Help send Filipino kids to college.
Ang Huling Pasko Ni Jose Rizal
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Itinatag ni Jose Rizal ang isang samahan na binubuo ng mga kaibigan niyang mapagmahal sa bayan at may kaya sa buhay, ang “La Liga Filipina”, noong 1892. Kadarating pa lamang niya sa Maynila galing sa Espanya noon. Ang “Liga” ay may layunin na isulong ang paghingi ng pagbabago sa lipunan sa pamamaraang naaayon sa batas at mapayapa.
Nang nasa Espanya si Jose Rizal ay siya rin ang nagpasimuno sa pagtatayo ng isang samahan na ang pangalan ay “La Solidaridad”. Pakay ng samahang iyon na ihayag ang mga pang-aabuso at pang-aapi na ginagawa ng mga Kastila sa Filipinas; na magkaroon ng kinatawan ang Filipinas sa Kortes, na bigyan ang mga Filipino ng laya sa pagpapahayag, mga karapatan na kapantay ng karapatan ng mga Kastilang naninirahan sa Filipinas.
Noong 1892 ay lumabas na sa Europa ang isinulat na nobela ni Jose Rizal, ang “Noli Me Tangere”. Ipinagbawal ito sa Filipinas nguni’t may mga sipi na nakalusot.
Mapapatunayan sa pamamagitan ng mga kilusin ni Jose Rizal, ang pagtatayo ng “La Solidaridad” at “La Liga Filipina”, na siya ay sang-ayon sa mapayapang pagbabago, ang pagpapatuloy ng pagiging parte ng Espanya ang Filipinas. Hindi siya mapanghimagsik, hindi siya nagsalita na sang-ayon siya sa pagtitiwalag ng Filipinas sa Espanya sa pamamaraang madugo, hindi siya ang nagtayo at namuno o naging kasapi man lamang ng “Katipunan”. Noon ay nagsisimula nang kumalat ang himagsikan sa pamumuno ni Andres Bonifacio.
Noon pa mang 1892 ay idinadawit na ng mga Kastila si Jose Rizal sa himagsikan, na siya ang utak nito.
Mabait at may paggalang kay Jose Rizal ang Gobernado-Heneral na si Ramon Blanco nguni’t kinailangang siya ay gumawa ng hakbang upang si Jose Rizal ay mabantayan na naaayon sa kuru-kuro ng mga kritiko na ang karamihan ay ang mga fraile na tinuligsa niya sa kanyang nobela. Sa halip na gumawa ng kaso at siya ay ikulong sa bilangguan iniutos ni Blanco na si Jose Rizal ay maging isang exile sa malayo at liblib na pook na Dapitan. Doon ay malayo siya sa nangyayaring pagkalat ng himagsikan sa Luzon.
Ginugol ni Jose Rizal ang kung ilang taong pagtigil sa Dapitan sa panggagamot at pagtulong sa pagpapabuti ng eskwela at ng pinanggagalingan ng tubig na pang-inom ng mga naninirahan doon. Tila siya manghuhula na ipinayo sa mga nangangasiwa sa eskwela na simulang ituro ang Ingles sa mga bata sapagka't Ingles ang lenguaje ng hinaharap.
Sa Dapitan nanalo sa loterya si Jose Rizal. Ang natamong premyo ay ginamit niya sa pagpapabuti ng eskswela.
Doon din niya nakilala at naging kasintahan ang estrangherang si Josephine Bracken.
Makalipas ang apat na taon ay pinagbigyan ni Blanco si Jose Rizal na matupad ang kanyang kahilingan na siya ay ipadala sa Cuba upang doon ay maglingkod bilang isang doktor. Agosto 1, 1896 ay tumulak ang bapor sakay si Jose Rizal papuntang Cuba. Tumigil ang bapor sa Espanya, bago tumungo sa Cuba, at sa Barcelona, noong Oktubre 6, 1896, ay inaresto si Jose Rizal at ibinalik sa Filipinas.
Ang Cuba noon ay nasa ilalim din ng Espanya at nag-alsa na ang mga tao doon laban sa pamahalaang-Kastila. Naging Gobernador-Heneral doon si Camilo Polavieja at dahil sa kanyang kalupitan ay nabansagan siyang ang “Manlalapa ng Cuba” (“Butcher of Cuba”). Maraming revolucionario sa Cuba ang kanyang ipinapatay. Inilipat sa Filipinas si Polavieja, kapalit ni Blanco bilang Gobernador-Heneral, at ang pangyayaring ito ang hudyat na bilang na ang mga araw ni Jose Rizal sa ibabaw ng lupa.
Noong Nobyembre 3,1896, dumaong ang bapor na “Colon” sa Maynila, sakay ang bilanggong Jose Rizal. Agad-agad ay ikinulong siya sa Fort Santiago. May mga nagsabing hindi naman itinali ang mga kamay ni Jose Rizal habang siya ay naglalayag sa “Colon”, pabalik sa Maynila; na siya ay nagkaroon ng pagkakataong makatakas o maitakas, nguni’t hindi niya naging balak ang ganoon. Habang siya ay naglalayag, ang mga kaibigan ay dumulog sa korte, upang si Jose Rizal ay palayain, nguni’t hindi sila nagtagumpay.
Napakabilis ng mga pangyayari. Tila baga nagmamadali ang mga may- kapangyarihan na iligpit kaagad ang itinuring nilang utak at tinig ng himagsikan, na noon ay malaking apoy nang kumakalat sa buong kapuluan. Ibig ng mga Kastila na ang mga Filipino ay takutin, gawing halimbawa ang kahahantungang kamatayan ni Jose Rizal, at nang ang kanyang pagiging rebelde ay hindi tularan.
Nagsimula ang paglilitis noong Disyembre 26, 1896. Sa ilang araw lamang ay nagpasiya ang korte na si Jose Rizal ay may sala sa paratang na rebellion, sedition, at conspiracy, paratang na may kaparusahang kamatayan. Sumang-ayon si Polavieja sa pasiya ng court-martial at nilagdaan ang utos na si Jose Rizal ay iharap sa firing squad alas siete ng umaga, Disyember 30, 1896.
Si Jose Rizal ang pinakakilala at pangunang “manghihimagsik” na hinatulang mamatay noong Disyembre 30. May dalawampung-apat pang ibang Filipino na iniharap sa firing squad noong araw na iyon at noong sumunod pang mga araw.
Bisperas ng Pasko ay dumating sa kulungan ang ina at mga kapatid ni Jose Rizal, kasama ang kasintahang Josephine Bracken. May dalang pagkain ang mga kamag-anak at sila ay nagkaroon ng tahimik at maikling pagdiriwang.
Ang Pasko ay pagdiriwang ng buong mundo sa kapanganakan ni Hesu Kristo. Sa isang sulok ng daigdig, sa isang malamig na piitan, ay nagkita-kita ang isang mag-anak hindi upang magsaya sapagka't walang dapat ipagsaya, kundi upang alalahanin at igalang ang pinaka-banal na araw sa buhay ng mga Kristiyano. Ang mag-anak na ito, may kaya man sa buhay at may pinag-aralan at malalawak na kaisipan ang mga nabibilang dito, ay matagal nang nasasadlak sa pagtitiis at pangangamba. Ito ang kapalit ng pagiging maka-bayan. Sa halip na sila ay mabuhay na marangya at maligaya at nasa itaas ng lipunan, pinili nila ang buhay ng bayani - ang bayani ay iniaalay pati ang buhay alang-alang sa paniniwala at prinsipyo.
Noong Paskong iyon ay hindi pa nila tiyak kung ano ang magiging pasiya ng hukuman. Sila'y nagdiwang ng Pasko na may agam-agam na baka iyon na ang huling Pasko sa piling ng kanilang magiting at pinakamamahal na anak at kapatid.
Kung ang Pasko ay kapanganakan ni Hesu Krtisto, ang Pasko ng 1896 ay simula ng Kalbaryo ni Jose Rizal. Sa mga darating na ilang araw ay tatanghalin siyang martir sa mata ng kanyang mga kababayan at traydor sa paningin ng mga pari at Kastila. May Ponsyo Pilato, si Camilo Polavieja, ang "Manlalapa ng Cuba", na pipirma sa kanyang kamatayan.
Naging panauhin ni Jose Rizal ang isang walong taong batang lalaki. Akay-akay ni Narcisa, kapatid ni Rizal, ang bata. Ipinakilala ni Jose Rizal sa ina, kay Josephine Bracken, at ibang kapatid na babae ang bata.
Ang Pasko, wika ni Rizal, ay araw ng mga bata. Nang si Hesu Kristo ay isinilang sa sabsaban ay ipinagdiwang ng buong universo ang pagdating ng Bata, pati mga bituin sa kalangitan ay nagliyaban sa pagsalubong; hinanap at lumuhod sa Kanyang harapan na may dalang pasalubong ang mga hari.
Anak ng isa sa mga bibitayin ang bata. Isang araw na ang bata ay nasa Fort Santiago upang dalawin ang ama, nagkaroon ng pagkakataon si Jose Rizal na makausap ang bata.
Hindi niya nauunawaan ang nangyayari, sabi ng bata. Walang kasalanan ang tatay ko, sabi ng bata, kay Jose Rizal.
Ang payo sa kanya ni Jose Rizal ay magtiwala siya na ang mangyayari sa kanyang ama ay magdadala ng kabutihan at ang kanyang ama ay mamahalin at aalalahanin ng mga tao sa habang panahon. Mag-aral siya, maging isang propesyonal, mahalin ang kanyang ina, at tumulong sa kapuwa-Filipino, idinagdag pa ni Jose Rizal.
Sabi ni Jose Rizal sa bata, sabihin mo sa tatay mo na si Jose Rizal ay makakasama niya kung saan man sila kapuwa tangayin ng kapalaran. Kung kami’y kapuwa mag-aalay ng buhay ay kapuwa kami magkakasama sa buhay na walang hanggan.
Bumalik ka sa Pasko, may regalo ako para sa iyo, dagdag pa ni Jose Rizal.
At noon ngang bisperas ng Pasko, napaliligiran ng mga kamag-anak si Jose Rizal at ng batang kaibigan, sinabi niya na ang kanyang alagang aso - ang masunurin at matapat niyang kaibigan doon pa man sa Dapitan - ay ibinibigay niya sa bata upang siya na ang mag-alaga dito; ang kanyang regalo sa bata sa pagdiriwang ng Pasko. Makikita sa mukha ng bata ang nag-uumapaw na kagalakan at pasasalamat. Iniabot ni Josephine ang dulo ng tali na gumagabay sa aso at ang bata ay nagpaalam na hatak-hatak ang bagong kaibigan.
Ang bata at ang aso ay nasa Bagumbayan noong umaga ng Disyembre 30, una, upang makita ang pagbaril kay Jose Rizal; pangalawa, pagkalipas ng isang oras, ay ang pagbaril naman sa ama ng bata, na napaghinalaan din na kasapi ng “Katipunan” at isang traydor laban sa Espanya.
Ang pagbaril kay Jose Rizal ay ginawa ng mga Kastila na malaking pagdiriwang at tagumpay. Dumating doon sa Bagumbayan ang mga matataas na opisyal ng gobyerno at ng kanilang mga asawa’t kaanak na bihis na bihis na tila dadalo sa isang malaking palabas. Naroon din ang mga paring-Kastila na pangunang nagsulong sa pag-aaresto, paglilitis, at pagbibitay kay Jose Rizal sa paniniwalang siya ay naging isang kalaban ng simbahan, isang hereje.
Panatag ang kalooban ni Jose Rizal, bagama’t maputla ang kanyang kulay, sanhi ng mahabang panahong pagkakakulong sa lilim ng araw. Bago simulan ang martsa pamula sa Fort Santiago patungo sa Bagumbayan ay kinuha ng isang doktor ang pulso ni Jose Rizal. Para sa isang bibitayin, napaka-normal ng kanyang pulso, napag-alaman ng doktor.
Ipinakiusap ni Jose Rizal na siya ay patamaan ng bala sa puso at huwag sa ulo. Isang kawan ng mga sundalo ang ipinadala sa Bagumbayan. Nagkaroon ng tsismis na ang mga “Katipunero” ay lulusob sa Bagumbayan at ililigtas si Jose Rizal. Sa katunayan ay alas-seis pa lamang, isang oras bago dumating ang takdang pagbaril, ay sinimulan na ang seremonya at nang mailigpit na kaagad ang nagkasala bago pa siya mailigtas ng mga kakampi.
Isang hanay ng mga sundalo na lahat ay Filipino ang babaril kay Jose Rizal. Sa likod ng mga sundalong-Filipino ay naroon naman ang isang hanay ng mga sundalong-Kastila. Kung sakaling hindi tutupad sa utos ang mga sundalong-Filipino, sila ay babarilin ng mga sundalong-Kastila na nasa kanilang likuran.
Nang si Jose Rizal ay nabuwal ay nagsigawan ang mga Kastila ng “Viva Espanya!” Habang ang mga Filipino naman na naroroon din upang manood ay tahimik at natigilan na tila sila naging bato.
Ang aso ay lumapit sa nabuwal na katawan ni Jose Rizal, umikot-ikot sumandali, at pagkatapos ay umupo sa tabihan ng kanyang nakahigang amo. Kung hindi pa hinimok ng bata na sila ay lumakad na ay di pa gagalaw ang aso. Kinailangang lumakad na sila upang maging saksi sa isa pang kabayanihan - ang kabayanihan ng tatay ng bata - ang tatay na di kilala at di pinarangalang bayani.