REUNION
Ni Percival Campoamor Cruz
Limampung taon makalipas ang high school graduation ay nagbabalak si Dante na umuwi sa Pilipinas upang dumalo sa reunion. Tatlumpung taon na siyang nasa Amerika at walang pakikipagtalastasan sa mga kaeskwela.
Noong high school ay sikat si Dante. Hindi sa pagiging mabait at matulungin kundi sa pagiging pilyo. Marami siyang babaeng guro at babaeng kaeskwela na napaiyak.
Matalino si Dante at magiging valedictorian sana nguni't nagpabaya sa pag-aral. Bukod dito ay naging walang takot siya, walang kinatatakutan, walang paggalang sa kanino man.
Hindi batid ng mga nakakikilala kay Dante na siya ay nagdaranas noon ng mga suliranin sa pamilya. Nagkaroon ng babae ang kanyang ama at naging sanhi ito ng paghihiwalay ng kanyang magulang.
Nakita niya ang kalungkutan ng ina, ang pagtitiis niya na maitaguyod ang mga anak, na walang katulong sa buhay. Tumutulong si Dante sa paglalako ng pagkain sa kalsada, pagkakatapos ng klase. Kung kaya’t wala siyang pagkakataong makapagpahinga o makapaglaro ng basketball na karaniwang libangan ng mga kaklase niya noon.
Naghihimagsik si Dante sa ginawa ng ama, sa tinatamasang kahirapan at kawalang-pag-asa; naghihimagsik siya na ang nasasaktan ay hindi ang ama kundi ang buong mundong kanyang ginagalawan.
Minsan ay may pinalo sa ulo na kaeskwelang lalaki si Dante gamit ang isang buho ng kawayan. Mayabang daw kasi ang kaeskwela.
Minsan ay may dumating sa klase na mga kapatid na babae ng isang kaeskwela. Sabi ni Dante, "Kanino bang kamag-anak sila? Mukha silang palaka?" Tawanan ang buong klase maliban kay Elizabeth. Mga kapatid pala ni Elizabeth ang dumating.
Sagana si Dante sa kalokohaan. Nag-iingay siya sa library. Naghahagis siya ng basura sa ilalim ng mesa ng may edad nang librarian.
Minsan ay naghintay siyang matapos ang klase. Lihim siya na nagpaiwan sa silid-aralan. Pagkatapos ay nag-iisa niyang binaligtad ang lahat ng mga retrato at bagay na nakasabit sa dingding ultimo ang bandera at larawan ni Jose Rizal.
Pagpasok sa silid-aralan kinaumagahan ay nakita ng lahat na baligtad ang mga bagay na nasa dingding at sa pisara. Hagikhik nang tawa ang mga estudyante, samantalang napaiyak naman ang guro. Ang ginawa ni Dante ay tanda ng pagsalungat sa nasabing guro na ilang araw lamang ang nakalilipas ay pinuna ang kanyang masamang ugali.
Nakatapos ng high school at college si Dante. Nagkaroon din siya ng mga problema sa college nguni’t tila bumuti na nang bahagya ang kanyang ugali noong mga panahong iyon. Nakapagtrabaho siya sumandali sa isang korporasyon sa Makati at pagkatapos ay lumisan siya patungong Amerika upang mag-immigrate at doon na mamuhay.
Pinalad naman si Dante na sa Amerika ay magkaroon ng mahusay na trabaho. Nakaipon siya, nakapag-asawa at nakapagtaguyod ng pamilya, nakabili ng bahay, at nagkaroon ng matiwasay at masaganang pamumuhay.
Mahalaga kay Dante na makarating sa reunion.
Di mawala sa kanyang isip si Esperanza. Siya ang pinakaapi sa klase noong high school. Hindi siya maganda, magulo ang buhok palagi at lukot ang damit. Galing sa mahirap na pamilya si Esperanza. Naglalakad siya papunta sa eskwela kung kaya’t pawis na pawis siya pagdating sa klase. Hindi siya isinasali ng mga babae sa kanilang barkada sapagka’t naiiba siya. Ni hindi siya inaaya sa pagkain kahi’t na alam nila na si Esperanza ay walang baon o pera na pambili ng pagkain at sa araw-araw ay nalilipasan ng gutom.
Sa pagdiriwang ng Valentine’s Day ay ginawang assignment ng guro na bawa’t estudyante ay magdadala ng nakabalot na regalo. Kung ang bawa’t estudyante ay magdadala ng regalo at magpapalitan sila ng nasabing regalo ay magkakaroon ng regalo ang bawa’t isa.
Malalaki at magaganda ang balot ng mga regalo. Mayroong isang regalo na maliit lamang at ang balot ay tila pambalot na nagamit na. Ito ang napunta kay Dante. Nang ito ay iabot ng guro sa kanya ay nagtawanan ang mga kaklase. Napahiya si Dante. Pagtanggap sa regalo ay tumayo ito at itinapon ang regalo sa basurahan. Lalong nagtawanan ang buong klase.
Nguni’t si Esperanza ay tumayo at tumakbo papalabas ng silid-aralan. May mga luhang tumutulo mula sa kanyang mga mata na ibig niyang itago nguni’t hindi maiwasang magpumiglas dala ng matinding kahihiyan at sama ng loob. Upang makasali siya sa palitan ng regalo ay nagbalot si Esperanza ng isang pares ng medyas na binili niya sa bangketa. At upang makatipid ay ibinalot ang regalo sa isang lukot na at gamit na na balutan.
Naging paksa ng biruan at tuksuhan sina Dante at Esperanza. Sabi ng mga kaklase ay nagkakagustuhan daw ang dalawa, nguni't iyon ay malayo sa katotohanan. Lalo namang naghimagsik si Dante at lalong naging malupit siya kay Esperanza.
Si Esperanza pa ang humingi ng paumanhin kay Dante. Nalulungkot daw siya at hindi sinasadya na si Dante ay mapahiya. Walang halaga kay Dante ang namutawi sa labi ni Esperanza. Tila wala siyang narinig at tumalikod lamang na nakasimangot pa ang mukha.
Kailangang makarating si Dante sa reunion. Iba na ang pagkatao niya ngayon. Siya’y isa nang matagumpay na professional na may kaya sa buhay.
Mahinahon na siya ngayon. Natulungan na niya ang ina at mga kapatid na makaahon sa kahirapan. Masaya na siya at hindi galit sa mundo. Mapagkumbaba na siya, matulungin, at maganda ang ugali.
Datapuwa’t may nararamdaman siya na hapdi sa isang sulok ng kanyang puso. Nararamdaman niya ang kalungkutan, ang kahihiyan, ang pambabastos na kanyang idinulot sa mga taong nakasama niya noong high school.
Ibig niyang makarating sa reunion upang humingi ng patawad sa mga kaklase at guro na naging biktima ng kanyang paghihimagsik sanhi ng malungkot na kabataan.
Hindi mawawala ang sakit sa kanyang puso. Buong buhay niyang papasanin ang sakit. Buong buhay siyang babagabagin ng kanyang budhi kung hindi siya makahihingi ng patawad sa mga taong kanyang natapakan.
Hindi alam ni Dante na ang kanyang mga guro ay lumisan na sa mundo. Hindi na nila maririnig ang kanyang paghingi ng patawad.
Ibig na ibig niyang makita si Esperanza. Sa totoo ay naghanda pa siya ng mamahaling regalo para kay Esperanza na iaabot niya sa kanya sa reunion, kasabay ng yakap at taimtim na paghingi ng patawad sa kanyang nagawang kasamaan sa kaawa-awang kaeskwela.
Hindi alam ni Dante na si Esperanza ay pumanaw na rin.
Hindi alam ni Dante na buong buhay na niyang papasanin ang kasalanan. Sapagka’t huli na ang paghingi ng patawad.
Hindi siya makatulog sa eroplanong nagdadala sa kanya pabalik sa Pilipinas at papunta sa inaasam-asam na ikalimampung-taong reunion. Nananabik siya na makita ang mga guro at kaklase.
At sapagka’t nagbago na siya, ang kanyang pananabik ay hindi tungkol sa maipagmamalaki niya ang kanyang tagumpay kundi tungkol sa kanyang pagiging mapagkumbaba at pagkakaroon ng tunay na pagsisisi.
Sa reunion ay lalantad sa mga mata at isipan ni Dante na hanggang may panahon ay kailangang laging maging mabuti sa kapuwa at mabubuting salita lamang ang dapat bibitawan sapagka’t ang buhay ay nagbabago sa isang kisap-mata lamang. Sasalubong sa kanya ang katotohanan na ang kamatayan ay nangyayari na tila “magnanakaw sa gabi”, ayon sa Banal na Aklat; na ang pagsisisi ay laging huli at kung kaya’t makabubuti na di na lamang gawin ang mga bagay na ipagsisisi.