
Thanks to www.quora.com for the photo)
SI KUMARENG COUGAR
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
“‘Cougar’ is a slang term referring to a woman who seeks sexual relations with considerably younger men. Typically, the term refers to women over 40 years old ...”
“Cougar” ay salitang slang na pantukoy sa babae na naghahanap na maka-relasyon ang mga lalaking malaki ang kabataan sa kanya. Karaniwang ang salitang ito ay paglalarawan sa mga babae na 40 o higit pa ang edad…
- Wikipedia
“Naku, mare, walang katumbas na kaligayahan. Ngayon ko l’ang natitikman ang sarap ng may nagmamahal at may minamahal.”
Nasa telefono si Gwendolyn at kausap ang matalik na kaibigang si Yolanda.
“Mabuti na lamang at nagdiborsyo kami n’ung si pareng Domingo mo. Walang silbi ang matandang ‘yun. Nagkamali ako sa pagpayag sa kanyang pangliligaw. Ang pag-aasawa namin ay hindi dapat nangyari. Sinamantala lamang niya ako.”
Singkuwenta anyos na ang edad ni Gwendolyn. Ang dati niyang asawa na si Domingo ay seseinta’y singko anyos naman. Nagsama sila bilang mag-asawa nang mga limang taon. Hindi sila nagkaanak. May edad na sila kapuwa nang magpakasal.
Para kay Gwendolyn, iyon ang unang pag-aasawa niya. Lubha siyang nagumon sa paghahanap-buhay, bilang real estate broker, at sa pagkita ng maraming pera. Hindi niya namalayan na nagiging matandang dalaga na siya.
Isang araw na nakilala niya si Domingo ay nagbago ang takbo ng kanyang buhay. Ang pagdating ni Domingo ay itinuring niyang pagdating ng magandang kapalaran, ng daan upang siya ay hindi maging nag-iisa sa mundo.
Sumakay siya sa tsubibo ni Domingo, palibhasa ay may ginintuang dila ang may edad nang lalaki. Hindi siya guwapo; pandak pa nga at maitim. Nguni’t iyon nga, may ginintuan siyang dila kung kaya’t bumagsak sa kanyang pambobola at kandungan si Gwendolyn.
Si Domingo ay may asawa at familia sa Filipinas; nguni’t itinuring na siyang patay ng asawa dahil sa siya ay tumigil na sa pagsulat, pagtawag sa telefono, at sa pagpapadala ng pera. Napakasal siya kay Gwendolyn samantalang kasal pa siya sa babae na nasa Filipinas. Masasabing nagkasala siya ng bigamy.
Ang tungkol sa pagkakaroon ng asawa ni Domingo sa Filipinas ay hindi alam ni Gwendolyn. Magaling ang pagkakatago ni Domingo sa kanyang maitim na lihim. Tiyak na hindi papayag si Gwendolyn na mapakasal kay Domingo kung batid niya ang katotohanan.
Sabi nga, nasa huli ang pagsisisi. Nang makalipas ang limang taon ay natiyak ni Gwendolyn na si Domingo ay hindi karapat-dapat na mahalin at pagkatiwalaan. Nang makahanap siya ng tamang panahon at dahilan ay sinabi niya kay Domingo na ibig niya ng divorce. Walang nagawa si Domingo kundi sumang-ayon,
“Aba, e, hindi naghahanap-buhay. Ako ang kayod nang kayod. Ako ang nagbabayad sa bahay, sa kotse. Ako pa ang nagbibigay ng pera at nang siya ay makapagsugal sa casino.”
Maganda si Gwendolyn. May katabaan nga lamang at, dahil sa edad, ay mapupuna na ang mga peleges sa kanyang noo at ilalim ng mga mata. Umibig siya noong araw sa isang dating kaeskwela sa college, nguni’t hindi nagkatuluyan ang college sweethearts. Dahil sa kabiguan siguro kung kaya’t di na muling umibig si Gwendolyn at ibinuhos na lamang ang pag-ibig at panahon sa trabaho at nang malimutan ang sama ng loob.
“Batugan pa. Hindi tumutulong sa trabaho. Ipinagluluto ko. Ipinaglalaba ko. Oo nga’t may washing machine, trabaho pa rin ang paglalaba at pagpapatuyo ng damit, di ba? At sa atin na lamang ito, mare, walang kabuhay-buhay sa kama. Malimit na ako’y naghihintay na mayakap o mahalikan sa gabi. Syiempre, tayong mga babae ay dinadalaw ng pagnanais at naghahanap ng romansa, paminsan-minsan. Siguro minsan sa dalawang buwan kung kami’y mag-romansa. Palibhasa’y lasenggo at matanda na, tila siya tuod. Wala siyang sinabi, mare. Ayaw namang uminom ng Viagra.”
Bagong empleyado sa kompanya ni Gwendolyn si Carlo. Dalawampu’t- limang-taong gulang siya, mataas, maskulado ang katawan, at guwapo. Dalawang taon siyang nag-aral sa kolehiyo at di na naipagpatuloy ang pag-aaral dahilan sa pagkamatay ng nagpapa-aral na ama.
Si Gwendolyn ang naatasang magsanay kay Carlo. Ilang linggong sunud-sunod na sila ay magkasama araw-araw sa trabaho at pati na sa lunch at dinner.
Noong una ay walang malisya si Gwendolyn. Nang maglaon ay tila siya nahuhumaling sa tikas at bango ni Carlo. Amoy siya Blue Water, pabangong pang-lalaki na napaka-kaaya-aya ang samyo.
Bukod sa siya ay mabango, naging napaka-galang at maalalahanin ni Carlo. Bagama’t si Gwendolyn ang nagmamaneho ng kotse, si Carlo ang nagbubukas ng pinto para sa kanya. Lagi rin siyang nag-aalok na siya ang magdadala ng mga mabibigat na dala-dalahin ni Gwendolyn.
Kapag may ipinakikitang papeles si Gwendolyn kay Carlo ay lubha siyang napapalapit sa tinuturuan at nagkakadikit pa ang kanilang mga braso na di sinasadya. Kay Gwendolyn ay malaking ligaya ang makiskis man lamang ang kanyang balat sa balat ni Carlo, kahi’t na sandali lamang, sa balat ng makisig na batang-batang lalaki.
Walang girlfriend si Carlo. Sa katunayan ay wala pa siyang karanasan sa babae. Alam niya na may interes sa kanya si Gwendolyn. Nguni’t hindi siya nagsasamantala.
Hindi nga maitago ang nasabing interes ni Gwendolyn. Nguni’t dahan-dahan pa rin ang babae sa pagpapatupad ng kanyang nasasa-isip. Pasubali niya, “Magugustuhan kaya ako ni Carlo? Baka maging mailap siya pag naging aggressive ako? Ano kaya ang magandang approach? Kung sakaling magkaroon kami ng relasyon, pangit ba, masama ba, na maging magkasintahan ang isang may edad na na babae at ng isang batang-bata pang lalaki?”
“Mare, para akong nasa langit pag katabi si Carlo. Bago siya sa larangan ng pag-ibig nguni’t may natural siyang galing sa paghanga at pagtrato sa katawan ng babae. Napaka-gentle niya at mapagbigay.”
Nang nagkakaigi na ang samahan nina Gwendolyn at Carlo at palagay na ang kanilang loob sa isa’t isa, pakiusap ni Gwendolyn, “H’wag mo na akong tawaging, m’am. Gwen na l’ang,” sabi ni Gwendolyn sa kanya.
Gumawa rin ng mga hakbangin si Gwendolyn at nang siya ay lalong maging kapansin-pansin kay Carlo. Nagsuot siya ng mga damit na mabababa ang neckline. Palibhasa ay busog naman ang dibdib ni Gwendolyn at may kaputian siya at kinis, kung kaya’t talaga namang very attractive ang dating niya. Kung nagkakaharap sila ni Carlo ay napapansin niya na ang mga mata ni Carlo ay napapatingin sa kanyang dibdib. At iyon ay magandang senyales.
Nag-reduce siya at nang mabawasan ang pagiging mataba. Nagpaputol siya ng buhok. Pinatina niya ito na kakulay ng buhok ng mais. May klinika ang isang bantog na doktor sa balat sa malapit sa bahay ni Gwendolyn. Nagpaayos siya doon ng mukha at balat at nang mawala ang mga palatandaan ng pagiging matanda. Nang matapos ang treatment sa klinikang nasabi ay bumata si Gwendolyn nang mga dalawampung taon.
Sa dako ni Carlo ay isang adventure ang pagkakakilala niya kay Gwendolyn. Tila siya mountain climber na ibig maakyat ang Mt. Everest o isang skydiver kaya na ibig maranasan na lumutang sa himpapawid. Isang bagong kapanapanabik na panunuklas si Gwendolyn.
Mabait na bata si Carlo at walang karanasan. Nguni’t siya ay lalaki. May mata siya, may pakiramdam, at may pagnanais na makatikim ng bago at pambihirang karanasan. Alam niya na may motibo sa kanya si Gwendolyn. Alam niya na ang babae ay may hinahanap na siya ang makapagbibigay. “Bakit hindi,” bulong niya sa sarili. “Maganda siya, mabait, at may kaya sa buhay. Wala naman akong girlfriend. Gusto niya ng relasyon, okay ako.”
May mga gabi na nag-iisa sa kanyang silid si Carlo. Bilang pag-aaliw sa sarili ay nanonood siya ng mga movies. Walang karanasan si Carlo nguni’t sa panonood niya ng mga pelikulang may adult content ay nakapupulot siya ng mga aral kung papaano mapaliligaya ang isang babae.
Sa dako ni Gwendolyn, gabi-gabi ay gabi ng pag-iisa. Ng pagnanasa. Ng pagkauhaw sa init ng haplos at halik ng isang lalaki. Nanonood din siya ng mga adult movies at pinapangarap niya na siya sana ang babae sa palabas. Matagal na siyang di nakatitikim ng yakap, ng hipo, ng pagmamahal ng isang lalaki. Sabik na sabik na siya na magkaroon ng katabi sa gabi na makapagdadala sa kanya sa ulap, sa langit, doon sa pook na naabot ang rurok ng kaligayahan. Doon sa nag-uumapaw ang kasiyahan at nanginginig ang buong katauhan sa tinatamasang sarap.
Humarap sa kanyang malaking salamin sa silid si Gwendolyn at dahan-dahang hinubad ang suot na negligee. Sinipat ang sarili sa salamin at hinaplos-haplos ang kanyang balikat hanggang sa ang mga kamay ay nakaabot sa kanyang dibdib. Sa isip niya, “Maganda ka naman, Gwendolyn. Karapat-dapat na ikaw ay mahalin. Bakit ka nagdudusa sa pangungulila?”
Noong gabing iyon ay di na niya mapigilan na hindi maka-ugnay si Carlo. Tinawagan niya sa telefono ang dati’y trainee na ngayon ay kaibigan na.
“Carlo, makikiusap ako sa iyo. Maaari ka bang pumunta sa bahay ko ngayon din?”
Nagdahilan siya, “Napakasakit ng ulo ko. Naubusan ako ng Tylenol. Maari mo ba akong ibili sa pharmacy at dalhin mo dito sa bahay ko?”
Walang pag-aatubili na sumagot ng “Oo” si Carlo.
Mabilis siyang nagbihis at paglabas sa kalye ay kumuha kaagad ng taxi. Pinagmadali ang tsuper papunta sa isang pharmacy. Mabilis niyang nabili ang gamot at kara-karakang nakarating siya sa bahay ni Gwendolyn.
Tumimbre siya sa door bell bago napansin na hindi naman pala nakakandado ang pinto kung kaya’t tuloy-tuloy siyang pumasok sa bahay ni Gwendolyn. Malaki ang bahay. Masasabing mariwasa ang nakatira doon sapagka’t malawak ang espasyo, mataas ang kisame, at mamahalin ang nakita niyang mga muebles. Sa driveway bago pumasok ng bahay ay napansin ni Carlo ang nakaparadang itim na Mercedes-Benz ni Gwendolyn.
May hagdan paakyat sa second floor. Dahan-dahang lumakad si Carlo sa loob ng bahay, sabay tawag, “Gwen! Gwen. Saan ka?”
Wala siya sa living room. Wala rin siya sa kitchen. Ang ginawa ni Carlo ay nagsimulang akyatin ang hagdan.
Sa itaas ng hagdan ay may pinto na hindi lubusang nakasara. Pinasok niya ang kuarto. May kadiliman ito. Nasipat niya sa kama ang hugis ng katawan ni Gwendolyn. Natutulog ang babae.
Pinagmasdan niya ang natutulog na babae. Gumala ang kanyang mga mata – mula sa kaaya-ayang mukha ni Gwendolyn na tila nakangiti, patungo sa dibdib nito na walang takip at nakikita na nakatirik ang kawangis ay dalawang bundok sa nayon ng Tra-la-la; hanggang sa bandang ibaba ng katawan niya na bagama’t nakatakip ng kumot ay mababakas pa man din ang nakapanggigigil na pangako.
Walang nagawa ang lalaki kundi hubarin ang kanyang sapatos at damit at lapitan ang babae at gisingin ito sa pagkakatulog sa pamamagitan muna ng halik at pagkakatapos ay haplos sa pisngi.
Naalimpungatan ang babae at naamoy ang kilalang bango, naaninag sa dilim ang mukha ni Carlo na noon ay nakadagan na ang katawan sa kanya. Niyakap sa leeg ang lalaki at hinatak ang kayang mukha papunta sa kanyang mukha upang siya ay mahalikan sa labi. Bumilis ang kabog ng kanyang puso at ang kanyang buong katauhan ay nabalot ng pambihirang pagkagayuma, panginginig, pagbibigay sa bawa’t dampi ng labi at daliri ni Carlo sa kanyang labi at katawan.
“Hay naku, mare. Mamamatay ako sa kilig. Iba ang bata. Napaka-init. Napaka-lakas. Napaka-mapagmahal. Napaka-tibay. Walang sawa.”
Matandang hamak si Gwendolyn kung ikukumpara kay Carlo. Hamak na may karanasan siya kaysa kay Carlo pagdating sa pag-ibig at sex. Matuturuan niya si Carlo upang lalong tumindi ang kanilang pagtatalik. Nguni’t sa oras na ito ay sinadya niyang maging musmos, kaedad ni Carlo, at bago pa lamang tumutuklas sa mga lihim ng universo.
Pumailanglang ang dalawa sa pusod ng kalawakan at habang sila ay magkahawak, magkayakap, ay mabilis silang sumisibat sa katahimikan ng himpapawid habang ang mga tala ay kukurap-kurap sa kanilang paligid; tila sila hinihigop ng makapangyarihang black hole at bago sila lamunin nito ay nagputukan, nagsabugan, ang maraming malalaking bituin na ang palabas ay pangwakas na pahimakas bago sila magkabuhay muli sa ibang mundo at panahon.
“Mare, maligayang-maligaya ako sa piling ni Carlo. Hello, mare, mare. Nariyan ka pa ba? (Kanina pa ay nag-hang up na ang kausap).
Naginhawahan ang pakiramdam ng dalawa. Kanina ay mabilis pati ang kanilang paghinga. Ngayon ay mahinahon na sila kapuwa. Magkatabi pa rin. Magkahawak ang kamay. At nakatingala sa kawalan.
“Siya nga pala, Gwen. Ang Tylenol . . .”
“Carlo, nawala na ang sakit ng ulo ko.”