
HINDI SIYA ANG TATAY KO
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Dumating si Fermin sa buhay ng mag-anak na Santos sa loob ng isang kahon ng sapatos. Ganoon kaliit ang sanggol na inihatid ng isang babae sa pintuan ni Mrs. Santos. Kasisilang pa lamang ng bata nang ipinamigay na ng ina. Hindi malinaw ang dahilan, nguni’t mapaghihinuha na ang ina ay isang dalagang ina. Ibig niyang ilihim ang pagkakaroon ng anak sa pagkakasala.
Magpipitungpung-taong-gulang na si Mrs. Santos. May pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Dalawang dosena na ang kanyang apo. Hindi niya kailangang magkaroon pa ng isang sanggol na mangangailangan ng kanyang pag-aaruga sa panahon na siya ay matanda na. Nguni’t ano ang gagawin niya kung hindi tatanggapin ang ipinamimigay na bata? Malaking kasalanan sa Diyos ang tumanggi at pabayaan ang isang sanggol na nangangailangan ng kaligtasan. Mababatid sa mga balita ang pagkakatagpo sa mga sanggol na iniiwan sa basurahan at natatagpuang patay na dahilan sa kawalang-puso ng mga
ina.
Ang anak na lalaki ni Mrs. Santos na si Paolo ay dalawa na ang anak na babae at siya at ang asawang si Lara ay naghahangad na magkaroon ng anak na lalaki. Pitong taon na ang lumilipas mula nang isilang ang kanilang ikalawang babaeng anak nguni’t hindi pa nasusundan ng pangatlo, na sana ay magiging isang lalaki.
“Bakit hindi ninyo ampunin ang bata?” Tanong ni Mrs. Santos kay Paolo.
“Sinisuwerte ang nag-aampon ng bata. Bubuti ang inyong buhay. Magkakaroon kayo ng anak na lalaki!”
Kagyat ay nagkaroon ng interes si Paolo. Nguni’t si Lara ay alanganin. Iniisip niya --- Baka ang bata ay anak ni Paolo sa ibang babae at sina Mrs. Santos at Paolo ay nagsasabuwatan sa pagtatago ng isang maitim na lihim.
Kung anu-ano na ang paraang sinubukan nina Paolo at Lara upang magkaanak ng anak na lalaki. Nagsimba sila sa Obando at si Lara ay nagsayaw sa altar ni Santa Clara. Pumunta pa sila sa isang Buddhist Temple sa Japan na bantog sa pagbibigay ng mga hangarin ng mga nagdadasal doon. May malaking hurno sa gitna ng templo na naglalaman ng mga malalaking umuusok na insenso. Ang babaeng naghahangad ng sanggol ay tumatayo sa may malapit sa hurno at pinauusukan ang kanyang sarili. Bago isinasa-isip ang dalangin; sa kaso ni Lara, isang anak na lalaki.
Bago may tila tsubibo na itinutulak ang babae hanggang sa iyon ay umikot. Prayer wheel ang tawag. May mga libro ng dasal sa loob ng estante na nasa gitna ng tsubibo. Ang paniniwala: Bawa’t isang ikot ng tsubibo ay katumbas ng pag-usal sa lahat ng dasal na nilalaman sa lahat ng libro na nakapaloob doon sa estante.
Alang-alang sa pag-asa na magkakaanak sila ng lalaki kapag nag-ampon, kahi’t na may duda si Lara, sa huli, ay pumayag na ampunin ang bata, na nang malaon ay pinabinyagan nila sa ngalang Fermin.
Nagkatotoo ang payo ni Mrs. Santos. Pagkalipas ng isang taon, matapos na ampunin si Fermin, ay nabuntis si Lara at ang naging bunga ay isang lalaki. Samakatuwid ay naging dalawa ang anak na lalaki nina Paolo at Lara.
Itinuring na tunay na anak si Fermin. Kung ano ang trato sa tunay na anak na lalaki ay ganoon din ang naging trato kay Fermin. Ang dalawang anak na lalaki nga, sina Fermin at Oscar, ay naging mabuting magkalaro, magkaibigan at magkapatid.
Hindi nga lamang magkamukha ang dalawa. Si Oscar ay maputi. Si Fermin ay maitim. Si Oscar ay di kataasan. Si Fermin ay mataas.
Binibiro ng mga tao si Fermin. “Fermin, saan ka ba ipinaglihi? Hindi mo kamukha ang nanay at tatay mo. Baka ampon ka lamang?” Wala namang bisa kay Fermin ang mga biro. Sagana siya sa pagmamahal at pag-aaruga na malayo niyang isipin na may katotohanan ang biro.
Nag-high school, nag-college sina Fermin at Oscar. Makalipas ang dalawampung taon, naging abogado si Fermin at si Oscar naman ay naging director sa pelikula.
Ayon din sa hula ni Mrs. Santos ay naging mabuti ang kabuhayan nina Paolo at Lara. May talino at sipag ang mag-asawa at masasabing matatamo nga nila ang ginhawa sa buhay dahilan sa talino; nguni’t maaaring ang tagumpay nila ay dulot din ng pag-aampon kay Fermin. Hindi ba’t ipinayo ni Mrs. Santos:
“Magkakaroon kayo ng suwerte kapag inampon ninyo ang bata.”
Naging mahalagang lihim sa buong mag-anak ng mga Santos ang pagiging ampon ni Fermin. May mga katulong sa bahay at mga tsuper ang mga Santos at pati na sila ay kasangkot sa pagtatago ng lihim.
Dalawa ang kaisipan tungkol sa pag-aampon. Sa Amerika, ang kaugalian ay ang pagtatapat sa inampon na siya ay ampon. Mula sa pagkabata hanggang sa pagkakaroon ng sariling pag-iisip, iminumulat ang ampon sa katotohanang siya ay ampon. Sa ganitong paraan ay naiiwasan ang sigalot kung sakaling ang pagiging ampon ay nagiging usapin.
May mga ampon na pag narating na nila ang hustong gulang ay hinahanap ang kanilang tunay na magulang. Kahi’t na nagtapat ang mga nagpalaki sa kanila, kahi’t na sila ay pinalaki na parang tunay na anak, kahi’t na sila ay hindi nagkulang sa pag-aalaga at pagmamahal, ang pagiging ulila ay nag-iiwan ng puwang sa kanilang puso na humihingi ng kapunuan.
Ang isang kaisipan ay ang paglilihim ng katotohanan. Mabuti ito kaysa sa pagtatapat, mangyari ay naiiwasan ang hapdi sa puso ng inampon dulot ng kaalaman na siya ay ipinamigay, hindi minahal ng tunay na magulang. Hindi rin nangyayari ang paghahanap sa tunay na magulang na, sa kalimitan, subukan man, ay hindi nagkakaroon ng katuparan.
Sa kaso ni Fermin, inilihim sa kanya ang pagiging isang ampon. Sa katotohanan ay walang nakaaalam sa kanyang pinagmulan. Kahi’t si Mrs. Santos ay hindi nakilala o nalaman man lamang kung sino ang ina ni Fermin. Sa simula pa ay hindi rin ninais ni Paolo na kilalanin o kausapin ang tunay na ina. Katuwiran niya – mabuti na walang impormasyon, walang kontak, walang follow-up. Sa kaso ni Fermin, burado ang kanyang nakalipas.
Inisip din ni Paolo – baka pag malaki na si Fermin at ang tunay na ina ay mangangailangan ng salapi -- ay maging biktima pa siya ng blackmail at extortion.
Kinailangan ni Fermin na magkaroon ng pasaporte sapagka’t may isa siyang kaso na kinailangang siya ay tumungo sa Estados Unidos. Natuklasan ni Fermin na siya ay may baptismal certificate nguni’t walang birth certificate. Agad na nag-usisa sa mga magulang si Fermin. Narinig niya ang mga paliwanag nila nguni’t hindi niya maintindihan o matanggap ang mga ito.
“Ipinanganak ka sa ospital, anak. Mayroon kang birth certificate na pinirmahan namin ng mama mo,” paliwanag ni Paolo. “Nagkakamali ang census paminsan-minsan. Marahil ay nagkamali ang ospital. Hindi nila ipinadala ang birth certificate mo sa census.” Sa katotohanan ay sadyang nakaligtaan nina Paolo at Lara ang pagtatala ng kapanganakan ni Fermin sa kinauukulang sangay ng gobyerno.
Samantala, ang driver ng mag-anak na matagal nang naglilingkod sa mga Santos ay nagkasakit at nabibilang na ang araw. Animanapu’t lima na ang gulang ni Mang Berting. Ipinagmaneho niya ang mag-asawang Santos na magulang ni Paolo. Ipinagmaneho din niya si Paolo at kanyang mag-anak. Sa katotohanan ay naging malapit si Mang Berting kina Fermin at Oscar sapagka’t siya ang naghahatid at nagbabantay sa kanila sa eskwela. Alam ni Mang Berting na si Fermin ay ampon.
Nakadalaw si Fermin kay Mang Berting ilang araw bago nalagutan ng hininga ang may-edad na tsuper. Sabi ni Mang Berting sa kanya: “Fermin, mahalin mo ang iyong mga magulang. Ayaw kong lumisan sa mundong ito na dala ko ang lihim ng iyong pagkatao.” At inilahad ni Mang Berting kay Fermin ang tunay niyang kasaysayan.
Dahilan sa kasaysayang ipinagtapat ng tsuper, nag-apoy ang damdamin ni Fermin. Pinangibabawan siya ng galit at kabaliwan. Tila siya naging isang ligaw sa kapiligirang kilalala niya. Tila siya naging ulila sa kapiligiran ng mga nagmamahal na kamag-anak at kaibigan. Ninais niyang mapag-isa. Iniwan ang tahanan nina Paolo at Lara na hindi nagpaalam. Sumakay sa eroplano, tumungo sa Amerika alinsunod sa balak na pag-aasikaso sa isang kaso. Nagpasiya siyang tumigil sa California. Doon nanirahan, naghanapbuhay, nagka-asawa, at nagkaroon ng sariling pamilya. Lumipas ang dalawampung taon, ni minsan ay di na siya nakipag-usap o nakipagkita sa mga magulang at kapatid.
Noong una ay hinanap nina Paolo at Lara si Fermin. Ipinagtanong siya sa mga kaibigan. Nang malaon, nang mapagtahi-tahi nila ang pira-pirasong bahagi ng mga pangyayari, ay nabatid nila ang sanhi ng pag-alis ni Fermin. Tumigil sila sa paghahanap at pagsubok na makausap pang muli si Fermin. Dahilan sa naging sadyang matigas ang puso ni Fermin, nagpasiya sina Paolo at Lara na pabayaan na si Fermin na matamo ang kanyang hinahanap na pag-iisa, kalayaan, at paghihimagsik.
Oo nga’t masakit na malaman na ang mga magulang ay nagsinungaling at habang-buhay na nagtago ng lihim sa kanya; isang malaking pagtataksil, di ba? Nguni’t di ba isa ring malaking pagkakamali na sisihin at gantihan ng galit at poot ang mga taong nag-aruga, nagmahal sa isang ampon? Walang pagkakasala ang mga taong nag-ampon at nagmahal. Kung may masisisi,
walang iba kundi ang ina na nakuhang ipamigay ang laman ng kanyang laman, dugo ng kanyang dugo. Marahil, ang nasasa-isip ng ampon ay usigin ang ina: Bakit mo ako ipinamigay?! Mahirap ka ba at hindi mo kayang ako ay buhayin? Nahihiya ka ba na maging dalagang-ina? Ikaw ba'y naging biktima ng panghahalay? May taning ba ang buhay mo at ayaw mo na ako ay maiwang nag-iisa sa mundo? Sino ka, inay?! Bakit mo ako ipinamigay!
Isinisigaw sa langit ng ampon ang mga katanungang nasabi. Ang mga palaisipan at mabibigat na damdamin na dulot ng pagiging ampon ay nakatimo sa puso sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Kung minsan ay sinisisi pa ang Diyos. O, Paginoon, bakit mo pinahintulutan na mangyari ang aking pagka-api?!
Isang masaganang araw, tila may nagpaliwanag sa isipan ni Fermin. Napawi sa kanyang isip ang pagkagalit sa kanyang mga magulang at ang pumalit ay ang damdamin ng pagmamahal sa mga taong pinagkakautangan niya ng buhay. Sa puso ay nakadama siya ng kirot na tila biglang ibinaon ng isang ligaw na balaraw. Ang kirot sa kanyang puso ay kinailangang malunasan kaagad-agad. Hindi na ito ang kirot dulot ng galit sa di kilalang ina. Hindi na ito kirot na dulot ng poot sa mga nagkunwaring magulang niya. Kirot ito dulot ng pagkakawalay sa mga minamahal at ng pagsisisi. Kinailangang makita niya kaagad ang kanyang pangalawang ama at ina. Agad-agad ay sumakay siya sa eroplano at bumalik sa Pilipinas.
Si Paolo ay may edad na. Natagpuan siya ni Fermin na nasa ospital na may malubhang sakit.
“Anak, nabibilang na ang araw ng iyong ama. Hindi ko tiyak kong
nakikilala ka pa niya. Wala siyang malay halos. Di siya makapagsalita,” ani Lara.
“Mama, napakalaki ng aking naging kasalanan sa inyo. Hindi ko alam kong ako’y mapatatawad ninyo. Nguni’t kaya ako naririto ay upang ipaalam na ako’y nagsisisi at taos-pusong nagpapasalamat at nagmamahal sa inyo,” sinabi ni Fermin na may luha sa mga mata.
“Matagal ka nang pinatawad ng tatay mo. . .” pangako ni Lara.
“Hindi po siya ang tatay ko, mama. Hindi ko po alam kung ano ang itatawag sa kanya sapagka’t naging mahigit pa siya sa aking tunay na tatay. Isa siyang anghel na pinagkakautangan ko ng aking buhay,” idinagdag pa ni Fermin.
Ang tanging magliligtas sa buhay ni Paolo ay isang malusog na kidney galing sa isang donor. Dumaan sa pagsusuri si Lara, si Oscar, ang dalawang anak na babae ni Paolo, at iba pang kamag-anak. Ni isa sa kanila ay hindi maaaring magbigay ng kidney kay Paolo. Hindi magka-angkop ang mga kidney ni Paolo at ng mga nasabing kamag-anak. Kung walang makukuha na kidney mula sa naaangkop na donor ay tiyak na mamamatay si Paolo.
Sa paningin ng mga mortal, mahiwaga talaga ang buhay. Masasabing Diyos lamang ang may dunong at pananaw na nakakikita sa nakaraan, sa pangkasalukuyan, at sa hinaharap. Nakikita Niya ang ating buhay sa lahat ng panahon. At Siya lamang ang may kapangyarihan na ang ating buhay ay mangyari, mangyayari, ayon sa Kanyang balakin at naisin.
Nabigyan ng kidney si Paolo mula sa isang donor na hindi kamag-anak. Ang kidney niya at ng di-kamag-anak na donor ay magka-angkop. Ang kidney ay galing kay Fermin.