakpak, at nakalilipad.
“Ang ikukuwento ko sa inyo ay tungkol sa isang daigdig na puno ng hiwaga, ayaw n'yo ba no'n?”
“Papano hong mahiwaga, kung ang bida'y karaniwang bata. . . ?”
“Makinig kayo. May isang bata noon, na ang pangala'y. . . Lina.
Masayahing bata si Lina, matalino't malusog. Doon siya nakatira sa isang malayong nayon na kung tawagi'y Mataas-na-Lupa. Ang pook na iyon ay mahiwaga sapagkat sari-saring gulay, prutas at bulaklak ang tumutubo sa maitim nitong lupa, at di-mabilang ang mga nilalang na lumilipad sa langit na malawak. . .”
Isa-isang nagsihikab ang kanyang mga apo.
“Malusog siya sapagkat sariwang gulay ang kanyang kinakain araw-araw, na pinitas lamang sa paligid ng kanilang bahay. . .”
Unti-unting itinumba ng pagkabagot at antok ang mga batang nangaghilata sa malaking kama.
“Ano hong mahiwaga ro'n . . .”, halos pikit nang tanong-pabulong ng isang apo.
Saglit na nag-isip si Selina.
“Ano’ng mahiwaga? A, may tatlo siyang kalaro na lagi niyang kau-kausap: ang maya, ang tutubi, at ang paruparo. Nais niyang lagi silang magkakasama, at isang araw, tulad nila, siya’y biglang tinubuan ng pakpak!”
Ngunit tuluyan nang nakatulog ang tatlo niyang apo, at di na nila narinig ang tungkol sa mahiwagang pakpak ng batang si Lina. Kinumutan niya ang mga ito at nagtungo siya sa kanyang silid.
* * * *
Malungkot na napatitig si Selina sa lumang kalendaryong nakasabit sa dingding. Wala na itong petsa. Ang natitira na lamang ay ang nangungupas nang larawan ng isang bukid, ipininta ng kung sinong matandang pintor, marahil ay noong hindi pa siya tao.
Binuksan niya ang kanyang tokador at inilabas ang isang lumang polder. Matagal na niyang hindi ito nabubuklat. Tumambad sa kanya ang naninilaw nang mga papel ng kanyang mga guhit noong siya'y bata pa.
Habang nakatitig siya sa mga ito, isa-isang nangabuhay ang mga nakaguhit. Matikas na umangat ang mga tutubi, nakamulagat sa kanya ang nakausli nilang mata, at maliksing umali-aligid sa buong silid.
Tutubi, tutubi, ayaw magpahuli
Kay bilis tumakas, at walang pasabi!
Marahan namang ibinukadkad at ikinampay ng mga paruparo ang kanilang mga pakpak, at sila'y masiglang nagkumpulan at lalong nagbigay-kulay sa mga bulaklak ng plorerang nasa isang sulok, pagkatapos ay nangaghabulan sa kisame.
Paruparong bukid, ikaw nga'y lumapit
Nais kong makita, kulay mong marikit!
Biglang napuno ang kabahayan ng masiglang tuwit-tuwit-tuwit ng di-mabilang na maya. Nagliwanag ang buong kapaligiran, at may masuyong hangin na humihip mula kung saan. Naghanap ng kanya-kanyang madadapuan ang masasayang ibon, habang patuloy ang matinis nilang himig.
Kaibigang maya, hatid ng umaga
Sa iyong pagdapo, may awit na dala!
Wari'y naliitan sa silid na iyon, nag-uunahang tumalilis ang kanyang mga kaibigan, at lumabas ng bintana hanggang sila'y lamunin ng dilim. Humabol si Selina, ngunit ang nakita lamang niya'y mga gamu-gamo sa bumbilyang nasa poste, sa gitna ng malakas na ulan.
Kinilabutan si Selina. Matagal siyang napapikit, kipkip sa dibdib ang naninilaw na mga papel. Nanginig siya sa ginaw, sa paglakas ng hangin at pagpasok ng anggi sa bukas na bintana.
Nang siya'y magmulat ng mata, tila na ang ulan, ngunit lalo pang lumalim ang dilim ng gabi. Walang buhay ang matataas na gusaling nakapaligid sa kanilang bahay.
Nakatiklop uli ang lumang polder sa ibabaw ng tokador. Nais niyang buksan uli ito, ngunit kinabahan siya kung ano ang kanyang makikita . . . o hindi makikita.
Nahiga si Selina sa kanyang kamang sulihiya, at mapayapang ipinikit ang mga mata. May ngiti sa kanyang labi nang siya'y makatulog, sapagkat wari'y alam niyang babalik noong gabing iyon ang matagal na niyang pinananabikan.
Tumatakbo siya sa bukid. Habol-habol niya ang mga kaibigan, na naghahalakhakang mandi'y ayaw paabot sa kanya. Papalayo nang papalayo ang mga ito, patungo sa alapaap. Binilisan niya ang takbo, hanggang di halos sumasayad sa lupa ang kanyang mga paa. May naramdaman siyang kumikiliti sa kanyang likod. May naramdaman siyang parang umuusbong, bumubukad, sa kanyang katawan, sa kanyang likuran. At bigla, umangat siyang parang saranggolang isinumpit ng hangin.
“Hintayin n'yo ako!” samo niya sa maya, tutubi't paruparo.
At mula sa himpapawid, sa kanyang paglingon ay natanaw niya ang papaliit at papaliit na lunsod at nayon, siya at ang kanyang mga kaibigan ay naglaro sa langit ng tuwa, sa daigdig ng hamog at ulap, ng payapang ulan, ng araw at bahaghari, at ng panaginip na walang hanggan.
Para siyang hinihigop ng isang ipu-ipo sa kawalan, patungo sa isang nakasisilaw na balon ng liwanag, pabilis nang pabilis, habang palakas nang palakas ang ilang mumunting tinig na umaalingawngaw mula sa malayo . . . tila ba mga tinig ng mga batang anghel. . . .
Nasa langit na nga kaya siya?
“Lola, Lola, huwag n’yo kaming iwan!”
“Lola, Lola…!”
At ang mga hiyaw ay sinundan ng hikbi’t iyakan.
Silaw na silaw siya sa dakilang liwanag, at kay ganda ng himig at awit na kanyang naririnig. Napapikit siya sa tindi ng liwanag, at sisisid na sana siya upang pumasok doon nang bigla siyang magmulat ng mata.
“Lola, Lola, yehey, gising na ang Lola!”
Sumilay ang ngiti sa labi ni Selina. Pakiramdam niya’y nanumbalik ang kanyang dating lakas at sigla, ang kanyang kabataang kaytagal nang nawala.
“Lola, kanina ka pa namin ginigising! Natakot kami, kasi parang di ka na humihinga!”
“Lola, Lola, ang ganda-ganda n’yo pala kapag nakangiti, kahit kulubot na ang inyong mukha!”
At sa gitna ng tawanan at yakapan, napausal sa kanyang sarili si Selina.
Salamat, salamat sa inyo, natagpuan kong muli ang aking paraiso . . .
* * * *
Sa isang nayong malayo sa kabihasnan, isang araw ay dinala ng isang matandang babai ang kanyang malilikot ngunit masayahing mga apo, upang ipakita sa kanila ang buhay na kanyang pinagdaanan.
Ikinuwento niya muna kung ano ang nangyari sa lumang nayon ng Mataas-na-Lupa, at kung paano siya napadpad sa madilim at mausok na lunsod.
Mula sa isang mataas na burol, itinuro niya sa tatlong apo ang dalisay na anyo ng kalikasan—malinis na batis, luntiang bukid, makapal na kahuyan, bulaklak sa damuhan. Wari’y inihudyat, biglang lumitaw mula kung saan ang makapal na kawan ng humuhuning maya, umaaligid na tutubi, at lumulutang na paru-paro.
Sa buong buhay nila, noon lamang nakakita ang tatlong bata ng ganitong mga nilalang. Napasigaw sila sa tuwa at nagsipagtakbuhan, habol-habol ang mga lumilipad na nilalang na higit pang marikit sa anumang laruan, at lumipas ang buong araw ay di sila nainip o nagyayang umuwi.
At sa mga sandaling iyon, naramdaman na naman ni Selina na may sumisibol sa kanyang likod, at para siyang umaangat sa lupa, at muli siyang nakatunghay sa isang marilag, daigdig na payapa.