TIGAS-ULO
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Nailathala ng Asian Journal San Diego noong Enero 7, 2011): http://www.scribd.com/doc/46442054/Asian-Journal-Jan-7-2011-Edition
Suhi nang ipanganak si Sebastian. Una ang paa, sa halip na una ang ulo. Sinubukan ng doktor na paikutin siya habang nasasa loob pa ng tiyan ng ina, nguni’t hindi ito umobra. Tigas-ulo si Sebastian. Pinalalabas siya sa “caesarian section” ng ospital na una ang ulo. Gusto niya, una ang paa.
Nang dalawang taong gulang na, si Sebastian ay nakaaakyat na sa mga silya, mesa at kahon. Ang bata ay uupo muna, gagapang, tatayo, lalakad, at saka aakyat. Ganyan ang unti-unting pag-unlad ng kanyang kakayahan. Hindi pa man marunong magsalita, pa-ungol-ungol man siya bagama’t nakauunawa na, ay tigas-ulo na si Sebastian. “Baba!” sabi ng ina. Aakyat pa rin sa mataas na lugar si Sebastian at kung minsan ay mahuhulog at iiyak. “Iyan na nga ang sinasabi ko, e,” pasubali ng ina, “ang tigas kasi ng ulo mo.”
Nang siya ay tumuntong na sa ika-pitong taong gulang ay pumasok si Sebastian sa isang elementarya. Naibigan siya ng mga guro sa dahilang matalino siya. Laging tama ang mga sagot niya sa “recitation” at pati na sa mga “written tests”. Mahusay ding tumula si Sebastian kung kaya’t sa tuwing may seremonya sa eskwela ay siya ang pinatutula ng prinsipal.
“Palaging magsusuot ka ng sapatos kapag papasok sa eskwela,” payo sa kanya ng ina. May mga araw na maulan at bumabaha nang bahagya sa kalye at pati sa loob ng paaralan. Sa gayong kalagayan ay hindi isinusuot ni Sebastian ang kanyang sapatos upang ang mga ito ay hindi masira sa tubig. Minsan ay nakatapak ng basag na bote si Sebastian at kinailangang dalhin siya ng ina sa “emergency” upang mapatigil ang pagdudugo at mabigyan siya ng “antibiotic” upang hindi magka-impeksyon. Suot niya ay tsinelas at hindi sapatos. “Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa iyo, Sebastian, kung nakasapatos ka ay hindi ka matitibo. Tigas-ulo ka kasi!”
Sa “high school” ay naging “star student” si Sebastian. Kapag may paligsahan ang iba’t-ibang “high school” ay siya ang ipinadadalang kinatawan ng prinsipal na pambato ng eskwela sa mga paligsahan sa pagtatalumpati o pagtula. Minsan ay dumalaw sa eskwela ang isang pangkat ng “gang members” – mga maligalig na “teenagers” sila na sa halip na pumasok sa klase ay nagbibigay ng problema sa mga kapuwa estudyante. Naninigarilyo sila, umiinom ng alak, at nangingikil ng salapi sa mga kapuwa nila estudyante upang magugulan ang kanilang masasamang bisyo. Nakita nila na may suot na magandang relo si Sebastian. Nilapitan nila si Sebastian at pinilit na ibigay sa kanila ang relo at kung hindi ay bubugbugin siya. Pag-uwi ni Sebastian ay ipinagtapat sa ina ang nangyari. “Sabi ko ay huwag mong isusuot sa eskwela ang relo,” paalaala ng ina.
“E, kung hindi ko po isusuot sa eskwela ang relo ay saan-saang lugar ko pa iyon maisusuot? Bakit pa binigyan ninyo ako ng relo?” sagot ni Sebastian na papilosopo.
“Ang problema sa iyo, anak, ay tigas-ulo ka. Matalino ka nga, pero hindi ka nakikinig.”
Nang makatapos sa “high school” si Sebastian, siya ay nagbalak na pumasok sa kolehiyo upang maging isang abogado. Sabi ng ina, “bakit ka mag-aabogado, anak. Tingnan mo ang tatay mo, abogado, pero walang kaso. Magkomersyante ka, anak. Maraming pera ang kikitahin mo!”
Nag-abogado si Sebastian sapagka’t iyon ang karerang itinuturo sa kanya ng kanyang puso. Nang makatapos na ay kumuha siya ng “bar exam” at naging isa sa mga “topnotchers”. Natuwa ang ina at ipinagmalaki siya sa mga kamag-anak at kaibigan.
Lipos ng trabaho at pananagutan ang pagiging isang abogado. Walang tigil ang pag-aaral sa mga batas at ang pagsulat ng mga demanda, apela, “memoranda”, at kung anu-ano pang papeles na isinusumite sa korte. Higit na marami ang trabaho kaysa sa kita; katulad halimbawa ng pagtatanggol sa isang nakasagasa na tsuper ng jeepney. Katungkulan niya bilang abogado ang ipagtanggol ang sino man na mangangailangan ng kanyang serbisyo. Nguni’t gaano na ang makakayanang ibayad sa serbisyo niya ng isang “driver” ng jeepney? Naikukuwento niya sa ina ang nararanasang hirap sa piniling karera.
Sumagi sa alaala ng ina, “hindi ba ang sabi ko ay magkomersyante ka, anak? Inibig mong maging abogado. Tigas-ulo ka kasi. Pangatawanan mo ang iyong ipinasiya.”
Makaraan ang maikling panahon, “Ingat ka, anak, sa pagpili ng mapapangasawa mo,” pakli ng ina nang makitang si Sebastian ay naniningalang-pugad na, “kung ako ang tatanungin mo, makabubuti na ang mapapangasawa mo ay kalahi natin.”
Nakilala ni Sebastian si Natividad sa “high school”. Intsik ang tatay niya. Nang sila ay nasa “high school” pa ay naalaala niya na malimit siyang dalhan ng regalo ni Natividad. Regalong pagkain. Nagdadala ang dalagita sa eskwela ng pansit gisado na may bola-bola at ito’y pinagsasaluhan nila tuwing “recess”. May pansiterya noon ang tatay ni Natividad na naroroon sa hanay ng mga pansiterya sa Benavidez, malapit sa kanilang “high school”. Kung araw ng Linggo, makailang ulit din na may dumarating na tao sa bahay nina Sebastian, at naghahatid sila ng sari-saring pagkaing-Intsik. Padala ni Natividad.
May “crush” o naiibang pagtingin si Natividad sa kaeskwelang Sebastian. Sa dinami-dami ng kaeskwela ay bakit si Sebastian lamang ang nabibigyan niya ng pansit? Noong mga panahong iyon ay wala pang malay sa pag-ibig si Sebastian. Si Natividad ay may higit na maunlad na kamalayan sa pag-ibig, nguni’t bilang babae ay hindi naman niya maipahayag sa lalaki ang nilalaman ng kanyang dibdib. Natapos ang “high school”, tinahak ni Sebastian at ni Natividad ang kani-kanilang naiibang landas at tumakbo ang panahon.
Minsan ay napadpad sa dako ng Benavidez ang batang-batang abogado na si Sebastian. Pumasok siya sa isang malaking “restaurant” at doon ay nananghali. May magandang dilag na lumapit sa mesa niya.
“Kung hindi ako nagkakamali ay ikaw si Sebastian Echavez!” bati ng dilag.
“Napatingin si Sebastian sa nangusap, inalis ang suot na salamin, at sinipat ang kaharap na magandang dilag. Nag-isip sumandali, bago nasambit ang, “Natividad! Natividad Sy! Laking sorpresa nito! Kumusta ka na?”
At nanumbalik ang dating pagkakaibigan na sa di malaon ay nauwi sa pag-iibigan. Ang tatay ni Natividad ay malaking negosyante na. Hindi lamang sa mas malaki na ang “restaurant” niya, ang gusali na kinalalagyan ng “restaurant” ay pag-aari na niya; samantalang noong araw ay inuupahan lamang niya iyon. Bukod dito ay may sosyo siya sa mga itinatayong iba pang mga gusali na magiging mga “commercial centers” sa iba’t ibang panig ng Maynila.
Sa madaling sabi ay naging kabiyak ng puso ni Sebastian si Natividad. Naging engrande ang kanilang kasal na ang nagbayad sa lahat ng gastos ay ang ama ng babae. “Nakahihiya!” pagtanggi ng ina. “Sa ating kaugalian, ang magulang ng lalaki ang gumagastos sa kasal!”
“Bayaan na ninyo, Inay. Ibig nilang masunod ang kanilang kaugalian.” Pakiusap ni Sebastian sa ina.
“Parang binibili ka nila, anak. Sabi ko ay huwag kang mag-aasawa ng Instik. Tigas-ulo ka. Ngayon ay makikibagay ka sa kanilang kaugalian na taliwas sa ating kaugalian.”
Hindi na kinailangan ni Sebastian na magtrabaho pa bilang abogado. Pinakiusapan ng kanyang biyenan na tumulong na lamang sa pagpapatakbo ng lumalaking negosyo. Hinirang siyang “vice-president” at “general manager” ng kanilang “family corporation”. Kumita nang malaki si Sebastian at sila ni Natividad at ang mga naging supling nila ay nagkaroon ng masagana at masayang pamumuhay.
“Naliligayahan ako, Sebastian, sa nangyayari sa iyong buhay. Isang matagumpay na komersyante ka na! Ang tigas ng ulo mo kasi. Sabi ko ay mag-aral ka ng “commerce”; ipinilit mo na mag-abogado.” Paalaala ng ina.
“Ngayon, anak, ay ituon mo sa negosyo ang lahat ng iyong nalalaman at lahat ng iyong panahon at lakas. Huwag mong bibiguin ang iyong asawa at biyenan. Tulungan mo silang mapalago ang kanilang kayaman,” dagdag pa ng ina.
Noong araw pa ay may pusong-makabayan na si Sebastian. Kaya siya nag-aral ng abogasya ay upang mairaos ang pagnanasa na matutuhan ang batas at ang “political science” – ang kaalaman tungkol sa pagpapatakbo ng gobyerno at sa pagsisilbi sa masa. May hangarin siya na magkaroon ng katungkulan sa pamahalaan at nang siya ay maging instrumento sa pagpapabuti at pagpapaunlad ng bayan.
Naging masipag na kasapi siya ng Rotary – ang samahan ng mga babae at lalaking propesyonal at ng mga matatagumpay na negosyante na ang pakay ay ang makatulong sa pagpapabuti ng lipunan. Hindi naglaon at hinimok siya ng mga kasamahan sa Rotary na tumakbo bilang “congressman” sa kanilang distrito.
Sumama ang loob ng kanyang biyenan sa pasiya ni Sebastian na kumandidato bilang “congressman”. “Paano ang hanap-buhay natin? Iiwan mo ang iyong katungkulan sa iyong pamilya upang kaharapin ang katungkulan sa mga taong hindi mo naman kakilala at hindi mo naman kadugo,” paghihinanakit ni Mr. Sy.
“Itay, lalo kong mapangangalagaan at mapauunlad ang ating hanapbuhay kung may magagawa ako sa pagpapaunlad ng trabaho, sa pagkakaroon ng higit na maayos at mapayapang lipunan, sa pagtatatag ng higit na malusog na ekonomiya . . . Pangmalawakan ang aking pananaw, Itay,” paliwanag ni Sebastian sa biyenan.
Sabi naman ng kanyang ina, “Sebastian, matanda na ako. Matigas pa rin ang iyong ulo. Ano man ang sabihin ko sa iyo ay ang kabaligtaran ang iyong ginagawa, sinusunod mo ang ano mang ibigin mo. Wala akong sama ng loob sa iyo, anak. May mga pagpapasiya ka na maganda ang kinalalabasan. Ang mga payo ko ay alang-alang sa iyong kabutihan. Nguni’t ako ay tao lamang at kung minsan ay nagkakamali sa mga payong ibinibigay sa iyo. Kaya mo na ang magpatuloy na walang nagbibigay sa iyo ng payo. Matalino ka at busilak ang iyong puso. Sundin mo ang ibinubulong sa iyo ng iyong puso at ikaw’y magtatagumpay. Tigas-ulo ka, anak, nguni’t iya’y katangian mo, aaminin ko sa iyo, na isang mabuti at kanais-nais na katangian. Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak.”
Napapaluha si Sebastian sa tuwing maaalaala ang sinabi ng ina. Iyon na ang huling pag-uusap nila.