
MAY PAKLA ANG SAGING SA BELLAMONTE
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Kadalasan, ang puno ng saging ay tumutubo na walang nagtatanim, at mabilis na nagbibigay ng masustansyang bunga. Kung pababayaan, ang mahiwagang ugat nito ay gagapang at lilikha ng iba pang puno, hanggang sa di kawasa’y may hanay na ng puno ng saging sa lupa sa likuran ng bahay.
Mayaman ang lupa sa Pilipinas at ang init at ulan ay tamang-tama lamang na ang mga tanim ay maging mayabong at hitik sa bunga. Batay sa karanasan, ang ano mang binhing mahulog sa lupa ay tiyak na tumutubo kahi’t na walang alaga at nagiging pagkain. Kung kaya’t sa kapaligiran ay may matatagpuang kamatis, okra, talong, ampalaya, at kung anu-ano pang gulay at prutas.
Nguni’t isang pala-isipan. Sa lupang masagana, bakit may mga taong nagugutom?
Sagana ang halaman at bungang-kahoy. Sagana ang dagat sa isda, hipon, alimasag at damong-dagat. Sariwa ang hangin at malinis ang tubig. Bakit mayroong naghihirap, nagkakasakit, nagdadalamhati?
Tingnan natin ang naganap sa isang bayan.
Kakaiba ang kalagayan ng saging sa Pulo ng Bellamonte. Dito’y sinasadya ang pagtatanim sa prutas na ito sa paraang malakihan at moderno. Si Don Ricardo, isang kapitalista, ay nag-ukol ng ekta-ektaryang lupa at nagsabog ng daang milyong piso sa pagtatanim at pagpapalalago ng saging. Exporter siya ng saging sa Estados Unidos. Barko-barkong saging na galing sa pulo ang itinatawid sa Dagat Pacifico at inihahatid, una, sa mga supermarkets; at pagkatapos, ay sa hapag-kainan ng mga Amerikano.
Libong naninirahan sa Bellamonte ang namamasukan sa sagingan ni Don Ricardo. Sila’y tagapagtanim, taga-empake o kawani sa opisina. Milyun-milyon ang halaga ng mga makinarya at kasangkapan na ginagamit sa hacienda at nang maging maayos ang negosyo. Gayon din, malaki ang halaga ng salaping ibinabayad na pasuweldo sa mga empleado at bayad sa buwis sa gobyerno. Dahilan sa sagingan, nagkaroon ng hanapbuhay ang mga mamamayan at naging maunlad ang nasabing bayan.
Ang saging na ipinadadala sa Estados Unidos ay kailangang naaayon sa sukatan ng mga mamimili sa nasabing bansa. Ang saging ay kailangang maging tama sa lasa, sa sukat, sa kulay, sa timbang at sa anyo. Hindi maaari na ang saging ay magkaroon ng mantsa o batik o di kaya ay madaling manglambot o mabulok. Kailangang ang saging ay maitawid sa dagat at makarating sa Estados Unidos na maganda pa ang anyo kahi’t na ang biyahe sa bapor ay inaabot ng dalawampung-araw, humigit-kumulang. Makarating man ang saging sa pier ay ilang araw pa rin o linggo ang lumilipas bago ito nadadala sa mga pamilihan.
Gumagamit ang sagingan ni Don Ricardo ng laksa-laksang chemical o pesticide na ang layon ay mapanatiling maganda ang anyo ng saging at mapatagal ang buhay nito kahi’t na mahaba ang biyahe.
Sa isang dako, magandang biyaya ang saging. Sa kabilang dako ay tagapag-dala ito ng suliranin at hilahil. Taon-taon ay malaking bilang ng mga mangagawa at maging ng mga kamag-anakan nila ang nagkakasakit, ng sakit na hindi maintindihan kung ano, na ikinamamatay nila. Mayroong nagkakasakit sa baga, sa atay, sa tiyan, o nagkakasugat na di gumagaling. Mayroong pumapayat o nagkakaroon ng migraine na hindi maintindihan kung ano ang sanhi.
May hinuha si Don Ricardo na ang mga misteryosong pagkakasakit at pagkamatay ng mga tao ay resulta ng paggamit ng chemicals sa sagingan. Nguni’t hindi niya ito maaaring tiyakin o aminin sapagka’t ang negosyo ay hihina o titigil.
Samantala, ang mga lider ng mga manggagawa ay nababahala sa mga nangyayaring lagim at kalungkutan. Sumangguni sila sa isang unibersidad sa Maynila at nang makakuha ng opinyon. Hiniling nila na magpadala ng mga doktor at scientifico sa pulo ang unibersidad at nang mapag-aralan ang paligid – ang tubig, ang hangin, ang lupa – at mabatid ang bagay o kalagayan na nagbibigay ng sakit sa mga taong-bayan.
Bukod sa nasabing hakbang ay nagsumite ng demanda sa korte ang mga manggagawa na humihingi ng karampatang kabayaran sa pagkamatay ng mga biktima ng kung anong “masamang hangin” na nakapaligid sa sagingan ni Don Ricardo.
Galit si Don Ricardo sa mga nagaganap na panggugulo ng mga manggagawa. Sa kanyang paningin ay di makatarungan na siya ang masisi sa pagkakasakit at pagkamatay ng mga tao. Sa kanyang pandamdam, ang mga naghahasik ng gulo ay ibig lamang na magkakuwarta o mapalaganap ang unionismo o komunismo sa naturang pulo. At siya ang inaasinta sapagka’t siya ang may salapi.
“Mga walang utang-na-loob! Matapos mong bigyan ng hanapbuhay at turingin nang maayos, ito pa ang isusukli sa iyo!” Sambit ng mayamang haciendero. “Kung ganoon ang gusto ninyo, sige, laban!”
Nakalulungkot na may kasaganaan nga sana dahil mayaman ang lupa. Nguni’t nagiging mapait ang bunga ng lupa, nagiging mapakla ang mga bungang-kahoy, napagsasamantalahan ang mga karaniwang tao at sila’y nagugutom at nagkakasakit dahilan sa kasakiman sa salapi ng mga may malalaking lupa at kapital. Ang mayayaman ay nagpapasasa sa karangyaan samantalang ang marami ay kayod nang kayod sa trabaho nguni’t kapos pa rin sa mga pangangailangan sa buhay at nagkakasakit dahil sila’y nakalantad sa panganib.
Isang araw ay nagpasiya ang mga manggagawa sa sagingan na mag-aklas. Hindi sila pumasok sa trabaho at sa halip ay nag-ipon sa harapan ng bahay ni Don Ricardo at doon ay isiniwalat nila ang kanilang mga hinaing. Hindi lumabas si Don Ricardo upang harapin ang mga nag-i-strike. Ang hepe ng kanyang security ang humarap sa kanila na may pagbabanta – “Magsi-uwi na kayo at nang maibalik ang katahimikan. Bukas ay magsibalik kayo sa trabaho. Kung hindi, ang kapalit ng inyong katigasan ng ulo ay pagkawala ng inyong trabaho. Mapipilitan si Don Ricardo na itiwalag kayong lahat at umangkat ng mga trabahador galing sa ibang bayan.”
Nagmatigas ang mga manggagawa. Hindi sila umuwi at ipinagpatuloy ang maingay na pagwewelga sa harapan ng bahay ni Don Ricardo. May isang binatilyo pa nga na naghagis ng bato sa naturang bahay at natamaan nito ang isang malaking salamin na ikinabasag nito.
Nang kaumagahan ay natagpuan si Tandang Berong, isa sa mga lider ng mga manggagawa, na nakasubsob ang mukha sa sapa at wala nang buhay. Nang tingnan ang kanyang katawan ay nakita ng mga nagsuri na maraming pasa ang lalaki na tila siya ay pinaghahampas ng sagwan hanggang sa siya ay mamatay.
Nagkaroon ng kaba ang mga taga-pulo. At nang wala nang mapahamak pa ay tila sila mga tupa na nagsipagbalikan sa kanilang mga trabaho sa sagingan.
Napapaiyak si Aurelia sa tuwing maiisip ang nangyayaring sigalot sa kanyang bayan. Ang dalaga ay siyang nag-iisang tanglaw sa tahanan ni Mang Cesar na namamasukan sa sagingan. Si Aling Mona, na asawa niya, ay isang taon nang patay – biktima ng isang mahiwagang sakit.
Maganda si Aurelia, napakabait at madasaling bata. Marupok ang kanyang puso. Madali siyang magdamdam at mababaw ang luha. Umiibig siya kay Nino, ang binatang kapitbahay, na nag-aaral ng medisina sa Maynila, sa isang bantog na unibersidad.
Halos tapos na si Nino, isa na siyang ganap na doktor halos at dalubhasa sa mga sakit na sanhi ng chemicals. Malapit nang umuwi sa Bellamonte si Nino upang magpakasal kay Aurelia at sa kanyang nayo’y magsilbi bilang isang tapat at mapaglingkod na manggagamot.
Pansamantala ay walang magawa si Aurelia kundi ang magtiis sa pangungulila at ang lumuha kapag nalulungkot. Ipinagdaramdam niya nang matindi ang pagkawala ng ina na nagdanas ng hirap bago namatay. Wala siyang magawa kundi ipalaman sa liham niya kay Nino ang kanyang mga hinanakit, datapuwa’t madalang at mabagal ang paglalakbay ng sulat mula Bellamonte hanggang sa Maynila.
Makalipas ang ilang buwang pagsisiyasat at pag-aaral sa mga reklamo ay nagpasiya ang huwes na dinggin ang kasong isinampa ng mga taong-bayan laban kay Don Ricardo.
Punung-puno ang sala ng huwes sa tuwing may hearing sa dahilang gustong marinig ng mga tao ang katotohanan. Nagpapasikip din sa korte si Don Ricardo at ang isang batalyon niyang abogado at mga managers na tagapagtanggol niya sa kaso.
Isinalaysay sa hukuman ng abogado ng mga nagtatanim ng saging na ang pataniman ay gumagamit ng libong tonelada ng chemical. Ang chemical ay ginagamit – isinasabog sa hangin sa pamamagitan ng mga sprayers - upang ang saging ay hindi dapuan ng mga peste na mag-iiwan ng mantsa o batik sa balat.
Chemical ang dahilan kung bakit nagkakasakit at namamatay ang mga mamamayan ng Bellamonte. Ang sakit ay dala ng pagkakalanghap sa hangin o pagkakahipo sa mga bagay na nadaupan ng chemical.
May ibang kaparaanan na magagamit sa pagpapanatili sa magandang anyo ng saging at pagpapatagal sa kasariwaan nito na kasing-bisa ng chemical; datapuwa’t hindi gusto ni Don Ricardo na sumubok ng mga ito.
Malinaw na walang damdamin si Don Ricardo para sa mga manggagawa at kamag-anakan nila. Salapi lamang at tubo ang kaisa-isang hangarin niya sa buhay. Walang halaga sa kanya ang magkasakit at mamatay ang kanyang kapuwa, maitaguyod lamang ang kanyang pagpapayaman. Si Don Ricardo ay may pananagutan sa mga napinsala at dapat na magbayad siya ng naaangkop na halaga upang maibsan ang pinsala at hinanakit ng mga nabiktima ng kanyang kasakiman. Kinakailangan din na itigil ni Don Ricardo ang paggamit ng mga chemical sa kanyang mga pataniman.
Sinabi naman ng abogado ni Don Ricardo na hindi siya masisisi sa pagkakasakit at pagkamatay ng mga tao sa dahilang walang sinomang nakatitiyak kung ano ang sanhi ng pagkakasakit o pagkamatay ng mga tao. Sinisisi ang chemical na ginagamit sa pagpapalago ng saging, ngun’it ito ay naaayon sa haka-haka lamang. Walang ebidensiya na ang naturang chemical ang “salarin” kahi’t na ito ay ginagamit sa mga sagingan saan mang lugar sa mundo at kahi’t na ang may gawa ay nagpapatunay na ang chemical ay ligtas. Kung ito ay masama at bawal, hindi na ito lilikhain ng taga-gawa at ipagbabawal na ito ng mga gobyerno.
Malaki ang pakinabang na idinudulot ng chemical sapagka’t dahilan dito ay gumaganda at nabibili ang saging at nagkakaroon ng hanapbuhay ang mga taga-Bellamonte. Kung walang balot ng chemical ay hindi makararating ang saging sa Estados Unidos na nasa magandang kalagayan sapagka’t mahaba ang biyahe.
Hindi pinagmumulan ng sakit ang chemical kung ginagamit ito sa tamang paraan. May mga alituntunin sa pataniman tungkol sa wastong paggamit ng mga chemical. Ang mga kawani na gumagamit nito ay kinakailangang magsuot ng guwantes at saka takip sa mukha at katawan at nang maiwasan ang kontaminasyon. Ipagpalagay man na may epekto ang chemical sa mga tao, ang may kasalanan sa pagkakasakit ay ang mga tao mismo na gumamit sa chemical na hindi sinusundan ang mga alituntunin. Hindi sila nagsusuot ng guwantes at ng naangkop na kasuotan habang gumagamit ng chemical.
Sinabi rin nila na ang mga taong-bayan ay nakikinabang sa ipinasusueldo sa kanila ni Don Ricardo; na sa halip na tuligsain ang kanilang tagapagbigay-hanap-buhay, dapat ay tinatangkilik nila at tinutulungan ang kompanya ni Don Ricardo at nang mapagtagumpayan ang mga nakakaharap na problema.
Nang dumating na ang takdang oras na ipakilala ang star witness ng mga nagdedemanda ay tinawag ng abogadong taga-usig ang isang lalaking dalubhasa sa mga chemicals. Siya ay ang pangunahing doktor at scientifico, sa buong Pilipinas, na nakaaalam sa masasamang epekto ng chemical sa kalusugan ng tao. Ang pangalan ng doktor at dalubhasa ay si Dr. Nino Panganiban – dili iba kundi ang kasintahan ni Aurelia! Ipinatawag siya mula sa Maynila at dumating sa pulo upang maging pangunahing testigo sa kaso.
Nang mabanggit ang pangalan ni Nino ay nagulat si Aurelia. Dumating pala ang kanyang kasintahan! Nagulat din ang mga kapitbahay na nakakikila kay Nino. Siya pala’y dumating sa nayon na walang nakaaalam. Siya pala ay isa nang mahusay na doktor at dalubhasa sa chemical, ang dati-rati’y batang paslit sa nayon, na anak ng mahirap, na nagkaroon ng pagkakataon na makapag-aral sa Maynila. Kay dunong at kay palad na nilalang!
Hindi lamang nagulat si Don Ricardo, tumaas ang kanyang presyon at sumikip ang paghinga dahilan sa narinig. Bago papagsalitain ang testigo ay humiling sa huwes ang abogado ni Don Ricardo na bigyan ng ilang minuto ang inuusig upang makapagpahinga at matingnan ng doktor. Ang kahilingan ay ipinagkaloob naman ng huwes.
Sa sasandaling recess ay nagkaroon ng pagkakataong makapag-usap sina Dr. Nino at Don Ricardo. Nagkulong sila sa isang silid at nag-usap nang lalaki sa lalaki.
Sabi ni Don Ricardo kay Nino, “Hindi ko akalain na ikaw pala ang testigo ng mga kalaban ko sa kaso, ikaw na para ko nang anak! Kinupkop kita at pinag-aral, na sana isang araw ay babalik ka upang suklian ang aking kabutihan. Ganoon din upang matulungan mo ang aking negosyo, ang iyong mahirap na pamilya, at iyong mga kanayon. Ang pangarap ko ay di pala matutupad.”
Sagot ni Nino, “Ikinalulungkot ko po, Don Ricardo. Ako po’y lubos na nagpapasalamat sa inyong pagtataguyod sa aking pag-aaral. Tiyak ko na kayo ay maginoo na may magandang kalooban. Ako’y nakapag-aral sa pamamagitan ng inyong salapi. Ang dapat ay maging tapat ako sa inyo. Tama po kayo, Don Ricardo. Kung kaya ako po ay titistigo ay upang kayo ay matulungan, sapagka’t kayo ay isang biktima rin.
“May masamang hangin po sa inyong hacienda at ang lason ay nasa lupa na at sa tubig na iniinom ng mga mamamayan. Ito po’y ikinamatay na ng maraming kanayon at kamag-anakan natin, pati na ng ina ng aking pinakamamahal sa buhay. Kapag nakumbinsi ko po ang huwes na ang chemical ay lason at di mainam sa kalusugan ng mga taga-rito, Don Ricardo, lahat po tayo ay mananalo. Iisa po ang hanging ating hinihinga dito sa Bellamonte. Iisa po ang tubig na ating iniinom. Tayo pong lahat ay malalason, pati kayo Don Ricardo. Maaaring isa-isa tayong magkakasakit at mamatay sanhi ng chemical. Una-una po lamang ang pagdapo ng sakit sa atin, tiyak pong tayong lahat ay mamamatay.”
“Nino, ang katulad mo ay isang ahas na tumutuklaw sa kamay na nagpapakain sa kanya!” Mapait na pagsumbat ni Don Ricardo.
“Ikinalulungkot ko po, Don Ricardo, ang lalabas sa aking bibig ay ang katotohanan at ang kaligtasan nating lahat. Patawarin po ninyo ako.”
At mula noon ay di na muling magkakasanib ang landas ng tumulong at ng natulungan.
Mahalaga sa buhay ang utang-na-loob at katapatan. Nguni’t higit na matimbang sa timbangan ng buhay ang Pag-ibig. Pag-ibig sa kasintahan. Pag-ibig sa buhay. Pag-ibig sa tama. Pag-ibig sa nakararami. Pag-ibig sa naaapi. Pag-ibig sa katotohanan.