BAKIT DI KA SUMAGOT, RENE?
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Matagal ding tiniis ni Margie ang maraming sama ng loob sanhi ng pambabae at pag-iinom ng asawa.
“Mamamatay ka sa ginagawa mong pang-aabuso sa iyong katawan,” banta niya sa kanya.
Sa tuwing magsasalita si Margie tungkol sa problema ng asawa ay hindi kumikibo ito. Parang walang naririnig.
Nguni’t ang kasagutan ay umaalingawngaw sa isipan ni Rene. Hindi nga lamang niya ito maipahayag.
“Margie, hindi mo lamang nalalaman; ang bumubuhay sa akin ay ang alak!” Ito ang diwang namumuo sa isipan ni Rene at isinasagot sa sumbat ng asawa, iyon nga lamang ay hindi lumalabas sa kanyang bibig.
Hindi nagkukulang sa salapi at pangangailangan ang mag-asawa; bagkus ay mariwasa sila. Magkatulong nilang pinatatakbo ang negosyo na may kinalaman sa paggawa ng mga drama na inilalabas sa TV. Samakatuwid ay producers sila.
Sila ang gumagawa ng pangunang programa sa TV kapag alas dos ng hapon ng tuwing Sabado, na may pamagat na, “Puso sa Puso”. Ang host ng programa, si Tina Tomas, ang nagsisiwalat ng mga problema ng mga totoong tao na nagpapadala ng sulat sa TV station; bago ang problemang tinatalakay sa sulat ay isinasadula (ginagawang drama) ng producers.
Dahilan sa katanyagan ng programa ay naging kilalang-kilala si Tina Tomas sa buong bayan. Maganda siya, mataas, maputi, may mahabang itim na itim na buhok at maganda ang pangangatawan. Palibhasa ay si Rene ang di lamang producer kundi director pa ng programa, nagkaroon ng malapit na pagkakaibigan ang Rene at Tina. Umunlad nang umunlad ang kanilang pagkakaibigan hanggang sa ito ay dumating sa pagkakaroon ng bawal na relasyon. Bagama’t dalaga si Tina ay may asawa si Rene.
Noong una ay hindi alam ni Margie ang nangyayaring pag-iibigan na kubli na namamagitan kina Tina at Rene. Nguni’t sabi nga, may pakpak ang balita at taenga ang lupa, at, kapag may ipinakukulo ay tiyak na may sisingaw.
Nang umabot sa kaalaman ni Margie ang ginagawang pangdaraya sa kanya ni Rene ay kinausap niya ito nang masinsinan. “Kapag hindi mo itinigil ang iyong relasyon kay Tina ay hihiwalayan kita. Paalisin mo sa ating negosyo at buhay ang walang kahihiyang babaeng iyan!” pagmamatigas ni Margie. Bagama’t alam niya na medaling sabihin ang nasabi, nguni’t mahirap gawin. Paanong gagawa siya ng hakbang na ikagagalit ni Tina at ikasisira ng kanilang ikinabubuhay?
Oo ang sagot ni Rene, ititigil ang bawal na relasyon, nguni’t hindi niya maaaring paalisin sa programa si Tina! Ang ganyang katayuan ay tinanggap ni Margie alang-alang sa ipagpapatuloy ng kanilang hanapbuhay.
Nguni’t tumigil nga ba si Rene? Ang sagot ay hindi. Naging higit na maingat lamang siya at nang wala nang naririnig at nakikita si Margie.
Tatlong taon na ang nakalilipas nang si Rene ay kumunsulta sa isang heart specialist. Nawawala sa lugar ang tibok ng kanyang puso. Kung minsan ay mabilis, kung minsan ay mabagal ang tibok. Kapag nangyayari ang ganoon ay nagugulat si Rene at natatakot. Natuklasan na ang kanyang puso ay may maliit na butas. Maaaring magkaroon ng operasyon upang matakpan ang butas, nguni’t magiging maselan ang nasabing operasyon; na maaaring ikamatay ng pasyente. At kung ang kalagayan ay hindi gagamutin, maaaring higit na tatagal ang buhay ng pasyente; nguni’t palaging may peligro na ang puso ay sasabog o siya’y malulunod sa kanyang sariling dugo at mamamatay ang tao. Samakatuwid ay, sala sa init, sala sa lamig, ang katayuan ni Rene. Nagpasiya siya na hindi paoopera at pababayaan na lamang na mangyari ang mangyayari.
Ang pangyayari tungkol sa natuklasang problema sa puso ni Rene ay hindi niya sinabi sa asawa at nang ito ay hindi mag-alaala.
Dati nang umiinom ng alak si Rene. Nguni’t ang pag-inom ay kung kinakailangan lamang; halimbawa na kung may okasyon o nakikipaghambugan sa mga kaibigan. Nang lumaon, nang napagsabihan ng doktor na ang puso niya ay may problema, naging higit na malimit ang pag-inom ng alak ni Rene. Natuklasan niya na ang alak ay puksa sa mga tibok ng puso niya na kung minsan ay mabilis at kung minsan ay mabagal. Samakatuwid, alak ang lunas!
Ang pag-iinom ni Rene ay humantong sa pagiging alcoholic niya. Nguni’t ang maganda kay Rene ay hindi siya nalalasing. Bagkus ay lalong tumatalas at humuhusay sa pagsasalita habang napaparami ang inom. Johnny Walker ang pangmumog ni Rene sa umaga. Buong maghapon ay inom nang inom. Sa gabi ay inom din ang kanyang pampatulog. Sa maghapon ay isa hanggang sa dalawang bote ng Johnny Walker ang naiinom niya.
Bilang direktor ng isang sikat na TV show, si Rene ay naging pakay ng maraming magagandang babae, na naghahangad na maging artista. Laging may pagkakataon si direk na bigyan ng audition ang mga babae. Naroong isinasama ang babae sa out-of-town trip upang mag-shooting. Naroong dinadala ang babae sa otel upang doon kunan ng retrato at nang matiyak kung ang babae ay photogenic. Walang tutol ang mga babae kahi’t na sila ay paghubarin ng damit o pagawin ng ano mang maibigan ni Rene.
Iba siguro ang sigla ng nasa influencia ng alak. Matalas, madaldal, mahilig sa sex. Naging mabilis at makulay ang buhay ni Rene gawa ng alak at ng kanyang pagiging sikat na direktor. Walang minuto man lamang upang mag-isip tungkol sa kanyang karamdaman sa puso. Walang pag-aalaala na baka mabuko sa asawa sapagka’t ang asawa ay busy sa oficina at nagtitiwala sa kanya. “Heto ang matamis na buhay,” malimit na isipin ni Rene. Tagumpay, salapi, alak, babae! “Ano pa, Rene, ang hahangarin mo sa buhay?” bulong sa sarili.
Nguni’t si Margie ay nagtitiis lamang, nagkukunwari na hindi nasasaktan, nagmamaang-mangan na siya ay walang naririnig, nakikita at nararamdaman. Batid niya na si Rene ay isang mandarambong, isang halimaw, isang mapagsamantala, asawang walang pagmamalasakit sa damdamin ng asawa. Ang mahirap ay walang magawa si Margie, alang-alang sa ipagpapatuloy ng kanilang hanapbuhay.
Sa bahay ay ulirang asawa at ama si Rene. Masaya, mapagmahal, mapag-alaala sa pangangailangan ng familia. Malimit na wala siya sa bahay dala ng trabaho, nguni’t naroon siya tuwing ang familia ay nangangailangan. Oo, may dalawang buhay si Rene. Dalawa ang kanyang mukha. Mabait siya na asawa at ama. Siya rin ay isang lasenggo, babaero, at mapaghanap ng ligaya.
May farm si Rene sa labas ng siyudad. Doon ay may bahay-pahingahan siya at taniman ng kalamansi. Kapag naroroon siya ay may tagapag-luto siya ng naiibang pagkain. Kung nagsasawa na sa pagkain sa siyudad ay doon siya sa farm nagpupunta at nagpapaluto kay Christy ng pagkaing-bukid. At doon na rin siya natutulog at nagpapa-umaga.
Karaniwan ang anyo ni Christy. Hawig niya ang mga babae sa bukid; may kaitiman, mahaba ang buhok, walang make-up sa mukha, pambukid ang suot na damit. Humigit-kumulang ay dalawampu’t walo ang edad ni Christy. Maaga siyang nag-asawa nguni’t ang pagiging may-asawa ay hindi halata sa kanyang anyo. Tila pa siya dalaga. Kaakit-akit at amoy-pinipig.
Wala pang anak si Christy at ang asawa ay namamasukan sa siyudad. Tuwing Sabado’t Linggo lamang kung umuwi. Palaging may mga tao sa farm ni Rene na nag-aalaga sa mga tanim at pinanatiling malinis at maayos ang kapaligiran. Si Christy ay dumarating lamang sa farm kung may aviso na si among Rene ay padating at nagpapaluto ng pagkaing-bukid.
Nang gabing iyon ay dumating si Rene sa farm. Nagpahinga sandali, lumakad-lakad sa palibot ng farm at pagkatapos ay umupo na sa hapag-kainan upang matikman ang luto ni Christy. Habang kumakain ang amo, si Christy ay nakatayo lamang sa malapit at nang agad ay maibigay ang hihingin ng pinaglilingkuran. Habang kumakain ay nagkukuwento, nagtatanong si Rene upang mayroon silang mapag-usapan ni Christy. Sa tuwing titingin siya kay Christy ay tumatakbo sa kanyang isip: Kay ganda mo, Christy! Kanais-nais ka! Simple ka lamang, nguni’t may angkin kang bato-balani!
Kahi’t na nasa siyudad si Rene, lalo na kung siya’y matutulog na, ay sumasagi sa isipan niya si Christy. Nakakatulog siya na dala sa pagtulog ang magandang larawan ng dalagang-bukid, at malimit na sa kanyang panaginip ay nakikita niya ang babae na kanyang kayakap at kahalikan sa buong magdamag. Sa dami ng babae na kinakalantari ni Rene, bukod tangi ang pagnanasa niya, kay Christy.
Doon natulog sa farm si Rene. Nang dumating ang umaga, naghiyawan ang mga trabahador doon, nang makita si Rene sa kama, hiwa-hiwa ang mukha at katawan, duguan, at patay na! Ginamit ang machete sa pagpatay sa kanya.
Nagkaroon ng imbestigasyon. Tinanong ng mga pulis ang nalalaman ng lahat ng taong may kinalaman sa buhay ni Rene, pamula kay Margie hanggang kay Christy. Hanggang sa isinusulat ang kuwentong ito ay hindi pa nababatid ng pulisya kung sino ang pumatay kay Rene at kung ano ang motibo.
Ang katawan ni Rene ay dumaan sa autopsy. Ang doktor na gumawa ng autopsy ay nakita na ang atay ni Rene ay kasing-tigas na ng goma at maitim na; na kung hindi siya napatay ay malapit na rin siyang pag-iwanan ng kanyang atay na tiyak ay ikamamatay niya. Nang malaman ni Margie ang bagay na ito, hindi siya natuwa, nguni’t hindi rin siya nagulat. Sa nakita niyang buhay na pinili ni Rene ay alam niya na ang asawa ay may kahahantungang hindi mabuti.
“Sinabi ko na sa iyo noon, Rene; ikamamatay mo ang sobrang pag-inom ng alak,” sabi ni Margie na may magkahalong damdamin ng lungkot at sisi.
Gaya noong dati, hindi sumasagot si Rene sa tuwing uungkatin ni Margie, ang problema.
Abo na lamang si Rene sa loob ng isang ceramic vase. Paano siya makasasagot pa?