MAY LANGIT DIN ANG LAS VEGAS
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Pupunta ako sa Las Vegas.
Nagpasiya si Melanie. Ilang gabi niyang pinag-iisipan; hindi tuloy makatulog. Ano ang kanyang gagawin? Saan siya pupunta? Sino ang makatutulong sa kanya?
Isa si Melanie sa maraming taga-Filipinas na nag-immigrate sa Amerika. Walang asawa. Iniwan ang boyfriend at mga kamag-anak sa Filipinas. Upang maghanap ng magandang kapalaran sa lupa ng gatas at pulot-pukyutan.
Sa Filipinas ay nurse na sana si Melanie kung hindi siya umalis. Nakatapos siya ng B.S. Nursing sa isang unibersidad sa Maynila. Nguni’t naisipan niyang sumubok ng kapalaran sa ibang bayan. Unang-una ay maliit ang kita ng nurse sa Filipinas. Pangalawa, nakita niya ang pagdukot sa kanyang ama ng hindi malaman na kung sinong mga masasamang tao. Si Mang Gustin, ang kanyang ama, ay kapitan de baranggay sa kanilang bayan. Dinukot daw ng mga taga-labas sapagka’t sobra ang kanyang pagiging maka-gobyerno. Tatlong taon na ang lumipas pagkatapos ng pagdukot ay di pa rin bumabalik si Mang Gustin. Ipinagpalagay ng mga kamag-anak na siya ay pinatay na ng mga masasamang tao.
Ibig na niyang lisanan ang pook na kinamatayan ng ama. Ayaw na niyang ang kanyang ina, mga kapatid, at kasintahan ay magtagal pa sa bayang di kumikilala sa kahalagahan ng buhay at hustisya.
May nag-sponsor kay Melanie sa pagpunta sa Estados Unidos at sa pagkakaroon ng trabaho bilang nurse sa isang private clinic sa Beverly Hills sa Los Angeles, California. Balak niya na sa tamang panahon ay dalhin sa Amerika ang kanyang mga minamahal sa buhay at nang doon ay sama-sama na silang manirahan at mamuhay.
Masasabing ang buhay ay maitutulad sa isang gulong na paikot-ikot. Kung umiikot ang tao kasabay ng gulong, kung minsan ay nasa ibabaw, kung minsan ay nasa ilalim siya. Ang akala ni Melanie ay tuloy-tuloy na ang magandang suwerte; ang matamis na pangarap ay biglaang naglaho nang ang kanyang among doktor ay nakasuhan ng malpractice. Ipinasara ng gobyerno ang klinika at lahat ng empleado nito, maging ang mga nurses, ay nalagay sa blacklist. Nawalan nang trabaho si Melanie na hindi inaasahan. At dahil siya ay blacklisted ay mahirap na makahanap ng kapalit na trabaho.
At kung bakit naman tila nanunukso ang tadhana; sa tuwing ang tao ay nagigipit ay lalo namang doon dumarating ang sapin-saping suliranin at pagsubok.
Kamakailan lamang ay napag-alaman niya sa doktor na kinunsulta niya na siya ay may Stage 1 cancer of the breast. Laking gulat at takot ni Melanie. Wala siyang trabaho. Wala siyang health insurance. Paano niya mababayaran ang treatment na ini-rekomenda ng doktor?
Umiyak nang umiyak si Melanie. Ilang araw siyang nagkulong sa silid at ni kumain ay di niya nagawa sa loob ng limang araw. Pagkatapos ay dumating kay Melanie ang linaw at kapayapaan. Natunghayan niya sa labas ng bintana ang mga ibon na paroo’t parito sa hardin sa likod ng bahay. At naalaala niya ang sabi ni Hesus sa Bibliya: (Matthew 6:26) “Tingnan ang mga ibon sa papawirin; di sila nagtatanim o umaani, di sila nagtatabi ng pagkain sa kamalig, ang Ama sa kalangitan ang nagpapakain sa kanila. Hindi ba ang tao ay higit na mahalaga sa Kanya kaysa ibon?”
Manalig sa kagustuhan at kapangyarihan ng Panginoon, naisip ni Melanie. Pinagpapala ang naniniwala sa Kanya. Bukod sa dasal, nagpasiya si Melanie na tulungan ang kanyang sarili.
Ang Las Vegas ay may pangakong pag-asa sa bawa’t namamasyal doon. Ang Las Vegas ay lungsod na nasa kalagitnaan ng desyerto. Kung hindi dahil sa sugal ay hindi ito mabubuhay. Sugal ang pang-akit nito sa mga ibig makipagsapalaran at sa mga turista.
Malalaki at magaganda ang mga hotel sa Las Vegas. Doon matatagpuan ang mga kumikinang na mga casino at mga kahanga-hangang palabas ng mga sikat na mang-aawit at tagapag-dala ng aliw sa tanghalan. Doon maaaring ang isang dolyar ay lumago sa isang daang libong dolyar sa paraan ng slot machine. Doon mapapanood at makikita nang personal ang mga artistang katulad nina Celine Dion at Elton John. Doon mapapanood ang mga makukulay na broadway musicals katulad ng “Phantom of the Opera”. Doon mapapanood ang laban ng mga kampeonatong boksingero katulad nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley. Doon ay legal ang prostitution at doon din ay nangyayari ang mga relasyong makasalanan. Ang Las Vegas ay siyudad na makasalanan.
At nagtungo doon sa Las Vegas si Melanie upang isugal ang kakaunti niyang naipong salapi. Layon niya na manalo ng limampung-libong dolyar na kanyang kailangan sa pagpapagamot. Gaya nang nangyayari sa karamihan na nagsusugal sa Las Vegas, sabi nga: Naghahangad ng kagitna, isang salop ang nawawala; nalimas ang kakaunting puhunan ni Melanie.
Di lamang siya nanganganib na mamatay dahilan sa taglay na sakit. Di lamang siya nag-iisa sa lupang banyaga na wala ni isa man lamang na malalapitan. Siya ay isa na ring kapus-palad, isang pulubi, na kailangang mamalimos upang mabuhay.
Nakita niya ang mga babaeng naghihintay sa kalye na sila ay pulutin ng mga parokyanong lalaki o silang babaeng paligid-ligid sa loob ng casino na umaasang may lalaking lalapit sa kanila. Mga babaeng ipinagpapalit ang kapurihan, nagdudulot ng panandaliang aliw, kapalit ng salapi. Ano kaya at tumayo rin siya sa bangketa ng kalye at magpaanyaya sa kanino mang lalaki na maaari niyang pagsanglaan ng kanyang puri?
May isang mamahaling awto ang dumating at biglang pumarada sa kanyang harapan. Lulan nito ang isang may edad nang lalaki na, nang kanyang pagmasdan, ay nakadakot siya sa kanyang kaliwang bahagi ng dibdib. “Tulong, kailangan ko ng tulong. Inaatake ako!” sabi ng tao.
Napalundag si Melanie. Hinatak ang isang lalaking dumadaan sa bangketa. Pinagtulungan nilang mailabas ang inaatakeng tao mula sa kanyang awto. Sa bangketa ay inihiga ang tao at kaagad-agad ay binigyan siya ni Melanie ng mouth-to-mouth resuscitation, samantalang, ang nakatulong na lalaki ay pinatawag naman niya sa 911.
Sa maikling panahon ay dumating kaagad ang mga paramedic. Nalapatan ng cpr ang taong inatake at naisugod kaagad sa ospital. Isinama ng mga paramedic si Melanie sa pag-aakalang siya ang asawa ng lalaki.
Naghintay sa ospital si Melanie. Hindi niya iniwan ang taong inatake hanggang sa tiyak siya na ito ay ligtas na. At nang siya ay umalis nakipag-usap muna sa head nurse upang ihabilin ang pasyente.
Makalipas ang ilang araw ay nakatanggap ng tawag sa cell phone si Melanie. Ang tumawag ay ang may edad nang lalaki na ang buhay ay iniligtas niya. Ang lalaki pala ay isang bilyonaryo, ang may-ari ng isang napakalaking korporasyon.
Ipinagtapat ni Melanie sa lalaki ang kanyang kalagayan at di lamang siya binigyan ng salaping pambayad sa pagpapagamot, pinangako na kukunin sa Filipinas ang buong mag-anak ni Melanie, pati na ang boyfriend, at binigyan pa siya ng isang milyong dolyar na maaari niyang gamitin sa ano pa mang pamamaraan na ibigin niya.
Pumunta sa Las Vegas si Melanie upang isugal ang kakaunting naipon at nang maipagpagamot ang sarili, kamuntik nang maisangla niya ang kanyang katawan; nguni’t dahilan sa di pangkaraniwang takbo ng mga pangyayari, marahil dahilan sa siya ay nagtiwala sa Diyos, ay nagwagi kahi’t na natalo sa casino; nagwagi siya ng malaking kapalaran, ng pangalawang buhay, dahilan sa nagawang kabutihan sa kapuwa.
Nakita niya ang mukha ng Diyos sa mukha ng bilyonaryong nasabi. May langit din pala ang Las Vegas.