BOMBAY! BOMBAY!
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Ang pook namin noon doon sa Santa Cruz, Maynila ay tila United Nations. Lima ang pinto ng accessoria na aming tahanan (hindi apartment ang tawag noon sa mga bahay na dikit-dikit ang dingding kundi, accessoria). Sa amin ang unang pinto, kay Mr. Singh ang pangalawa (Bombay siya), kay Mr. So ang pangatlo (Intsik siya), kay Mr. Delucci ang pang-apat (Italian siya), at kay Mr. Castrence ang pang-lima (Bisaya siya).
Yari sa kahoy ang accessoria. Hindi pa uso noon ang bahay na konkreto. Wala rin itong bakal at aluminum. Ang malalaking bintana sa pangalawang palapag ay may maliliit na bintana sa ilalim nila na maaaring buksan upang papasukin ang hangin kung mainit ang panahon. Wala pang airconditioner noon. Bentilador lamang ang mayroon.
Mula sa bintana sa likod ng bahay, sa pangalawang palapag, ay makalalabas patungo sa yerong bubong. Ang dakong likod ng bahay ay kusina at bodega. Wala itong pangalawang palapag. Kung kaya’t ang bubong ay nagiging kulahan ng damit at palaruan ng mga bata.
Maganda ang estilo ng accessoria. Ang estilo ay masasabing may Spanish influence. Ang mga bintana ay may media agua na yari sa yero. Sa paligid ng media agua ay makikita ang magagandang desenyo na inukit sa yero. Tila baga may burda ang yero. Malalaki ang bintana na pinadudulas sa riles ng pasimano kapag binubuksan o isinasara. May mga bakal na barandilla sa durungawan. Kahoy ang mga sahig. Kahoy ang mga upuan (muebles). At kahoy din ang mga aparador na lalagyan ng damit. Uso pa noon ang baul na taguan ng kung ano-anong bagay.
Minsang namimili kami ng sapatos para sa akin ay nakita namin si Mr. Singh sa Escolta. Ito ang shopping area noong araw. Kasama ko ang aking tatay at nanay. Malapit na ang pasko. Taon-taon, bago mag-pasko ay ibinibili kami ng bagong sapatos ng mga magulang namin. Isa-isa kaming isinasama sa Escolta at Avenida Rizal at doon naghahanap ng sapatos. Iniisa-isa namin ang mga department store hanggang sa makakita ng sapatos na akma sa aming paa at mura ang presyo.
Nakasuot ng khaki si Mr. Singh at nakabalot ng turban ang kanyang ulo. Gaya ng ibang Bombay, mataas at payat si Mr. Singh. Ang mukha niya ay natatakpan ng balbas.
“Nay, anong trabaho ni Mr. Singh,” tanong ko sa Nanay pagkakita kay Mr. Singh. Nakatayo siya na parang estatwa sa harap ng isang tindahan ng alahas.
“Sireno siya,” sagot ng nanay ko.
“Ano po iyong sireno?” Kinulit ko ang Nanay.
“Taga-bantay ng tindahan. At nang walang magnakaw.”
Ngayon, security guard ang tawag sa sireno.
“Hindi sila natutulog. Nagbabantay araw at gabi,” dagdag pa ng nanay ko.
Takang-taka ako. Paano maaaring hindi matutulog ang tao? Ngayong may edad na ako ay naiintindihan ko ang ibig sabihin ng nanay ko. May mga trabaho na pang-araw at pang-gabi. Batay sa pangangailangan ng tao, maaari siyang mag-trabaho nang araw at pati gabi upang kumita ng hustong salapi sa pangangailangan. Kakaunti ang tulog. Hindi naman ibig sabihin na hindi talaga natutulog ang tao.
Minsan ay nagawi kaming muli sa bandang Escolta. Sa pagkakataong ito ay gabi at ang aming pamilya ay may pakay na kumain sa isang pansiteryang Intsik sa Binondo upang ipagdiwang ang kaarawan ng aking nanay. Nakita kong muli si Mr. Singh na nakatayo na tila estatwa, doon din sa harapan ng tindahan ng alahas.
Sa pagkakataong ito ay nakapikit si Mr. Singh.
“Nay, bakit nakapikit si Mr. Singh?”
“Natutulog siya, anak.”
“Ano po? Natutulog na nakatayo?”
“Oo anak. Marahil ay pagod na siya sa katatayo at kababantay.”
“E bakit po siya hindi umuwi at matulog?”
“Kailangan siyang mag-trabaho, anak.”
Tumigil ako sa harap ni Mr. Singh upang pagmasdan ang kanyang ayos.
“Halika na, anak, nagmamadali tayo,” ibig akong hatakin ng nanay ko.
“Sandali l’ang.” Nakita ko na may nakaipit na sigarilyo sa daliri si Mr. Singh. May sindi ito at umuusok. Ilan pang sandali ay umabot ang sindi sa kanyang daliri at nagising si Mr. Singh sa pagkakapaso ng daliri.
Sa sandaling iyon ay hinatak ko na ang nanay ko papalayo at nang hindi kami makita ni Mr. Singh.
“Ang may sinding sigarilyo, anak,” paliwanag ng nanay ko, “ay paraan ng mga sirenong Bombay na mapanatiling gising ang sarili nila. Dahil sa paso ay nagigising sila kung nakakatulog man.”
“Akala ko po ay nakapikit at natutulog. Bakit ibig na magising?” patuloy ang aking pag-uusisa.
“Mangyari ay masisisante ang bantay pag nakita ng kanyang amo na natutulog siya sa trabaho.”
Nagkamot na lamang ako ng ulo sa dahilang hindi ko maintindihan ang sinasabi ng nanay ko.
Naaalaala ko na may mga retrato ang nakatatanda kong mga kapatid. Maya’t maya ay ipinakikita sa amin ng tatay ko ang mga lumang retrato upang kami ay aliwin. Radyo pa lamang ang libanagan noon. Wala pang TV. Nakita ko sa retrato na ang mga kapatid ko nang bata pa ay may mga yaya – tagapag-alaga, at ang sila ay Intsik.
“Tay, bakit Intsik ang mga yaya?” Tatay ko naman ang kinulit ko sa tanong.
“Mangyari, anak, ay sila ang nangangailangan ng trabaho ng pagiging yaya.”
“Bakit po walang yayang Filipino?”
“Mangyari ay masagana ang buhay ng Filipino, anak. Di nila kailangan ang trabahong mababa ang uri.”
“Hindi po masagana ang mga Intsik?”
“Anak, sa Tsina ay may tag-gutom. Malupit ang mga namumuno. May digmaan pa doon – Intsik laban sa Intsik. Ang mga Intsik na naririto sa ating bayan ay mga dayo. Pumarito sila upang magka-trabaho at magkaroon ng masaganang buhay katulad ng mga Filipino.”
Pipitong-taong-gulang ako noon. Siguro ay kalahati lamang ng mga paliwanag ang tunay kong naiintidihan.
Minsan naman ay nanay ko ang aking tinanong. “Nay, bakit ang mga sireno puro Bombay? Walang Filipino?”
“Anak, sa India ay may tag-gutom. Walang kakayanan ang mga namumuno. May digmaan pa doon – Bombay laban sa Bombay. Ang mga Bombay na naririto sa ating bayan ay mga dayo. Pumarito sila upang magka-trabaho at magkaroon ng masaganang buhay katulad ng mga Filipino.”
Isang dapit-hapon ay naisipan kong maglaro sa bubungan sa may likod ng bahay sa pangalawang palapag. Malapad at malawak ang lugar na nasabi; hindi nga ba’t dikit-dikit ang limang pinto ng accessoria. Ang bubungan ay bubungan ng limang bahay kung kaya’t ito ay napakaluwang. Makalalapit din sa likod-bintana ng alin man sa limang bahay sa pamamagitan ng bubong.
Lumapit ako sa likod-bintana ng bahay ni Mr. Singh.
Nakasara ang bintana nguni’t may maliit na siwang na maaari akong makasilip.
Hindi pumasok sa trabaho sa oras na iyon si Mr. Singh. Naroon siya sa silid, sa loob ng bahay, at may pinagkakaabalahan.
Nakahubad siya mula itaas hanggang sa ibaba. Noon ko lamang nakita si Mr. Singh na walang suot na turban sa ulo. Ang kapal at ang haba ng buhok niya.
Nasa kama si Aling Doray, asawa ni Mr. Singh na Filipino. Nakahubad din.
Bata pa ako noon at di ko naiintindihan ang nakikita ko. Sumakay si Mr. Singh sa kama, sa ibabaw ni Aling Doray at nagsimula silang magbuno. Nag-aaway ang mag-asawa! Naisip ko. Ayaw ko nang makita ang mangyayari pa. Umurong ako at mabilis na bumalik sa aming bahay.
Naging nakaaaliw na bagay sa akin, hanggang sa ako ay lumaki, ang pagmasdan at pag-aralan ang mga dayuhan. Bukod sa pagsisireno, ang mga Bombay ay naging tanyag na mangangalakal sa lungsod. Naglalakad sila o di kaya ay sumasakay sa motorsiklo at naglalako ng payong, kumot, kulambo, alahas, damit at kung ano-ano pa. Hulugan ang bayad.
Napamahal sila sa mga Filipino batay sa kanilang sipag, pagiging mabubuting tao, at sa pagtitinda ng hulugan na kapag nagiging napakahaba ng panahon ang pagbabayad ay nagiging “paiyakan”, sa halip na hulugan.
Noon ay palaisipan sa akin ang bagay na lahat ng Bombay na nakilala ko ay Mr. Singh ang pangalan.
Minsang si Mr. Singh ay nakausap ko ay tinanong ko siya. “Bakit po lahat ng Bombay Mr. Singh ang pangalan?”
Paliwanag niya – kami ay mga sheik; ‘yan ang aming relihiyon. Lahat ng sheik, Singh ang pangalan. Pero may mga pangalawang pangalan kami. Katulad ko, ang pangalawa kong pangalan ay Chawardivajagit.”
“Puede po ba. . . , Mr. Singh na l’ang ang itatawag ko sa inyo?” sabi ko.
“Mr. Singh, mahaba pala ang buhok n’yo at may nunal kayo sa kaliwang pigi.”
Natigilan si Mr. Singh, nag-isip, bago nagsabi: “Bakit mo alam?”
“Ah, eh, wala po. Naisip ko lamang. Sige, po. Ako’y uuwi na.”