WALANG MATUWID SA DIGMAAN
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Nailathala sa Asian Journal Enero 20, 2012 sa pahina 21
http://asianjournalusa.com/asian-journal-january-edition-p11814-151.htm
at sa www.definitelyfilipino.com noong Hulyo 7, 2012
http://definitelyfilipino.com/blog/2012/07/06/ang-digma-ay-walang-matuwid/)
Kung manunumbalik sa alaala ang mga pangyayaring naganap noong sumisiklab ang Vietnam War, mapagkukuro na yaon ay isang digmaang walang katuturan. Biyak ang bansang Vietnam noon. Ang Norte ay Komunista samantalang ang Timog ay isang Demokrasya. Dahil sa pangangamba, ang Estados Unidos ay nasangkot sa hidwaan ng Norte at ng Timog. Naniwala ang mga mga may kapangyarihan sa Washington na kung babagsak ang Timog-Vietnam sa kamay ng mga Komunista ay isa-isa at sunud-sunod na babagsak rin ang mga karatig na bansa gaya ng Cambodia, Laos, Thailand at iba pa, kawangis ng mga natutumbang tisa ng domino. Ipinadala ng Estados Unidos ang kanyang sandatahang-lakas sa Vietnam upang tulungan ang sandatahang-lakas ng Timog-Vietnam sa pagtatanggol sa Demokrasya, sa paghaharang sa pag-usad ng mga Vietcong (sandatahang-lakas ng Komunista sa Norte) patungo sa Timog. Sa gayong kaparaanan, ang maliit na sigalot sa pagitan ng dalawang panig ng Vietnam, dahilan sa pangangamba, ang maliit na mitsa, ay sumabog at kumalat, naging pinakamalaking digmaan sa mundo pagkatapos ng World War II. Nasangkot ang maraming bansa, pati na ang Pilipinas, sapagka’t ang mga ito’y kumampi sa Estados Unidos at nagpadala ng “contingent forces” upang tumulong sa “pakikipaglaban sa Komunismo”.
Naging mabangis at malupit ang digmaan. Hindi magapi ng Estados Unidos ang mga Vietcong. Mainit, maalinsangan at magubat ang larangan; hindi sanay ang mga kawal ng Estados Unidos sa ganoong kalagayan. Bihasa sa “jungle warfare” ang mga Vietcong at armado sila ng mga sandatang malalakas galing sa Komunistang Rusya. Maraming sundalo ng Estados Unidos ang nangamatay, nangapinsala at nangasira ang ulo dahilan sa tindi ng hirap.
Kung naging mabangis at malupit ang mga Vietcong ay ganoon din ang mga sundalo ng Estados Unidos. Maraming nayon ang sinilab nila at napatay nila ang maraming mga walang kamuwang-muwang na mga bata, babae, at matanda na hindi naman kasali sa labanan. Sa huli ay gumamit pa ang Estados Unidos ng “napalm bomb” at “agent orange” na kasing-bagsik ng “atomic bomb” ang hagupit na noong World War II ay ibinagsak sa Hiroshima at Nagasaki.
Nagimbal ang mundo. Naantig ang damdamin ng mga mamamayan. Sigaw ng mga kontra sa Vietnam War:
“Walang katuturan, walang katuwiran ang digmaan!”
“Estados Unidos, huwag maki-alam sa Vietnam!”
“Itigil ang pagpatay ng mga bata!”
Sa Estados Unidos ay kumalat ang mga protesta. Sa Kent State University ay napatay ng mga pulis ang anim na estudyante na nagpo-protesta laban sa pakikialam sa Vietnam. May mga dating sundalo na sila mismo ay di sang-ayon sa gera. Binagabag sila ng kanilang mga konsensiya sa dami ng mga walang malay na bata at “civilians” na kanilang napatay sa labanan sa Vietnam. Ang mga “Vietnam veterans” na ito’y sumanib sa mga protesta. Sa harap ng mga “TV news cameras” ay itinapon nila ang kanilang mga medalya na nakamit sa pakikidigma, bilang simbolo ng kanilang galit at pagkawala ng galang, sa gobyerno-militar ng Estados Unidos.
Sa maraming larawan ng digmaan na nakita ng buong mundo sa pahayagan at sa TV, pinaka-tanyag at pinaka-nangungusap ang retrato ng isang batang babae na ang damit ay halos nahubad na sanhi ng init na galing sa “napalm bomb”. Tumatakbo siya sa isang lansangan, kasunod ang isang tila nakababatang kapatid na lalaki. Sa kanilang mga mukha ay makikita ang sindak, ang hapdi, ang nabibinbing kamatayan.
Si Robert Thompson ay lumaban sa Vietnam. Magdadalawampung-taong gulang siya nang mapa-destino sa nasabing gera sa Vietnam.
Minsang ang kanyang tropa ay nagmamanman sa kabukiran ay napalapit sila sa isang pangkat ng mga magsasaka na nagtatanim ng palay. Sa kanilang kasuotan ay matitiyak na ang mga nasa pitak ng palayan ay mga magsasaka nga, mga babae’t lalaki, na ang mga ulo ay natatakpan pa ng salakot – sombrerong yari sa buli at kawayan. Nang ang mga sundalo ay nakarating na sa may harapan ng mga taong nagtatanim, ang mga magsasaka ay naglabas ng mga sandata at pinaputukan ng AK-47 at hinagisan ng granada ang mga sundalo. Sila pala’y mga Vietcong! Nakipagpalitan ng putok si Thompson at ang kanyang pinamumunuang tropa. Nang tumigil ang putukan at pinadpad na ng hangin ang usok ay tumambad sa paningin ni Thompson ang sabog-sabog na katawan ng mga Vietcong; at ang kanyang mga kasamahang sundalo. . . sila ri’y nagkaluray-luray sa tama ng bala. Siya lamang at ang isang kasamahan ang natira. Dumating ang Huey helicopter ng Estados Unidos at inilikas ang dalawang nakaligtas sa kamatayan. Dahilan sa kanyang kabayanihan at pagkakasalanta sa gera ay nakatanggap si Thompson ng karangalang Purple Heart Medal.
Mahigit pitong-pung taong gulang na si Thompson. Nang iwan niya ang buhay-militar ay nagpundar siya ng isang negosyo na sa tagal ng panahon ay lumaki naman at naging matagumpay.
Kamakailan lamang ay nakaramdam si Thompson ng pananakit sa dibdib at tila nahihirapan siyang huminga. Nagpatingin sa doktor si Thompson at ang kinalabasan ng pagsusuri – may kanser siya sa baga.
Hindi nagsisigarilyo si Thompson. Hindi rin nagsisigarilyo ang kanyang asawa. “Saan kaya nanggaling ang kanser?” tanong niya sa sarili.
Dahilan sa epekto ng lason na dala ng “agent orange”, di mabilang ang kaso ng kanser, pagkabulag, pagkapilay at marami pang ibang kapansanan, ang naitala na dumapo sa mga mamamayang Vietnamese. Lumipas na ang mga dekada ay nagpatuloy pa ang masamang epekto ng nasabing lason sa mga tao; maraming bata ang isinilang na bulag, o di makalakad, o may kapansanan o ang mga paa o ang mga braso ay hindi nabuo. Matindi ang epekto ng “agent orange”.
Nakalanghap din ang mga sundalong-Estados Unidos, katulad ni Thompson, ng amoy, usok at init ng “agent orange”. Malamang na ang kanyang kanser ay dulot ng pagkakabilad sa “agent orange”.
May mga sundalo ng Estados Unidos na nahuli at ikinulong ng mga Vietcong. Ipiniit sila na tila mga daga sa loob ng madidilim na lungga. Marumi at mainit ang mga lungga. Di sila pinapayagang magsalita, mag-usap. Ang marami ay inilalagay sa mga “torture chambers” at doon ay pinarurusahan sila. Halimbawa ng parusa ay ang paglalagay sa preso sa isang masikip na silid na nakasindi ang ilaw maghapon at magdamag. Nakatali sa isang silya ang preso at sa kanyang ulo ay paisa-isang pumapatak ang tulo ng tubig. Mahihibang ang sino mang ilalagay sa ganyang katayuan. Walang pag-asang ang taong nasa ganyang kalagayan ay makapagpapahinga o di kaya’y makatutulog.
Sa dakong wakas ng Vietnam War ay halos kalahating-milyong sundalo ng Estados Unidos ang napadala sa bansang nasabi. Humigit-kumulang ay may tatlong milyung tao, sa kapuwa panig, ang nasawi.
Libo ang taga-Timog-Vietnam na inilikas ng Estados Unidos patungo sa Pilipinas muna, at pagkatapos, ay sa Estados Unidos, bago bumagsak ang Saigon, ang sentro ng Timog-Vietnam. Isa sa mga mapalad na nilalang na nailigtas ay si Linh Ahn Duong: Walong-taong batang babae na ang buong pamilya ay nasawi sa gera. May mag-asawang taga-Estados Unidos na umampon kay Linh at siya ay nakapag-aral at nagkaroon ng magandang kinabukasan.
Maganda at matalino si Linh. Makinis ang kanyang balat at mababakas sa kanyang mukha ang gandang magkahalong Vietnamese at French (ang Vietnam ay pinamahayan ng mga Pranses nang mahigit sa isang daang taon; kung kaya’t nagkaroon ng dugong Pranses ang marami sa kanila). Naging tigib ng trahedya ang kabataan ni Linh; salamat na lamang at ang masasamang pangyayari, lalo na kung nangyayari sa edad ng kamusmusan, ay lumalabo sa alaala.
Naging doktor si Linh, sa awa ng Diyos, at sa tangkilik ng mga hiram na magulang. At siya’y naging hindi lamang isang doktor, kundi, isang pambihirang doktor. Siya’y “surgeon” na nakatuklas ng paraan kung papaano mahihiwa at lubusang maaalis ang kanser sa katawan. May natuklasan siyang “kulay” na kapagka itinurok sa kanser ay “umiilaw” ito at sa gayon ay nalalaman ng “surgeon” kung alin ang bahagi ng “organ” o “tissue” ang titistisin. Matagumpay na naaalis ang kanser, buo at walang naiiwan, at ang pasyente ay nabubuhay at naililigtas sa nasabing nakamamatay na sakit.
Nagsanga ang landas nina Thompson at Linh. Nagkadaupang-palad ang bayani ng Vietnam at ang biktima ng Vietnam. Ang Imperyalista at ang Komunista. Ang pasyente at ang doktor. Ang nasa bingit ng kamatayan at ang tagapagligtas.
Inoperahan si Thompson at, gaya ng inaasahan, matagumpay ang operasyon at nalinis at natistis ang lahat ng kanser.
Isang linggo ang lumipas at maaari nang makalabas ng ospital si Thompson. Nang lumipas na ang mga epekto ng gamot at luminaw na ang kanyang pag-iisip ay naunawaan niya na sila pala ng doktor ay kapuwa may nakalipas sa Vietnam. Nagkaroon siya ng pananabik na makausap ang doktor.
“Dr. Linh”, at ipinakita ni Thompson sa doktor ang kanyang Purple Heart Medal, “heto ang katibayan na dahil sa aking maliit na pagsasakit ay nagwagi ang Demokrasya sa Vietnam.”
“Mr. Thompson”, sagot ng magandang doktor, “walang nagwawagi sa ano mang digmaan.”
“Nguni’t ikaw ay isang halimbawa. Nailigtas ka sa Komunismo at naging doktor,” paliwanag ni Thompson.
“Ang kabayaran, Mr. Thompson? Ilang milyong buhay ang nasawi, kasama na ang buhay ng aking mga magulang at kapatid? Ilang bayan, ilang nayon ang nalimas? Ilang daang taon umatras ang kaunlaran sa Vietnam, dahilan sa gera? May nagwagi ba? Umurong ang Estados Unidos sa Vietnam at ang mga Vietnamese ay ipinagpatuloy ang buhay na kanilang nalalaman. Ang Estados Unidos ay Estados Unidos pa rin. Ang Vietnam ay Vietnam pa rin. Nagpahirap lamang tayo sa isa’t isa sa sampung mahahabang taon ng labanan, dala ng pakikialam sa buhay ng may buhay,” walang kagatol-gatol na winika ni Dr. Linh.
Idinagdag pa ng doktor: “Mr. Thompson, tingnan mo ang retratong ito.”
At tumambad sa mata ng dating sundalo ang retrato ng isang batang babae na ang damit ay halos nahubad na sanhi ng init na galing sa “napalm bomb”. Tumatakbo siya sa isang lansangan, kasunod ang isang tila nakababatang kapatid na lalaki. Sa kanilang mga mukha ay makikita ang sindak, ang hapdi, ang nabibinbing kamatayan.
“Ang sabi ng mga ‘adopted parents’ ko, ako raw ang batang-babae na nasa retrato.” Maikling pahayag ng doktor.
Matagal na tiningnan ni Thompson ang retrato. Sinalat-salat ang kinis ng ibabaw nito at tila natutuyo ang kanyang lalamunan. Dahan-dahang nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. Tumayo si Thompson mula sa pagkakahiga sa kama ng maysakit at lumakad patungo sa bintana. Binuksan niya ang bintanang-salamin at nilanghap nang malalim ang sariwang hangin na sumalubong sa kanyang mukha. Kipkip sa kanang kamay ang Purple Heart Medal, biglang inihagis niya ang karangalan sa kalawakan sa labas ng bintana.
Bumaling sa doktor at sa tinig na nabibyak dahilan sa mabigat na damdamin ay sinabi niya, “Ikaw na naging biktima ng aking 'kabayanihan' ang nagligtas sa aking buhay. Ang sa akala ay inililigtas ko ay siyang naging tagapagligtas. Ang naging ulila, sa halip na gumanti, ay tinulungan ang kaaway. Tama ka, Dr. Linh. Walang matuwid ang digmaan.”