ANAK NG KANYANG AMA
Jose Garcia Villa
Jose Garcia Villa
(Salin sa Tagalog)
Nang sumang-ayon si Tona kay Doro ay di niya naisip na yaon na ang magiging kahuli-hulihan nilang pagkikita. Matikas at batang bata, si Doro na noo'y bagu-bago pa lamang nakikilala sa kanilang bayan ay nakaakit na sa kadalagahan. Bakit ay mataas si Doro at may matitipunong bisig, kaya sa puso ng mga dalaga'y umuusbong ang masidhing paghahangad tuwing siya'y lihim na sinusulyapan. Si Doro man naman ay nahumaling din sa maraming dalaga roon nguni't sa wakas ay si Tona rin ang kanyang napili. At si Tona ay naging ibayo ang pagkabaliw kay Doro.
Nahihiya-hiya man ay napilitan si Tonang ipaulit kay Doro ang mga sumpa nitong siya'y minamahal. “Iniibig kita Tona. . . Iniibig kita. . .” paulit-ulit na sumpa ni Doro. At natamo ni Doro ang kaligayahang hinahangad niya kay Tona.
Kinagabihan ay ipinagtapat ni Tona sa kanyang ina na sila'y pakakasal ni Doro.
“Nag-iibigan kami ni Doro, inay. Pakakasal kami. . . Pakakasal.”
Napaluha ang ina ni Tona.
“Huwag kayong umiyak inay,” pang-aliw ni Tona, “iya'y dumarating sa buhay ng tao, dumarating kangino man.”
“Tila nga,” pagpapatianod ng kanyang matanda.
“Hindi namin kayo pababayaan, inay. Kayo'y titira sa amin. Hindi tututol si Do
ro.”
“Nguni't maliit ang kita ni Doro,” tutol ng kanyang ina.
“Tutulong ako, inay. Maglalabada ako. Makakaya namin.”
Napasang-ayon din ang ina ni Tona. Inihandog pa ang alaga niyang baboy. “Malaki na ang baboy,” anang matanda, “ayos na ayos sa inyong kasal.”
“Nguni't mapamahal ka kaya kay Doro?”
“Minamahal niya ako, inay, kaya tiyak mapapamahal ako sa kanya. May tatag ng pananalig ang kasiyahang nakalarawan sa mukha ni Tona.
Nguni’t hindi na napakita pa si Doro. Tinangka ni Tonang pigilin ang pagluha, nguni't yao'y makirot. Hindi napigil ni Tona ang luha pagka't yao'y iniluha rin
ng kanyang puso. Saka ipinagtapat niya sa kanyang ina kung bakit dapat siyang pakasal kay Doro.
Lalaki ang anak ni Tona. Berto ang tatawag niya sa sanggol. Ang sugat ng alaalang iniwan sa kanya ni Doro ay pinaghilom na ng kanyang pagmamahal kay Berto. Sa kanya ay si Berto na ang lahat.
Patay na ang ina ni Tona at si Berto'y isa nang batang kalikutan. Lalo namang nagpapakakuba si Tona sa pagtanggap ng mga labahin upang kumita ng makasa-sapat sa kanilang mga kailangan. Labing-isang taon na si Berto at kailangan niyang mag aral. Maraming abuluyang hinihingi sa paaralan. Maya't maya'y pera para sa papel o sa kwaderno, o sa Red Cross.
Magkaminsan, kung wala si Berto ay na papaiyak si Tona. Patay-katawan siya sa kaniyang mga labahin. Napakamura ng bayad sa pagpapalaba. Ang isang labanderang tulad niya'y bahagya nang makalabinlimang piso sambuwan. Pag siya'y kumita ng dalawampu, yao'y isa nang kapalarang dapat ikagalak.
Kung sa bagay ay maaari pa naman siyang makapag-asawa at mabuhay nang di ganong hirap. Naroon, ang karpinterong si Mianong na umiibig naman at handang magtutoo sa kanya nguni't siya'y tumanggi. Inaalaala niya si Berto. Ito'y di mapapamahal kay Mianong tulad ng kanyang pagmamahal at pagtingin sapagka't si Berto'y anak lamang niya, hindi anak ni Mianong. At kung sila'y magkaanak na ni Mianong, ang pagmamahal niya'y hindi masasarili ni Berto.
Hindi niya matutulutan iyon sapagka't mahal na mahal sa kaniya si Berto.
Isang araw, si Tona'y nagulat nang sabihin ni Bertong gusto na niyang magsuot ng mahabang pantalon. Hindi naisip ni Tonang balang-araw ay kakailanganin ni Berto ang mahabang pantalon. Hindi niya inakalang si Berto'y lalaki at magbibinata.
Nakamaang si Tona sa anak. “Ilang taon ka na Berto,” tanong niya.
“Labinlima na ako, inay.”
Matagal ding sandali ang nakalipas bago nakilala ni Tona ang katotohanan. Labinlimang taon na si Berto. Binata na si Berto, hindi na bata. Parang nasaktan si Tona. Hindi niya malaman kung bakit.
“Inay ibibili mo ako ng mahabang pantalon ha?” ani Berto.
Hindi narinig ni Tona ang anak. Naragdagan ang kirot na kanyang nararamdaman.
“Inay, ibibili mo ako ng mahabang pantalon ha?” ulit ni Berto.
“Oo, Berto, hamo't ibibili kita ng mahabang pantalon,” pahinabang na tugon ni Tona.
Isang araw ng linggong si Tona'y makapanggaling sa pamilihan ay naratnan niyang si Berto'y naliligo sa batalan. Walang pintong nakapagitan sa batalan at kusina kaya buhat sa batalan ay tanaw na tanaw ang buong kusina at buhat sa kusina ay kitang-kita ang buong batalan. Kung naliligo si Tona ay naglalagay siya ng tabing na kumot nguni't ngayong si Berto ang naliligo ay hindi na ito naglagay ng tabing kaya kitang kita ni Tona ang katawan ni Bertong hubad na hubad. Di sinasadya'y nasulyapan ni Tona ang buong ka
tawan ni Berto at doo'y napansin ang bagong karagdagang patutoo ng kanyang pagiging lalaki. Napahiya si Berto nang mapansing nakatingin sa kanya ang kanyang ina. Namulang nagsiksik sa sulok ng batalan upang huwag makita ng kanyang nanay.
Nasakyan kaagad ni Tona ang kahulugan niyon. Nahihiya na si Berto. Alam na niya kung bakit nahihiya si Berto. Ayaw na niyang tingnan ang katawang hubad ni Berto, ang katawang ayaw na ring ipakita sa kanya ni Berto, ang katawang kailan lamang ay sinasabon pa niya at hinihiluran kung si Berto'y kanyang pinaliliguan. Ang katawan ni Berto'y kay Berto na lamang ngayon. Mayroong kakaibang karagdagang napasakatawan ni Berto at si Berto'y hindi na niya dapat makita sa gayong ayos. Dinig na dinig ni Tona ang buhos ng tubig sa katawan ni Berto. Sa pakiwari niya'y magkalayung-magkalayo sila ni Berto at para bagang ang tubig na bumubuhos sa katawan ng kanyang anak ay isang malawak na dagat na nakapagitan sa kanilang mag-ina.
“Ano ang ginagawa mo Berto?”
Napalingon si Berto buhat sa pagkakaharap sa salamin. Putlang putla si Berto. Nagmamadaling itinago sa kanyang likuran ang kanyang mga kamay. Sa pagitan ng kanyang ilong at nguso ay isang manipis na bahid ng dugo ang nakaguhit.
“Ano ang ginagawa mo Berto? Ano iyang itinatago mo sa iyong mga kamay?”
Pinilit ni Berto ang isang kakatwang ngiti.
“Nagkukuwan lamang ako, inay. . . nag-aahit.”
Matamang tiningnan ni Tona si Berto.
“Kailangang mag-ahit ako, inay. Labimpito na ako ngayon. Mukhang pangit tingnan ang isang hindi nag-aahit. . . ang ibig kong sabihi'y. . .
“Nguni't may dugo ka sa iyong. . .”
“Oo nga, mangyari'y ginulat ninyo ako, nahiwa ko tuloy ang aking. . .”
“Berto," tawag ni Tona. Anong tigas ng kanyang pangalan sa mga labi ni Tona. Lahat ng lambot, lahat ng timyas, lahat ng lambing ay para bagang nagmaliw nang lahat.
“Berto. . .”
“Ano po, inay. . .?”
Huwag mo nang susugatan uli-uli ang iyong mukha, Berto. . .”
Labingwalong taon na si Berto. Isang gabi'y isinuot ni Berto ang kanyang
pinakamagarang damit at nagpaalam sa kanyang ina upang pumasok sa sine. Putting-puti ang suot ni Berto at ang kanyang buhok ay makintab na makintab sa pumada. Hustong-husto ang tindig ni Berto. Ipinagbilin niyang siya'y huwag hintayin pagka't maaari siyang gabihin.
“Huwag kang gaanong magpapagabi,” paalaala ni Tona sa anak.
“Bakit, inay, ako nama'y lalaki,” pangangatwiran ni Berto.
“Oo nga, nguni't pihong may kasama kang babae.”
“Tama, inay, isasama ko nga si Maria sa sine.”
Isang tinging mataman at mapanuri ang iniukol ni Tona kay Berto. Waring nakabalisa kay Berto ang tingin ng kanyang ina. Nagpaliwanag siya. Nagsalita ng kung tungkol kay Maria. Sinabing si Maria at siya'y. . . magiging. . . balang araw. . .
“Lalakad na ako, inay. Inip na inip na si Maria.”
“Oo nga, lakad na.”
Habang nananaog si Berto sa hagdang kawayan ay inihahatid siya ng nag- aalaalang tanaw ni Tona. Mahigpit na pinaglalabanan ni Tona ang kahulugan ng lahat ng iyon na sa kanya'y nagdudulot ng matinding pagkabalisa. Hayun si Berto, mataas, malaki, may sigla ng kabataan -- magpapagabi sa pasyalan na kasama ng isang dalaga. . .
Si Berto ay isa nang lalaki. . . Isa nang lalaki. . . Isa nang lalaki. . .
Nang makaalis na si Berto'y sinagilahan si Tona ng takot, malupit at nakababalisang pagkatakot.
Si Berto'y hindi na si Berto lamang. Si Berto ay isa nang lalaki. . . Isang lalaki. . . si DORO!
Nanginginig ang kamay na kinuha ni Tona ang isang balabal at sumugod sa bahay nina Maria. Inabot niyang nasa may pintuan ang ina ni Maria.
“Saan naroon si Maria? Saan naroon si Maria,” aling Pipa? Abut-abot ang tanong ni Tona.
“Aba, e lumabas hong kasama ng inyong anak a. . .”
“Kaawaawang Maria, kaawaawa,” ani Tona sa tinig na punung-puno ng habag. Sabihin ninyo sa kanya na uli-uli ay huwag siyang sasama kay Berto nang nag-iisa. . . Huwag siyang sasama nang nag-iisa kay Berto. . ."