Compliments Yuchengco Museum
ANG PITONG ANAK NA BABAE NI SULTAN LIWANAG
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Maunlad ang pulo ng Pulang Lupa dahilan sa mahusay na pamumuno ni Sultan Liwanag. Ang mga taga-roon ay may kani-kaniyang gawain at katangian.
Sa kabundukan ay may mga nagbubungkal ng lupa upang makahanap ng ginto at pilak. Sa kapatagan ay naghahabi ang mga kababaihan ng mga kayo na maseselan ang uri o di kaya’y may itinatampok na burda o desenyo. Gumagawa sila ng mga banig, buslo, at kung anu-ano pang maipagbibili o mapagkakabuhayan. Ang mga lalaki ay abala sa pagpapalago ng pananim sa bukid o di kaya ay sa paggawa ng mga malalaking balanghay o sasakyang-pangdagat.
Masasaya ang mga tao sapagka’t sila’y may ikinabubuhay, sagana sila sa pagkain at pangangailangan, at higit sa lahat, sila ay may kalayaan. Matalino at maunawaing pinuno si Sultan Liwanag.
Dumadaong sa pampangin ng Pulang Lupa ang mga dayuhan na mula sa Tsina at Indiya. Sinasadya nila ang pulo upang dito ay makipagpalitan ng paninda. Dala nila ay mga pinggan, alahas, pulbura, at kung anu-ano pang doon lamang sa kanilang bansa niyayari. Pinagpapalit ang mga ito sa mga likha ng mga taga-Pulang Lupa. Kung di man palitan ay nangyayari ang bilihan na gamit ang salaping yari sa bakal na noon ay uso na.
Matanda na si Sultan Liwanag. Ayon sa kaugalian, susunod sa kanya bilang pinuno ng kanyang lipi, ay ang kanyang pinakamatandang anak.
Pito ang anak ni Sultan Liwanag at lahat sila ay babae. Ang pinakamatanda at dapat na magiging tagapagmana ng trono ay si Prinsesa Luningning. Sa kasamaang-palad, hindi maaaring maging sultana si Prinsesa Luningning sapagka’t siya ay isinilang na may kapansanan. Isip-bata siya. Humigit-kumulang na ang prinsesa ay apatnapu’t limang taong gulang na, nguni’t ang kanyang isip ay katumbas ng isip ng sampung taong gulang na bata. Mahal na mahal ni Sultan Liwanag ang prinsesang may kapansanan, nguni’t hindi niya maaaring hirangin siya bilang tagapagmana ng kanyang trono.
Iyan ang kasalukuyang alalahanin ni Sultan Liwanag. Paano niya maisasalin ang kapangyarihan sa kanyang anak bago siya bawian ng buhay? Gagawin ba niyang sultana ang susunod kay Prinsesa Luningning, batay sa katandaan; o mag-iiba siya ng paraan ng pagpili ng tagapagmana?
Nagpasiya si Sultan Liwanag na mag-iiba siya ng paraan ng pagpili ng tagapagmana. Ibabatay niya ang pagpili sa talino at galing, sa halip na, sa kung sino ang nakatatanda.
“Ano mang sandali na kayo ay nakahanda na, ipaalam sa akin, at kayo’y bibigyan ng pagkakataong ipakita ang inyong talino at galing,” payo ni Sultan Liwanag sa kanyang pitong anak na babae.
Ang pitong anak na babae ay nagkaroon ng masasabing pantay-pantay na pagtuturing at pagmamahal ng ama. Silang lahat ay dumaan sa pag-aaral sa ilalim ng pagtuturo ng mga matatalinong guro sa pulo. Silang lahat ay nakarinig at nakabasa ng mga kasaysayang kapupulutan ng dunong at magagandang kaugalian mula sa mga dayuhang galing sa Tsina at Indiya. Silang lahat ay dumaan sa pagsasanay sa paggamit ng sandata at pakikipaglaban, kung sakaling sila ay mapapaaway. Higit sa lahat, ang ama ay nagpakita sa kanilang lahat, kung papaano magiging mahusay na pinuno ng kaharian; gayon din naman, ang mabuti at kapaki-pakinabang na pakikipag-negosyo sa mga Intsik at taga-Indiya.
Sa kabila ng lahat, ang bawa’t isang anak na babae, ay may kani-kaniyang naiibang ugali, hilig, at katangian.
Si Prinsesa Sibat ang maliksi at malakas na anak ng sultan. Sa alin mang gawain ibig niyang siya ang nauuna. Kung kaya't sa hiningi ng sultan na pagsubok ay agad siyang nagkusang-loob na mauna.
Iniharap niya sa sultan ang tatlong lalaki na sa buong kaharian ay bantog sa bilis, lakas, at tapang. Ang una ay hinamon ng prinsesa ng takbuhan. Ang pangalawa ay ng palakasan, ang paghatak sa nakasingkaw na sampung kalabaw. Ang pangatlo ay ng paligsahan sa katapangan.
Sa karera at sa hatakan ng mabigat ay nanalo ang prinsesa laban sa mga lalaki. Gayon din, nanalo siya sa pagdakot at pagsilo ng buwaya, na katibayan ng katapangan.
Nasiyahan ang sultan sa kanyang nakita.
Pagdating kay Prinsesa Paraluman ay nakita ng sultan ang pambihirang katalinuhan ng anak pagdating sa paggamit ng isip. Magaling siya sa paggamit ng abakus, sa numero, at sa pagbibigay kalutasan sa mga palaisipan at talinghaga. Siya na ang may pinakamaraming aklat na nabasa sa buong kaharian. Siya lamang ang anak na ipinadala ng ama sa Tsina upang doon ay mapag-aralan ang astronomika.
Sa mga gabing pusikit ang dilim at nakalitaw nang maliwanag ang lahat ng bituin, iniipon ni Prinsesa Paraluman ang mga bata upang maipakita sa kanila ang ganda at dami ng mga kumikislap sa malawak na kalangitan. Tuloy ay nauunawaan ng mga bata ang mga lihim ng universo.
Ipinahayag ni Prinsesa Paraluman sa ama ang kanyang katangian at dahilan kung bakit siya ang nararapat na maging tagapamana ng trono. At ang sultan ay nalugod.
Si Prinsesa Mabini ay nagpa-alaala sa ama na ang kanyang galing ay sa larangan ng pananim at paghahayupan. Sa kanyang pamumuno ay hindi magugutom ang mga tao. Siya ang utak sa likod ng masasaganang ani ng palay at bungang-kahoy sa mga bukirin. Malulusog ang mga kalabaw, kabayo, kambing at baka na ginagamit ng mga magsasaka sa pag-aararo at sa paglalakbay; at sila ring pinagmumulan ng pagkain ng bayan sa hapag-kainan.
Si Prinsesa Matuwid naman ay inihayag sa ama ang kanyang galing sa paggawa at paghawak ng pera, sa komersyo. Siya ang naatasan ng sultan na maningil ng buwis sa bawa’t sasakyang-dagat na dumadaong sa kaharian. Iginagalang siya ng mga dumarating na taga-ibang lupain at, hanggang siya ang kausap nila, ay magpapatuloy ang magandang takbo ng komersyo at ng mabuting pagkakaunawaan ng mga taga-Pulang Lupa at mga dayuhan. Ang sultan ay nag-isip nang malalim.
Si Prinsesa Makahiya ay may galing sa panggagamot. Sa kanya lumalapit ang mga taong nagkakasakit at, sa tulong ng mga natutuhan sa mga dayuhan at pagsubok sa sari-saring halaman, ay may lunas siya sa iba’t ibang uri ng karamdaman. Sa katunayan ay si Prinsesa Makahiya ang dahilan kung bakit ang sultan, bagama’t may edad na, ay nananatiling matalas at malakas. May ipinaiinom na katas at ipinakakain na halamang-gubat si Prinsesa Makahiya sa kanyang ama na pinagmumulan niya ng pambihirang lakas at mahabang buhay.
Ang pinakabunso sa mga anak na babae, palibhasa ay pinakamura ang kanyang isipan, ay ang pinakamamahal ng lahat. Hindi maipapantay ang kanyang talino kung ihahambing sa talino at katangian ng mga nakatatandang kapatid.
Nguni't kailangan ding lumahok sa paligsahan si Prinsesa Maputi, sapagka’t iyon ang utos ng ama, kahi’t na wala siyang hangarin na makipagtagisan ng talino sa mga nakatatandang kapatid. Wala siyang nagawa kundi magpakilala ng ano mang gawain o galing niya.
Kinausap niya ang mga kapatid na sila ay pumayag at tumulong sa kanya sa paglikha ng isang pagtatanghal na kinabibilangan ng mga kanta at sayaw. Ang pagtatanghal ay iaalay sa sultan, sa kanilang ina, at sa mga mamamayang nasasakupan.
Sila ay susunod sa kanyang ituturong kanta at sayaw at magsusuot ang mga kapatid ng iba't ibang makukulay at masasayahing damit-pang-tanghalan sa gabi ng palabas. Ang mga kapatid ay masayang pinagbigyan ang kanilang bunso.
May mga batang lalaki at babae na isinali ni Prinsesa Maputi sa palabas, na silang tutugtog ng bandurya, gitara, tambol, at flawta; ayon din sa kanyang pagtuturo at pamamatnubay. Ang palabas ay mabubuo ng magagandang musika at tagpo mula sa simula hanggang sa katapusan, salamat sa galing ng mga magsisiganap.
Inipon ni Prinsesa Maputi ang mga babae sa kaharian upang bumuo ng koro at pangkat ng mananayaw; habang ang mga kalalakihan ay pinagawa niya ng mga palamuti, upang maging kagila-gilalas ang tanghalan, pati na ang paghahanda ng mga kuwitis na sa dulo ng palabas ay sisigabo sa himpapawid.
Dumating ang gabi ng pagtatanghal. Nalibang at namangha ang sultan at ang buong kaharian. Nagandahan ang lahat sa pagtatanghal. Buong gabing nagpatuloy ang kasayahan, ang pagsasalu-salo, at ang pag-iinuman ng tuba. Hindi pa nangyari ang ganoong napakagandang karanasan sa kasaysayan ng nasabing lupain.
Nang dumating na ang panahon ng pagpapasiya ay hinirang ng sultan si Prinsesa Maputi, ang bunsong anak, bilang susunod na pinuno.
“Magiging mabuting pinuno si Prinsesa Maputi,” sabi ng sultan. “Batay ito sa galing niya sa pagsasama-sama sa galing ng iba't-ibang tao upang makabuo ng isang balakin. Nahikayat niya kayo na tumulong at gumanap ayon sa kanyang binabalak, hindi ba? May kani-kaniya kayong galing at katangian. Kung ihahambing sa inyong nalalaman ang sa kay Prinsesa Maputi ay pangkaraniwan lamang ang kanyang talino, dala ng kanyang edad at kakulangan ng karanasan; nguni’t ipinakita niya na ang kanyang kakayahan ay ang mapagbuklod ang mga taong may iba’t ibang galing at sila’y mapasunod niya na magtulung-tulong tungo sa iisang layunin.”
Sumang-ayon ang lahat sa hatol ni Sultan Liwanag at mula noon ay ibinigay nila ang kanilang buong pagtitiwala at pagtatangkilik sa darating na pamumuno ni Prinsesa Maputi.
Pcc2213la