ROSA MALAYA
NI ALBERTO SEGISMUNDO CRUZ
Ang maikling-kathang ito ay may kaugnayan sa kasaysayan ng Maynila. Sumangguni sa kasaysayan ng Pilipinas upang magkaroon ng malaking kabatiran tungkol sa mga tauhang nagsiganap sa maikling-kathang ito.
Ang kapangyariha't kayamanan ni Soliman sa pagiging raha sa maliit na kaharian sa dakong hilaga ng Ilog Pasig noong ikalabinlimang siglo ay napabantog sa nilawak-lawak ng lupang Malaysya. Ang kabantugan niya sa pagiging matapang na mandirigmang mapaghamon sa kamatayan ay taglay ng "apat na hangin". Sinasabing nang minsang tangkain ng mga kaaway ni Raha Lakandula na masakop ang kaharian nito, ang bayaning raha ay nakipagsukatan ng lakas at nakipagpingkian ng kampilan, hindi lamang sa nasabing mga kaaway kundi pati na sa mga buwayang sadyang pinawalan ng mga buhong. Kaya't nang magwakas ang labanan, ang dugo ng tao't dugo ng buwaya'y nagpapula sa Ilog-Pasig hanggang sa kinabukasan ng araw ng paghahamok.
Nguni't si Soliman din ang namayani't ang ilang nangakaligtas sa kaaway ay tinugis pa ng kanyang mga kabig hanggang sa Look ng Maynila. Ang mga kaaway ni Soliman ay nasasabing mga tunay ring lalaki at handang pumatay at magpakamatay. Kabilang sa kanila ay hindi lamang ang ilang di-binyagang datu buhat sa Kamindanawan, kundi pati na ang mga tulisang-dagat na Insik na una pa kaysa kina Lim-Ah-Hong na nagtangkang umagaw sa kahariang iyon sa hilaga ng Ilog-Pasig, na bantog na bantog, hindi lamang sa kayamanan kundi pati pa sa kagandahan ng mga babae.
Talagang hindi nila maubos maisip kung bakit si Soliman ay hindi malupig. Hindi nila mawatasan kung bakit maging sa labanan sa ilog o sa pasigan man nito'y naitataboy sila, kahit sabihing magkatimbang sa lakas ang magkabilang panig. Sa wakas ay naniwala silang si Soliman bukod sa may lakas, liksi't katapangan ay nagtataglay pa rin ng isang uri ng anting-anting na marahil ay pahiram ni Mahoma, dili kaya'y ni Bathala. Kaya't ang mga kaaway na ito, nang lumaon, ay hindi lamang naglunggating masakop ang maliit na kaharian kundi maangkin pa rin ang anting-anting na sang-ayon sa kanilang palagay ay dupil sa dibdib ng tinurang raha.
Sa katotohana'y walang anting-anting si Soliman. Bukod sa katangian ng kanyang pagkalalaki ay naroon pa ang tigas ng kanyang kalooban na ipagsanggalang ang kaharian, dahil sa kanyang anak na babae. Si Rosa Malaya! Si Rosa Malaya'y hindi maaaring maging alipin! Kaya't dahilan dito, nangyaring maging mapagbiro rin sa kamatayan pati ang kanyang mga kawal; naging masunurin sa kanya, lalo na sa paghahanda sa mga kalaban; nangyaring maging matapat sa mga pagsasanay sa kapakanan ng pagtatanggol, lalo na sa pamamaraan sa pagsagabal at paghadlang sa mga kaaway, maging sa pamamagitan ng mga busog at palaso o ng mga kampilan. Bukod dito, ang maliit na kaharian ay nababakuran ng matitibay na buho buhat sa kaparangan at ng matitigas na putik sa pasigan ng ilog. Anupa't maituturing na handang-handa noon ang kaharian ni Soliman sa ano mang malubhang pangyayari, at sapagka't handang-handa, kaya naman mahirap na malupig.
Sa mga mata ni Rosa Malaya, ang ginagawing ito ng kanyang ama't ng mga kabig nito'y isang kabalbalan. Ayaw na ayaw siya ng digmaan, ng paghahamok, ng pagpipingkian ng kampilan at ng pag-uutasan ng buhay. At para sa kanya, ang ganitong mga pandirigma ay lipas na sa panahon, sapagka't pati ang pagpapaunlad sa kabuhayan at ang pagdami ng mga mamamayan ay napipinsala. Gayon din naman hindi maharap ang pagsasaka't pag-aalaga ng hayop, hindi rin naman magawa ang mga pagpipista't pagpaparangal sa mga natatanging mamamayan ng kaharian.
At ang isa pang labis na kinamumuhian ni Rosa Malaya'y ang pangyayaring hindi niya mailihim sa mata ng mga kawal at kabig na mandirigma ng kanyang ama ang kagandahan niyang "pinatatangkilik" sa mga biyaya ng Katalagahan.
Kung umaga, bago pa lamang umaangat ang araw, ay nagtatampisaw na siya sa ilog na halos ay nakatapi lamang sapagka't karaniwang naliligo siya sa sinag ng araw. May mga saglit na, kung siya'y napapagal na sa pagbibilad ng katawan sa araw, nagpapahingalay naman sa mapuputing talulot ng nilad. Sa mga sandaling itong lipos ng tulain at buhay, si Rosa Malaya'y isang tunay na Sultana ng Pasig.
Isang araw, bago pa lamang nagbubukang-liwayway, ang isang matapang na mandirigmang dayuhan ay nangyaring makapamangka hanggang sa kalagitnaan ng ilog at makapangubli sa isang tanging panig ng mga kawayanang hindi kalayuan sa pook na napagkagawian nang tunguhan ni Rosa Malaya - sa pook na masasabing pinagpala ng katalagahan - doon sa ang bughaw ng ilog at puti ng nilad ay pinanununghan ng langit.
At gayon na lamang ang panggigilalas at paghanga ng mandirigmang pangahas nang masaksihan ang kagandahan ni Rosa Malaya - kagandahang sadyang pinatatangkilik sa mga biyaya ng katalagahan. Nakita niya ang hubog ng katawan nitong karapat-dapat na maging sultana; nasulyapan din naman niya ang mukha nitong kaayaaya, napansin din pati ang mga kilos na lipos ng sining, kahi't sa pagtatampisaw sa ilog, na anaki'y katugon ng langitngit ng kawayan at awit ng mga ibong pasaglit-saglit na pumapailanlang sa kalawakan . . .
Nawala sa loob ng pangahas na mandirigmang dayuhan ang panganib na napipinto. Nalimutan pati kanyang pakay - ang kanyang layon. Nakaligtaan din naman ang kanyang nais na matiyak kung saan maaaring sumalakay ang mga kawal niya kinabukasan, upang makapagtagumpay at makapag-angkin, pagkatapos, ng dupil sa dibdib ng bayaning raha. Nadakip siya samantalang nanunubok at nagmamasid sa Prinsesa Rosa Malaya. At noon niya nabatid na para siyang natukso't nagayuma pa ng kagandahang iyon upang matagpuan sa wakas ang malungkot niyang kapalaran.
"A! pangahas na Apo ng Buwaya ..." anang taga-usig ni Soliman. "Ano ang pangalan mo?"
"Taga-Ilog," at siya'y ngumiti pa.
"Kung gayo'y dapat kang patamaan ng sampung palaso sa dibdib sa pasigan ng ilog, at pagkatapos ay dapat kang maging pagkain ng aming mga alagang pating sa baklad sa look."
"Ang aking hatol," ani Soliman sa marahas na tinig, "ay ilapat na agad ang parusa."
Nguni't siyang paglabas ni Rosa Malaya. Sa pinakabulwagang-hukuman - isang loobang may bakod na buho at ang atip ay kugong tuyo - ang tinig ng Prinsesa Malaya'y narinig ng lahat.
"Hindi ninyo siya dapat na parusahan agad," ang kanyang hadlang. "Bigyan muna ninyo siya ng pagkakataong makapagmatuwid."
Lahat ay nanggilalas. Hindi nila akalaing mamagitan sa pangahas ang kanilang Prinsesa.
"Datapuwa't," ani Raha Soliman, "ang nasabi ko'y nasabi ko na." At minasid ng mga matang mababalasik ang anak na Prinsesa.
Kinabukasan ay nakatakda na ang kamatayan ni Taga-Ilog. Handa na ang mga piniling kawal ni Soliman, upang mag-iwan ng sampung palaso sa puso ng pangahas na mandirigma. Handa na rin ang lahat upang pagkatapos ay ihandog na pagkain ang kanyang bangkay sa mga alagang pating.
Datapuwa't parang isang himala, sa kabila ng mga tanod, sa pook na lubhang masiit, sa isang lihim na lagusang may guwang sa labas ng moog ng mga buho, si Rosa Malaya'y nangyaring makapagdaan at masabi agad kay Taga-Ilog ang kanyang pakay.
"Pangahas!" ang tawag niya. "Palalayain kita ngayon din."
Napamangha si Taga-Ilog.
"Palalayain kita, nguni't taglay mo sa kaluluwa ang aking poot habang buhay," anang Prinsesa.
"Kung gayo'y huwag mo na akong palayain pa," ang matigas na wika ni Taga-Ilog. "Ibig kong mamatay na nagugunita ang iyong kagandahan. Nais kong masawi na nalalamang ikaw ang naging dahilan ng aking kasawian."
Hindi nakakibo si Rosa Malaya. Namungay na lamang ang kanyang mga mata. Napagwari niyang may ibig sabihin si Taga-Ilog. Sa katotohanan, ang nasabi ng kanilang mga mata kailan ma'y hindi masasabi ng kanilang bibig.
"Kung iyan ang hangad mo'y... hindi kita palalayain!" anang Prinsesa, at tumalikod sa kanya.
Ilang saglit pa't dumating na ang mga kawal! Gapos na gapos si Taga-Ilog, at sapagka't nagbubukang-liwayway pa lamang noon, ang landas na kanilang tinahak hanggang sa pasigan ng ilog ay lubhang madilim pa. Gayun man, ang dilim ay hindi sukat upang huwag nang mabigyang bisa ang kahatulan. At sa harap ng sampung piniling kawal na dalubhasa sa paggamit ng palaso, si Taga-Ilog ay humarap sa hatol na iginawad ni Soliman. At nang ang tinig na marahas ng puno'y marinig, ang sampung palaso'y nabinit na, humiging, at lumikha ng kapanganyayaan . . .
Nang umangat na ang Araw sa Silangan at matanglawan ang pook na iyon ng kawayanan, ilang dipa lamang buhat sa ilog, ang lahat ay nalipos ng ligamgam at panggigilalas. Natagpuan nila't maliwanag na nasaksihang ang sinawi ng palaso'y walang iba kundi si Rosa Malaya!
Si Taga-Ilog - ang pangahas na mandirigma - ay nakatakas na upang damdamin sa habang buhay niya ang gayong ginawang pagpapakasakit ng Prinsesa Rosa Malaya. At bilang pagpapahalaga sa gayong pagpapakasakit, kailanma'y hindi na nagtangkang sumalakay si Taga-Ilog sa maliit na kahariang iyon ni Soliman.

Hindi ang Sagot ni Seni
Kuwento ni Alberto Segismundo Cruz
(Bulaklak, Oktubre, 4, 1950)
KAILAN lamang ay natunghayan ko ang isang maliit na aklat na anaki'y kalupi lamang ng pag-ibig. Kailan lamang... isang dapit-hapong maulan... gaya rin ng maraming dapit-hapong nagdaan na lubhang maulan at naglulunoy sa patak ng ulan ang mga dahon ng punong-kahoy sa liwasan at sa mga lansangan...
“Ang buhay ay isang kabalighuan", anang isang talata sa aklat. "Dilat ang mga mata natin, nguni't ang hinahanap ay hindi nakikita at kung nakatatagpo ng ano man, ang natatagpuan ay ang hindi pinipita at hindi, kailan man, inaasahan.”
Nagunita ko tuloy ang nangyari kay Mauro. Opo, kay Mauro, sa naging kasama-sama ko sa pag-aaral buhat sa primarya hanggang sa unibersidad.
Si Mauro ay talagang may utak at may puso. Matalino at matiyaga sa pag-aaral at may mabuting kalooban, kaya't maamo sa kanya ang tagumpay. Sa katunayan ay si Mauro ang tanging kalaban ko sa mga paligsahan a panitikan at sa pagtatalo sa aming kolehiyo, gayong kami'y magkatalik na magkaibigan; parang magkapatid na hindi magkalayo ng mga tunguhin, datapuwa't sinusubok ng mga pangyayaring nag-aatas na kami'y "magisikatan" katulad ng ibang nasa larangan ng isang timpalak upang magkamit ng gantimpala.
Datapuwa't wala riyan ang paksa. Ang pangyayari ay nalalagay sa ganito: si Mauro ay sadyang makisig pa at pinagmimithian ng mga babae. Sa kabila ng ganyang katayuan niya, kailan man, ay hindi nakapag-aksaya ng panahon sa pakikitungo o pakikipag-aliw, lalo na't may kinalaman sa lakad na panlipunan. Paano'y nasa isip niya ang paghahanda sa isang magandang kinabukasan na napapalaman sa sinasabi ng kanyang ama: "Mauro, ngayon ang paghahanda. Bukas ay aanihin mo ang binhi ng iyong pagsisikap sa pag-aaral."
Kaya't si Mauro naman na sadyang isang masunuring anak ay talagang walang nasa isip kundi ang mga aklat at babasahing may kinalaman sa panitikan at kaaghaman. Punung-puno ng karunungan at kaalaman ang kanyang utak, at hindi ko ikinahihiyang banggitin dito, na malimit na ako'y sumangguni sa kanya kung ako'y kinakapos o sinasahol sa dapat na mabatid. May paniwala ako sa sarili na si Mauro ay karapat-dapat sa paniniwala, palibhasa'y nakatanim sa utak niya ang bungang-isip ng maraming paham na may likha ng mga aklat ng karunungan.
Matuling nagdaan ang ilang taon, at si Mauro ay nakapagtapos. Katulad ko ay napaharap kami sa tunay na daigdig ng mga pangyayari. Napasuong kami sa tunay na lakad ng buhay – sa tunay na daigdig ng mga taong nagsisihanap ng kabuhayan sa iba;t ibang larangan.
Nabalitaan ko, makaraan ang ilan pang buwan, na si Mauro ay nahirang na magturo sa isa sa mga kolehiyo sa Maynila. Ako man, hindi nalaunan, ay nagturo rin, nguni't makaraan ang ilang linggo ay natukso hanggang sa ako'y magsimula na sa larangan ng pamamahayag.
Gayon man ay nagsusulatan pa rin kami ni Mauro, kung hindi man nagtatagpo ng paminsan-minsan, upang magbalitaan. Sapagka't kailan man ay hindi nawawala sa aming puso't kaluluwa ni Mauro ang kahalagahan ng aming pinagsamahan.
Nang mga unang araw ng aming pagkikita ay hindi nagbabago si Mauro sa kanyang ugali at loobin. Siya rin ang dating Mauro, na aking itinuturing nang higit sa isang matapat na kaibigan. Matalino at matiyaga sa lahat ng bagay na kinakaharap.
Nguni't nakaraan ang halos ay isang taon pa ay hindi ko na natagpuan ang kaibigan kong ito. Sa pagtatanong ay napagtalastas kong nagbitiw na siya sa kolehiyong pinagtuturuan, at diumano'y nagtayo ng sarili sa isang lalawigan sa Timog. Ang katotohanan ng balita ay napatunayan ko, makaraan ang isa pang buwan, nang makatagpo ko ang isa namang kamag-anak na mangangalakal buhat sa Timog.
Nagtatagumpay si Mauro. Salamat sa Diyos! Talagang nalugod ako sa balita; waring ako na rin ang nagtatagumpay. Isipin ninyong siya ang nagtatag ng isang templo ni Minerba, na kapuwa namin pinapangarap upang rnakatulong sa bayan, sa pamamagitan ng pagbubukas ng isang paaralan ng kabataan. Palibhasa'y may utak, puso at puhunan si Mauro, hindi ako nagtataka na maitataguyod niya ang aming malaong pangarap.
Parang pinagtiyap ang aming isipan, isang hapon ay nakatanggap ako ng isang liham buhat sa kanya liham na nag-aanyaya na ako'y magtungo sa Timog at tulungan ko diumano, siya sa gawain doon. Ipinahiwatig niya sa akin na magiging makalawang higit ang aking tatanggapin, sapagka't magtutulong kami sa pangangasiwa. Ipinabatid pa rin niyang ako, diumano, ang magiging patnugot ng isang sangay ng pagtuturo – maaaring sa panitikan o sa ano mang paksang maibigan ko.
Nang una'y ibig ko sanang pumayag na. Nguni't nang mapagwari kong ako man ay nakapag-simula na rin sa aking tunguhin at samakatuwid ay kailangan kong tapusin ang napasimulan, tumanggi sa pamamagitan ng matapat, nguni't magiliw na liham. Idinugtong ko pa na maaaring sa ibang araw ay makatugon din ako sa pangangailangan kung sakali.
Iyan ang huling pagkakataon ng aming pagtatalastasan. Sumulat man ako uli sa kanya ay hindi na ako natugon. Sa loob ko naghari na, marahil ay abalang-abala siya at sadyang gipit sa panahon upang sumagot sa liham ng kaibigan. Nguni't nabalitaan kong ipinagbili ang kapakanan niya sa itinayo niyang paaralan, at pagkatapos ay nakialam negosyo. Isang pahayagan Timog ang nagbabalita ng huling pangyayari, at ako nagkaroon ng palagay na sa lalong mabuting tunguhin napadako si Mauro.
Nguni't. . . sa huli ay nagliwanag ang lahat ng aking agam-agam nang si Mauro ay tumugon sa isa sa aking mga liham nang di ko hinihintay.
Sinabi niya ang ganito sa bahagi:
"Nardo, salamat at nang mabalik ako sa dati kong paaralan ay natanggap ko ang iyong liham. Palayo na ako nang palayosa iyo at sa Maynila. Harinawangdumating ang arawna maging malapit ako sa mga kaibigang gaya mo."
"Sa wakas ay dapat akong humingi sa iyo ng kapatawaran sa aking pagpapahayag na lagi, na ako ay kalaban ng babae. Sa katotohanan, ako'y alipin ngayon ng isang dilag, na siyang panginoong nag-uutos sa akin, o ang dahilan kung bakit ako'y palayo nang palayo... sa mga bakas niya... upang mapatunayan lamang na siya'y tunay kong iniibig, marahil, ng isang pag-ibig na katimbang lamang ng sa aking ina."
"Saka ko na isisiwalat sa iyo ang lahat. Samantala, ay kumusta at sariwang alaala sa lahat."
Bago wakasan ang liham ni Mauro ay itinagubilin sa akin na huwag na akong tutugon muna, sapagka't hindi tiyak ang karoroo niya, aaka ipinangakong siya na ang bahalang sumulat sa akin, sapagka't tiyak ang aking kinaroroonan sa Maynila.
— Talagang matapat si Mauro! — ang nasabi ko sa sarili. — Nguni't ano ang hiwaga't siya ngayon ay alipin ng isang babae, na dati-dati ay itinuturing niyang hindi mahalaga sa kanyang buhay ? Diyata't ang larawang ito ni Eba na sadyang wala sa isip niya at hindi nakararating sa pitak ng kanyang puso ay siyang sanhi at dahilan ng biglang pagbabago ng mga tunguhin niya sa buhay? Ano kaya ang katotohanan? Ano kaya ang tunay? Ano kaya ang nangyayari kay Mauro ngayon?. . .
Ang mga katanungan ay biglang nasagot sa akin ng isa niyang liham na kamakailan ko lamang tinanggap —isang liham na maaaring maging batayang paksa ng isang kathambuhay.
“Hindi mo alam, Nardo, na may isang dalagang guro sa sangaynghigh school ng paaralang pinamatnugutan at pinamuhunanan ko, si Seni. Makaraan ang ilang buwan ng aming karaniwang gawain at panunungkulan sa kapakanan ng paaralan, ano ba't napansin kong nag-iiba ang aking palagay aa kanya.
“Napansin kong si Seni ay may katangi-tanging dilag at pambighaning higit kaysa ibang kabaro niya, gayong kung magdamit ay pangkaraniwan lamang at hindi man halos gumagamit ng mga bagong pamparilag sa mukha. Araw-araw na ginawa ng Diyos ay napapalaman siya sa aking isip hanggang sa nalimutan ko na tuloy ang pagsulat sa aking matanda nang ina upang ibalita ang aking kalagayan at ipagunita ko sa aking matandang minamahal na siya lamang ang tunay kong iniibig at pinakamamahal sa ibabaw ng lupa.
"Kung paano ako ilag sa mga babae noong araw ay siya ko namang kasidhian ngayon sa paglapit kay Seni. Lahat ng pagkakataon ay karapat-dapat sa akin
upang maisalisi ang pagpapahayag ng aking balisa hanggang sa mapaghalata niya na ako’y may pag-ibig sa kanya.
"Sa mga palatuntunan at pagtitipon ng mga nag-aaral ay lagi akong kasama niya at siya naman, sa pakiramdam ko, ay hindi namumuhi. Datapuwa't habang lumalaon ang pagkasalab ng aking puso sa apoy ng tunay na pag-ibig sa kauna-unahang babaing nagpatibok sa puso ko ay lalo manding lumalamig ang pagtingin ni Seni sa akin. Nanalig akong siya’y namumuhi na, kundi man ikinahihiya sa boong paaralan ang aking laging paglapit at paghulong sa kanyang sanghaya.
“Sapagka’t ang karangalan ng paaralan ay dapat na manatili ay gumawa ako ng paraan upang ipagbili sa aking mga kasapi ang aking aksyon, pinakamalaking puhunan sa paaralang nasabi, at kapagdakang malagdaan ang mga kasulatan ay nagharap na ako kaagad ng pagbibitiw.
“Nagpaalam ako sa lahat nang hindi ko tiyak kung saan ako tutungo at hahantong hanggang sa nakarating ako sa isang panig ng Kotabato. Walang nakalaman sa aking gunita kundi si Seni, na nang kahuli-hulihang pagkakataong nagpaalam ako ay nagsabi ng ganito: ‘Dinaramdam ko ang iyong paglayo, nguni't kung iyan ang ikaliligaya mo. . . ay ikaliligaya ko rin!'
“Sa kabila niyan ay naniwala akong walang pag-ibig sa akin ang babaing iyan; at sapagka't walang pag-ibig ay napagsasalita lamang niya ang kanyang dila, nguni't hindi itinitibok ng puso ang mga pangungusap. Marahil ay may napupusuan si Seni! Kaya't ang aking paglayo ay itinuring na lunas upang malimutan ko siya at makapagsimula naman ako ng isang bagong hakbangin sa kapakanan ng pagpapamulat sa ibang panig ngMindanaw.
“Ang aking pasiya ay matibay. Hindi naglaon at nakapagtatag na rin ako ng isang maliit na paaralan sa hanapbuhay sa Kotabato na itinuring na isang biyaya sa mga anak ng mga ‘settlers’ sa dakong iyon ng Timog.
“Hindi ako naglikat ng pagliham kay Seni. Sumasagot siya sa mga liham ko ay ano pa, nguni't nakalarawan sa mga titik ang malamig na pagtanggap sa aking isinasamong pagmamahal.
“Ang pinakamarilag na uri ng waling-waling na naipagbilin ko sa Dabaw ay naipahatid ko sa kanya, sa pamamagitan ng eroplano at sa tulong ng isang kaibigang nagpahatid ng alaalang bulaklak buhat sa lapagan ng PAL sa Dipolog, Sambuwangga. Sa palagay ko, ang mga putting bulaklak ng waling-waling ang lalong makapagpapahayag ng aking dalisay na pag-ibig at pagmamahal kay Seni.
“Nguni't alam mo ba, Nardo, kung ano ang naging tugon niya sa akin? Mapait sa lalong mapait: 'Tinatanggap ko ng boong puso ang iyong marikit na waling-waling, nguni't inaasahan kong hindi ka baliw upang isipin iyan ay dahilan sa iyong pag-ibig.
“Narama ko ang isang mariing dagok na nagwindang sa aking dibdib. Narama ko rin ang pagka-api, ang tunay na pagka-api ng aking bugtong na pag-ibig at pagmamahal. Halos inibig ko ang magpatiwakal kundi nga lamang nababatid ko pang iyan ay isang karuwagan. Nguni't narama ko, sa unang pagkakataon na may matuwid nga pala, kung minsan, ang nagpapakabaliw sa sarili.
“Diyata't ang unang babaing tunay na minahal ko mula nang isilang, bukod sa aking matanda nang ina, ay siya pang mag-iiwan at nag-iwan na nga ng punyal ng pagkasiphayo sa aking puso?
"Palibhasa'y itinuring kong isa na akong sawi, kaya't laban man sa loob ko ay hindi na ako sumulat pa kay Seni. Kung nais kong makabalita ng kahi't ano hinggil sa pinanggalingang paaralan ay lumiliham na lamang ako sa isang kaibigang prinsipal doon na malaki ang naitulong ko upang matamo ang kanyang tungkulin noong binubuo pa ang hanay ng mga magsisipagturo at mamamatnugot sa iba’t ibang sangay ng tinurang paaralan.
“Nagpasiya ako na sa bisa ng aking pagtuturo at paghahalaman ay dapat akong mabuhay sa pook na malayo sa ingay at musika ng kabihasnan, yamang isa rin lamang akong tapon ng pag-ibig at kapalaran sa dakong ito ng Mindanaw.
“Kung dapit-hapon, sa gitna ng malawak na halamanan at sa isang panig na natatanaw ang kaparangan at ang Bundok Matutum, ay pinapangarap ko ang isang dapit-hapong gaya rin noon na sana'y dumating sa aking buhay, kung ako'y mamatay.
“Kinabukasan, halos hindi pa ako nakapag-aagahan ay isang maikling pahatid ang aking tinanggap sa kaibigan kong prinsipal. . . Ang liham ay kasama ng marami pang kahahatid lamang ng eroplano sa lapagan.
“Anang pahatid: 'Patawarin si Seni. Hindi sumunod sa bilin ng manggagamot; nagpatuloy din sa pagtuturo at paglalamay sa kanyang mga lesson plan, at bilang bunga ay nabinat sa lagnat na dumapo na kasapi ang pulmonya. Hanggang sa mga araw na ito ay ang waling-waling mo pa rin ang laging hinihiling na ilapit sa banig ngkaramdaman, at sa tuwing mapapalapit ay hinahagkan ang mga puting bulaklak at lumuluha.
“‘Hindi, hindi kita iniibig, Mauro!’ ang nakakahibangan niyang sabi-sabihin!
Noon, din ay naghanda akong lumipad sa pook ng paaralan kong itinatag. Sa katotohanan, ang pook ding iyon ang dapat na katayuan ng bantayog ng aking unang pag-ibig. Bagaman nababatid kong kahibangan lamang ang nakapangyayari kay Seni ay napaghinuha ko ring hindi pa rin niya ako ganap na nalilimutan. Madalian akong kumuha ng tiket sa paliparan at inibig kong marating ang banig ng karamdaman niya upang kung mamarapatin ay maihandog ang ano mang maitutulong ko. Handa akong gumugol upang mailipad siya sa Maynila at nang mapatingnan sa mga dalubasa sa panggagamot sa pangulong lunsod, kung iibigin ng kanyang mga magulang.
“Nang ako ay dumating sa tahanan ng mag-anak ni Seni, ang Mutya ng aking Pag-ibig ay bangkay nang malamig. Maputi, katulad ng mga bulaklak ng aking waling-waling sa kanyang kasuutang puti at nahiling sa mga huling sandali ng kanyang buhay.
“‘Hindi kita iniibig, Mauro!’ ang huli raw pangungusap ng dalagang guro sa kahibangan, bago tuluyang nalagot ang hininga.
“Hanggang dito na lamang, Nardo, at yamang naisiwalat ko na sa iyo ang lahat ay ikinasisiya kong sabihing nagluwag nang kaunti ang aking dibdib. Buhat
sa kinalilikmuan ko ngayon sa pagsulat ko sa iyo ay hindi ko matiyak kung saang dako ng daigdig ako hahantong — ang sawi at tunay na Belibeth ng kanyang sariling pag-ibig.
“Hindi ka ba naniniwala ngayon, Nardo, na kung kabalighuan ang buhay ay isa ring kabalighuan, kung magkabihira, ang pagibig? — ang tunay na pag-ibig?
“Huwag mo na akong tugunin, Nardo. Ipagdasal mo na lamang ang aking kaluluwa, kung sakali.”
Napangagat-labi ako! Akong si Nardo de Dios na kaibigang matalik ni Mauro San Gabriel Romansanta — ang lalaking umibig sa pag-ibig sa karunungan at kaaghaman upang papag-ulapin ng isang tunay na pag-ibig na lalong makapangyarihan.
. . . Ang huling sulat ni Mauro ay maingat kong tiniklop at itinago sa isang kathambuhay na kanyang ini-alaala sa akin noong panahon ng aming pag-aaral sa unibersidad.
Kahabag-habag na Mauro! Kahanga-hangang pag-ibig ng isang babaing ayaw na padungisan ang kadalisayan ng kanyang wagas na pagmamahal: lihim at sariling-sarili hanggang sa makasiphayo at makasawi pa...
Sa Lilim ng Isang Punungkahoy
Alberto Segismundo Cruz
(Liwayway, Marso 23, 1953
Nailathala muli ng Asian Journal San Diego noong Marso 25, 2011)
Ako’y isang punungkahoy. . . Nguni't hindi ako namumunga. Hindi ako namumulaklak. Ang silbi ko'y magbigay lamang ng lilim sa dampa at sa bakurang aking kinaroroonan. Masibol na akong punungkahoy nang ipagbili ng dating may-ari ang dampa at bakurang iyon kay Mang Sendong, isang lalaking dayuhan sa aming pook, walang nakaaalam kung saan galing. . . at dala ang isang sanggol na wala pang anim na buwan.
— Nabalitaan kong ipinagbibili ninyo ang inyong dampa at bakuran. . . at ang inyong bukid sa libis, — narinig kong wika ni Mang Sendong sa dating may-ari. — Ibig ko pong bilhin kung. . . tayo'y magkakasundo. Nguni't naging madali ang pagkakasundo.
Sa halagang itinuring ng may-ari'y hindi na tumawad si Mang Sendong.
— Ang aking anak ay ulila na sa ina. . . — narinig kong sinabi ni Mang Sendong, upang kaipala'y sagutin ang pagtatanong na ipinahihiwatig ng may-ari sa pagtingin-tingin sa sanggol na nasa bisig ng kausap.
— Namatay ang kanyang ina nang siya'y isilang... at ako ngayon ang ina at ama niya! --
Makailang araw lamang ay lumipat na ang mag-ama sa dampa. Mula noon ay napaukol ang aking pansin kay Mang Sendong at sa kanyang anak. Nakita ko kay Mang Sendong ang dapat hangaan sa isang lalaki -- ang siya'y maging ama't ina ng kanyang anak. Maaga siyang bumabangon upang gumatas sa kanyang inahin — iyon ang ipinasususo sa sanggol. Masipag siya. Habang gumagawa siya sa kanyang bukid ay pasaglit-saglit siya sa bahay upang tingnan ang kanyang sanggol. Ang mga halaman sa kanyang bakuran ay alagang-alaga rin niya - ang mga puno ng mangga, bayabas, santol at tsiko, na sa masinop na pagpapala niya'y masaganang nagsisipamunga. Ang kaliit-liitang sulok ng looban ay napapakikinabangan ng mga alaga niyang mga baboy at manok.
Kahanga-hanga ang pagsisikap niya sa kabuhayan, at sa palagay ko, ang lahat ay ginagawa niya alang-alang sa kinabukasan ng kanyang sanggol. Madalas na si Mang Sendong ay nagpapahingalay sa aking lilim. Hindi nakakaila sa akin ang kanyang kalumbayan.
Naririnig ko ang kanyang mga bunting-hininga. May pangalan ng babaeng lagi niyang tinatawag-tawag: — Priscila! Priscila! — Naririnig ko rin ang may panambitan niyang sambitin: — Ano ang nagawa kong pagkukulang at nilisan mo ako? — Sa simula'y hindi ko maunawaan kung ano ang kahulugan ng kanyang mga binibigkas.
At sa maraming pagkalagas ng aking mga dahon at sa pagsusupling na muli ng aking mga sanga, ay nasaksihan ko ang unti-unting pagsibol ng anak ni Mang Sendong. Priscila ang kanyang pangalan, Ngayon, ang kanyang malilikot at mumunting paa'y naghahabulan na sa bakuran. At nasasaksihan kong tila unti-unting nagkakakulay ang buhay ni Mang Sendong. Sumasaya na siya.
Kung hapon, hindi na si Mang Sendong lamang ang nauupo sa aking lilim. Kapiling na niyang nauupo sa paanan ko si Priscila. Matabil si Priscila. Marami siyang itinatanong; mga tanong ng kamusmusan.
Minsa’y narinig kong sabi ni Mang Sendong sa kanyang matabil na anak. —- Marami ka pang hindi maiintindihan. Nguni't paglaki mo'y saka mo malalaman ang mga sagot...
Marami akong narinig na ikinuwento si Mang Sendong kay Priscila — ang kuwento ng Sanggol na ipinanganak sa sabsaban, ang pastol na si David na sa lilim ko nangaganap ang mahabang kasaysayan na karugtong ng pighati, pakikipaglaban sa higante, ang batang si Jose na ipinagbili ng kanyang mga kapatid.
Sa kabaitan iginising ni Mang Sendong ang anak.
—Ibig kong maging mabait ka, anak... — narinig kong sabi pa ni Mang Sendong, na napabuntung-hininga at napatingin sa malayong parang may nagugunita. — Nguni't ikaw ay maganda... mabibilog ang iyong mga mata... maitim at malago ang iyong buhok… maganda ka, nguni't... hindi ka rin magiging maganda kung di ka magiging mabait.
-—Magiging mabait ako, Tatay... magiging mabait ako. . . — sagot ni Priscila at yumapos siya kay Mang Sendong. Nakita kong nangingilid ang luha sa mga mata nang hagkan ni Mang Sendong ang anak.
Nasubaybayan ko ang paglaki ni Priscila. Pinapag-aral siya ni Mang Sendong at nakarating hanggang ikalawang taon ng haiskul. Si Mang Sendong ang matiyagang naghahatid at sumasalubong sa anak sa pagpasok sa paaralan sa kabayanan. Nang magdalaga si Priscila ay iningatan ni Mang Sendong ang anak na tulad sa isang mahalagang hiyas. Iminulat niya kay Priscila na ang kalinisan ng isang dalaga ay “maningning pa sa mga bituin sa langit kung ang puri ay dalisay at walang bahid-dungis”.
Nguni't isang araw, sa tahimik na pamumuhay ng mag-ama na tila hiwalay sa labas ng daigdig, ay may napaligaw na isang binata. Nakaupo isang umaga sa aking lilim si Priscila nang lumapit sa kanya ang binatang iyon at magalang na bumati. Nakita ko ang biglang pamumula ng mga pisngi ni Priscila, at parang isang mailap na ibong nagipit kaya lamang hindi agad nakalipad sa malayo.
— Ipagpatawad ninyo ang paglapit ko, Binibini... — sabi ng binata na nakapamintana sa mga mata ang paghangang di maikaila sa pagkatitig kay Priscila. — Malungkot lang talaga ang walang kakilala sa isang pook, kaya di man dapat ay nangahas na akong lumapit upang makipagkilala. . .
-- Aba, e... e... — at utal sa pagsasalita si Prisciia. — tatang ko po e . . . — at napaurong siya at tinanaw si Mang Sendong na lumalakad na palapit at iniwan ang ginagawa sa duluhan nang makitang may kausap si Priscila.
Magalang na nagbigay ng magandang umaga ang binata.Nagpakilalang siya’y si Milo Verdeflor, isang manunulat. Nagbabakasyon sa pook na iyon. Walang kakilala at nasasabik magkaroon ng kausap.
— Kayo ang pinakamalapit sa aking kinatitirahan. . . — nasabi pa ng binata, at sinulyapan si Priscila na nasa likuran ng ama. -- Natatanaw ko kung gabi ang liwanag ng inyong ilaw, kaya naisip ko pong magsadya naman dito sa inyo upang makipagkilala. . . --
Mula noon, si Milo ay madalas nang dumalaw kina Mang Sendong. Madalas silang nag-uusap sa aking lilim.
-- Mabait at magalang si Milo. Madaling nagkahulihan sila ng loob ni Mang Sendong. Maraming naibabalita si Milo — ang matuling pag-unlad ng Maynila, ang malakas na pagsulong ng karunungan, at ang mga nagaganap na pangyayari sa iba't ibang panig ng daigdig. Kung dumarating si Milo na si Mang Sendong ay gumagawa sa kanyang bukid sa libis, ay si Priscila na ang tumatanggap sa binata. Nahalata kong si Milo ma'y madaling kinalugdan ni Priscila. Madalas na namamasyal sila sa bukid at kung umuuwi'y may dalang mga bulaklak na ligaw. Kung nauupo sila sa aking lilim ay napapakinggan ko ang kanilang pag-uusap, Ikinukuwento ni Milo kay Priscila ang buhay sa Maynila, ang mga kasayahan, ang sine, ang mga naitklub. Nakikita kong kumikislap ang mga mata ni Priscila sa kaligayahan.
—- Nguni't lahat ng iyon ay pagsasawaan mo. . . — minsa'y narinig kong sinabi ni Milo.
— Hahapuin ang buhay mo sa walang tigil na pag-inog ng buhay roon. Sa palagay ko'y naririto ang tunay na buhay. . . walang ingay na nakababagot, nakakausap mong palagi ang iyong sarili sa katahimikan. . . Malapit sa kalikasan, kaibigan ng punungkahoy na ito, ng bukid, ng mayayamang lupa... walang pagbabalatkayo ang lahat ng bagay. . .
— Oo nga, Milo. . . — at napabuntung-hininga si Priscila.
— Maligaya ako sa ibinabalita mo sa aking Maynila. Nguni't sa puso ko'y nakatanim ang lahat ng naririto. Ito ang aking daigdig... Katulad ko ang punungkahoy na ito na kapag binunot sa kinatatamnan ay walang salang mamamatay...
At nakita kong hinawakan ni Milo ang isang kamay ni Priscila.
— Kung mapaniniwalaan mo lamang... — anang binata. — Mula nang makilala kita, ang daigdig mo'y inari ko na ring aking daigdig. sapagka't kung saan ka naroroon ay naroroon ang aking ligaya. . .
Nanatili si Milo na hawak ang kamay ni Priscila. Kapwa nakasandig ang kanilang likod sa aking puno at nakatingin sa malayo at tila nangangarap. Nguni't hindi ko sila mapagpagunitaang lumalapit si Mang Sendong.
Nang makita ng matanda ang kanilang ayos na magkahawak ang kamay ay napatigil si Mang Sendong, at pagkatapos ay yuko ang ulong tumalikod.
Hinatinggabi si Mang Sendong sa pag-iisip sa tabi ng aking puno nang gabing iyon. — Kalikasan ng buhay ang umibig... — narinig kong ibinuntung-hininga niya. — Hindi ko siya mahahadlangan kung hangad ko rin lamang ang kanyang kaligayahan. --
Hindi nagtagal at nasaksihan ko sa bakurang iyon ang isang tahimik na kasal. Walang hangad si Mang Sendong liban sa kaligayahan ni Priscila. Ang tanging hinihingi ni Mang Sendong kay Milo ay huwag lamang ilayo sa kanya ang anak na tanging aliw ng kanyang kaluluwa.
—Iyan po ang napagkayarian naming talaga ni Priscila, — sagot ni Milo. — Naririto po ang kanyang kaligayahan at di ko siya maiaalis dito. . .
Paminsan-minsan lamang kung lumuwas ng Maynila ang mag-asawa. Ilang araw lamang kung mamalagi sila roon at bumabaiik na muli. Kung naiiwang mag-isa si Mang Sendong, ang kanyang mga sandali'y madalas na paraanin sa pag-upo sa aking lilim na parang may malalim siyang iniisip, at madalas tuloy na manasa kong matunghayan ang tunay na laman ng kanyang puso.
Isang araw na wala ang mag-asawa, isang babaeng may katandaan na ring katulad ni Mang Sendong ang tumawag sa dampa. Nang walang sumagot ay naupo ang babae sa hagdan. Mula sa bukid ay dumating si Mang Sendong at gayon na lamang ang pagkagulat niya sa pagkakita sa babae.
— Priscila! — nabigkas ni Mang Sendong.
— Oo, Sendong... —anang babae na parang mapapaiyak, — hindi mo akalaing matatagpuan kita rito. Nguni't marami nang taong naghahanap ako... ipinagtatanong kita... salamat na lamang at may nakapaghimaton din sa akin...
— Nguni't bakit pa, Priscila? Bakit pa ? — nagugulumihanang sagot ni Mang Sendong.
— Nagkasala ako sa iyo't sa ating anak. Panahon ang nagpadala sa akin sa malaking pagkakasalang aking nagawa. Maikli na lamang ang aking buhay. Ibig kong makahingi ng tawad sa iyo at makilala ang aking anak. . . --
— Matagal ko nang natutuhang patawarin ka, Priscila... — sagot ni Mang Sendong na gumagaralgal ang tinig. — Napawi na ng panahon ng pagdaramdam ko sa iyo. . . Nguni't ukol sa iyong anak, kay Priscilang iyong anak. . . — patuloy ni Mang Sendong, — hindi ka na dapat pakilala sa kanya. Akala niya'y matagal ka nang patay. Maligaya siya sa piling ng isang marangal na lalaking ngayo'y kanyang asawa. Hindi siya magiging maligaya kung malamang ang kanyang ina'y may madilim na kahapong pinagdaanan. . . --
— Nguni't hindi na niya kailangang ako'y makilala pa, Sendong. . . — at malungkot na napaiyak ang babae. — Ibig ko lang mapalapit sa piling niya. Mapaglingkuran siya kahit paano. . . ibig kong madama kahit sa maikling panahon ang kaligayahan ng isang pusong-ina na aangkin sa kanya kahit sa sarili ko man lamang. . . sabi nito.
— Nguni't ingatan mong huwag kang makilala niya . . . --
Minsan pang ipinakilala ni Mang Sendong, ang kadakilaan ng puso niya. Nguni't sa ibabaw ng kapyang pagpapatawad ay sinikap niyang maingatan ang kaligayahan ni Priscila.
Nang magbalik sa bahay ang mag-asawang Priscila at Milo ay ipinakilala ni Mang Sendong sa anak ang matandang babaeng dinatnan. — Si Silang ay kamaganak kong malayo . . . — anang
matanda. — Dito siya maninirahan sa atin upang makatulong mo. At pagkaraan ay nanaog na si Mang Sendong. Pinabayaan niyang magkaharap ang mag-ina. Saglit siyang napatigil sa aking
lilim. May kalungkutan akong nabakas sa kanyang mukha.
-- Ina rin siya ng aking anak — narinig kong usal ni Mang Sendong. — At di ko maipagkakait sa kanya ang kaligayahan ng pusong-ina. Maiingatan din niya ang kaligayahan ng aming
anak. --
At lumakad na si Mang Sendong na patungo sa kanyang bukid sa libis. Sa pagkakatalikod niya'y nakita kong may pinapahid siya sa kanyang mga pisngi.