ANG KULAY NG MUSIKA
Maikling Kuwento ni Percival Campoamor Cruz
Ipikit ang mga mata at pakinggan ang musika – may kasaysayang isinasalaysay at inilalarawan ito; may kulay at halimuyak ito, gaya ng tunay na panginorin, o di kaya ng larawang ipininta ng isang artista sa canvas.
Kaya’t ang kompisitor at musikero ay tunay na alagad ng sining, maestro ng kagandahan, henyo na bukod-tangi ang galing, matalas ang pandamdam sa mga sari-saring bagay sa kapaligiran, nakikita man ng mata o hindi.
Halimbawa, pakinggan ang “Blue Danube” ni Johann Strauss at “makikita” ang liksi at kasariwaan ng tanyag na ilog na tila ahas na kristal na dumadaloy sa pusod ng gubat. May himig at pilantik ang tubig sa ilog na naitala ni Strauss sa pamamagitan ng nota; na nakaaakit sa nakaririnig na sumayaw at sumabay sa kanyang pagdaloy.
Isa pang halimbawa ang “Autumn Leaves” na nilikha ni Johnny Mercer. Sa pamamagitan ng teklado ng piyano ay naipinta ni Mercer ang malungkot na tanawin ng mga tuyot at kulay-lupa na mga dahon na dahan-dahang nahuhulog mula sa puno at inililipad ng mabining hangin.
Ang isang henyo ay isinisilang na may kakaibang kagalingan kung ihahambing sa karamihan ng nilalang. Siya ay may pambihirang talino, talas, at lihim na siya lamang at ang kanyang Lumikhang Diyos ang nakauunawa. Henyo sina Strauss, Mercer, at Serafin.
Pambihirang tao si Serafin.
Simulan natin ang kuwento nang si Serafin ay nag-aaral pa sa kolehiyo.
Sa karamihan ng mag-aaral sa Kolehiyo ng Sining at Musika sa Pambansang Unibersidad ay umangat sa katanyagan si Serafin dahilan sa ganda ng kanyang boses at galing sa pagtugtog at paglikha ng musika. Pinakamatataas ang kanyang marka sa mga aralin at naging daan ito na mahirang siya bilang pangunahing iskolar.
Naging masugid na tagahanga ng iskolar si Marian, isang estudyante rin ng musika at malimit na kasaliw ni Serafin sa pag-awit sa mga pagtatanghal. Umusbong tuloy na tila maagang buko ng bulaklak ang pag-iibigan nila dala ng kapuwa nila pagkakaroon ng galing at pag-ibig sa sining.
Bagama’t magaling at kinikilala ng mga propesor sa husay, mahiyain at hindi palakibo si Serafin, mga katangian na naibigan ni Marian. Ang kalalakihan sa klase ay naaakit lahat sa kagandahan at talino ni Marian. Ang iba ay nagiging malakas ang loob at nagtatapat ng kanilang paghanga sa babae at nag-aalok pa ng kanilang puso at pagiging utusan sa ngalan ng pag-ibig. Nguni’t naging mahirap makuha ang pagsang-ayon ni Marian.
Bukod sa galing sa pag-awit, si Serafin ay may galing sa pagtugtog ng ano mang instrumento – gitara, piyano, silindro. Siya rin ay isang makata at kompositor. Nakalilikha siya ng magagandang himig na kanya ring nalalapatan ng matutulaing mga titik.
Kung ihahambing sa mga kalalakihan sa klase si Serafin, bukod sa katotohanang siya ay hindi laki sa yaman o laki sa layaw, hindi makatawag-pansin ang hilatsa ng kanyang mukha. Ang mga kaklaseng lalaki ni Marian ay mga tagapagmana ng mayayamang pamilya na kung pumasok sa eskwela ay de kotseng lahat. Magagandang lalaki sila at mahuhusay magdamit; pangkaraniwang suot nila ang mga damit at sapatos na ang tatak ay mamahalin.
Samantala, si Serafin ay sumasakay sa bus patungo sa eskwela. Malinis at plantsado ang mga suot niyang kamisa dentro at pantalon, bagama’t madaling mapansin na ang mga ito ay may kalumaan na. Malimit nga na nahuhuli pa sa klase si Serafin, dahilan siguro sa traffic.
Ang hindi alam nina Marian at mga kaklase ay ang katotohanan kung bakit palaging nahuhuli sa klase si Serafin. Upang makatipid sa pamasahe ay hinihintay niyang dumating sa bus stop ang bus na ang tsuper na nagmamaneho ay ang kanyang tatay. Ang nasabing bus ay dumadaan sa eskwela at naihahatid ng tatay si Serafin na walang gastos.
Si Marian ay anak-mayaman din, katulad ng mga kaklase sa unibersidad. Kung kaya’t naiiba si Serafin ay siya lamang ang walang kaya sa buhay sa kanilang magkakaeskwela. Nguni’t dahil sa pagpupunyagi ng mga magulang, nakayanan niyang makapag-aral.
Naakit si Marian sa kakaibang pagkatao ni Serafin. Marahil ay may kahalong pagka-awa ang damdamin ni Marian tungo sa lalaki. Wala siyang kisig palibhasa ay mahirap at pangkaraniwan lamang ang anyo. Wala siyang kibo at hindi nakikihalubilo sa mga kaklaseng lalaki sa kanilang mga lakad. Nguni’t ang galing niya. Mabait siya. Mapagkumbaba. At tahimik. Mga katangiang may halaga kay Marian.
Nagtapos sa kolehiyo sina Marian at Serafin at nagpatuloy ang kanilang pagkakaibigan kahi’t doon sa dako ng panahon na kailangang magsimula na sila ng ikabubuhay. Nagkasundo ang dalawa na sila’y lilikha ng mga kanta, isasaplaka ang mga ito, at hihimukin ang mga istasyon ng radyo na patugtugin ang mga ito hanggang sa sila’y maging paborito.
Nang malaman ng mga magulang ni Marian na ang kanilang anak ay nagkakaroon ng amor sa isang taong mahirap, nagbigay sila ng payo sa kanya: Ang tao ay hindi nabubuhay sa pag-ibig lamang. Isipin mo ang kinabukasan mo, ang kinabukasan ng iyong magiging mga anak. Ayaw mong ikaw at sila ay maghirap sa buhay.
Nguni’t ang pagtitiwala ay nanaig sa agam-agam. Kung hindi magaling si Serafin at malakas ang paniniwala sa sarili ay hindi sana magpapatuloy ang paghanga at pagka-akit ni Marian sa kanya. Hindi nakinig sa pangaral ng magulang at sa pagkutya ng mga kaklase, ibinuhos ni Marian ang lahat ng kanyang pagtitiwala at pag-ibig kay Serafin; hanggang sa isang araw ay nagpasiya ang dalawa na magpakasal.
Narinig ng madla ang tamis at taginting ng tinig nina Marian at Serafin. Napatugtog sa radyo ang kanilang mga kanta. Bawa’t kanta ay mayaman sa melodiya at magagandang kathang-isip. Naibigan ang kanilang estilo at ritmo. Nabili ang kanilang mga plaka. At sa mabilis na panahon ay naging tanyag at matagumpay ang mag-asawang Marian at Serafin.
Ang buong bayan ay nasisiyahang marinig ang mga awitin at ang madla’y napasasabay sa pag-awit sa tuwing ipinatutugtog ang mga naging top hits:
Bulaklak
Bulaklak sa lungsod-gubat
May lihim kang tingkad
Kay hirap matuklas
Kundi ng hangin at ulap
Ikaw’y ligaw na talahib
Matibay, marikit
Ang lupa’y mainit
May ngiti’t laging nakatindig
Ganda mo at halimuyak
Nasa isip ko t’yak
Kulay mo at sikat
Lunas sa uhaw at hirap
Dido, dido, dido, dido
Sinabog kang bango
Hoho, hoho, hoho.hoho
Dinig mo ba ako?
Araw
Ikaw’y aking araw
Kay inam na liwanag
Kay sarap na init
Humahaplos sa ‘king balat
Ikaw’y aking sigla
Kislap ng iyong mata
Kulay bahag-hari
Tukso sa ‘king guni-guni
Ayaw ko sa dilim
At sa gabing malalim
Yakapin mo ako
Sinisinta kitang Pebo
Bahag-hari
Umaga na! Ang gintong bukiri’y
bumati sa Liwayway
Nagsulpot ang bulaklak sa palayan.
Mga lalaki yapak sa putikan
At sa bukid, daming bisig
ng babae ang naghawan;
Kaya pala, abala na ang maraming kaibiga'y
Panahon na ng gapasan
Bahaghari! Larawan ng palad,
Na matapos ang pag-ula’y
Maghahari, liwanag,
Sa Timog ay nabadha
ang unos na lalagpak,
Dito naman sa nayon nati’y mabulaklak –
May bunga ang palay,
May biyaya tayo
May pag-asa ang lalaking
Sa paggawa, nag-alay!
Nahirang si Serafin na Mang-aawit ng Dekada at pinakamahusay na manlilikha ng musika at awit. Inihambing siya ng mga kritiko sa isang pintor na mahusay na maglarawan ng ganda ng mundo at ng katauhan. Makulay at makahulugan, malarawan at punung-puno ng magagandang pangitain ang kanyang musika.
Nagkaisa ang mga kritiko sa pagsasabing si Serafin ay isang pintor na ang canvas ay katahimikan. Nilagyan niya ng tunog, ng himig, ng musika ang katahimikan; katulad ng paglalagay ng isang pintor ng larawan sa isang canvas.
Paano nagawa ito ni Serafin? Paano niya nailarawan sa musika at kanta ang kulay ng mga bulaklak, ang sinag ng araw, ang ganda ng isang babae, ang lutang ng ulap sa kalangitang asul, ang sayaw ng mga halaman sa hihip ng hangin, ang pagsasaya ng mga kabataan sa bukid, ang lupit ng pamumuhay sa lungsod? . . .
Samantalang si Serafin ay bulag!