NUNO SA PUNSO
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Nailathala sa www.definitelyfilipino.com noong Hulyo 7. 2012
http://definitelyfilipino.com/blog/2012/07/07/nuno-sa-punso/)
Saan galing ang mga duwende at nuno sa punso? Sila ba’y nilikha ng Diyos katulad ng tao? Sabay bang nilikha ng Diyos ang tao at ang duwende, nuno sa punso? Ang tao ba ay maliit bago lumaki sa tagal ng panahon? O ang duwende at nuno ba ay malaki noong una, bago lumiit? Bakit may duwende at nuno sa mundo? Mahihirap na katanungan na kung masasagot ay malalantad ang hiwaga ng sangkalawakan.
Ang mga duwende ay bata, maliliit na nilikha na kasinglaki ng kamay ng tao. Ang mga nuno sa punso ay matatanda. Kapuwa sila laman ng lupa. Nakatira sila sa mga pook na may punso o matambok na lupa – kaya nga ang tawag sa kanila ay nuno sa punso.
Kung tatanungin ang marunong, sasabihin niya na ang punso ay naipong lupa matapos na ang langgam at bukbok ay maghukay. Nguni’t kung ang tatanungin ay taal na taga-Pilipinas, nakapag-aral man o hindi, ang matambok na lupa ay bahay ng mga maliliit na nilalang. Ang punso ay bagay na iginagalang.
Ang lalaking nuno ay may balbas na puti.Ang mga duwende ay mapaglaro, samantalang ang mga nuno ay bihirang ngumiti at madaling magalit. Nagpapakita sila sa mga bata, lalo na kapag lagpas na nang alas 6 ng gabi, at sa araw, sa pagitan ng katanghaliang tapat at alas 3. Hindi pinalalabas ng magulang ang mga bata sa nasabing mga oras.
Ang mga naninirahan sa punso ay nagagalit kapag may tumatapak o lumalaktaw sa kanilang tirahan. Higit na matindi ang galit nila sa mga taong dumudura o umiihi sa kanilang punso.
Ang sandata ng mga duwende at nuno ay dura na kapag dumapo sa katawan ng tao ay nagdadala ng sakit. Ang ganti ay may katarungan. Sipain ang punso at ang paa ng sumipa ay namamaga. Duraan ang punso at ang bibig ng dumura ay nagkakasugat. Ihian ang punso at ang umihi ay nagkakaroon ng sakit sa pag-ihi. Walang magagawa ang mga pangkaraniwang doktor. Ang arbularyo lamang ang makagagamot sa naduraan ng duwende at nuno.
Isa sa mga gamot ay ang pag-aalay ng pagkain at alak sa may malapit sa punso, kasabay ng paghingi ng paumanhin.
Kung sa anong kadahilanan, ang mga nuno ay naaakit sa mga matatabang babae, tao man o hayop.
Ang karanasan ay tagapagturo sa mga tao. Kapag sila’y naglalakad sa pook na sa palagay nila ay may nuno sa punso, humihingi sila ng pahintulot na makaraan – “Tabi-tabi po, apo” – ang ibig sabihin, “Tumabi kayo, nuno; bigyan po ako ng pahintulot na makaraan.”
Ang buhay sa ilalim ng lupa ay kagaya rin ng buhay sa ibabaw ng lupa. Ang mga duwende at nuno ay abala sa paggawa at ang mga langgam at bukbok ang kanilang mga katulong. Nananahi ng damit ang mga babae at nagluluto. Naghahanap ng pagkain at kahoy na panggatong ang mga lalaki. Mahusay din silang magkarpentero at magmekaniko. Nagtatayo sila ng bahay at gumagawa ng mga kagamitan sa bahay, pati na maliliit na motor at makina.
Marunong ding magsaya ang kolonya ng mga duwende at nuno. May mga handaan sila at pagdiriwang, mahahalagang araw at paligsahan, sayawan, tugtugan, inuman at pagsasaya.
Nitong mga huling araw ay hindi maipinta ang mukha ni Bakol. Siya nga pala, ang mga nuno ay inaabot ng dalawang-daang taon ang haba ng buhay. Si Bakol ay may isang-daang taon na, nasa kalagitnaan siya ng buhay.
May malaking bilang ng mga kasamahan niya sa kolonya ang kamakailan lamang ay dinukot ng kung sino. Masama ang loob ni Bakol at galit. Si Tale, babaeng nuno na may katabaan na kanyang minamahal, ay kasama sa mga nadukot.
Sa bawa’t sandali, ang nasa isip niya ay ang lumabas sa punso at hanapin si Tale. Walang halaga sa kanya na siya’y padparin man sa malayo, maging sa dulo ng daigdig.
Kinausap na siya ni Tandang Puten, ang pinakamatanda sa mga nuno. Ang payo sa kanya ay ang limutin na ang naganap at magpanibagong-buhay. At winika ni Bakol sa kanyang nakatatanda na hinding-hindi niya maaaring malimot si Tale.
Nagdiriwang noon ang kolonya ng pagdating ng Tagsibol. Nagka-ipon ang mga taga-punso sa sentro ng kanilang bayan na magaganda at makukulay ang mga kasuotan dahil sa ang dinaluhan ay ang pinakamasayang pagdiriwang ng taon.
Sila’y nagsasayawan, nagkakainan, at nag-iinuman. Biglang-bigla ay bumagsak ang lupa na kanilang pinaka-bubungan at tumambal sa kanilang paningin ang nakasisilaw na kalangitan. Pagkatapos ay may nahulog na bitag na lambat at sa isang kisap-mata ay nahuli sa lambat at natangay ang maraming duwende at nuno.
Isang gabi, nagpasiya si Bakol na lumabas sa punso. Sa labas ay malumanay ang ihip ng hangin at ang bahagyang lamig ay dumadampi sa mukha at balat niya, simoy na hindi niya nararanasan sa loob ng punso. Nakikita niya ang bilog na bilog na buwan na nagbibigay tanglaw sa buong paligid. Di kalayuan sa punso ay natatanaw niya ang bahay ni Raul.
Si Raul ay tao na naging kaibigan ng mga duwende at nuno. Sapul sa batang paslit pa siya ay nakikipaglaro na sa kanya ang mga duwende. Lumaki siya at naging binata na malawak ang kaalaman tungkol sa mundo ng mga taga-ilalim ng lupa. Iginagalang niya ang mga taga-kolonya at itinuturing niya sila na tila kamag-anak.
Lumapit si Bakol sa bahay ni Raul. Narinig niya na si Raul ay nakikipag-usap sa telepono at narinig niya na si Raul ay maglalakbay patungo ng Tsina.
“Bayaan po ninyo at ako ang bahala, Sir. Sila ay tiyak na makikisama sa inyo. Samantala po, maaari bang alagaan ninyo nang mabuti at tiyakin na kumakain at malulusog ang mga taga-kolonya. . .”
Tumindig ang buhok ni Raul nang marinig ang salitang “kolonya”. Idinikit niya ang kanyang tenga sa dingding at pinakinggan ang usapan. Sa huli ay naunawaan na niya ang nangyayari. Ipinagkanulo ni Raul ang kolonya. Patutungo sa Tsina si Raul, na kung saan naroroon ang mga kapuwa niya duwende at nuno. Kinakasangkapan siya upang ang mga taga-kolonya ay makipagtulungan sa isang misyon.
Nakapagpasiya na si Bakol. Mag-aabang siya sa pag-alis ni Raul. Pag-alis niya ay sasama siya. Magtatago siya sa maleta ni Raul. Kung saan makararating si Raul, makararating din siya at doon ay matatagpuan niya si Tale.
At nangyari ang paglalakbay patungong Tsina.
Isa nang makapangyarihang bansa ang Tsina. Mula sa lungsod ng Xichang na kilala rin sa tawag na Base 27, ay nakapaglunsad na ang Tsina ng maraming misyon patungo sa kalawakan at sa buwan. Sa kasalukuyang panahon ay kailangan nang magpadala ng misyon sa planetang Mars. Ang mga naunang misyon na patungo sa buwan ay isinagawa ng mga tao, ng mga "taikonauts", ang tawag ng mga Intsik sa kanilang astronauts. Ang susunod na misyon ay isasagawa ng mga maliliit na nilalang. Ang balak ay ipadadala sila sa Mars na wala nang balikan, sila ang magsisimula ng buhay sa nasabing planeta.
Kung maliit ang sasakyang-pangkalawakan, kung maliliit ang pasahero nito, magiging matipid sa gasolina o ano mang gamit na lakas sa pagpapatakbo nito. At upang maging matipid sa espasyo sa loob ng sasakyan at maisakay din ang mga kailangang bagay sa paglalakbay gaya ng tubig, pagkain, hangin, mga kasangkapan at iba pang bagay na magtatangkilik ng buhay sa mga pasahero sa pagbaba nila sa Mars, ang pagiging maliit ay napakamahalaga.
Ayon kay Fraser Cain, isang manunulat tungkol sa agham, ang sasakyang-pangkalawakan ay susunod sa Hohmann Transfer Orbits. Ito ang pook kung saan nagtatagpo ang landas ng dalawang planeta at may sapat na hatak ang mga planeta na magpapaikli sa paglalakbay.
Iikot muna ang sasakyan sa Earth upang makakuha ng buwelo. Pagkatapos, gamit ang pampatulin, ang sasakyan ay tutungo sa pook-tagpuan ng landas ng dalawang planeta at saka susunod sa landas patungo sa Mars. Kapag malapit na sa Mars, ang makina ng sasakyan ay paaandarin upang pabagalin ang sasakyan.
Kailangang ang paglipad ng sasakyan ay naayon sa kinalalagyan ng Earth at Mars, at ang tumpak na kalagayan ng dalawang planeta ay nangyayari lamang sa tuwing dalawampu’t limang buwan. Sa ibang panahon, hahaba ang paglalakbay at higit na maraming gasolina, pagkain at iba pang bagay ang kailangang ilagay sa sasakyan. Kung susundin ang nasabing paraan, mararating ang Mars sa loob ng 214 na araw, humigit-kumulang pitong buwan.
Naging napakahalaga na marating ng tao ang Mars sapagka’t nauubos na ang mga likas na kayamanan sa mundo at ang sangkap ng hangin, ng tubig, at ng buong paligid ay nasira na ng nuclear radiation at pollution. Mars ang pag-asa. Ang magiging tagapagbigay ng lakas at yaman na kailangan ng tao. Ang pangalawang tahanan kung ang mundo ay magugunaw o magiging hindi na makapagtangkilik ng buhay.
Nguni’t bakit duwende at nuno galing sa Pilipinas ang ililipad sa Mars? At bakit sila ipadadala doon na labag sa kanilang kalooban? Sa kasamaang-palad, walang karapatan sa batas ang mga taga-ilalim ng lupa. Nang mga nakalipas na panahon ay naipadala na sa kalawakan ang mga unggoy, aso, daga, ahas, kulisap – di na sila nakabalik pa. Ang karapatan ng mga duwende at nuno ay di hihigit pa sa karapatan ng mga hayop.
Naghintay si Bakol ng tamang panahon at pagkatapos ay nagpakita na kay Raul. Isinama kaagad ni Raul si Bakol patungo sa kinalalagyan ng mga taga-kolonya.
Nagsigawan sa tuwa ang mga kauri ni Bakol nang makita siya. Siya ang pag-asa nila. Batid nila na si Bakol ay malakas at matalino. Maililigtas sila. At matapos ang maraming linggo nang paghihiwalay at pagkabahala, sina Bakol at Tale ay nagkasamang muli.
Nakihalubilo si Bakol sa kanyang mga kasamahan upang maani ang kanilang pagtitiwala. Sa matiyagang pamamaraan ay ipinaliwanag niya ang kahalagahan ng misyon at, kahi’t na mali ang pagkakadukot sa kanila, ang kamaliang iyan ay hindi magpapabawas sa kahalagahan na maisakatuparan ang gawaing iniaatas sa kanila. Ipinakita niya ang magandang pagkakataon na naghihintay. Ang kanilang patutunguhan malamang ay higit na mainam kaysa kanilang pinanggalingan. “Ang mahalaga ay magkakasama tayo. Magkakasama tayong mabubuhay o mamamatay,” sa isang maikling salita ay naipahayag ni Bakol ang buod ng kanyang damdamin.
Sa wakas ay nagpasiya ang pangkat. Oo, tutulong sila at papayag na isakatuparan ang misyon.
“May isa lamang kaming pakiusap,” sabi ni Bakol kay Raul at sa mga amo ng huli, “palayain, ibalik sa kolonya ang mga nag-iisa upang makapiling nilang muli ang kanilang mga minamahal sa buhay. At kami na magkakasama na rito, lahat kami ay handang maglakbay.”
Nakuha na ang pag-ayon ng mga "mininauts", iyon ang napagkaisahang itawag sa mga astronauts na duwende at nuno, at natapos ang mga paghahanda at pagsasanay. Ipinalabas na sa mga balita ang paglulunsad ng kauna-unahang misyon sa Mars na ang sakay ay mga “maliliit na tao”.
Sakay ng sasakyang-pangkalawakan na binigyan ng pangalang “Nuno 1” patungo sa Mars ay limang-daang duwende at nuno na galing sa Pundaquit, Zambales sa Pilipinas.
Nagkaroon ng TV coverage ang paglulunsad at nakita ng buong mundo ang bandera ng Tsina at ng Pilipinas na nakapinta sa balat ng sasakyang-pangkalawakan.
Nang nakalaya na ang sasakyan sa hatak ng mundo at ito’y lumulutang na sa kalawakan. ibinulong ni Bakol sa kanyang minamahal, “Tale, tayo ang magiging bagong Eba at Adan ng ating saling-lahi. Nag-uumapaw sa tuwa at pagmamalaki ang aking puso.”
At si Tale ay nangiti at kumislap ang mga mata sa pagsang-ayon.