Dahil sa Madyong
Ni Vic Macapagal
Malaking problema ang idinulot sa akin ng aming bagong kalapit-pinto. Simula nang lumipat sila ay hindi na natahimik ang aking tenga’t kaluluwa. Sa umaga, sa tanghali, at sa gabi ay walang tigil ang ingay na mandin ay nagsasangag ng graba at buhangin. Ang haluang ito ng pitsa ay isa lamang sa hindi mabilang na ingay at tunog sa laro nilang... higit na kilala sa tawag na madyong.
Matapos manggaling sa haiskul na aking pinagtuturuan, ang lagi kong kaharap ay ang aking makinilya upang malaya kong isatitik ang daloy ng aking mga guniguni. Ngunit nagsimula ang Linggo at ngayon ay Biyernes na pero bakante pa rin ang puting papel na dapat ay pinamumutiktikan na ng aking mga obra maestra. Ang guniguni kong nasanay sa tikatik ng makinilya ay biglang naakit ng bagong karibal na ingay kung gabi mula sa nagliliwanag na kapitbahay. Sa pagitan ng pagsasangag na iyon ng bato at buhangin ay mga salitang kadalasan ay napapalakas: “pung”, “one ball”, “Ano’ng tapon?” “Bunot!”, at iba pa.
Buo na ang aking pasiya. Bukas din ay ipakikiusap ko kung maaari ay huwag na silang maglaro sa gabi. Mabait naman daw si Mrs. Sarabia, sabi ni Inang nang minsa’y magkausap sila.
Sabado. Ika-sampu ng umaga. Ako ang kauna-unahang bisita ng mga Sarabia. Dinatnan ko ang isang batang mga sampung taong gulang.
“Mommy, tila may maglalaro na! Tawagin ko na ba si Ate?”
Napagkamalan ako ng batang lalaki. Tututol sana ako nang sa lalabas si Mrs. Sarabia. Nagpakilala ako kaagad.
“Magandang umaga ho, misis. Ako ho si Ariel na nakatira sa kabila. Anak ho ni Aling Nora.”
“Ikaw pala si Ariel. Halika, tuloy ka! Pasensiya ka na at napuyat kasi kami kagabi. Madaling araw na nang maghinto sila Luz.”
“Tungkol nga ho doon ang sadya ko. Nais ko ho sanang . . .”
Pinutol ang sasabihin ko nang biglang lumabas ang dalagang anak ni Mrs. Sarabia. Naka T-shirt ng dilaw, naka-short-shorts, at nakangiti.
“Mommy, ang aga naman yata ng dayo natin.”
“Luz, siya si Ariel, anak ni Aling Nora diyan sa kabilang pinto. Iba yata ang sadya niya.”
“Sayang! Akala ko pa naman ay may pogi na kaming makakalaro.” Maharot ang ngiting ipinukol sa akin ng mapagbirong dalaga.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay sa bibig lumabas ang aking guniguni. “Ibig ko nga sanang magmadyong pero hindi pa ako marunong.,” ang bigla ay nasambit ko. Napakaganda ni Luz. Sa nagdarahop na guniguni’y isang biyaya ang kanyang kabuuan. Siya’y isang kuwentong walang katapusan.
“Iyon lang pala e,” nakangiti pa ring sabi ni Luz, “bayaan mo at tuturuan kita. Bago dumating ang barkada ay marunong ka na.”
Pinilit nila akong doon mananghali, ngunit pinanindigan ko ang aking pagtanggi. Sabi ko’y lilipat na lang ako pagdating ng mga kaopisina ni Luz upang manood at maglaro.
Ikinuwento ko kay Inang ang aking natutuhan sa mga Sarabia sa pagitan ng paghigop sa niluto niyang tinolang manok.
“Nasa Saudi pala ang asawa ni Mrs. Sarabia. Upang huwag mainip si misis ay binayaan niya na matuto ng madyong. Pati na si Luz, ang anak nilang dalaga ay naadik na rin dito. At dahil nag-oopisina ito sa araw, ay sa gabi napipilitang maglaro.”
“Ano ang nangyari sa sadya mo? Bakit ka natagalan?”, ang usisa ng ina ni Ariel.
“Malayo hong mangyari na mapigil ko sila, Inang. Kaya tulad ng kasabihan – Kung hindi mo sila kayang sawayin, sumama ka na lang. Iyon ho ang aking ginawa. Marunong na ho akong magmadyong. Tinuruan ho ako ni Luz.”
Nang hapong iyon ay natalo ako ng mahigit na isandaang piso. Ni hindi ko nakalaro si Luz. Nasa kabilang mesa ito. Natalo ako dahil siguro sa katitingin kay Luz. Inaabangan ko ang pagtingin niya sa akin. Ngunit hindi ito tumingin. Hindi ko nakitang tumingin. Nang matapos na ang laruan, at malaman ni Luz ang aking pagkatalo, ay masuyo itong nag-alok, “Ariel, naku ang laki pala ng talo mo! Kung gusto mo tuturuan kita uli ngayong makahapunan.”
“O sige, para makabawi naman ako,” ang nakatawa ko na ring sagot.
Sa palagay ni Luz ay marami siyang naituro sa akin nang gabing iyon. Kung paanong mamomoro ng up and down mula sa paningit o back to back. O kaya’y one-four-seven, two-five-eight, o three-six-nine. Tinuruan din ako kung paano mamimirmis ng panapon upang hindi tumambog sa kalaban.
Ngunit iba ang aking natatandaan. Ang mga mata niyang wari’y nagpasadya ng pilikmata upang malayang makapaglaro sa ilalim ng naka-arkong kilay. Ang ilong niya sa tingin ko’y nililok upang pulos mababangong simoy lamang ang kanyang sasamyuin. Ang bibig at labi niya’y ginawa upang katagpuin ng pag-ibig. Ang pisngi niya’y katulad ng pastilyas-Bulacan na bagong alis ang balat. Ang maputi niyang leeg, Diyos ko! Ang bugtong ng kanyang dibdib na ang kasagutan ay mapagtatanto sa kanyang bahagyang paggalaw.
Ilang ulit pa niya akong tinuruan at maraming beses pa akong natalo. Hanggang isang hapon, nang dumating ang mga dayo ni Luz ay wala siya. Nanood kami ng sine at kumain sa labas, kasama ang kapatid niyang si Ronnie. Nang pumakabila ako nang araw na iyon ay simple lang ang sinabi ko.
“Ayoko na yatang maglaro. Sigurado namang talo ako. Kung ibig mo Luz, kumain na lang tayo sa labas at manood ng sine nina Ronnie. Kahit paano makakahati ako sa matatalo sa akin.”
“Aba, sige,” bigla ang sagot ni Luz. “Sigurado namang panalo ako sa ganyang sistema,” pagkuwa’y idinugtong niya, kasama ang pagkatamis na ngiti.
Tutoong ang nakaaakit sa mga naglalaro ng madyong ay ang pagsalat sa nakataob na piyesa. Lalo na at malakas at marami ang kanilang porong hinihintay. Ngunit bago ko pinangarap ang pagsalat ng piyesa, habang tinuturuan ako ni Luz, ay ang malambot, makinis, maliit niyang kamay muna ang sa aki’y bumalisa. Ang paminsan-minsang pagdadaiti ng aming mga kamay na hindi sinasadya ay sapat na upang malimot ko ang lahat niyang itinuturo. Iyon ang simula upang ang malaporselanang kamay na iyon ay pangarapin kong maging akin. At hindi ang malamig na sikreto ng mga nakataob na piyesa ng madyong. Iyon ang dahilan marahil kung bakit hindi ako nanalo sa madyong minsan man. At kung bakit tinuruan ko ng ibang libangan si Luz. Pinahiram ko siya ng mga kuwento at nobela nina Ric Lee, Hernandez, Santos, Agulto, Fanny Garcia at iba pa. Ito ay sinasalitan ko ng pagyayaya sa kanyang mamasyal, magsine, at kumain sa labas.
Nang lumaon, pati na si Mrs. Sarabia ay nag-umpisa na ring mahilig sa pagbabasa ng mga nobela at kuwento. Lalo na kung walang korum upang makapaglaro siya ng madyong, dahil kasama ko nga si Luz sa pamamasyal. Sa simula’y pahiram-hiram si Mrs. Sarabia ng libro sa akin, hanggang sa matutuhan na rin niyang magsadya sa mga bookstore upang malaya siyang pumili at bumili ng makursunadahang basahin.
Habang dumadalas ang pamamasyal namin ni Luz ay dumadalang naman ang pagmamadyong sa kanilang bahay. Ito ang larong aking ipinanalo. Wala na ang ingay na animo’y nagsasangag ng graba at buhangin sa gabi. At natitiyak kong hindi na ito mauulit pa. Lalo na at kasal na kami ni Luz. Ngayon, sa gabing katalik ko ang aking makinilya at nagpupumilit na makabuo ng isang kuwento ay wala nang karibal na ingay na umiistorbo sa akin. Datapwa’t kung minsan ay. . .
“Riel, darling, matulog na tayo. Gabi na. Inaantok na ako.”
Sa ngayon ay ito ang karibal ng aking mga salaysaying pawang kathang-isip. At sa lahat ng pagkakataon ay handa kong ipagpalit ang lahat kong kuwento sa piling ng aking mahal na maybahay. Siya ay isang buhay na kuwentong ang dulot na ligaya’y walang katapusan.
KATALAGAHAN
Ni Vic Macapagal
Kagabi ay hindi ako sumama sa mga kaibigan ko. Naipangako ko kay Kuya na sa kanya ko ipagkakaloob ang isang buong linggo. Itong linggong ito. Kahit na nga ba sa loob ng nakaraang mga buwan ay siya na ang naging gunitain ng buo...ng pamilya.
Alam ko, magiging masaya na naman sa bahay. Wala na ang supil na mga ngiti. At mga halakhak na ang kamatayan ay halos sabay sa pagkakaluwal. Magiging maluwag na naman ang aming paghinga. Noon, tila lahat ng sariwang hanging pumasok sa bahay ay para kay Kuya lamang. Wala na ang wari’y tinik na dumuduro sa aming magkakapatid sa mga panahong kami’y nakalilimot at nakapagbibiruan. Sa aming panaka-nakang pagbibiruan, kung magkagayon man, ay saglit lamang ang dampi ng tuwa sa aming mga mukha. Kahit na nga malayo pa kami sa silid ni Kuya. Talaga lamang na mahirap sikilin ang paminsan-minsang bugso ng damdamin. Sigla at indak ang tunay na kahulugan ng buhay. Iyon ang alam ko. Iyon ang nadarama ko.
Minsan galing sa paglalaro, ang aming bunso’y humahangos na umuwi. Parang ibig umiyak. Ako ang dinatnan sa bahay. (Nasa palengke si Inang. Nagtuturo si Ate Ester sa elementarya. Si Ditse ay nasa tahian, nanahi.) Sa pagitan ng hinahabol na paghinga at pandalas na singhot ay ibinulalas niya ang unang kalbaryo ng kanyang kamusmusan. “Diko, mamamatay na nga ba si Kuya? Kanser nga ba ang sakit ng Kuya, ha, Diko?"
Matagal. Hindi ako nakaimik. Dambuhalang kulog ang bawat salitang umalpas sa kanyang munting bibig. Nakabibingi. Nakapanlulumo. Sa kanya ko unang narinig ang mga tanong na ito. Maliwanag at sukol sa kahulugan. Ni wala akong lakas na bigkasin sa aking sarili ang mga katanungang iyon. Bagama’t matagal ko nang pilit inaarok ang hiwaga ng kamatayan. Matagal na. Bago pa magkasakit si Kuya.
Si Lito. Bata pa siya. Wala pa sa kanyang kamalayan ang hiram na buhay. Siya’y isang kerubin ng kawalang-kamatayan. Sa kanya ang buhay ay isang biyayang sinlusog ng kalikasan. Hindi niya kailangan ang mahabang paliwanag. “Kanser nga sakit ng Kuya, pero madali na itong gamutin ngayon, di tulad noong araw,” sabi ko. “Kita mo at kay lakas ng Kuya ngayon,” dugtong ko pa. Iyon lamang at buong kasiglahan siyang bumalik sa iniwang mga kalaro. Matagal na siyang wala nang muli kong mahagilap ang aking sarili.
Anim na buwan ang taning ng doktor kay Kuya. Pagkaraan ng limang buwan ay malakas pa rin si Kuya. Minsan ay dumalaw si Tata Miguel. Sabi niya, “Bakit hindi ninyo dalhin kay Da Ipe. Aba’y kay-rami nang napagaling ni Da Ipe na tinanggihan na ng mga doktor.” At inumpisahan niya ang litanya. “Naroon si Monico na natuklaw ng ulupong, nakatirik na raw ang mga mata nang idating kay Da Ipe matapos tanggihan ni Dr. Villavicencio. Si Huling na modista, matagal ding nagkasakit, etraytis daw yata ang sabi ng doktor, pero hindi at kulam pala. Sandali lang pinagaling ni Da Ipe. Si Damian, ulser daw, nakatuwaan lang pala ng nuno sa punso. Si Robert ng Tata Sidro mo. Si Ameliang kapitbahay n’yo. Si Turing.”
Marami pa siyang sinabi na pinagaling ni Da Ipe. Wala siyang binanggit tungkol doon sa kung hindi man pinalubha ni Da Ipe ay hindi naman niya napagaling. Si Doro, si Maryang Tuhod, si Enyang, si Andang Pedro, si Tacing.
“Bayaan mo, Kuya Miguel,” sabi ni Inang, “at baka madala rin namin si Berting bago matapos ang linggong ito.” Ngunit alam kong alam ni Inang na hindi papayag ang Kuya. Buung-buo ang sampalataya ni Kuya sa siyensiya ng medisina kung sakit at sakit din lang ang pag-uusapan. Nasa huling taon na sa kolehiyo si Kuya at Medical Technology ang kanyang kurso. Pangarap din kasi niya na makarating sa Amerika.
At ako nga, bagaman at salutatoryan nang magtapos ng haiskul ay napilitang maghinto muna matapos makaisang taon sa UP. “Hintayin mo nang makatapos ang Kuya mo,” madalas na sabihn ni Inang. “Buti kung buhay pa ang Amang mo. Baka sakaling matustusan namin kayong dalawa. Pero ngayon, kahit nakatutulong na ang Ate Ester mo ay hirap pa rin tayo.” Hindi alam ni Inang na hindi na niya kailangang sabihin pa sa akin ang aming pagsusumikap na umunlad. Hindi na niya dapat isa-isahin pa ang matatarik na bundok sa aming harapan. Aalis na lamang akong nahahabag kay Inang, dahil alam kong nahahabag din siya sa akin.
Naalala ko si Danny. Matalik ko siyang kaibigan at mahigpit ding kaagaw. Siya ang aming balediktoryan sa San Ildefonso Academy. Pareho kami ng pamantasang pinasukan at pareho rin ng kursong kinuha. Nahinto nga lamang ako. Noong isang linggo ay dumalaw rin siya kay Kuya. Ngunit alam ko, gusto rin niya akong makita. At makausap.
Masayang tao si Danny. Ewan ko kung paano siya nakatiis na hindi ngumiti simula pagpasok sa bahay hanggang sa siya’y magpaalam. At kung paano siya nakapagtiis na hindi magkuwento. Malakas magkuwento si Danny. At lalong hindi siya marunong maubusan. Alam ko, wala siyang maapuhap na kahit isang kaluluwang may buhay sa buong kabahayan.
Ihihatid ko siya sa abangan ng sasakyan. Wala kaming kibong pareho. “Hanggang kailan ba ang taning sa Kuya mo?” pamaya-maya’y biglang tanong ni Danny.
“Bago matapos ang buwang ito,” sagot ko. Nakatingin ako sa malayo. Alam ko tinatantiya ni Danny kung ano ang nasa kalooban ko. Sa tuwing mag-uusap kami ay kapwa malaya sa mga personal na alalahanin ang bawat isa, di tulad ngayon.
“Lahat naman tayo ay may taning ang buhay, a,” sabi niya. Hindi ako sumagot. Nakatingin pa rin ako sa malayo.
“Mapalad nga ang Kuya mo at alam niya kung kailan siya mamamatay,” muling tuldok ni Danny na parang naghahanap ng mina ng langis.
“Sangangdaan ang patunguhan ng tao, Danny, nalimutan mo na ba si Socrates? May mamamatay at may mamamatayan. Maaaring mapalad ang isa ngunit paano ang iba?” pagtutol ko.
Hindi alam ni Danny, tunay na matatag ang loob ni Kuya. Minsan ay napuna niya marahil ang aming pagkabalisa. Ang hindi pagiging natural ng aming mga kilos. Pati na ang bukas ng aming mga bibig ay kanyang pinagmamasdan. “Masaya sana ako,” sabi niyang nagtatampo, “at kung ako’y nagbibiro ay malalakas ang inyong halakhak, lamang ay wala akong taginting na maulinigan. Sa mga kuwento ko ay tainga lamang ninyo ang matamang nakikinig. Iba ang alagataing kipkip ng inyong mga puso.” Si Ate Ester at si Ditse ay bigla na lang tatalikod at magpapahid ng luha na hindi raw nila kayang mapigilan. Ako naman ay aalis na hindi alam kung saan pupunta.
Mapalad nga si Kuya. Ngunit si Inang? Kami? Si Ate Ester at si Ditse?
Ilang beses kong nabungarang umiiyak si Inang sa kanyang silid. Mula nang mamatay si Amang ay sinarili na naming magkakapatid ang natitira pang kahulugan sa kanyang buhay. Bawat kabiguan namin ay sugat niyang tinitiis. Ngunit ngayon, para kay Inang ay wala nang ningning ang sinag ng araw sa umaga. Sa kanya, at sa aming lahat, ang bawat bukas ay may dalang dagok ng pangamba. Datapwa’t para kay Inang, at iyon ang pinakamasakit sa akin, sa bawat katiyakan ng bukas ay may pangitain pa rin ng pag-asa.
Sina Ate Ester at si Ditse. Silang tatlo ang halos magkakaalinsabay. Silang tatlo ang pumupunit at humahabi sa lahat ng problema ng bawat isa. Malilimutan pa ba ni Ditse nang minsang may bumastos sa kanya doon sa tahian ay napaaway si Kuya. Pinalo si Kuya ng kahoy na may pako at tinamaan siya sa tuhod. Hindi na gumaling ang sugat, at ito nga marahil ang naging sanhi ng kanyang kanser. Paano sila ngayon? Ngayong alam nila na malapit nang mawala sa kanila si Kuya. Unti-unti. Araw-araw.
Abut-abot ang pagtutol ni Danny nang sabihin kong lilipat na ako ng ibang kurso. Alam kasi niya kung gaano kalaki ang paghahangad kong maging isang mahusay na manggagamot. Nagiging labis lang daw ang aking pagiging sentimental. Ang matawag na sentimental ay isang mabigat na paratang sa aming dalawa ni Danny. At maging sa lahat ng mga kabarkada namin sa kolehiyo. Mariin ang aking naging pagpapaliwanag. Marahil ay pagtatanggol sa sarili.
“Alam mo, Danny,” sabi ko, “wala na ang dating magneto ng medisina sa aking katauhan. Aking natuklasan na kung nagagawa mang patagalin ng mga makabagong gamot at pamamaraan ng medisina ang buhay ng tao, wala naman itong kakayahang gawin siyang higit na maligaya. Ilang kutsaritang luha ang kapalit ng kakaunting gamot na ibibigay mo sa isang batang maysakit? Maihahambing mo ba sa libo mang kamatayan ang takot ng isang musmos sa duro ng iniksiyon? Ilang pamilya ang pumalaot sa habambuhay na paghihikayos upang mabuhay ang isang kaanak na magiging inutil lamang sa habampanahon? Ewan ko kung ano ang nadarama mo sa tuwing papasok ka ng ospital. Para sa akin, higit na magaan ang aking hakbang pagkagaling ko sa isang libing.”
Tahimik lang si Danny habang ako’y nagsasalita. Nakatingin sa akin. Alam kong nasa balag siya ng hindi paniniwala at pagkaawa. Kahit kailan ay hindi ko pa nakitang nabigla si Danny.
Muli, nagpatuloy ako. “Kilala mo ba si Da Ipe? Alam mo, higit na marami siyang napaliligayang tao. Maraming taga-ibang lugar ang nagsasadya kay Da Ipe upang magpagamot. Hindi siya tumatanggi. Dalhan mo siya ng naghihingalo, ng sinabugan ng apendisitis, ng may kanser, may lukemya, may ulser, natetano, nalason, nakalulon ng pako, at buong pagtitiwalang gagamutin niya ang kahit sino sa kanila.”
Sumabad si Danny. “Iisa ang kanyang gamot. Iniksiyon ng pag-asa. Hanggang sa huling sandali.”
“Mahiwaga ang pag-asa, Danny,” sabi kong halos pabulong. “Walang mali at tamang pag-asa. Si Da Ipe sa kabila ng pag-asenso ng teknolohiya at sibilisasyon ay patuloy pa ring dinarayo ng mga tao. Mapagaling man sila o hindi ay walang gaanong kaibahan. Ang mahalaga ay madala kay Da Ipe ang mga may karamdamang hindi na kayang lunasan pa ng mga maalam na doktor.”
Pinigil ako ng mga sunud-sunod na tanong ni Danny. Nagpapaalaala. “Mario, hindi ka na ba tulad noong araw? Takot ka na ba sa katotohanan? Hindi ba’t katotohanan at katiyakan ang ating hinahanap?
Maliwanag sa akin ang lahat. Gusto ni Danny na sagipin ang tuluyang pagkalunod ng aking katinuan. Pagtatangkang walang lakip ng pang-unawa.
Malayo ang baryo nina Danny. Maglalakad siya kung palalampasin niya ang huling biyahe. Hindi ko alam kung paano kami naghiwalay. Naramdaman ko na lamang na uminit ang aking mga mata. Ang ugong ng dyip. Ang alikabok na sing-itim ng takipsilim.
Malayo na si Danny ngunit gusto ko pa rin siyang sagutin. Gusto kong isigaw sa kanya: Tunay na madali ang tumanggap ng katotohanan. Ng katotohanang totoo nang talaga. Ano mang bigat ang kapalarang pasan mo sa iyong balikat o sapo ng iyong mga palad ay kaya mong batahin. Ang mahirap yakapin ay ang malupit na katotohanang darating pa lamang. Hindi pa dumarating ngunit tiyak ang pagdating. Si Kuya, anim na buwan siyang minahal ni Inang, naming lahat, ngunit pagmamahal hindi sa isang buhay. Tutoo, ang nagpapagalaw sa aming lahat ay ang matapat na pagmamahal sa isang taong bagaman at masasabing buhay pa, ay malaon nang patay.
Pinakakain nila si Kuya nang ako’y pumanhik sa bahay. Matagal din bago ako nakatulog ng gabing iyon.
Kamakalawa, ang libing ni Kuya ay sinaksihan ng maraming tao. Halos nakiramay ang buong bayan. Pakikiramay na mahigit nang anim na buwan naming nadarama. Pagkat sila, kami, si Inang, ay matagal na naghintay.