Gusto Kong Maging Anawnser!!!
Maikling Kwento ni Augusto de Leon
Nakatayo si Daniel sa mesa, tuwid na tuwid at walang kagatul-gatol na sumigaw. “Isang bagyo ang natanawang palapit nang palapit at ang nakatanaw ay palayo nang palayo!”
“Hoy, bata ka!” ang sigaw ng inang si Charing na nagkukumahog na hinigpitan ang pagkakabigkis sa tapis na nakalaylay na. Ilang hakbang lang at narating ang mesang kinatatayuan ng anak na anim na taong gulang. Nag-aalala na baka mauyot at mahulog mula sa kinatatayuan. May kataasan din ang mesang mabuway na at pagewang-gewang dahil hindi man lamang kasi kumpunihin ng asawang si Dencio na walang ginawa kundi ang bumarkada gayong may pamilya na.
“Naku! Yang ama mo, agang-aga ay wala na naman. Delfin, anak, sunduin mo nga sa kanto ang ama mong batugan.” Utos sa anak na pitong taong gulang na nasusugo na kahit sa tindahan para bumili ng suka o mantika.
“Opo,” sagot ni Delfin at patalilis na sumunod para sunduin ang ama.
Hinarap ni Charing ang anak na bunso at ibinaba. “Huwag ka nga anak tumutuntong sa mesa baka ka mahulog. Ano’t sigaw ka nang sigaw diyan na parang mamamahayag sa radyo at telebisyon?”
“Kasi po, gusto kong maging anawnser eh. Tulad po ng napapanood ko telebisyon at iyon ang sinasabi kapag may balita.” Ang sagot ni Daniel.
“Teka anak, ulitin mo nga ang sinabi mo.”
“Heto po,” muling tumindig, tuwid na tuwid at malakas na binigkas. Isang bagyo ang natanawang palapit nang palapit at ang nakatanaw ay palayo nang palayo.”
Umumis lamang ang ina at nagtanong. “Saan mo naman natutuhan ang sinabi mong iyan?”
“Wala po,” sagot ng anak. “Naimbento ko lang po.” Dugtong nito.
Muling napangiti si Charing sa sagot ng anak. Naisaloob na parang may kinabukasan ang anak niyang ito. Marunong. Naisip na kung ganito sana si Delfin na listo ay hindi na kailangang ulitin ang Grade I. Nagtataka naman siya kung kanino nagmana itong si Delfin gayong siya naman ay nabibilang sa sampung marurunong sa kanilang klase noong nag-aaral pa siya at si Dencio naman ay hindi naman bobo, batugan nga lamang pero maabilidad pagdating sa pagkakakwartahan kaya kahit paano ay nakararaos sila sa araw-araw. Minsan man ay hindi sila sumala sa oras magmula nang magsama sila.
Muling tinanong ang anak. “Daniel, ano ang gusto mong maging pag laki mo?”
Di ba sabi ko po sa inyo, anawnser!” May pagmamalaking sagot sa ina.
“Ah oo nga pala. Gusto mo ring maging katulad ko ha! Laging nakasigaw sa ama mong batugan. O sige maglaro ka na lang at tuturuan kitang magtatalak mamaya,” pagbibiro ni Charing kay Daniel. “Huwag ka na lang uling sasalta diyan sa mesa.”
Muling bumalik si Charing sa kanyang paglalaba. Habang kinukusot na maigi ang mga nilalabhan ay naalala niya ang paninisi ng kanyang ama kung bakit si Dencio pa ang napili niyang samahan gayong marami namang namintuho sa kanya na mas mabuti ang estado sa buhay kaysa kay Dencio. Sapul sa mula kasi ay antipatiko na ang kanyang Papa dito. Napabuntong-hininga at parang nagkamali nga yata siya kay Dencio. Sa kabila ng lahat ng pagtitiis niya ay tila nawawalan na ng saysay ang pagsuway niya sa kanyang mga magulang. Hindi man lamang kasi niya kinakikitaan si Dencio ng pagsisikap para mabura ang maling akala ng kanyang Papa. Parang sinasadya na nito na kalabanin ang kanyang Papa.
Kilala ang ama niyang si Meyor Valentin Lusong-ajon ng Bayan ng Sto. Cristo. Ang kanyang Mama naman ay Prinsipal sa elementarya bago pa siya sumamang magtanan kay Dencio. Simula noong maging Meyor ang kanyang Papa ay pinapagbitiw na ang kanyang Mama bilang Punong Guro. Wala raw kasing haharap sa mga bisita at gusto ng kanyang Papa na ang kanyang Mama ang umasiste dito. Ayaw niya ng sekretaryang babae kaya ang kanyang Mama ang tumayong private secretary.
Naputol ang kanyang pagmumuni-muni nang dumating ang inutusang si Delfin na nagkakamot ng ulo at hindi kasama ang pinakakaon.
“Nasaan ang ama mo?” may pagkainis na usisa ni Charing sa anak.
“Ayaw pong sumama, sabi sandali lang at susunod na,” ang sagot ni Delfin.
Lumipas ang isa, dalawa, tatlong oras, nakapagtanghalian na at noong oras na iyon ay mag-oorasyon na ay walang Denciong dumating.
“Ay naku!” Talagang ang amo mong iyan ay mabubungangaan ko na naman mamaya. Pihong lasing na naman iyan!”
Binalingan ang dalawang anak at, “kayong dalawa ay magsipaglinis ng katawan at mabuti pang tayo ay maghapunan na,” naghain si Charing at silang tatlo ay kumain na, hindi na hinintay si Dencio at matapos magligpit ng kinanan ay nagtungo sa salas at nagbukas ng TV para manood ng balita. Ang dalawang bata naman ay dumeretso sa kanilang kwarto at naghaharutan.
Maya-maya ay sumigaw na naman itong si Daniel at narinig ni Charing ay, “Isang drayber ng jeep ang matuling tumakas matapos makasagasa. “Hit and Run” at ang nasagasaan ay lasug-lasog ang laman at durug-durog ang mga buto. Marami ang mga nakasaksi nguni’t isa man ay wala man lamang nagmalasakit na kumilos para habulin ang drayber.”
Sa narinig ni Charing ay kinabahan ito at naalala niya ang asawang si Dencio na nasa labas pa. Baka kung napaano na si Dencio niya at ito ang tinutukoy ng nagbabalita.
Hindi nga pala niya ito narinig o napanood sa TV, naidlip pala siya saglit at sabay tindig tinungo ang kabilang silid. Kay Daniel niya pala narinig ang balitang iyon.
“Saan mo nabalitaan ang sinabi mo? Totoo ba ito at sino ang drayber, ang nasagasaan? Sunud-sunsod na tanong ni Charing kay Daniel.
Natatawang sumagot si Daniel. “Imbento ko lang po iyon. Hindi po totoong tao ang nasagasaan ng drayber kundi kamatis, Hehehe!” ani Daniel.
Lihim na napangiti si Charing at ngayon ay kalmado na, naisip niya na madalas na rin siyang maluko ng kanyang anak na si Daniel. Lumabas na siya ng kwarto ng mga bata at tiningnan ang pinto sa harap at sinigurong nakakandado na ito pati na ang mga bintana. Iniwan niyang hindi nakakandado ang pinto sa kusina para pag dumating si Dencio ay hindi na siya maabalang pagbuksan ito. Nakahanda naman ang pagkain sa mesa kung sakaling makaisip kumain ang asawa. Bumalik na siya sa kanilang silid at dinig na dinig niyang naghaharutan pa ang dalawang anak.
“Hoy, matulog na kayo at tama na iyang harutan, baka kayo magkasakitan’” pasigaw na saway ni Charing.
Maya-maya ay muling narinig ni Charing ang malakas na boses ni Daniel at winika ay, “Isang ulo ng tao ang natagpuang nakasilid sa sako. Kasama ay putul-putol na katawan nito nguni’t nawawala ang isang kamay. Tinatayang biktima ito ng “salvage” Ang mga Barangay Tanod na nakakita ay hindi madampot ang pugot na ulo ng biktima sapagka’t ayon sa kanila ay nandudura.” Pagkasabi nito ay bununtutan ng malakas na tawa.
“Daniel, ano ba iyang pinagsasasabi mo?” tanong na pagalit ni Charing.
“Inay, nagpaparaktis lang po ako, hahaha!” sagot ng bata. “May karugtong pa po iyon’” aniya.
“Ano na naman?” muling tanong ng ina.
“Samantala, sa kabilang Barangay ay may natagpuang putol na kamay sa may kanal. Ipinalalagay na ito ang kamay na nawawala ng natagpuang bangkay na “chop-chop” Ang mga Barangay Tanod ay hindi rin ito madampot dahil sa ito raw ay nanghahabol, nananampal at nananakal.” Bumunghalit na naman ng tawa si Daniel.
“Daniel, tama na iyang kalokohan mo.” Muling pananaway ni Charing.
“Inay, sabi po ninyo ay tuturuan ninyo akong magtatalak, bakit di pa po ninyo ako tinuturuan?” pagtatanong ni Daniel sa ina at muling pasigaw na binigkas ang katagang…
GUSTO KONG MAGING ANAWNSER!!!
KUWENTONG PASARANGGA, KUWENTONG BARA-BARA NG KUWENTISTANG PULPOL!
Ni Augusto de Leon
Ang maikling kuwentong ito ay inihahandog ko sa mga sumusunod:
Para sa marunong bumasa, palabasa, may ganang magbasa, paudlut-udlot kung bumasa, nagpipilit bumasa at babagong natututong magbasa.
Unang salpok:
Ang kuwentong ito ay nabuhay simula noong ako ay bata pa. Pangarap ko noon ang magsulat, Ang tanong, paano? Bago pa lang akong natututong bumasa ng ABKD at sumulat nang paiwa-iwarang na ang mga letra ay nawawala sa linya, iyan ang unang salpok. Natural, para makasulat ay kailangang matutuhan ang pagbasa. Paano babasahin ang sinulat kung bobo sa pagbabasa.? Hindi ito komiks na may litrato na maaaring maintindihan ang istorya sa litrato lang.
Sabi ko sa Lola ko, “Lola marunong na akong magsulat!”
“Magaling kang bata, nasaan ang iyong sinulat? Tanong sa akin ni Lola.
“Hayun po nasa dinding, tingnan ninyo ang ganda!” Sabay turo sa dingding na aking sinulatan.
“Diyaskeng bata ito, naku! Kapipintura lang niyan ay sinulatan mo agad.” “Napingot si ako!” Kapa-kapa ko ang kanang tainga ko di ko man tingnan ay pulang-pula at ang pakiramdam ko ay napigtal.
“Wew! Mahirap magsimulang magsulat pag bata pa, napipingot.” Ayon sa akin iyon.
“Sa iba na lang ako susulat.” Lumabas ako sa kalye, napagtripan ko ang pader. Doon ko isinulat ang gusto ko. Nakita kong bagong pinta rin. Di na ako mapipingot ni Lola, hindi naman ito dingding at hindi rin siya ang nagpapinta nito.
Sulat, sulat at sulat pa. Minamasdan kong mabuti. Habang ipinag-iigi ko ang pagsulat, sinisipat ko kung pantay. Nagulat ako nang may magsalita sa likod ko, pabulyaw. Di ko kilala ang boses, malaki, kinabahan ako at pasang suka ang kulay ng aking mga labi sa pamumutla kahit di ko kita.
“Hoy bata ka, bakit sinusulatan mo iyan? Iyon ang narinig ko.
Di ko na nilingon, karipas ako ng takbo pauwi pero ramdam ko sumunod sa akin. Si Kapitan Bruno pala ang sumita sa akin nang aking lingunin.
Isinumbong ako sa Lola ko, wala kasi si Tatay nasa trabaho. Napagalitan na naman ako.
“Wala ka talagang kadala-dala bata ka!” pagalit na sabi ni Lola at piningot na naman ako. Ang kaliwang tainga ko ang nasasaan. Ngayon pareho na ang kulay ng tainga ko di ko man tingnan sa salamin. Di na dapat mainggit ang kanan, di na siya nag-iisang nakatikim ng pingot.
“Wew! Mahirap talaga ang magsimulang sumulat.”
Saan kaya ako magsusulat nang walang magagalit? Kung sa tubig, wala akong makikita sa isinulat ko. Kung sa kokomban wala ako noon, pag nakita ako ng Tatay ko na inaaksasaya ko lang ito, disgrasya na naman ang aabutin ko. Ah, sa dahon ng saging, eh saan naman ako kukuha noon? Mamumulot ako sa basurahan eh ang bahu-baho noon, malansa kasi pinagbalutan ng isda. Kung sa semento naman di pwede ang lapis ko mababali ang tasa kasi madiin akong magsulat o bolpen kaya pero masisira lang ang dulo nito, madiin nga akong magsulat. Ku! Kay hirap namang mag-aral sumulat. Buti pa si Rizal nakasulat kahit nasa kulungan at pinag-aaralan pa ngayon sa iskul, iyon bang Huling Paalam. Talagang hanga ako sa kanya. May Noli na ay may Fili pa. Wala pa naman ang kaibigan kong si Noli at ang kapatid niyang dalaga na si Fili. Ay Fely pala. Tumigas tuloy. Ang alin baga? Ang dila ko ang tumigas! Para namang may malisya ang binanggit ko. Lumalayo ata ang paksa. Basta gusto kong sumulat. Kahit ano na pwedeng sulatin.
Seryosuhan na ito. Sanay na akong sumulat ng pangalan ko. Nag-iiskuling na ako eh. Di ko na mabilang kung ilang ulit akong pinagsulat ng titser ko. Pangalan ko lang iyon, puno ang pad. Sa wakas, kahit pangalan marunong na akong magsulat. Di ba akomplisment na iyon? Ibang karanasan pag pumapasok na sa iskul. At saka lagi pang may baon araw-araw. Ang paborito ng karamihan ay reses. Ang bilin kasi ng Tatay at Nanay huwag magtitira ng baon. Kay hanggang sa huling sentimo na nasa bulsa bago umuwi, kailangang ibili baka napagalitan.
Tanong ni Nanay, “O anak, inubos mo ba ang baon mo?” Baka may itinira ka pa? Wala na po Nanay, tingnan ninyo ang bulsa ko ni singkong duling wala na, naibili ko na lahat.” Binaligtad ko pa ang bulsa ng short ko para patunayan ito.
“Naku hindi anak perang baon mo ang ipinauubos ko kundi ang baon mong pagkain!” Wika ni Nanay.
“Ah hindi ko po naintindihan eh, akala ko lahat ng baon.” Naisagot ko. Doon natapos ang usapan namin ni Nanay, di ko na isisiwalat ang iba pang sinabi, nakakahiya dahil may kasamang tungayaw.
Nang matuto na talaga akong sumulat, prisintado akong magsulat sa blak bord. Madalas bali nang bali ang tsok. Me katamaran ang titser ko, iniaasa sa istudyante ang pagsusulat sa pisara. Pati pagbubura dito ay kami pa rin. Ang ibig kong sabihin ng kami ay kaming magkakaklase na ang iba ay sipsip lang kaya prisintado. Ako, ayaw kong binabansagan akong sipsip, magkikipagkagalit talaga ako. Pag gusto ko, gusto ko at pag ayaw ko, lalong ayaw ko, Di ako mapipilit. Iyan ang istayl ko.
Napag-usapan ang istayl. Sa pagsulat, kailangan may istayl. Hindi istayl ng mayaman at lalong hindi istayl ng mahirap. Pag mahirap, baka hindi na basahin ng gustong bumasa ng sinulat ko. May kalidad dapat, mataas ang uri. Iyong maiintindihan ng marami kahit owt op iskul yut ang babasa.
Napag-isip-isip ko rin, kailangan may tapang ka rin. Tapang ba ng apog na may kakayahan kang harapin ang panlalait at kahihiyan. Pag sumulat ka halimbawa at ang bumasa ay natawa dahil nabasa ang sinulat mo, ipagmalaki mo pagka’t napatawa mo ang bumasa. Tink pasitib ika nga, huwag mong isiping pinagtatawanan ka. Bonus iyon para sa iyo. At lis, mayroon siyang pinagtatawanan at hindi lalabas na sira ang ulo niya na tumatawa nang walang pinagtatawanan. O, kita mo, ‘di ba, pati ako natatawa na rin sa isinusulat ko? Patunay lang iyon na matino pa rin ako.
Bago ko nga pala malimutan, importante ang pamagat ng susulatin. Tingnan mo ang aking pamagat, Kuwentong Pasarangga, Kuwentong Bara-bara. Naiintidihan mo ba ang ibig sabihin noon? Para malaman mo basahin mo lahat ang sinulat ko hanggang sa kahuli-hulihan at matutumbok mo ang kahulugan nito. Kung sasabihin ko agad baka mawalan ka ng ganang basahin ito. Sa dulo ko na lang ipaliliwanag. Ang hirap naman sa iba diyan eh walang payting ispirit eh. Suko agad at sirit agad. Ang umaayaw ay di nagwawagi at ang nagwawagi ay di umaayaw. Si Manuel Uy ang may sabi noon. Sa akin, kung ako ay nagwagi, aayaw na ako. Parang sugal iyan pag di ka umayaw, mananalo ka sa primero kamukat-mukat mo tangay pati ang iyong puhunan. Uuwi kang papaltos ang iyong mga paa dahil pati pamasahe mo naipatalo mo rin. Dapat may kontrol sa sarili. Maging wais lagi!
Teka, pagsulat ang tapik hindi sugal, lumalayo na naman. Iyan kasing pamagat eh pahamak, di tuloy ako makapagkonsintreyt nawawala sa pokus.
Nakasusunod ka ba? Pag may pamagat, siyempre may meyn tapik. Lalong mahalaga ito. Tapik sentens, ulitin mo. Tapik sentens. Ito ang klu ng meyn aydiya ng susulatin mo. Kung wala noon baka ibasura na lang dahil mawawalan ng interes basahin ang isinulat mo at pag nakaramdam ng hindi maganda at sumakit ang tiyan sa kubeta ang suot ng sinulat mo. Ipapahid lang iyon sa malapit sa iyong pinagnanasaan. He, he, he! Bastos ba? Kung nababastusan ka o nandidiri, likdangan mo na lang ang binasa mong may kabastusan para sa iyo. Paano iyon eh nabasa mo na, ha, ha, ha naman!
Sa pagsulat dapat ay may badi, di nito kailangan ang mga kamay o mga paa basta badi. Dito nakapaloob ang lahat ng sasabihin mong pangyayari. Napapaloob din dito kung saan nangyari, mga tauhang gaganap sa istorya tulad ng bida at kontrabida at iba pang tauhan. Pwede mo ring isama ang hayup o puno bilang gaganap basta palalabasin mo na totoo kahit ito ay bola mo lang. Kung wala ng mga ito, wala kang istorya siyempre. Kung susulat ka, gumamit ka ng mga salitang maiintindihan ng marami. Kung naisulat mo ito sa wikang tagalog halimbawa, huwag mong ireregalo ang iyong obra sa isang intsik o hapon na hindi marunong managalog. Displey lang ang kahahantungan ng sinulat mo o kaya ay ipatitimbang lang sa magbobote at magdidiyaryo iyon. Doon mo mararamdaman na ang isinulat mo ay walang kamunasan.
Ang istorya, kung may simula, may katapusan. Kung hapi ending o sad ending nasa iyo na iyon kung ano man ang iyong gustong palabasin. Sa kaso ng isinulat ko, pasarangga nga at pabara-bara kaya kayo na ang bahalang umintindi.
Di pa ako tapos! Mahalaga rin na ipaalam mo ang pangalan mo bilang otor. Ngayon kung may pinagtataguan kang Bumbay na maniningil, it is yur own ris. Kung marami silang naghahanap sa iyo, bahala ka sa buhay mo. Ang payo ko huwag mo na lang ilagay, kaya lang kawawa ka, wala sa iyo ang kredito.
Di pa rin ako tapos, mag-iisip pa ng ibang sasabihin.
May narinig ako! “Pinis or nat pinis, pas yur peyper.” Iyan ang tinig ni Mrs. Balagtas. Hayskul na pala ako, ngayon ko lang nalaman.
Sayang hindi pala si Mam Kristi ang titser ko, isinulat ko pa naman na mahal ko ang titser ko, gua ay di!
Ikalawang salpok:
Masarap na Mahirap Magsakit-sakitan!
Martes ng umaga, tanghali na ay di pa ako bumabangon. Nanatili ako sa aking katre, bagkus nagbalot lalo ng kumot at nagkunwang nginingiki. Nag-ubu-ubuhan at nag-iinarteng may sakit.
“Selmo!” dinig kong sigaw ng aking Nanay. “Aba ay tanghali na, bangon na at ikaw ay mahuhuli na sa eskuwela. Hinihintay ka na ni Dan, kanina pa nakagayak!”
Si Dan ang sumunod sa akin, matanda ako ng tatlong taon sa kaniya. Iisa ang pinapasukan naming paaralan kaya lagi kaming sabay kung pumasok. Lakad lang kami pagpasok, gayon din sa pag-uwi liban lang kung umuulan at masama ang panahon. Naghihintayan kami kaya di pwedeng magbulakbol. Si Dan ang magsusumbong pag ako ay may ginawang mali. Ako naman ang tagasumbong pag si Dan naman ang may ginawang hindi tama. Sa madaling salita kapwa kami nagbabantayan. Ang hirap ano? Hindi naman kami nag-aaway, talaga lang ganoon ang itinuro sa amin. No hard pilings ika nga. Pag medyo nahuli ng kaunti ay masisita. Kung nagkasala si Dan, damay ako. Kapag ako naman ang may sala, damay din si Dan. May kahigpitan sa amin kaya ingat na ingat kami pareho ni Dan.
Hindi pa rin ako tuminag sa pagkakahiga at naramdaman kong umakyat at lumapit sa akin si Nanay. Muli ay nangusap, sabay yugyog. “Anak bangon na diyan at gumayak ka na sa pagpasok. “
Lalo akong nagkunwang may nararamdaman. Sinalat ni Nanay ang aking noo at tiningnan kung mainit ito at sa pagdantay sa aking noo at leeg na bahagya kong binigyang-daang damahin ng kamay ni Nanay, nasalat niyang mainit nga.
“Aba anak may lagnat ka!, wika ni Nanay. Ganyan talaga si Nanay maaalalahanin.
Naisaloob ko na lamang at sigaw ng isip ko’y “saksesssss ang gimik ko”. Paano ba namang hindi ako magmumukhang may lagnat ay nilagyan ko ang magkabilang kili-kili, kipkip ko ang tig-isang butil na bawang at siyempre, iinit ang buo kong katawan. Napasakay ko talaga si Nanay sa drama ko. Mabuti na lang wala kaming termomiter, kung meron baka sa kili-kili ko ilagay ay lagot ako, magkakabistuhan.
“Siya anak, magpahinga ka at uminom ka ng kortal o aspirin mamaya pagka almusal mo. Ipaglulugaw kita at siya mong kainin, pag-aalalang sabi ni Nanay. Bumili pa ng royal tru orens at biskwit para siya kong kakainin oras na ako’y gutumin.
Kunwari ay wala akong ganang kainin ang lugaw. Aros kaldo pala ang kanyang inihanda pero nagpakipot ako at kunwa ay wala akong ganang kumain. Sa totoo lang napakainit pa at umuusok, paano ko naman pangangahasang isubo iyon. Susubuan pa sana ako ni Nanay pero sinansala ko na. Sagad na hanggang buto ang kahihiyan ko sa Nanay ko. Gilting gilti ako talaga!
Namalengke si Nanay at pag-uwi ay may sinturis pang dala at mansanas, hinahanap-hanap ko ang ubas, baka ika ko mayroon pero wala akong nakita. Masarap talaga ang maysakit, asikasong asikaso at dulot ang masasarap na prutas at pagkain. Naisip ko sana may pasalubong si Tatay na ubas. Paborito ko iyon! Oras malaman niyang ako ay maysakit, kahit sino man sa aming magkakapatid ay ganoon sina Tatay at Nanay. Dulot lahat. Parang binebeybi, maasikasong maasikaso. Kaya lab na lab namin sila. Ang kapalit naman noon ay ang mahabang litanya ng sermon na paulit-ulit nilang sinasabi sa amin na parang sirang plaka; na kami ay magmahalang magkakapatid, mag-aral na mabuti at maging magalang palagi at masunurin sa kanilang kagustuhan. Para daw sa kabutihan namin iyon. Noong hapon ngang iyon ay may pasalubong si Tatay na ubas. Nangako ako sa sarili sa nakita kong kabaitang iyon nina Tatay at Nanay, di na ako uulit. Sinusurot na ako ng aking budhi.
Kinokonsensiya ako sa aking ginagawa pero kailangang lumiban ako sa araw na iyon dahil takot ako sa titser ko. Tiyak na pagagalitan na naman ako noon dahil sa isinulat ko sa aking papel. Kung bakit ba naman sa kagustuhan kong sumulat pati iyong “mahal ko ang titser ko” ay naisulat-sulat ko pa, paninisisi ko sa aking sarili. Malaki ang epekto noon tiyak. Awt istanding na naman ako, tiyak na tiyak iyon! “Patatayuin ako sa labas ng kwarto hanggang sa matapos ang aming piryud.
Naisip ko, bahala na bukas. Lalakasan ko ang loob ko at kunwari ay hindi ako takot harapin ang kasalanan ko. Panay ang isip ko kung ano ang aking ikakatwiran sakaling tanungin ako ni Mam kung bakit ko isinulat iyon sa aking papel.
Ah, wala akong maisip. Kung ako naman ay magsasakit-sakitan uli, nakapanghihinayang naman na hindi ko matututuhan ang mga bagong leson. Lalo lang akong mahuhuli sa mga aralin. At saka baka makahalata si Nanay. Ang malungkot pa nito ay pag nadiskubre ang kalokohan ko, isusumbong ako kay Tatay na ako ay nagsasakit-sakitan, p’wet ko ang masasalanta. Ah, bahala na talaga, pangangatawanan ko na. Huwag lang sanang makarating kina Tatay at Nanay ang kasalanan ko sa iskul, nahiling ko sa Diyos.
Kinabukasan ay maaga akong bumangon, kahit naaalala ko ang buhay-prinsipeng naranasan ko ng isang araw. Naligo ako ng maligamgam na tubig. Ipinag-init ako ng tubig ni Nanay. Baka raw ako mabinat. Hindi ako sanay maligo nang binabantuan ng mainit na tubig pero iginayak na ni Nanay ang aking pampaligo kaya sige na rin ako. Nag-almusal, inayos ko ang gamit-eskuwela ko at nang paalis na kami ni Dan sa pagpasok, inihabol pa ni Nanay sa akin ang isang ekstrang bimpo, isapin ko raw sa likod ko kapag ako’y pinawisan. Bilin pa ni Nanay na sumakay na kami sa pagpasok para huwag na kaming maglakad. Malayu-layo rin ang iskul namin sa aming bahay. Humigit-kumulang ay may dalawang kilometro din siguro ang layo nito kung tatantiyahin. Lalo akong nakunsensiya sa ginawa ko kahapon. Niloko ko sila. Nagsisisi na ako talaga!
Tulad ng mga nakaraang araw, lakad pa rin kaming pumasok. Wala naman talaga akong sakit. Dumating kami ni Dan sa iskul na matagal pa bago magbel. Pagkatapos ng plag seremoni, nakapila kaming tinungo ang silid-aralan. Singgel payl, una ang babae tapos lalaki. Ako ang pinakauna sa hanay ng mga lalaki dahil ako ang pinamaliit. Tahimik kaming pumasok sa pers piryud namin. Nandoon na si Mam Balagtas. Nakayuko akong pumasok. Iniabot ko ang aking ekskyus leter na pirmado ng aking Tatay. Nakasaad doon na ako ay nilagnat kahapon, ang dahilan ng aking hindi pagpasok. Walang imik na tinanggap ito ni Mam at tiningnan ako mula ulo hanggang paa. Pakiramdam ko lalo lamang akong nanliit sa kinatatayuan ko. Yumukod ako nang bahagya bilang pagpapahiwatig ng paggalang at walang imik kong tinungo ang aking upuan. Nakatungo pa rin ako na parang nahihiya. Di naman alam ng aking klasmeyt ang isinulat ko mapwera ibinorodkas ni Mam sa buong klase. Wala namang binanggit si Mam ng ano pa man. Nagtataka nga ako at hindi ako pinagsabihan. Parang walang nangyari noong makalawa. Sino man sa aking mga klasmeyt ay walang binabanggit na kakaiba tungkol sa akin. Nahinuha ko na walang ibinunyag si Mam sa buong klase kahapon.
Nagpapasalamat ako at para bang nahugot ang nakatarak na balaraw sa aking dibdib. Sana huwag nang ungkatin at makalimutan na ni Mam ang isinulat ko, panibago kong kahilingan sa Diyos iyon. Ngayon, iba na ang aming leson, hindi na pagsulat ng tim kundi pagsulat naman ng liham. Balik na naman kami sa pagsulat. Nabuhay na muli ang aking kamalayan. Pagsulat pa rin! Naisip ko na sa pagsulat ako napahamak eh narito na uli kami sa pagsulat. Sa totoo lang, ang paggawa ng liham ay madali lang para sa akin. Balik-aral lang ito sa amin, kaya lang dapat maging atentib ako ngayon sa klase. Baka masilipan na naman ako ng butas ng pagkakasala. Hindi pa ako abswelto sa isa eh heto na naman baka magkamali.
Nagbel para sa susunod na sabdyek, lilipat kami sa ibang kwarto. Akma akong tatayo nang marinig ko ang sabi ni Mam, “Anselmo, magpa-iwan ka sandali. Nagsialis na ang aking mga klasmeyt at nanatili ako sa aking upuan. Pinalapit ako ni Mam at ako ay dagling tumalima. Nanginginig ako sa takok. Pakiramdam ko ay naihi at na o-o ako sa salawal pero kinapa ko, hindi naman. Hindi ko masalat ang pundilyo ko dahil nakahihiya kay Mam. Pakiwari ko ay napalipat ang kargada ko sa tindi ng nerbiyos. Nausal ko sa sarili, lagut na lagot ako. Sisintensiyahan na ako sa aking kasalanan noong isang araw. Nakatungo akong humarap kay Mam. Halata ni Mam na alumpihit ako at litong kung paano.
Sino ba naman ang hindi mangangamba, baka isumbong ako sa Tatay ko eh panibagong sintensiya na naman ang mangyayari. Narinig ko ang malumanay na wika ni Mam na; “Hindi ako nagagalit sa isinulat mo, pinaaalalahanan lang kita na bata ka pa para sa bagay na isinulat mo.” “Darating ka diyan pagdating ng araw.” “Sa ngayon ay pagbutihin mo ang iyong pag-aaral.” May idinugtong pa si Mam na siya kong ikinagalak. “Maganda ang kinabukasan mo sa pagsulat, pag-aralan mong mabuti iyan. Magbasa ka ng kahit anong babasahing kapupulutan ng mga bagay na angkop para madibelop ang pagsulat mo. Magiging manunulat ka pagdating ng araw.” Magkahalong hiya at tuwa ang sagot ko kay Mam. “Salamat po ng marami Mam Ko!”
Noon ko nakilala si Mam nang lubusan. Hindi pala siya tulad ng inaakala kong teror. Maunawain at nakapagbibigay-sigla. Ah Inspirasyon ko si Mam. Hindi muna si Mam Kristi, tsaka na lang siya. Dapat ito ang pamagat ko. Ah, Inspirasyon ko si Mam! Pero paano naman ang dinanas ko ng isang araw? Hindi biro ang magsakit-sakitan. Masarap magbuhay-Prinsipe pero mahirap din ang magsakit-sakitan. Talagang mahirap magkunwari. Lahat ng pangamba ay nasa iyo. Hula dito, hula dioon kung ano ba ang mangyayari. Tanong mo ay sagot mo rin. Balisa sa parusang igagawad ni Tatay at Nanay kapag nadiskubre ang lahat. Kahihiyan sa lahat ng kaklase lalung-lalo na kay eheeeem! At ang pinaka sa lahat, ang walang katapusang pag-aalala na baka ibagsak ako ni Mam sa sabdyek na tinuturuan niya. Ay, Patay akong bata ako!
Tapos ang pangalawang salpok!
(Araw ng lokohan)
Unang araw ng Abril, 2012