SA LINGGO ANG BOLA
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Pamula sa aking pagkabata hanggang sa ako ay magka-edad, ang larawan ng tindero o tindera ng Sweepstakes ay isang larawan na araw-araw kong nakikita at mahirap na malimutan. Hindi ba’t hanggang sa ngayon, saan man sa Filipinas, ay sasalubungin ka, susundan at di lulubayan ng tindero o tindera ng Sweepstakes hanggang sa ikaw ay bumili ng tiket o mayamot?
-- Mama, ale, sa Linggo po ang bola. Limang milyon ang first prize. – karaniwang bukang-bibig ng nagtitinda.
-- Meron na. –
-- Sige na po, mama, ale. Baka suwertihin kayo. -- Ang kulit ng nagtitinda. Kung minsan ay batang madungis. Kung minsan ay dalagita. Kung minsan ay matandang lalaki o babae.
Hahatakin pa niya ang dulo ng manggas mo. – Sige na po, kahi’t isa l’ang. Pambili l’ang po ng pagkain. --
Dahil sa iyong awa at nang ang nagtitinda ay iwanan ka na, sa huli ay nagwawagi ang nagtitinda – sa pagbebenta ng tiket sa iyo.
Ang Sweepstakes ay paraan ng pagtulong sa nagtitinda at sa gobyerno na nakaiipon ng fondo na nagagamit sa pagtulong sa mahihirap. Magkaminsan, pag sinuwerte at nanalo, ang Sweepstakes ay paraan ng pagtulong sa iyong sarili.
Bago pa nagkaroon ng Lotto sa Amerika ay matagal nang naglalaro ng Sweepstakes ang mga taga-Filipinas. Ang Lotto ay sugal na tinatangkilik ng gobyerno. Makabibili ang mga mamamayan ng tiket na nagkakahalaga ng isang dolyar. Ang namimili ng numero ay ang taong sumusugal. Kapag Mega Lotto, limang numero mula 1 hanggang 47 ang pinipili. Bago ito ay dinadagdagan ng isa pang numero na pang-dulo o buntot (Mega number ang tawag) na maaaring piliin ang numero 1 hanggang 27. Kapag nabunot ang numero (sa pamamagitan ng isang makinang naghahalo ng mga bola na tila bola ng pingpong na may numero ang forma; na pagkahalo ay hinihigop ang anim na numero; ang pagbola ay ipinapakita sa TV) ang premyo sa isang dolyar ay umaabot sa daang-milyong dolyar. May Lotto na rin sa Filipinas nguni't higit na kilala doon ang Sweepstakes.
Ang Sweepstakes sa Filipinas ay ganoon din. Sugal na tinatangkilik ng gobyerno. Tiket na may numero. Pag napili ang numero ng taong sumusugal ay mananalo siya ng milyun-milyung piso. Ang pagpili ng numero ay idinadaan sa paghahalo ng mga bola sa tambyolo. Ang pagkakaiba ng Sweepstakes sa Lotto: Pagkapili ng mga numero ay ipinapares ang bawa’t napiling numero sa kabayo. Nagkakarera ang mga kabayo at kung aling kabayo ang mangunguna ay iyong numero na dala ng kabayo na iyon ang mananalo ng first prize. Bago may second prize, third prize, at iba pa.
Bilang katunayan na matanda na ang sugal ng kapalaran na Sweepstakes sa Filipinas, si Dr. Jose Rizal ay nanalo sa nasabing loterya noong 1892. Noong panahon na iyon ay preso si Rizal sa Dapitan, na nasa Zamboanga del Norte. Ang kanyang napanalunan ay ibinigay niya sa mga namamahala sa Dapitan upang magamit sa pagpapabuti ng eskwela. Ang Empresa de Reales Loteria Espanolas de Filipinas ay namahala ng loterya mula noong 1833.
Sa pamamagitan ng Lotto at ng Sweepstakes at iba’t-iba pang uri ng sugal, ang mga gobyerno sa buong mundo, ay nagkakaroon ng paraan na kumita at maka-ipon ng salapi na pangtustos sa mga pangangailangan ng mga eskwela, ospital, at kung ano pa mang kawanggawa.
Bukod sa pagkapanalo ni Rizal na nakatala sa aklat ng kasaysayan, ang may-akda ay may ilang kuwento tungkol sa Sweepstakes na batay sa totoong pangyayari.
1.
Bumili ng Sweepstakes ticket si Miguela nang minsan na nagsimba siya sa parokya ng Nazareno sa Quiapo. Doon sa Quiapo nagdagsa ang mga taong nagsisimba at namimili. Doon din ang sentro ng mga ahente ng Sweepstakes at doon sangdagsa rin ang nagtitinda ng Sweepstakes.
Ipinagdasal niya sa Nazareno na sana ay bigyan sila ng suwerte – siya at ang kanyang kapatid na si Justina. Naaawa siya sa kalagayan ni Justina. Ang kapatid ay ipinagdaramdam ang pag-iisa. Nasa Amerika ang asawa niyang si Tom. Doon ay ipinadala ng gobyerno ang Tom bilang iskolar. Marubdob ang pagnanasa ni Justina na magkaroon siya ng pera upang makasunod sa Amerika at makapiling ang asawa. Nguni’t ang pagnanasa ay tiyak na kabiguan ang kahahantungan sapagka’t mahirap isipin kung saan maaaring manggaling ang pera.
Maniwala ka’t hindi, ang tiket na binili ni Miguela sa Quiapo ay nanalo, at ang panalo ay sapat na naibili niya ng tiket sa eroplano ang kapatid, napadala niya siya sa Amerika na may pabaon pang karagdagang halaga para sa kanyang panggastos doon.
2.
Siya ay naging mayor ng Maynila. Nagkaroon ng dayaan sa pagbobola ng winning numbers sa Philippine Charity Sweepstakes Office. Nagkaroon ng imbestigasyon at ang nasabing mayor ay napabilang sa komite na magsisiyasat sa di pangkaraniwang pangyayari. Talagang napakakomplikado ng paraan ng pagpili ng mga nananalong numero. Masasabing imposible na magkadayaan. Nguni’t sa kasong nasabi, malinaw na nagkaroon ng dayaan. May mga empleado na kabilang sa pangkat na nagpapaandar ng tambyolo ang nagsangkutan upang magawa ang pandaraya. Kung sino man ang salarin ay nag-ipit ng mga bola sa kanyang kamay at ipinalit iyon sa mga bolang inilabas ng tambyolo at dahil sa kasangkot ang ibang taong naatasan sa pagbobola ay wala ni isa man na nakakita sa pagpapalit ng mga bola.
Sa panahong isinasagawa ang pagsisiyasat, bumili ang mayor ng isang booklet ng Sweepstakes doon mismo sa oficina ng Sweepstakes. Maniwala ka’t hindi, nanalo ng first prize ang tiket ng mayor!
-- Foul! Lutong macaw! -- Sabi ng mga komentarista sa dyaryo at TV.
-- Isauli ang pera! -- Sabi nila.
Sabi ng mayor: -- E bakit ko isasauli e malinis naman ang pagkapanalo ko. E kung ako’y sinuwerte anong magagawa ko? –
3.
Si Juanito ay pinsan kong makatatlo. Kahawig niya si Charlie Chaplin. Payat, may bigote at malalaki ang sapatos. Di siya nakapag-asawa, naging matandang binata. Walang magkagusto kay Juanito dahilan sa kanyang ayos. Pagtatawanan mo si Juanito pag nakita mo.
Nguni’t malungkot ang kasaysayan ni Juanito. Malaki ang lupain nila sa Pangasinan. Nakaaangat sila sa buhay noon. Nang dumating ang digmaan at lumusob ang mga Hapon, sa Pangasinan ay napagkamalang guerilla ang kanyang mga magulang, at kaisa-isang kapatid; ang buong pamilya niya ay pinatay ng mga sundalong-Hapon.
Matagal na naging tulala si Juanito. Inampon siya ng magulang ko at nang magka-edad at magkahanapbuhay ay nagpasiyang mamuhay na sa kanyang sarili. Bagama’t malimit pa rin siyang pumapasyal sa aming bahay.
Nagkaroon ng tama ang utak ni Juanito dahilan sa kanyang malungkot na karanasan. Nagtatawa siya at nagsasalita kahi’t na nag-iisa. Naging mahilig siya sa pagbabasa, lalo na ng dyaryo. Ang isang dyaryo ay maghapon niyang binabasa at pagkatapos ay itinatago upang basahin muli sa ibang araw. Siya ay di mahilig kumain. Kape at sigarilyo at dyaryo sa maghapon ay ayos na sa kanya.
-- Juanito, kinakabisa mo ba ang dyaryo? -- Malimit na tanong sa kanya ng tatay ko.
Nakitira siya sa isa pang tiyo. Minsan nang bisitahin ko siya ay nakita ko ang kanyang kuwarto na punung-puno ng mga dyaryo na ang karamihan ay naninilaw na. Sa totoo ay napakarami ng dyaryo doon sa bahay ng tiyo niya. Iyon pala ay namumulot at namimili ng lumang dyaryo ang tiyo ni Juanito at iyon ay ginagawang supot o pambalot ng paninda sa mga tindahan. Ipinagbibili ang supot o pambalot sa mga negosyante sa palengke at iyon ang kanyang ikinabubuhay. Ang dyaryo ay materyales sa paggawa ng supot, maliban lamang sa mga dyaryo na nakabukod at nakatago sa kuwarto ni Juanito. Off limits ang mga iyon.
Addict din sa Sweepstakes si Juanito. Tuwing Linggo ay may tiket na panglaban siya.
-- Aanhin mo ang maraming pera? – Pabiro kong tanong kay Juanito.
-- Kung marami akong pera ay iibigin ako ni Gina Lollobrigida. – Si Gina Lollobrigida ang crush niya.
Minsang naroon ako sa bahay ni Juanito ay may hawak siyang dyaryo sa isang kamay at isang tiket ng Sweepstakes sa kabila. Tinitingnan niya kung nanalo ang tiket niya. Maya-maya ay naglulundag siya at nagsisigaw.
“Nanalo ako! Nanalo ako!” Tuwang-tuwa si Juanito sa nakita.
Lumapit ako at sinilip ang tiket, bago napangiti ako. Sabi ko sa sarili ko, -- talagang hibang itong si Juanito! –
-- Juanito, luma ang tinitingnan mong tiket. Petsa Abril 17, 1960. Hunyo 19 na ngayon! – sabi ko sa kanya.
-- Nanalo ako! Nanalo ako! – pinagpilitan niya na parang di narinig ang sinabi ko.
-- ‘Insan, nahihibang ka ba? Petsa Abril 17, 1960 ang tiket mo. Hunyo 19 na ngayon! – ulit ko pa.
Sabi ni Juanito, -- Ikaw ang hibang, ‘insan. Itong dyaryong binabasa ko, petsa Abril 17 din! –