ANG TAONG WALANG ANINO
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Iginuhit ni Nestor Leynes
Sa gabi kung lumabas ng bahay si Samuel; mangyari ay wala siyang anino.
Nang bata pa siya at inilabas ng bahay ng ina upang magpa-araw, natuklasan ng ina na ang bata ay walang anino.
Mula noon ay itinago na ng ina ang katotohanan. Itinago niya ang bata sa loob ng bahay hanggang sa siya ay magkaroon ng hustong gulang.
“Kakaiba ka, anak. Wala kang anino. Ilihim mo ang bagay na iyan sapagka’t baka ikaw ay mapahamak. Baka isipin ng madla na ikaw ay isang kampon ni Satanas o isang halimaw . . . at ikaw ay papatayin nila!”
Nangilabot si Samuel sa kanyang narinig. Ibig sabihin ay hindi siya makalalabas ng bahay, hindi siya maaaring makipagkaibigan. Paano siya mag-aaral? Paano siya maghahanapbuhay?
Nagpasiya si Samuel na sa gabi lamang siya lalabas ng bahay at iiwas na mapatapat sa liwanag. Isang gabi ay pinuntahan niya si Tandang Puten, ang arbolaryo.
Sabi niya kay Samuel, “Ayon sa pagkakaalam ko, ang taong walang anino ay anak ng diyablo. Sa iyong kaso, sana naman ay hindi totoo. Panginoon ko, kaawaan ka Niya!”
Mula sa durungawan ay malimit na sinisilip ni Samuel ang mga taong nagdaraan sa kalye sa harapan ng kanilang bahay.
Matiyaga niyang inaabangan ang pagdaan ni Rosanna, ang magandang dalagang-bukid na sa tuwing dadaan ay tila nahihibang siya sa paghanga.
“Kailangan kong makausap si Rosanna, kailangang malaman niya ang damdaming nakukulong sa aking puso. Marahil ay pakikinggan niya ang aking pagtatapat,” wika ni Samuel sa kanyang sarili.
Nguni’t kasabay ng matinding paghanga at pagkakaroon ng damdaming panglalaki, nangibabaw din ang pagkabahala. “Paano ko bubuhayin ang babaeng tatanggap sa aking pagsinta kung ako’y bilanggo sa loob ng bahay, kung ako’y bilanggo ng isang malagim na lihim? Paano kung malaman niya o ng buong bayan na ako ay isang halimaw?”
Sa katotohanan ay napakabuting tao ni Samuel. Sa halip na pumasok sa eskwela ay binabasa niya sa bahay ang mga aklat na iniuuwi ng ina. Lumawak ang kanyang dunong at tumalas ang kanyang pag-iisip sa pamamagitan ng mga librong nababasa at sa mga bagay na napakikinggan sa radyo.
Kabaligtaran ng turing ng arbolaryo na ang katulad niya ay maaaring anak ng diyablo, si Samuel ay maka-Diyos, palabasa ng Bibliya. Nagkaroon siya ng marundob na paniniwala at pagtitiwala sa Diyos at mga salita Niya.
Araw-araw, gabi-gabi ay sinusuyod ni Samuel ang Bibliya; pati na ang Koran, ang mga aklat na makapagpapaliwanag o makapagbibigay ng kalutasan sa kanyang pambihirang kalagayan.
Natuklasan niya sa kanyang pagtatanong at pananaliksik na sa kultura ng Pilipino, ang taong walang anino ay taong walang karangalan, taong walang nagawang mahalaga para sa kapuwa. Mula sa Bibliya at Koran ay napag-alaman niya na ang demonyo ay sa kadiliman kumikilos at nang hindi makita o mahalata ang kanyang mga masasamang gawain at hangarin; kung kaya’t ang demonyo ay walang anino.
Psalmo 91:1. “Ang Panginoon ay may anino. Ang Kanyang kamay ay may anino. Ang Kanyang bagwis ay may anino, at hindi Siya nagbabago katulad ng paiba-ibang anino.”
Ayon sa Koran: “Isa sa mga nilikha ng Diyos ay si Satanas. Makikita sa tao na ang pagiging maka-lupa ay nananaig at, kay Satanas, na ang katangiang maka-apoy ang nananaig, ang pagkakaroon ng labis na init. Kapag hinukay ang libingan ng tao, ilang taon pagkamatay niya, makikita ang pagiging lupa at ang labi ng kalikasan ay nawala na. Si Satanas ay may pambihirang nag-aapoy na liwanag, kung kaya’t wala siyang anino at hindi maaaring makita sa pamamagitan ng mata.”
Minsan naman ay natunghayan niya ang kuwento ni Hans Christian Andersen. Isinasaad sa kuwento na ang anino ng isang matalino at mayamang lalaki ay humiwalay sa kanyang katawan. Makalipas ang mahabang panahon ang anino ay bumalik na katulad na ng isang tunay na tao. Naging magkaribal sila sa panliligaw sa isang magandang prinsesa. Pahayag ng anino: Magpapaubaya ako na mapasaiyo ang prinsesa, nguni’t magpapalit tayo ng katayuan – ako ang magiging amo at ikaw ang magiging anino!
Ang ikinabubuhay ni Aling Marta, ina ni Samuel, ay ang panghuhula gamit ang baraha. Kung siya ay sadyang may galing sa panghuhula o nagpapanggap lamang ay hindi malinaw. Doon siya nanghuhula sa malaking plaza sa siyudad, sa harap ng isang dinadayong simbahan, na nakilala bilang sentro ng mga manghuhula. Doon nagbibigay ng hula at payo si Aling Marta na kabilang sa malaking pangkat ng mga manghuhula na gumagamit ng baraha o di kaya ay bolang kristal. Parokyano nila ang mga taong may agam-agam tungkol sa kanilang hinaharap.
Hiwalay sa asawa si Aling Marta. Maaga siyang napakasal sa isang dating kapitbahay. Dalawampu’t limang taong gulang siya nang magpakasal. Dalawang taon lamang nagsama ang mag-asawa. Paniniwala ng lalaki ay may sira ang ulo ni Aling Marta.
Hindi nagka-anak si Aling Marta at dahil nga iniwan ng asawa ay mahabang panahon siyang nag-iisa. Isang araw ay naisipan niyang ibig niyang magkaroon ng anak. Ayaw na niyang mangulila sa buhay. At dumating nga si Samuel.
Mula sa pagka-sanggol hanggang si Samuel ay magka-isip, ibinuhos sa kanya ni Aling Marta ang bukod-tanging pag-aaruga, pag-aalaga at pagmamahal. Ayaw na niyang mangulilala pang muli. Si Samuel ang tanging ligaya at liwanag sa kanyang buhay. Hindi maaaring iwanan siya ni Samuel sapagka’t iyon ay kanyang ikamamatay.
Isang araw, may natagpuan ang mga naglalakad sa kalye na isang katawan. Sa may gilid ng kalye na makapal ang tubo ng damo ay natagpuan nila ang isang babaeng wala nang buhay at sa hinuha nila ay hinalay muna bago pinatay at inihulog ang katawaan doon sa kung saan siya natagpuan.
Ang kinatagpuan ng katawan ay doon sa bahagi ng bayan na kung saan naninirahan si Samuel.
Nag-imbestiga ang mga pulis. Ibig nilang madakip kaagad ang taong humalay at pumatay sa nasabing babae.
Nabatid ng mga pulis, matapos na pag-aralan ang bangkay at magtanong-tanong sa mga taong nakakikilala sa biktima, na ang nasawing babae ay nagngangalang Rosanna – walang iba kundi ang dalagang malimit dumaan sa harapan ng bahay ni Samuel, ang babaeng pinagtutuunan ni Samuel ng isang lihim na pag-ibig.
Sinuyod ng mga pulis ang paligid ng nasabing bahagi ng bayan at inalam nila kung sino-sino ang mga lalaking maaaring may kinalaman sa pagpatay kay Rosanna. Isa si Samuel sa mga lumilitaw na nakakikilala kay Rosanna, isa sa mga binata sa bayan na marahil ay nagkaroon ng kaugnayan kay Rosanna, Napag-alaman ng mga pulis, sa pagtatanong sa mga taga-roon, na si Samuel ay isang taong mahiwaga sapagka’t palagi siyang nakakulong sa bahay at sa gabi lamang kung lumabas.
Samakatuwid ay isa si Samuel sa pinagdududahan ng mga pulis. Marahil na siya ang salarin na gumawa ng krimen.
Dinampot ng mga pulis si Samuel at dinala siya sa presinto upang doon ay matanong. Inilagay siya sa gitna ng isang maliit na kuwarto na naiilawan ng isang maliwanag na bumbilya. Pinaupo siya sa isang silya na nasa gitna ng silid at sa kanyang harapan, sa kabilang dako ng mesa, ay umupo ang isang imbestigador.
“Nasaan ka noong mga bandang ala una y media ng Biyernes, Mayo 28?” Simula ng imbestigador.
“Nasa labas po ng bahay.” Sagot ni Samuel.
“Hindi ba’t ang gaanong oras ay oras ng pagtulog; bakit ka nasa labas ng bahay?” Dugtong ng imbestigador.
Marami ang ibinatong tanong kay Samuel at kahi’t na nasasagot niya ang mga katanungan, na walang pag-aatubili sapagka’t wala siyang kasalanan, ay pinapawisan pa rin siya dahilan sa nerbiyos at sa alinsangan sa loob ng silid. Mainit din ang liwanag na nanggagaling sa malaking bumbilya na nakatapat sa kanyang ulo at balikat.
Paano niya ipaliliwanag sa mga pulis na bihira siyang lumabas ng bahay kung kaya’t hindi siya dapat pagsuspetsahan na siya ang pumatay kay Rosanna? Paano niya ipaliliwanag na siya ay sa gabi lamang lumalabas ng bahay upang maghanapbuhay at mabili ang mga pangangailangan niya sa araw-araw; sa gabi lamang sapagka’t iniiwasan niyang masilayan ng liwanag sapagka’t siya ay taong walang anino!
Paano niya sasabihin sa mga pulis na siya ay walang anino; kapag nalaman ng mga pulis na siya ay walang anino ay tiyak na ididiin na siya bilang mamamatay-tao sapagka’t ang taong walang anino ay sira ang ulo o di kaya ay kampon ng demonyo, isang halimaw?!
Malapit nang masira ang loob ni Samuel at iniisip na niyang ipaliwanag ang kanyang di pagkakaroon ng anino nang mapansin niya na sa mesa, sanhi ng liwanag na nanggagaling sa bumbilya, ay may isang maitim na anino na ang hugis ay kawangis ng kanyang ulo at balikat. Iginalaw niya ang kanyang ulo at ang anino ay gumalaw din. Itinaas niya at iwinagayway ang kamay at ang anino ay ganoon din ang ginawa.
Sa loob-loob ni Samuel, at taglay ang matinding pagkagulat at pagkalito, sinabi niya sa kanyang sarili: “Panginoon kong Diyos, may anino ako!”
Matapos ang pagsisiyasat sa kanya ay pinauwi si Samuel ng mga pulis bagama’t may banta sila na siya’y maaaring tawaging muli o di kaya ay arestuhin kung magkakaroon sila ng matibay na batayan.
Umuwi si Samuel na ang kanyang damdamin ay nababalot ng magkahalong katuwaan at pagkagalit. Natutuwa siya sapagka’t siya pala ay may anino. Nguni’t nagagalit din siya sapagka’t pinaniwala siya ng ina na siya ay walang anino kahi’t na iyon ay isang malaking kasinungalingan.
Nguni’t di na niya matatanong ang ina. Di na niya maaaring usigin at pagalitan pa siya. Isang taon nang namamatay si Aling Marta.
Ang katotohanan ay naging masamang tao si Aling Marta. Unang-una, ang panghuhula na kanyang hanapbuhay ay labag sa Bibliya at sa turo ng simbahan. Wala siyang galing sa panghuhula at ang mga bagay na inilalahad niya sa kanyang mga parokyano ay puro kasinungalingan lamang. Pangalawa, hindi niya tunay na anak si Samuel. Ninakaw niya ang bata nang ito ay sanggol pa. May isang ina na napabayaan ang sanggol sumandali habang nagpapahula sa plaza ng mga manghuhula. Dinukot ni Aling Marta ang sanggol at itinago sa kanyang bahay.
Maitim ang puso ni Aling Marta, isang tao siyang pangsarili lamang ang iniisip. Kinailangan niya ng kasama sa buhay. Iniwan siya ng kanyang asawa sa paniniwalang siya ay baliw. Tiniyak niya na si Samuel ay hindi siya iiwan magpakailan man. Pinaniwala niya si Samuel na siya (si Samuel) ay taong walang anino.