
MASIKIP SA TATLO
Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
(Inilathala ng Asian Journal, Abril 27, 2012, pahina 22
http://asianjournalusa.com/asian-journal-april-may-edition-p12118-151.htm)
Ang aking biyenang babae ay isang bayani ng Bani, Pangasinan. Bago pa kami ikinasal ng kanyang anak na panganay ay binawian na siya ng buhay sanhi ng sakit na diabetes. Samakatuwid ay hindi ko lubos na nakilala si Justina Quiray. Ang kanyang nakalipas na nabatid ko sa pamamagitan ng kuwento ng mga taga-Bani ay isang malaking sorpresa para sa akin at kahi’t na sa kanyang anak. Ang aking kabiyak mismo ay hindi alam na ang kanyang ina ay isang bayaning hindi pinarangalan.
Prologo(Mula sa Kasaysayan ng Bani)
Mapanganib na pamamangka sa dalawang ilog ang ginampanang papel ni Justina Quiray noong panahon ng pananakop ng mga Hapon. Nang nangailangan ang tagapamahala ng mga kawal-Hapon ng isang guro na maaaring mag-aral ng Niponggo, at nang pagkatapos ay maturuan niya ang mga batang nasabi ng wikang-Hapon, ay nagkusang-loob si Justina na siya ang piliin. Noong1943 ay nagturo siya ng Niponggo sa Paaralang Elementarya ng Bani. May himpilan ang mga Hapon sa loob ng nasabing paaralan noong panahong iyon at gawa ng mabuting pakikisama ni Justina ay pinagkatiwalaan siya ng pinuno ng mga sundalo,isang tenyente na nagngangalang, Mijara. Tuwing may mga mahuhuling guerrilla ang mga Hapon, si Justina ang nagsasabi kay Tenyente Mijara na palayain sila sapagka’t ang mga nahuhuli ay hindi guerrilla kundi karaniwang mamamayan lamang. Nagtitiktik din si Justina tungkol sa mga balakin at kilusin ng mga sundalong-Hapon at, sa gayong paraan. ay natutulungan niyang mangibabaw sa labanan ang mga guerrilla. (Ito’y talatang hango sa kasaysayan ng Bani na isinulat sa Ingles; salin sa Pilipino ng maykatha.)
Naganap ang kabayanihan noong panahon ng Hapon. Nilusob ng bansang Hapon ang Amerika sa paraang pataksil nang ang mga pilotong kamikaze nito ay pinuntirya at binagsakan ng bomba ang mga bapor-militar ng Amerikano na noon ay nakatigil sa Look ng Pearl Harbor, sa Hawaii, Disyembre 7, 1941.
Sa dahilang ang Pilipinas noon ay nasa ilalim ng pamamahala ng Amerika, inatake din ng mga Hapon ang Pilipinas, ilang oras lamang pagkalipas ng pag-atake sa Pearl Harbor. Ang pagtataksil na ito ng Hapon ay siyang naglunsad sa Pangalawang Digmaang Pandaigdig.
Dalawang lalaki ang naminimtuho sa pag-ibig ni Justina Quiray. Tila ang dilag ng Bani, Pangasinan ay maselang kristal na naiipit sa dalawang nag-uumpugang bato. Sapagka’t ang nagtutunggali sa pag-ibig ay nagtutunggali rin sa nagaganap na digmaan, kapuwa malalakas at matitigas ang magka-ribal. Di malayo na ang magagapi sa tunggalian, ang mababasag ang damdamin, ang mag-aalay maging ng kanyang buhay, ay ang babaeng hinahangad.
Ang maliit na bayan ng Bani ay nasakadulu-duluhan sa dakong kanluran ng lalawigan ng Pangasinan. Isa itong napakagandang pook na nasa baybayin ng Dagat-Tsina at malayo sa ingay at gulo ng lungsod. Dumaong dito ang mga Portuges, maging ang mga Ingles, noong panahon ng mga manglalayag ng karagatan at manunuklas ng mga malalayong lupain. Laging namamataan ng mga aventurero ang Bani, marahil, sa dahilang ito ay nasa daraanan nila sa paglalakbay pamula sa Europa at Tsina at, palibhasa ay kaakit-akit ito.
Hindi lamang dumaong, kundi tumigil pa, sa Bani ang mga Portuges. Ang mga manglalayag ay nakapag-asawa ng mga babaeng tubo sa nasabing pook, nakapagsimula ng kamag-anakan o lahi. Ang mga supling ng nasabing mga pagsasama ay nagkaroon ng mga katangiang panglabas na magkahalong Portuges at Pilipino.
Maganda si Justina at maputi. Naiiba siya sa karamihan ng mga kababaihan sa Bani na di makatawag-pansin ang mga mukha at maiitim. Di nakapagtataka sapagka’t si Justina ay may dugong-Portuges. Apo siya ni Donya Amparo Munoz na ang ama ay purong Portuges. May kumalat pa na balita na si Justina ay ipinaglihi ng ina sa imahen ng Mahal na Birhen na nakalagak sa altar ng simbahan ng bayan. Maputi ang birhen, kulay hibla ng mais ang buhok, at may gatla ang leeg. Kung uusisain, magkahawig nga ang Birhen at si Justina!
Ang huling dayuhang dumaong at tumigil sa Bani ay ang mga sundalong-Hapon. Sila ay mga mandirigma, mandirigma na bulag na sumusunod at nagpapaganap sa mga mithiin ng Emperador ng Hapon. Ang masasabing matayog nguni’t di makatuwirang mithiin ay ang pagsakop sa buong Asya, kabilang na angPilipinas, at ang pagpapairal sa pamamaraang-Hapon.
Ang mga lalaki ng Bani at karatig na pook ay bumuo ng lihim na sandatahang-lakas na sasalungat sa pananakop ng mga sundalong-Hapon sa paraang patago. Naging higit na handa at malakas ang sandatahang-lakas ng Hapon kung kaya’t ang guerrilla na si Celso at ang kanyang mga ka-pangkat ay nagtatago sa mga lungga sa kabundukan.
Si Tenyente Kenji Mijara ang pinaka-pinuno ng batalyon ng sundalong-Hapon na sumakop sa Bani. Makisig siya at may pinag-aralan. Sa maraming pook na sinakop ng mga Hapon, naging malulupit at walang paggalang sa kapuwa ang mga pinuno, at ang mga dayong sundalo. Nabalita na ang mga nadadakip na guerrilla ay kapagdakang pinupugutan ng ulo, gamit ang matalas na samurai. Maging ang mga babae at bata ay tinuturukan ng bayoneta, kapag nahihiligan.
Bilang natatanging guro sa maliit na elementarya sa Bani, si Justina ang isa sa unang mamamayan na nilapitan ni Tenyente Mijara upang makipagkilala at pakiusapan ng tulong. Marunong magsalita ng Ingles si Tenyente Mijara, palibhasa ay nag-aral sa unibersidad, kung kaya’t madaling nagkaunawaan ang dalawa.
“Hangad namin ang kabutihan ninyo. Iiral ang kapayapaan at lulusong ang kaunlaran hanggang sa ako ang namumuno dito.” Wika ni Tenyente Mijara.
“Ang kahilingan ko, BinibiningJustina, ay maturuan mo sana ng Niponggo ang mga bata. Tutulungan kita. At sa tuwing umaga ay itataas sana ninyo ang bandila ng Hapon at aawitin ang ‘Kimi GaYo’ (Mabuhay ang Emperador).” Dagdag pa ng tenyente.
Mabigat sa kalooban ni Justina na yumuko sa mga kagustuhan ng isang manlulupig; nguni’t wala siyang magagawa kundi ang makipagtulungan at nang hindi mapahamak ang kanyang mga kababayan.
Naging malimit ang pagkikita ng tenyente at ng dilag ng Bani. Unti-unting namumuo sa puso ng lalaki ang pag-ibig. Di miminsang dumalaw ang tenyente sa bahay nina Justina na may pasalubong na sariwang bulaklak at kakaning-Hapon. May mga kababayan si Justina na nakakikita sa kanila na namamasyal sa baybay-dagat sa ilalim ng buwang malaki at maliwanag. At ang tagpong katulad nito ay kanilang ikinabahala. Nagtataksil ba si Justina sa kanyang mga kababayan? Marapat ba na makipagkaibigan sa kaaway?
Lingid sa kaalaman ng mga kababayan niya at ni Tenyente Mijara, si Justina ay lihim na nangangalap ng inteligencia at ipinaaabot ang mga ito kay Celso. Sa madaling sabi ay nalalaman ng mga guerrilla ang mga balakin ng mga sundalong-Hapon bago pa man nila maisakatuparan ang mga ito.
Minsang nagkaroon ng pagkakataon sina Justina at Celso na makapag-usap nang sarilinan ay nagtapat ang dalaga. “May pagtingin sa akin si Tenyente Mijara. Sinabi ko sa kanya na ako ay may nasagutan na ng aking pag-ibig, nguni’t ibig pa rin niyang subukan na makamit ang aking oo.”
“Papatayin ko ang sakang na iyon!” galit na nasambit ni Celso.
“Ang bayan na ito ay napakaliit upang kapuwa kami manatili dito. Masikip sa dalawa ang Bani!” Pahayag ni Celso.
May taong biglang lumitaw at nagsalita sa likuran ni Celso.
“Tama ka, Celso. Isa sa atin ang walang karapatan na manatili sa bayang ito.”
Sinundan pala ni Tenyente Mijara si Justina at natunton niya at ng mga taga-sunod na sundalong-Hapon ang lungga ng mga guerrilla.
Nakaumang na ang mga riple ng mga sundalo sa ulo ni Celso. Sa utos ng tenyente ay pipisilin ng mga sundalo ang gatilyo at tiyak na magiging mistulang bangkay si Celso na sabog ang bungo. Samantala, ang mga kakampi ni Celso ay nasa malayong pook. Nasukol si Celso na nag-iisa.
Ibig humiyaw sa magkahalong kahihiyan at sindak si Justina o di kaya ay umiyak at magmakaawa sa kaibigang tenyente, nguni’t minabuti niya na sarilinin ang pagkagulat at masidhing pagkatakot. Tulala siya nguni’t tahimik na lumakad papalayo mula sa pook na kamamatayan ng kanyang kasintahan.
Pinigil ni Tenyente Mijara si Justina sa paglayo at nagsabi ng ganito: “Hindi ako isang taksil, Justina. Hindi ako papatay ng tao na walang laban.” At kinumpasan niya ang mga sundalo na ibaba ang kanilang mga riple.
“Justina at Celso,” wika ni Tenyente Mijara, “masikip nga sa dalawa. . . masikip sa tatlo, ang maliit na bayang ito. Pababayaan ko kayong makatakas. Lumayo kayo sa pook na ito. Tumungo kayo sa pook na ligtas. At ipagdasal ninyo na di na tayo magkikitang muli. Di ko magagawang patawarin kayo sa pangalawang pagkakataon. Sa ngayon, ang puso kong may busilak na pag-ibig sa iyo, Justina, ay nag-uutos na magpatawad at tumatanggi na malason ito ng kamandag ng pagkapoot.”
At iyon na ang naging huling pagkikita nina Justina, Celso, at TenyenteMijara.
Epilogo(Mula sa Kasaysayan ng Bani)
Nakahahabag pagmasdan ang mga sundalong-Hapon noong mga huling araw nila sa Bani. Lumubog sa bomba ang kanilang mga bapor at umahon sila sa pampang na tila mga ligaw na baka. Sa pagmumukha nila ay makikita ang pamumutla, pagkagutom, kawalan ng pag-asa, at nalalapit na kamatayan. Wala na silang armas at gula-gulanit ang mga damit. Ang mga paa nila ay sugat-sugatan sa paglalakad na walang sapatos o kung may suot man ay sandalyas na basahan o dayami lamang. Kawangis nila ang mga sundalong Pilipino at Amerikano na nakabilang sa Martsa ng Kamatayan (Death March) sa Bataan. At ang mga taga-Bani ay naawa sa kanila, hindi na sila tinuring na kaaway, nawala ang damdamin ng paghihiganti, at hindi na sila ginalaw.(Ito’y talatang hango sa kasaysayan ng Bani na isinulat sa Ingles; salin sa Pilipino ng maykatha.))
Naglabasan ang mga taong-bayan ng Bani nang magdaan sa kanilang pangunahing lansangan ang hanay ng mga sundalong-Hapon na noong oras na iyon ay mga bihag na ng digmaan. Ang mga sundalong-Amerikano ay inihahatid sila sa bakuran ng elementarya na hinirang na pansamantalang kulungan.
Kawangis ng mga sundalong-Hapon ay mga ligaw na baka na sunud-sunuran lamang sa mga sigaw at utos ng mga bantay. Gaya ng nasabi sa kasaysayan ng Bani, naawa ang mga taong-bayan sa mga sundalong-Hapon. Oo nga’t sinalakay nila ang dati’y tahimik na bayan, nguni’t naging mabait naman sila sa mga taga-roon. Ang dati-rati’y makikisig at maliliksing kawal ng Hapon, noong oras na iyon ay larawan ng pagod, gutom, at kabiguan.
Kabilang sa mga lumabas sa lansangan upang manood sa “parada” ng mga bilanggo ng digmaan ay sina Justina at Celso. Mula sa bundok ay bumaba sila sa kapatagan nang mapag-alamang nasupil na ng mga Amerikano ang mga sundalong-Hapon.
Sa simula ay hindi nakayanan ng mga Amerikano na salungatin ang lakas ng paglusob ng mga Hapon. Walang nagawa ang pagtatanggol sa bansa na isinagawa nina Gen. Douglas MacArthur at ng kanyang mga kawal-Amerikano. Noong Marso ng taong 1942, napilitan si Gen. MacArthur na isuko ang Corregidor. Sakay ng isang bapor ng U.S. Navy ay inilikas siya, kasama ang kanyang pamilya, patungo sa Australia. Mula sa Australia, nagsalita si Gen.MacArthur sa radyo at ipinaabot sa mga Pilipino at sa mga kawal-Amerikano na ikinulong ng mga Hapon sa mga concentration camps, na siya ay magbabalik: “Ishall return”.
Noong Oktubre 20, 1944, bumalik nga si Gen. Douglas MacArthur. Lumusong siya sa baybayin ng Leyte at tinupad ang kanyang pangako na siya ay magbabalik upang palayain ang Pilipinas mula sa pananakop ng mga Hapon. Ikatlong bahagi ng mga sundalong-Amerikano ang namatay na sa sakit at gutom bago nangyari ang nasabing pagbabalik. Marso ng taong 1945 nang ang buong Luzon ay nabawi sa kamay ng mga Hapon.
Madungis ang ayos ni Tenyente Mijara kahi’t na buo pa rin ang kanyang sombrero at uniporme. Mababakas sa kanyang mukha ang kalungkutan at pagod; datapuwa’t tuwid na tuwid pa rin ang kanyang tindig at lakad.
Ang batang-batang tenyente na nagtapos sa unibersidad at nag-aral sa paaralang-miltar ng Hapon ay malayong-malayo ang iniisip. Naaalaala niya ang kanyang mga magulang at kapatid na naiwan niya sa Hapon. Magkikita kaya silang muli? Naaalaala niya ang mga kaklase niya sa paaralang-militar. Ano na kaya ang nangyari sa kanila? Pabalik-balik sa kanyang diwa ang katanungan: Marapat kaya na maging tapat siya sa Emperador? Ang ialay ang kanyang kabataan, maging ang kanyang buhay; ang mapawalay sa mga minamahal sa buhay, sa mga kaibigan, upang tuparin ang mithiin ng isang Emperador? Ang digmaan ba na kanyang kinasangkutan ay may katuwiran?
At sa kanyang alaala ay di maialis ang larawan ni Justina. May naiwan siyang kaibigang babae sa Hapon. Siya ay hindi pa niya kasintahan. Patungo na siya sa pagtatapat ng kanyang pag-ibig sa dalagang-Hapon nang siya ay biglaang tinawag ng Japanese Imperial Army upang magsanay sa pakikidigma. Nakadarama siya ng kalungkutan na ang nasabing dalagang-Hapon ay naiwan niya sa tinubuang lupa. Kumusta na kaya siya? Nakahanap na kaya siya ng ibang kasintahan? Maghihintay kaya siya sa akin?
Nguni’t higit na naaakit siya kay Justina, higit na umiibig siya sa babaeng taga-Bani. Justina, isa ka na lamang pangarap ngayon! Pinipilit niyang kumbinsihin ang kanyang sarili na kalimutan na lamang si Justina.
Nakita ni Justina si TenyenteMijara. Ibig niyang kawayan ang kaibigan at isigaw ang kanyang pangalan, nguni’t di niya ito nagawa. Nang magdaan ang tenyente sa kanilang harapan ay di man lamang nagbago ang anyo ng mukha ng Hapon. Nagkasalubong ang kanilang mga paningin nguni’t tila walang nakita ang tenyente. Tahimik siya at taas-noong nagpatuloy sa paglalakad. Patungo kung saan, hindi niya nalalaman.
Nagkasakit ng malaria si Celso at iyon ang kanyang ikinamatay. Nanatiling dalaga si Justina at si Tenyente Mijara naman ay nakabalik sa Hapon, matapos na ang Amerika at Hapon ay nagkasundo na wakasan na ang digma.