Halaga ng Buhay
Maikling Kuwento ni Alberto Segismundo Cruz
Silangan, Miyerkoles, Marso 30, 1955
Naging mahalaga ang kanyang buhay nang mapaharap sa asawa't mga anak.
Tinapunan din naman niya ng masid ang mga mata ng babae. — Oh! kasingbilog ang itim ng mabilog na ubas na inukit niya sa palamuti ng korona ng aparador. . .
PUKPOK ... Pako! Lagari ... Putol! Katam. . . Upang kuminis at nang kung ma-barnisan ay maging isang magandang bahagi ng kanyang yari — ng likha ng kanyang makakapal na mga palad at namimintog na mga daliri. At iyan ang buhay ni Mente — magaspang na gawain, masigasig na pagtitiyaga, patuloy na pagbabanat ng bisig sa walong oras na ang bawa't sandali at saglit ay itinitiktak ng malaking orasan sa tanggapan ng "taller de carpinteria" na kanyang pinaglilingkuran sa purok ng San Miguel...
Kamakatlo lamang ay nakayari siya ng isang marikit na kuwadro na masasabi nang tumutugon sa makabagong sining. Kahoy na mulawin, sintigas na ng kanyang mapagbatang dibdib sa paggawa, at inukit niya sa tulong ng isang matalim na panlilok at sinsel na katamtaman ang laki upang mapalarawan ang isang sangang may mga dahon at naglaylay na bulaklak. Nang mabarnisan ito at ipamasid sa kanya ng barnisador, makaraan ang isa pang araw, ay saka niya nahinuha na hindi nasayang ang kanyang pagsusumakit. Sapagka't naroon ang kanyang likha, sagisag ng katapatan at kasipagan sa paggawa at sagisag din naman ng kanyang pagka-makasining. Nangiti siya at sa sarili'y naibulong ang ganito: "Maganda! Maganda!" Kaya't, pati ang barnisador ay napangiti rin nang buong kasiyahan, sa pananalig na napagkilala rin ang kanyang mahalagang bahagi sa pagyari ng isang tunay na kuwadrong kanais-nais — isang magandang "objecto de arte!"
Isang araw, nang sumunod na linggo, ay naatasan siyang yumari naman ng isang aparador. Diumano ang aparador ay nauukol sa isang dilag ng lipunan na nalalapit na makipag-isang-dibdib sa isang maginoong kilala sa lipunan ng mga komersyante sa lunsod ng Maynila at sa Iloilo. Matapat sa kanyang paglilingkod at sa pagka-manggagawa, si Mente ay nagpasiyang ibuhos ang angking kakayahan sa karpinterya, sa pagyari ng aparador na iyon. Matapos niyang masuri at mapag-aralan ang pinaka-guhit ng aparador na kanyang gagawin ay tinaya ang mga sukat nito saka ang disenyo, bukod sa iba pang ukit na mapapalagay sa mga gilid ng pinto at sa parang pinaka-putong nito sa korona. Sinisimulan pa lamang niyang lagariin ang kahoy na nara ay halos mapapitlag na ang kanyang puso, lalo na nang umabot siya sa bahagi ng pagkakatam ng mga tablang pahalang na siyang pagsasalansanan ng mga damit na panloob ng dilag ng lipunan, na hindi malalaon ay magiging "ginang" na.
Kinailangan ang mahigit na isang linggo bago niya nalutas ang gawaing ito. Hindi pa man nababarnisan ay namasid na niya sa kanyang likha ang kariktan at katibayan nito, ang karaniwan nguni't kaakit-akit na disenyo, ang mga ukit na maingat niyang naisagawa saka ang pagkaka-ayos ng korona na timbang na timbang, tatak ng kanyang pagka-dalubhasang karpintero, ang tanda ng karanasan ng isang lalaking nakapagtapos ng "Trade School."
At gaya nang dapat na asahan ay dumating ang araw na ang dalawa niyang likha ay kinuha ng mga kinauukulan. Sa pagitan ng salamin ng tanggapan at ng talyer na kanyang kinatatakdaan ay nasinag na mabuti ni Mente ang dalawang "mapalad"; ang ginoong nangailangan ng kuwadro at ang nobya na nakaharap sa isang bagong pamumuhay at siyang kumuha sa aparador...
— Maganda ito, Don Facundo, — matapos na maipagkaloob ang kabayaran sa may-ari ng talyer — nagpapasalamat ako sa inyo at sa mga nagsigawa nito. Ang mga pangungusap na iyan ay narinig ni Mente, kaya't siya'y nasiyahan. Pagkatapos ay narinig naman niya ang tugon ni Don Facundo:
— Marahil ay malapit sa inyong puso ang ilalagay na larawan sa kuwadrong iyan!
— Tunay, Don Facundo, karapatdapat ito sa larawan ng aking mabait at magandang kabiyak ng dibdib. Mapapalagay ang kanyang larawang kuha noong panahong siya’y nililigawan ko pa.
— Sabi ng ginoong nagpagawa ng kuwadro.
Sumasal ang tibok ng puso ni Mente. Nagunita ang kanyang maybahay, nguni't ang kanyang alaala ay madaling naparam sa biglang ingay ng lagarian ng kahoy na namayaning ganap sa pagkakataon.
Nang mapapayapa ay siya namang pagdating ng dilag ng lipunan. Makisig sa kanyang bestidong "verde manzana" na parang tinularan ang kulay ng kanyang "Buick". Lalong dumilag wari nang siya ay mapalapit sa tanggapan ni Don Facundo.
— Yari na, seniorita Fernan, — biglang salubong ni Don Facundo na tumindig, pangiting yumukod at pinisil ang kanang kamay at ang mga daliring kinandila ng dalaga.
— Narito na po ba sa "display room"? — tanong ng mutya na sabik na sabik —mga pangungusap na umabot sa pandinig ni Mente at halos ibig na niyang sumagot, sa pananabik ding maipagmalaki ang kanyang likha.
— Hayan po, Seniorita, inihanda ko na sa tapat ng aking hapag at tinalukbungan; baka sa "display room" ay may makaibig pa — buong pagmamalaking patalastas ni Don Facundo.
Lumapit si Mente sa salamin upang masinag na mabuti ang marilag na babaeng hahanga sa kanyang nayari. (Kay gandang babae nito! Kutob ng loob ni Mente. Kasingganda ng aking marikit na likha — sagisag ng sining.) Minasid niya ang kinis ng balat nito at napagwari ni Menteng kasingkinis ng mga tablang kinatam niya at niliha, lalo na ang nauukol sa mga pinto ng aparador. Tinapunan din naman niya ng masid ang mga mata ng babae. . . (Oh! kasing-bilog ang itim ng mabilog na ubas na inukit niya sa palamuti ng korona ng aparador, na sa pagkakayari ay may sining na sangkap.) Oo, tunay, iyan ang nasa loob ni Mente, ang ating karpintero.
Kinahapunan nang araw ding yaon ay siyang sahuran. Sahuran, pilak na pamalit sa paggawa, gantimpala sa hirap at pagtitiis, pang-agdong-buhay at pantawid-gutom ng mag-anak. Narito na, ang hinihintay niya at ng marami pa niyang kasamahang karpintero, barnisador at ilang katulong sa talyer. Narito na ang tunay na kahulugan ng kanilang paglilingkod. Limang piso at kung minsan ay anim na piso sa isang araw. Pitumpung piso sa dalawang lingo. Mahabaging Diyos! Saan kaya, magkakasiya ang kita niyang ito?
Umuwi siyang malungkot na malungkot sa bahay, sa tahanang nililisan kung umaga at binabalikan kung magdarapit-hapon na. Hindi pa man siya lumalabas sa talyer ay nagugunita na niya ang mga nakaraang araw ng paghihikahos, ngayong may tatlo na silang anak ni Tindeng, dalawang lalaki at isang babae. Isang pipituhing taon, isang lilimahin, at isang aapating taon, ang bunsong babae. Si Efren at si Walfrido at ang huli ay si Nieves, larawan ni Tindeng. Upa sa bahay, utang sa tindahan — kay Intsik Chua; utang sa terno ni Tindeng, bayad sa doctor nang magkasakit si Nieves, nasandali niya kay Don Facundo nang kailanganin niyang bumili ng gamot, isang araw, nang tinalikdang buwan — ang mga bagay na ito ay magpapapabigat mandin sa kanyang utak at dibdib, na para bagang hindi na siya makararating pa sa sariling tahanan.
Nguni't ano ang kanyang magagawa? Kailangan siyang lumakad, dumating sa sariling tahanan. Naghihintay. Silang lahat. Umaasa sa kanyang kinita. Umaasa ang kanyang may-bahay na may maitatabi, panagot kung damating ang kagipitan! Umaasa ang dalawang anak na lalaki na magkakaroon sila ng tig-isang laruang mapag-aaliwan, lalo na kung namimili sa talipapa ang kanilang ina. Nang mga sandaling yaon nakuro ni Mente ang kahulugan ng kanyang buhay. Tila inatasan siya ng Tadhana upang gumawa at magpakasakit, sa kasiyahan lamang ng ibang kinapal. Waring nilikha siya upang maglingkod sa habang panahon, maging alipin ng paggawa at maging alipin pa rin ng sining, matapos na siya ay makapag-aral at makapagsanay ng "Trade School." Saka, ano ang kahulugan ng buhay na hindi nakatitikim man lamang ng kaligayahan?
Kailangan siyang lumibang sa balangkas ng aparador. Ngumiti siya — ngiti ng kasiyahan, sa pananalig na hindi pa siya kinukupasan sa kanyang gawain at sining. Naroon din ang ligaya ng kanyang mga binubuhay! Nguni 't, paano mangyayari ang ganito. . . sa kulang na kulang na kanyang sinasahod; lalong malaki ang halaga ng pangangailangan nilang mag-anak upang mabuhay kaysa tinatanggap na pabuya sa pagbabanat ng buto at pagpapakulo ng pawis; at laging kulang ang nasa kamay upang maitugon sa mga pagbabayaran at paggugugulan! Nagunita niya tuloy ang sinabi ng isang pilosopo: "Hindi sa salapi natatagpuan ang ligaya sa balat ng lupa".
—Ulol! Hibang! — napasigaw sa di-kawasa ni Mente, bilang tugon sa alalahaning iyon, matapos ang mahaba rin niyang pagdidili-dili. Salamat at di gaanong umabot sa pandinig ng isang pulis na nagkataong may sinisiyasat na tsuper noon sa malayo-layong sakop ng lansangan. Salamat nga at hindi narinig ang sigaw niyang iyon na parang may pinag-uukulan, gayong nag-iisa lamang siyang naglalakad sa paning na iyon ng lansangang karaniwan niyang tinatahak sa pag-uwi sa tahanan. . .
Nang pumasok sa kanilang bakuran si Mente ay nasa ibaba ang mag-iina niya. Kalong ni Tindeng ang maliit na si Nieves na ibinungad kay Mente, samantalang ang dalawang lalaki— sina Efren at Walfrido ay patakbong nag- unahan naman sa pagsalubong sa ama.
— Eto ang iyo, anak , — at ini-abot ni Mente kay Efren ang isang bilog na mansanas.
— Ito naman ang iyo, pilyo, — at isa namang dalandan ang napa-ukol kay Walfrido.
Pagkatapos ay masuyong kinuha ni Mente si Nieves sa mga bisig Tindeng, bago inilagda sa mga pisngi ng musmos ang maiinit na halik ng pagmamahal.
— Nieves, anak, — bilang pahayag ni Mente—paglaki mo'y igagawa kita ng isang aparador.
— At ikaw naman, Tindeng, —baling sa asawa, sabay kabig sa malantik na baywang nito — ay iyayari ko ng isang marikit na kuwadro nang mailagay ang malaki mong larawang kuha noong kasalukuyang isinusumpa ko sa iyo ang lupa at langit.
— Si Mente naman! —at napangiti nang buong kasiyahan ang mabait na babae.
Noon lamang nabago ang pakiramdam ni Mente. Akala niya'y nasa landas siya sa kalangitan at sinasabugan ng bulaklak ng mga anghel ng magandang kapalararan. Paano'y naglaho sa kanyang isip ang maitim na guniguni, matapos ang walong oras na paggawa. Naparam na rin sa kanyang diwa ang mga luksang anino ng kagipitan at paghihikahos. Ngayon ay nasa piling na siya ng mga kapilas ng buhay niya. At sa mga sandaling yaon lamang masasabing lalo siyang karapat-dapat sa Bathala; sa pagiging tunay na manggagawa at sa pagiging matapat na alagad ng sining.