KURBATANG ITIM
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Makabagbag-damdamin ang pagkamatay ng isang dalagita na estudyante ng Universidad ng Filipinas na ang pagkamatay ay sa pamamagitan ng sarili niyang kamay.
Kamakailan lamang ay ibig ng bata na mag-enrol sa universidad, naaayon sa kanyang pag-aaral na ang paraan ng pagbabayad ay hulugan. Tinanggihan siya ng kausap sa universidad na makapag-enrol sapagka’t hindi pa bayad ang utang na hiniram nang kalilipas na semester. Dapat ay mabayaran muna ang nakalipas na utang bago siya makauutang na muli ukol naman sa kasalukuyang semester.
Naki-usap, nagsumamo, at isinama pa ang mga magulang sa kanyang pakikipag-usap sa may-katungkulan sa universidad, datapuwa’t hindi pa rin siya pinayagang makapag-enrol. Napahiya at nabigo ang dalagita.
Isang iskolar ang dalagita. Matalino siya, maganda, punung-puno ng buhay, at maganda ang kinabukasan.
Naglason sa sarili ang nasabing kabataan. Hindi niya naisip na may ibang tao na maaaring makatulong sa kanya. Hindi niya na naisip na ang kanyang kabiguan ay malulutas sa pagtitiyaga, pagsusumakit, at pagtitiwala sa sarili.
Dalawa ang landas na maaaring tahakin: Ang magpadala sa tulak ng tadhana. O magtiwala sa sarili, sa kapuwa, at sa Maykapal.
Ito’y paglalarawan ng tagumpay na isang halimbawa lamang sa maraming kuwento ng pagtatagumpay na maaaring kapulutan ng inspirasyon ng mga kabataan.
Maraming paghihirap at pagsubok ang dinaanan ni Tomas bago niya nakamit ang tagumpay.
Doon siya isinilang sa isang maliit na bayan ng Tarlac sa gitna ng Luzon. Sana ay magiging magsasaka siya o kawani sa malaking hacienda ng asukal na naroroon sa Tarlac, katulad ng nangyayari sa mga kabataang tubo doon. Nguni’t may iba siyang pangarap sa buhay.
Nakita niya na ang kanyang ama ay may pinag-aralan. Bagama’t ang kanyang nuno, magulang at mag-anak ay doon isinilang at tumanda sa bayan ng mga magsasaka at trabahador sa hacienda, ang kanyang ama ay nakapag-aral ng abogasya sa Maynila, sa pagtatangkilik ng may-ari ng hacienda. Pangarap ni Tomas na maging abogado rin katulad ng kanyang ama.
Lalong tumindi ang pagnanais ni Tomas na maging abogado nang mangyari ang isang malungkot na kabanata sa buhay ng mag-anak. Hindi pa man nabibigyan ng lisensiya sa pagiging isang ganap na abogado ay pumirma ang ama sa isang asunto bilang tagapagtanggol. Ang asunto ay may kinalaman sa pagtatanggol sa isang empleyado ng hacienda na naapi at naalis sa trabaho. Nagalit sa ama ni Tomas ang mga amo ng hacienda sapagka’t siya ay pumanig sa empleyado sa halip na pumanig sa hacienda. Humanap ang mga amo ng butas sa asunto at ang nakita nila ay ang di pagkakaroon ng ama ni Tomas ng karapatan na pumirma bilang abogado, sapagka’t siya’y wala pa mang lisensiya; samakatuwid, nagpanggap siya na abogado at iyon ay labag sa batas.
Magkakambal na dagok ang tumama sa ama ni Tomas. Inalis ng hacienda ang pagtatangkilik sa kanya. Bukod doon ay tinanggal ng gobyerno ang kanyang karapatan na maging abogado. Hindi na siya maaaring bigyan ng lisensiya, kailanman. Nasayang ang lahat ng pagpupunyagi ng ama. Mabilis na gumuho ang kanyang mundo. Naging usap-usapan siya sa bayan at siya’y napabalita na isang huwad.
Hindi kaagad nakapag-aral ng abogasya si Tomas sa kakulangan ng salapi. Hindi na siya kayang papag-aralin pa ng ama. Nagpunyagi siya, nag-ipon, at nang makaluwas siya sa Maynila upang doon makipagsapalaran at pumasok sa kolehiyo ng batas ay dalawa na ang kanyang anak.
Upang maitaguyod ang pagtira sa siyudad ay nagtrabaho bilang teachers ang mag-asawa. At sa gabi ay nag-aral siya ng abogasya.
Tumagal nang mga apat na taon ang pamumuhay ng mag-anak na tila isang-kahig, isang-tuka. Malimit na kumakalam ang sikmura ni Tomas dahil sa gutom. Ang kakaunting pagkain sa hapag-kainan ay ipinauubaya na niyang makain ng kanyang asawa at mga anak. At naging napakabigat sa damdamin at sa bulsa kung nagkakasakit ang mga bata. Ni wala siyang pambayad sa doktor o pambili ng gamot.
Nalagpasan ni Tomas ang mahabang panahon ng pagtitiis at pagsubok. Nang handa na siyang kumuha ng eksamen sa bar ay pinabalik niya sa probinsiya ang kanyang mag-anak at nang maging buo ang kanyang panahon at maitutuon niya ang pag-iisip sa iisang bagay lamang, ang pagre-review.
Nakitira siya sa bahay ng isang tiyo sa Tundo. Napakatipid ng tiyo. Kahi’t pabalat-bunga man lamang ay hindi siya nakaririnig ng paanyaya kapag ang tiyo at mag-anak ay kumakain. At sa gabi ay pinapatay ng tiyo ang kuryente pagdating ng alas-siyete. Dahilan sa pangangailangan na siya ay makapagpatuloy sa pag-aaral hanggang sa hating-gabi ay nagsisindi ng kandila si Tomas at ang pagbabasa ng kanyang mga aklat ay ginagawa niya sa harapan ng kukurap-kurap na liwanag ng kandila. Sa kanyang karanasan ay natupad ang kasabihang “pagsusunog ng kilay”.
Hindi naiintindihan, hindi inaasahan ng tiyo, na ang lalaking nakikitira sa kanya ay isang henyo; na sa hinaharap, ay magiging isang sikat na abogado.
Natapos ang pagkuha ng eksamen sa bar. Habang hinihintay ang resulta ay namasukan si Tomas sa isang bupete o law office bilang assistant ng pangunahing abogado. Ang mga abogado, pati na ang mga magiging abogado, ay inaasahang formal ang pananamit. Inaasahang sila’y magsusuot ng amerikana o barong tagalog. At ang kamisadentro ay inaasahang palaging may kurbata.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ang suot na kurbata ni Tomas ay kulay itim. Naging kapansin-pansin ito sa mga kasamahan sa trabaho. Pinag-uusapan siya lalo na ng mga babae. Hinuha nila ay walang pambili ng maayos na kurbata si Tomas. Kaawa-awa naman, iniisip nila.
Sa katunayan ay dumaraan sa matinding kahirapan nang panahong iyon ang kanyang asawa at mga anak. Maliit lamang ang kinikita ni Tomas sa bupete at ang ipinapadalang pera sa familia ay hindi sapat na matustusan ang lahat ng pangangailangan.
Nabuhay ang asawa at anak na umaasa sa ipinapadala ni Tomas at sa mga tulong, sabihin na nating limos, na ibinibigay ng mga kamag-anak sa Tarlac.
Karaniwang ang mga kamag-anak na tumutulong ay mabigat sa kalooban ang pagtulong at may masasakit na salita at magagaspang na pakikitungo sa asawa at mga anak ni Tomas na ipinakikita; ngun’t ang lahat ng pasaring at pagkutya ay tinitiis na lamang ng nanglilimos. Walang karapatang magreklamo ang nanghihingi.
Ang resulta ng bar ay headline news sa Filipinas. Manila Times noon ang pinaka-pangunahing pahayagan. Noong araw na lumabas ang resulta ng bar, ang isinisigaw ng headline ng Manila Times: “FEU Tops Bar Exam”. FEU ay ang Far Eastern University. Ang bar ay nagiging paligsahan ng mga unibersidad. Kalimitan ay U.P. (University of the Philippines) ang nangunguna sa bar exam. Ang FEU ay masasabing api-apihan sa bar, mangyari ay bihirang-bihirang mag-top sa bar, ang mga nagtatapos doon. Nangyari ang kuwentong ito noong 1955.
(http://en.wikipedia.org/wiki/Far_Eastern_University_Institute_of_Law)
Kung kaya’t di mailarawan ang saya ng mga taga-FEU noong araw na lumabas ang resulta ng bar. Nagpasiya ang president ng unibersidad na isuspendi ang classes noong araw na iyon upang ang mga estudyante at guro ay magkaroon ng pagkakataon na magkaroon ng victory party sa gitna ng campus.
Pinulot ng mga nangangasiwa sa pagsasaya ang mga lumang silya sa mga silid-aralan. Itinambak sila sa gitna ng quadrangle at nang magdilim ay sinigaan ang mga kahoy na silya at nagkaroon ng malaking bonfire.
Sigawan, halakhakan, kantahan, talunan at takbuhan ang mga estudyante sa campus. Maya-maya ay may nagsalita na sa mikropono. “Attention: Tomas Matic! Attention: Tomas Matic! You are needed at the stage right now!”
Ang No. 1 sa bar exam na nagtapos sa FEU ay walang iba kundi si Tomas. Bar Topnotcher si Tomas! Ibig makipagdiwang sa kanya ang mundo ng FEU.
Nguni’t wala sa campus si Tomas. Nagsimula, nagpatuloy, at natapos ang pagdiriwang nguni’t wala doon ang dahilan ng pagdiriwang. Di malaman kung nasaan ang bagong bayani ng FEU. Ipinahanap siya ng presidente ng universidad nguni’t hindi nagtagumpay ang mga taong naatasan sa paghahanap.
Noong umagang iyon ay nakita ni Tomas sa pahayagan na siya ang nag-top sa bar. Agad-agad ay pumunta siya sa bus station at kumuha ng bus papunta sa kanyang bayan sa Tarlac.
Habang nakasakay sa bus ay malayo ang iniisip ni Tomas. Nakaupo siya sa may bintana kung kaya’t ang hangin ay tumatama sa kanyang mukha. Tila ginigising siya sa isang pagkakatulog. Nguni’t siya ay gising. Ang lahat ng kanyang nabasa sa pahayagan ay totoo. Siya ay nakapasa sa bar, at mahigit pa roon, siya ay ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa buong karamihan ng mga kumuha ng eksamen sa buong Filipinas.
Kung tutunghayan ang mahabang talaan ng mga taong naging No. 1 sa bar, makikita ang pangalan ng mga tanyag at magigiting na lalaki at babae na ang karamihan ay naging mga mahistrado, senador, at maging presidente ng Filipinas.
Kabilang sa talaan na iyan sina Manuel Roxas, Diosdado Macapagal, Lorenzo Sumulong, Ferdinand Marcos, Jovito Salonga, Jose W. Diokno, Roberto Concepcion, Cecilia Munoz-Palma, Claudio Teehankee, at iba pang piling-piling mahuhusay na tao.
Nakikita ni Tomas sa kanyang isipan ang mukha ng kanyang asawa, ng kanyang dalawang babaeng anak; nakikita niyang sila’y masaya dahil makatitikim na ng ginhawa sa buhay. Natupad na ang kanyang pangarap. Siya’y magiging isang ganap na abogado na.
Pagdating sa Concepcion, ang kanyang maliit na bayan, ang unang pinuntahan ni Tomas ay ang sementeryo doon. Tinahak niya ang maliit at walang aspaltong kalsada sa loob ng sementeryo hanggang sa marating niya ang libingan ng kanyang ama. Ang kanyang ama ay maagang namatay sanhi ng nangyaring kabiguan at kahihiyan.
Sa lapida ng matandang Matic ay nakaukit ang ganitong talata: “Mahalaga ang salapi, nguni’t ang karangalan ay mahigit pa sa salapi at sa buhay.”
Hindi man nagpakamatay sa sarili ang ama ni Tomas ay tila ganoon na rin ang kinahantungan sanhi ng kanyang pagkawala ng karangalan. Walang alinlangan si Tomas na ang ama ay unti-unting nawalan ng pagnanais na mabuhay at sa huli ay nagkasakit at namatay sanhi ng matinding kabiguan at kahihiyan.
Bilang anak na pinaka-matanda, ipinangako ni Tomas sa ama na ibabangon niya ang puri ng mag-anak.
Hinubad ni Tomas ang kanyang kurbatang itim at inilapag iyon sa lupa, sa ibabaw ng puntod ng kanyang ama. At sa paraang tila nakikipag-usap sa kanyang ama ay sinabi niya: “Tatang, ipinangako ko sa inyo at sa aking sarili na ako’y magiging abogado at ibabangon ko ang nasirang puri ng ating familia sa ganyang kaparaanan.
“Ginawa kong sariling panata na hanggang sa hindi natutupad ang aking ipinangako ay isusuot ko ang kurbatang itim bilang paalaala sa iyong dakilang buhay at sa kabiguan at kamalian na dapat ay maitama. Inibig ko na ikaw ay ipaghiganti sa kawalan ng katarungan at itaguyod ang iyong malinis na pangalan. Iniaalay ko sa iyo ngayon ang kurbatang itim. Kalalapag ko lamang sa iyong libingan; turingin mo,Tatang, na iyan ay isang pumpon ng makukulay at mababangong bulaklak. Parangal ko iyan sa iyong kadakilaan. Salamat sa iyo, Tatang.”
At si Tomas ay humayo na patungo sa kaniyang bahay upang doon naman ay maibahagi sa kanyang naghihintay na mag-anak ang magandang balita, ang kanyang natamong tagumpay.
1. Nasa gabinete ni Pres. Macapagal.
Ang kanyang maybahay, Justina Quiray ng Bani, Pangasinan.
2. Si Ninoy Aquino at si Tom Matic, Jr.
Ang kanyang maybahay, Justina Quiray ng Bani, Pangasinan.
2. Si Ninoy Aquino at si Tom Matic, Jr.