WEIRD SI TOMMY
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Idedemanda ba niya o hindi ang kapitbahay. Iyan ang palaisipang bumabagabag sa isipan ni Tommy.
Kailan lamang ay kausap ni Tommy ang isang katrabaho niya. Sabi niya na may nabaling tile sa kanyang bubong at kailangang ito ay mapalitan at nang pagdating ng tag-ulan ay hindi tutulo ang tubig sa loob ng bahay.
Ang bahay ni Tommy ay nasa tuktok ng isang mataas na lupa. Sabi niya ay maglalagay siya ng isang hagdan sa gilid ng bahay, aakyatin ang hagdan, at nang maabot ang bubong.
“Tommy,” sabi ng kausap, “ipagawa mo na lamang sa nakakaintindi. Baka madisgrasya ka pa.”
Sabi ni Tommy ay nagtitipid siya. Na siya na lamang ang mag-aayos sa bubong.
Ang bahay ni Tommy ay bayad na. Wala na siyang binabayarang mortgage. May $100,000.00 siya sa stocks. May anim na classic cars siya – 1998 Mercedes, 2012 Corvette ZR1, 1983 Datsun 280X, 1984 Mustang, at iba pa. Ang kanyang car collection ay nagkakahalaga ng, humigit-kumulang, $200,000.00.
Namamasukan pa si Tommy. Siya ay isang salesman at kumikita ng $5000 buwan-buwan.
Samakatuwid ay may pera si Tommy. Hindi lamang siya mahilig gumastos.
Bago naging salesman ay nagtrabaho si Tommy para kay Alice Cooper, ang rock star, bilang bodyguard. Pagkatapos ay nagtrabahao siya sa isang medical insurance company.
Naging singer din siya sa isang club. Masasabing kumita nang malaki si Tommy sa iba’t ibang pinasukang trabaho at nakaipon kung kaya’t masasabing siya ay nakaaangat. Hindi siya kinakapos. Nguni’t napakatipid.
Nag-iisa si Tommy. Humigit-kumulang 60 anyos, wala siyang asawa o anak. Ang tanging kasama ay isang aso na binubuhusan niya ng sobrang pagmamahal.
Magandang lalaki si Tommy. Mataas, di malaki ang tiyan, may bigote. Kalbo nga lamang kung kaya’t palaging may sombrero na tila siya si Indiana Jones.
Matipid si Tommy. Bukod doon ay weird.
Bakit wala siyang asawa, gayong hindi naman siya bakla?
Sabi niya na noong araw ay marami siyang girlfriends. Sabi niya ay nagsawa siya sa babae. Nagkaroon siya ng karanasan sa pakikitungo at pakikisama sa babae at naging magulo ang buhay niya. Pasiya niya na hindi siya patatali. “Dominante ang mga babae,” sabi niya. “Ako ang tipo ng tao na nagpapahalaga sa aking kalayaan. Ibig kong gawin ang gusto kong gawin na hindi kailangang tanungin o makibagay sa isang babae.”
Minsan ay ipinakita niya ang kanyang binti sa isang katrabaho. Sabi niya ay may mapulang parte sa kanyang gulugod na hindi naman kumakati. “Hindi ito allergy,” sabi niya. Pero hindi nawawala.”
Kaedad niya ang kausap kung kaya’t may karanasan ito sa mga problema sa katawan ng taong nagkakaedad. Tanong niya, “Tommy, kumusta ang pag-ihi mo?”
“Iyon pa ang isang problema,” sabi niya. “Apat na ulit ako kung tumayo sa gabi upang umihi.”
“Baka may problema ka sa kidney o sa prostate, bakit di ka patingin?”
“Ayaw kong malaman,” sabi ni Tommy. “Baka ako’y may cancer o ano man, ayaw ko nang malaman. Kung ako’y mamatay, okay l’ang.”
Ganoon ka-weird si Tommy.
Hindi nakinig si Tommy sa payo ng katrabaho na ipagawa na lamang sa iba ang kanyang bubong. Isang araw na day off siya sa trabaho, siya ang nagtangkang mag-ayos sa bubong.
Sinimulan na niya ang pag-aayos. May nakita siyang isang tabla sa bakuran ng kapitbahay. Kinausap ang kapitbahay upang humingi ng permiso na magamit ang tabla. Pumayag ang kapitbahay.
Patungo upang pulutin ang tabla ay natisod si Tommy sa isang nakahambalang at nakaangat na tubo ng tubig. Nadapa si Tommy at ang pinangsalo sa sarili ay ang kaliwang braso.
Dahil sa masukal ang bakuran ng kapitbahay, ang kinabagsakan ng braso ni Tommy ay sari-saring tumpok ng bato, putol na kahoy, at kung anu-ano pang matitigas na bagay. Lumagutok ang mga buto sa braso at kaliwang kamay ni Tommy, agad-agad nakaramdam siya ng kirot, at di niya maigalaw ang mga ito. Humiyaw siya sa sakit.
Tumawag ng paramedic ang kapitbahay at dinala sa emergency si Tommy.
Sa ospital, ang payo ng doktor ay surgery. Nakita sa x-ray na ang mga buto sa kamay at sa braso ay nagkabali-bali. Kailangang isa-ayos ang mga buto.
Ayaw ng surgery ni Tommy. Sabi ng doktor, “mamamaga ang kamay at braso mo. Sasakit at di ka makakatulog sa sakit. Sa malaon ay baka mamatay ang mga nerves; magiging paralisado ang kamay at braso mo.”
“Hindi, hindi ako magpapa-opera,” pinatigasan ni Tommy.
Ang ginawa ng doktor ay binalot ng cast ang kanyang braso at sinabihan si Tommy na sana ay gumaling ang buto, muscle, at nerves; walang katiyakan. Kung gagaling ay mangyayari sa matagal na panahon.
Isang buwan na ay nakabalot pa ng cast ang kaliwang braso ni Tommy. Kanang kamay at braso lamang ang gumagana. Gamit ay isang kamay sa pagmamaneho, pagluluto, pagkain, at pagtatrabaho. Isang kamay lamang para sa ano mang gawaing dapat niyang gampanan.
Minsan sa trabaho ay nabangga ng isang katrabaho ang kanyang cast na hindi sinasadya. Napasigaw ng, “What the f_ _k!” si Tommy. Narinig ang kanyang hiyaw sa buong oficina na noon ay puno pa ng mga customers.
Ipinatawag ng boss si Tommy. Sinabihan siya na ang paggamit ng "f" word sa oficina ay ipinagbabawal, at ang lalabag sa patakarang ito ay tatanggap ng kaparusahan. Na-suspendi si Tommy nang isang linggo.
Samantala ay nagdurusa si Tommy sa matinding sakit. Hindi siya makatulog. Gumagastos siya sa pagpapagamot, sa gamot; samantala ay apektado ang kanyang kita. Baka buong buhay na siyang magiging baldado, na walang silbi ang kanyang kaliwang braso at kamay. Paano ang kanyang paghahanapbuhay? Paano ang kanyang pagtanda?
Ang mga may-ari ng bahay ay kailangang may liability insurance nang kung may disgrasyang mangyari sa loob ng bahay at paligid nito ay may magbabayad ng claim.
“Ihabla mo ang kapitbahay mo!” payo ng kanyang mga katrabaho at kaibigan.
“At nang mabayaran ka ng insurance company. Malaki ang claim na makukuha mo. Baldado ka na for life.”
Sagot ni Tommy, “matagal na kaming magkapitbahy ng kapitbahay ko. Ayaw kong masira ang aming mabuting relasyon. Baka siya magalit.”
“Hindi naman sa kanya manggagaling ang pera kundi sa insurance company, bakit siya magagalit?”
“Tataas ang kanyang premium.”
“Eh ano? Ang isipin mo ay ang sarili mo, hindi ang kapitbahay mo.”
“Ayaw kong magalit sa akin ang kapitbahay ko. Ang hindi ninyo alam ay ex convict ang kapitbahay ko. Killer siya para sa isang crime syndicate.”
"Papatayin kita, Tommy. Magtago ka. Kapag nakita ko ang anino mo, tapos ka na," banta ni Bruno, kapitbahay ni Tommy.
Nag-uusap sila sa telepono. "Bruno, hindi ikaw ang idinedemanda ko kundi ang insurance company mo," paliwanag ni Tommy.
"Pareho na rin iyon," tutol ni Bruno. "Tataas ang bayad ko sa insurance dahil sa demanda mo."
"Hindi mo naiintindihan, Bruno. Baldado na ako. Hindi ko na magamit ang aking kaliwang braso at kamay. Hindi na ako makapaghahanapbuhay."
Tanong ni Bruno na tila may paghamak, "itinulak ba kita? May kasalanan ba ako sa pagkakadapa mo?"
Sagot ni Tommy, "wala, wala kang kasalanan. Talagang aksidente ang nangyari."
"Eh, bakit mo ako idinemanda?"
"Hindi ikaw, kundi ang insurance company mo. Sa bakuran mo nangyari ang aksidente. Napatid ako sa isang bakal na nakahambalang sa bakuran mo. Pag hindi ako naningil ng danyos sa insurance company mo ay walang ibang magbabayad sa pagpapagamot ko at sa aking ikabubuhay sapagka't ako'y baldado na."
"Bahala ka, Tommy. Tandaan mo ito: Hindi lamang braso at kamay mo ang magiging baldado. Namimiligro ang buhay mo." Banta muli ni Bruno.
Lumakad ang demanda sa korte. Mahusay ang abogadong humawak sa kaso. Makalipas ang tatlong buwan, nagpasiya ang korte na si Tommy ay dapat bayaran ng insurance company ng isang milyong dolyar. Tagumpay ang kaso ni Tommy!
Nguni't ang kapalit ba ay ang kanyang buhay? Nang malapit nang dumating ang bayad kay Tommy, siya'y nagsadya sa bahay ni Bruno upang makipag-usap na muli.
Pagbukas ng pinto ay sinalubong si Tommy ng nguso ng isang baril. Itinutok ni Bruno ang baril sa mukha ni Tommy. "Hintay muna, Bruno. May magandang balita ako para sa iyo," wika ni Tommy.
Ikinumpas ni Bruno ang baril upang si Tommy ay sumunod sa kanya sa living room. Pinaupo sa sofa si Tommy at nagsabi, "bibigyan kita ng 3 minuto para magpaliwanag."
"Sa makukuha kong isang milyong dolyar, ibibigay ko sa iyo ang kinse por siento - $150,000.00!, Bruno. Balato ko sa iyo."
Ibinaba ni Bruno ang baril at lumapit kay Tommy at pabulong na sinabi, "kailan?"
Matatanggap ko ang bayad sa loob ng linggong papasok. Pagkatanggap ko ng pera, bayad ka kaagad. Pero, Bruno, isekreto mo ang bagay na ito. Labag sa batas. Baka pareho tayong mapunta sa bilangguan."
Niyakap ni Bruno si Tommy. "Isa kang mabuting kapitbahay. At mabuting kaibigan," pahayag ni Bruno.