Nang Tumanda si Ikeng
Kuwento ni Alberto Segismundo Cruz
“Tandang Ikeng”, karaniwang tawag sa isa kong kababatang kailan lamang ay namahinga na sa paglilingkod sa pamahalaan. Sumilid na di kawasa sa aking isip na ganyan na rin ang maitatawag aa akin, sapagka’t nagkakahabulan kami ng gulang ni Enrique Villamar. Kamakailan lamang nang siya’y dalawin ko sa isang makabago’t maituturing na maharlikang “subdivision” sa labas ng lungsod ng Maynila’y naibulalas niya ang lahat sa akin. . . katulad din ng dati - matapat at mapagtiwala. . .
Ito ang aking tahanan ngayon o sa lalong tumpak ay sa isa kong anak na lalaki, na bukod sa matalino'y siya pa ring naging mapagtagumpay sa larangan ng kabuhayan. Isang tagapamahala ng isang kompanya sa pananalapi, bukod sa pagiging arkitekto't kontratista pa. Hindi pa siya nag-aasawa, kaya't ang pinakabunso kong anak na babae, si Cynthia, ay naririto rin. Nag-aaral siya sa isang kolehiyo ng mga madre at magtatapos na ngayon sa karunungan sa sining na pantahanan at sa tinatawg na “interior decoration”.
Maganda ang bahay na ito. Hindi sa malaki o sa mga tanging kagamitan na pangsangkap upang mabuo ang isang tahanang napaggugulan ng may pitumpung libong piso, bukod sa solar o lote. Saka sa kagandahan ng pagkakavari’y naparagdag pa rin ang kariktan ng “landscape” na kahilihili. Ang pinakamarikit na panig ay ang maliit na “swimming pool” na naliligiran ng rosas, lila’t “million pinks”. Sinuman ay tiyak na makapagsasabi na ang mag-anak na Villamar ay may makabago’t artistikong tahanan. Tunay, sapagka’t bukod sa planong sadyang pinagsumakitan ng aking anak na arkitekto’y may ilang bahagi pa ang aming tahanan na kaakit-akit at kinuha sa isang magasing amerikano ukol sa maririkit na tahanan. Ang mga bagay na ito’y ang “terrace”, “promenade” at ang isang altar sa sulok ng bakuran ukol sa “Nuestra Senora de Lourdes”.
Sinumang nakakikilala sa akin na kumita ng unang 1iwanag, lumaki’t nagkaroon ng kabiyak ng dibdib sa isang mataong purok na gaya ng Tundo, nguni’t sa kasalukuyan ay nakatahan sa dakong ito sa isang marikit na “bungalow” ay maaaring makapaghinala na kundi man ako tumama sa swipistek o loterya’y naka-“jack-pot”, marahil, sa isang paraang. . . (alam na ninyo!) Datapuwa’t sa katotohanan - mapait at hindi maipagkakaila. – ako’y umaasa lamang sa aking mga anak o sa anak kong guminhawa sa pagtatagumpay niya sa pag-aaral at sa larangan ng kabuhayan. At, sapagka’t ako’y ama niya, madaling malirip na kung ano ang kaligayahan niya’t kasaganaan ay siya ko ring natitikman at nararanasan.
Ang lahat nang naipagtapat ko ay nauukol aa aking kalagayan sa kabuuan, sa gitna ng kariwasaan. Hindi ang aking pagiging kinapal na isa nang balo (walang kasalo sa ligaya’t kahati sa hilahil), isa nang sapilitang pinamahinga ng pamahalaan, sang-ayon sa tadhana ng batas sa pamamahinga; at sa ibabaw ng lahat, ay isa nang itinuturing na matanda – wala nang silakbo ang dugo, wala nang lakas at wala na ring lahat ng kulay-rosas na daigdig ng sariling pangitain. Dito nakasalalalay ang aking pagdaramdam. Para bagang kung matanda na ang tao’y wala nang kabuluhan. Napapansin ang kulubot ng mukha, ang bilog na guhit sa dalawang mata, ang pinilakang buhok, ang mabagal na lakad saka ang iba pakiwari ko’y ipinalalagay na ako, sa likod ng pagka-lalaki’y. . . sadyang dapat na lamang na maghintay ng tulong na sa wikang-Kastila'y “pension vitalicia”. At ang lalong masakit ay ang ganitong pangyayari: Manaog ka sa bus na iyong sinasakyan, anang konduktora sa kanyang tsuper: “Hintay muna, bababa ang matanda”. Napatungo ka sa pamilihan at nagkataong nakatitig ka sa isang nagtitinda na may kahilaban na ang gulang, bagaman “simpatika”, ang malimit na alok ay ganito: “Lolo, hindi po ba kayo bibili ng anumamg prutas? Narito po ang ubas P5.70 po lamang isang kilo.” Maparaan ka sa nagtitinda ng mga bulaklak at sampagita sa Kiyapo, ang isang dalagita’y titigatig sa iyong paghakbang, tungo sa simbahan: “Sampagita, Lolo”. At minsan naman ay isang marikit na “coed” ang nakabungguan ko sa tapat ng isang malaking sine sa Abenida Rizal: “Hindi ko kayo sinasadya, Lolo, paumanhin niya, at hinimas-himas pa ang aking kaliwang bisig, saka ngumiti na lipus-katimyasan.
Anupa’t ang isang matanda'y wala nang magandang pangitain wari sa kanyang buhay. Buhay ka, subali’t parang hindi na kabilang sa hukbo ng mga mamamayang maaaring asahan sa anumang gawaing mapapakinabangan ng lipunan.
Nawawatasan mandin ako ng aking anak na binata, gayon din ng aking anak na dalaga. Ibig nilang makalimot ako sa mga pangitaing malungkot sa buhay. Malimit na ako’y sadyang pinagpapasyal. Bumili ang anak kong lalaki ng isang “Jeep Eishenhower” upang magamit ko sa pagpapasyal. Datapuwa’t ayokong magsasakay sa jeep, lalo na’t ako’y magpapasyal o maglalakad sa pagpapahangin sa Luneta, kundi man sa panonood sa sine, sapagka’t nangagamba akong baka pa manakaw ang jeep ay mapahiya lamang ako sa aking mga anak.
Datapuwa’t isang dapit-hapong pauwi na ako buhat sa pamamasyal, matapos na ako’y makainom ng “root beer” at makaubos ng isang malaking saklob ng “special chicken sandwich” ay ano ba’t nasalubong ko ang may dalawampung taon nang naging kasintahan ko, subali’t hindi ko naging kapalaran. Siya ay bata kaysa akin nang may labingdalawang taon. Ang nakapagtataka’y hindi siya nagbabago. Mandi’y naging mapagpala sa kanya ang panahon. Hindi man nagkapilak ang buhok, palibhasa’y noon pa mang araw’y sadyang kulay-mais na ang buhok niyang bahagyang kulot. Hindi siya napakaputi na gaya ng isang mestiza, nguni’t ang balat niya’y kayumangging maliwanag at manipis; at kung tititigan mo ang pisngi’y mala-rosas pa. Naroon pa rin sa dalawang pisngi ang dalawang puyo na nagpapagunita ng kanyang oo sa akin, na nang kanyang bitiwan at marinig ko’y nahagkan ko ang kanyang mala-sagang labi. Paano’y mainit pa ang dugo ko noong aking kabataan.
Tinawag niya ang aking pangalan. Narinig ko ang mataginting na tinig niya na mandi’y lalong tumimyas sa himig ng mga alingawngaw ng mabulaklak naming kahapon. Pagkatapos ng mahigit na dalawampung taon (Diyos ko!) saka ko pa lamang narinig ang tunay na musikang nakapagpatibok ng aking tahimik na puso! Kalakip ng tawag niya ang lambing ng isang pagsuyong dinalisay ng pagsasakit at pananabik sa isang paghihintay na nawalan ng kabuluhan. Kasangkap ng tinig niya ang awit ng kabataan noong panahong yaon, noong ako’y tumutula’t nakalilikha pa ng maririkit na larawan, bilang isang nakapagtapos sa “Bellas Artes” ng Unibersidad ng Pilipinas.
Lumingon ako’t sinipat ang tumawag sa aking pangalan sa likuran. Siya nga ang aking nakita! Wala nang iba pa! Siya na hindi minsang naging paksa’t “inspiracion” ng aking mga tula’t kathambuhay na nasulat.
-- Kumusta ka? – payapos niyang sabi sa akin, na parang nakatagpo ng isang kapatid na malaon nang hindi nakikita’t kung saan dako ipinadpad ng kapalaran. Halos naumid ang aking dila. Kinailangan ang ilang saglit pa bago ako nakatugon. – Ikaw ay si. . . (at binanggit ko ang kanyang pangalan). --
-- Datapuwa’t hindi iyan ang tawag mo sa akin, -- sabi pa niya. – Tawagin mo sana ako, gaya ng dating palayaw mo sa akin noong ako’y hinahandugan mo pa ng mga tula. –
Binanggit ko ang kanyang palayaw – ang sagisag ko sa kanya – bilang “inspiracion” ng aking mga tula’t iba pang sinulat.
-- Iyan nga ang tawag mo sa akin! – malugod niyang sambit. – Kung wala tayo sa lansangan ay mahahagkan kita, -- sambit pa niyang lipos ng katuwaan.
-- Halina’t magpalamig – anyaya ko sa kanya, at itinuro ang di-kalayuang restawran at “refreshment parlor”. – Mainam doon at makapagbabalitaan pa tayo nang malaya, -- dagdag ko pang wika, nguni’t sa biglang lugod na umapaw sa aking puso’y nagsikip yata ang aking dibdib.
-- Bakit, may sakit ka ba sa puso? – at nangulimlim ang magaganda niyang matang wari’y pinagtataguan pa rin ng ligaw na luningning ng bituin.
-- Wala naman, -- tugon ko – datapuwa’t para mong pinagbalik sa akin ang talaarawan ng ating lumipas saka ang orasan ng buhay na sa kasiglaha’y nagpasasal sa tibok ng aking puso.
Nangulimlim na muli ang kanyang mga mata. Hinawakan niya ako sa kaliwang bisig at lumakad kaming patungo sa pook na aming pagpapalamigan.
Naupo kami na magkaharap sa isang sulok ng makabagong “refreshment parlor” na iyon na ang magandang upua’y natatabingan ng isang “carcel”.
Lumapit ang dalagitang naglilingkod at nag-usisa kung ano ang ibig namin.
-- Ano ang ibig mo? -- tanong kong masuyo sa aking kaharap.
-- Gaya ng ibig mo, -- asad niya. -- Pampalamig din! –
-- Nagsikip din kaya ang iyong dibdib? -- usisa ko.
-- Marahil, -- tugon niya na nakangiti.
At hinarap ko ang “servidora” na isang dalagita. Magnolia Ice Cream na ukol sa buwang ito. Saka “chocolate vanilla cake”. Ukol sa dalawa.
Saka kami nag-usap. Itinanong niya kung saan ako ipinadpad ng kapalaran. Inusisa ko rin siya. Samantalang kami’y nagpapalamig ay itinanong din niya sa akin kung bakit ako hindi nakatugon sa aking kapangakuan. Na siya'y naghintay ng maraming taon, hanggang sa mabatid niyang ako’y nag-asawa na, umano. Noon siya pinangiliran ng luha. Saka sinabi pa niyang kung ako’y sumira sa aming sumpaan, siya’y hindi maaaring sumira’t lumabag sa isang kasunduang pinanumpaan niya sa sarili, sa harap ng isang larawan ng Mahal na Birhen.
-- Patawarin mo ako! – malumanay na wika ko. – Napaka-matimtiman mo. Sadyang baligho mandin ang kapalaran. Marahil, ang may sala’y ang namagitang mga pangyayari: ang digmaan!
-- Malaon na kitang pinatawad! At, hindi ko akalaing ikaw’y buhay pa pala. . .
-- Samakatuwid ay nag-isa ka sa habang panahon sa iyong buhay? – usisa ko, na parang nag-aalinlangan.
-- Hindi na ako buhay, simula nang hindi matupad ang ating sumpaan, -- malungkot na wika niya. – Itinuring kong isa na akong patay! – isang buhay na patay.
Tinawag ko ang kanyang pangalan. Saka sa pakikidalamhati’y nabanggit ko ang ganito: “Subali’t ngayo’y maaari akong makatupad sa aking pangako. Matanda na ako, isang balo, nguni't. . . ang pag-ibig o ang pagmamahal ay tumatanda kaya?”
Hindi na aiya tumugon pa. -- Mawawatasan mo ang katugunan ko at ang kadahilanang hindi na sadyang maaari pang matupad ang dapat sanang naisakatuparan na noon pa! -- nasabi niya, makaraan ang ilang saglit na pagbubulay-bulay.
-- Ihatid mo sana ako sa pook kong tinatahanan, -- malungkot niyang wika
na halos nangingilid ang luha sa mga mata. . .
Magdarapit-hapon na nang kami’y lumabas sa pook na aming pinagpalamigan. Tumawag ako ng isang “taxi” at pinahayaan kong siya na ang magturo ng daan, tungo sa kanyang pook.
Hindi kami nag-iimikan. Nang mapaghalata niyang hindi na rin ako makapagsalita at waring nagdaramdam pa. . . ay hinipo niya ang aking kanang
kamay, at ang sabi:
-- Doon mo na lamang ako hahanapin sa tuwi kang magsisimba sa Kiyapo kung Biyernes o magpapasiyal sa Luneta, kung Sabado ng umaga. –
-- Ibig mong sabihin ay sa pinagpalamigan natin? -- tanong kong nag-aalinlangan.
-- Oo, doon nga, -- wika niya. -- Ayokong madako ka sa pook na tinatahanan ko.
Kung saan-saan bumagtas ang aming sasakyan hanggang sa makarating kami sa kahabaan ng isang “boulevard” sa Timog. Sa ilang panig na mabahay ay nakaraan na rin kami hanggang sa isang pook sa labas ng Maynila na, kinatatayuan ng mga gusaling may ilang klub na pang-araw at pang-gabi. Pagkatapos ay bumagtas pa kami ng daang-bakal hanggang sa isang pook, na maririnig ang mga tugtuging pang-sayawan, masasamyo na ang mamahalin, datapuwa’t masangsang na pabango saka ang putok ng mga botelya ng “champagne” na binubuksan ng kantinero.
-- Dito na ako bababa, -- malungkot niyang saad, bagaman nakangiti sa akin nang boong pag-ibig.
Binuksan ng tsuper ang pinto ng “taxi-cab” sapagka’t may kahigpitan at itinulak ko naman.
-- Paalam! -- at iwinasiwas ang kanyang sutlang panyolito sa akin.
-- Paalam! -- lalong malungkot kong naitugon na parang pahimakas, kasabay ng pagkakamasid ko sa patak ng luhang kumislap sa ibaba ng mga mata niya.
Sa tudla ng mamatay-mabuhay na liwanag ng mga “neon-lights” sa panulukan ng dalawang daang pinapanata mandin ng mga alagad ni Terpsikore at ni Bachus, saka ng mga magpapakamatay sa libingan ng puri. . . ay nagka-sanga ang aming landas.
Noon ko pa lamang nawatasan nang ganap ang kanyang sinabi na siya’y buhay na patay na sa daigdig na ito ng kabalintunaan!
Bago ako nakatulog nang gabing yaon ay ipinagdasal ko muna siya; na nawa’y kasihan siya ng magandang kapalaran upang magkaroon ng isang pagbabagong-buhay.
Samantala, narama ko na ang aking katandaan ay hindi dahilan sa aking gulang, na mabibilang sa mga daliri ng kanan at kaliwa kong kamay. Ang nadarama ko’y ang sugat ng alaala sa aking puso! Akala ko pa nama’y walang kanluran ang pag-ibig. . .