ANG TULAY NA KAHOY
Maikling Kuwento ni PERCIVAL CAMPOAMOR CRUZ
(Nailathala sa Asian Journal noong Nobyembre 12, 2010 http://www.scribd.com/doc/42082730/Asian-Journal-Nov-12-2010 at sa Writings 8 by Jobo Elizes: http://www.amazon.com/Writings-Tatay-Jobo-Elizes-Pub/dp/1456438816#reader_1456438816
Di maiwasang maalaala ni Enrico ang isang tulay ng kanyang kabataan. Mangyari ay napagkuwentuhan nila sa internet, ng mga kaeskwela niya sa high school, na ngayon ay nasa ika-anim na dekada na ng buhay, ang isang tulay na kahoy sa may likuran ng kanilang paaralan.
Ang tulay na nasabi ay nasa ibabaw ng Estero de San Lazaro at siyang daan upang marating ang kabilang ibayo ng nasabing ilog-ilogan. Ang panig ng paaralan ay ang kaaya-ayang ibayo. Malinis ang kalsada sapagka’t pinapanatiling malinis ng mga guro at mag-aaral, sapagka’t ang kalsada, sa malimit, ay nagiging bahagi ng eskwelahan. Sa kalsada nagaganap ang mga pag-eensayo sa P.E. o di kaya’y pagma-martsa ang mga kadete ng P.M.T.
Tahimik at maayos ang panig ng paaralan, mangyari ay nakamanman palagi ang mga guro, at paminsan-minsan, ang isang pulis-Maynila. Naiiwasan ang gulo, ang pagdayo ng mga salbahe, ang pag-aaway at pagnanakawan ng gamit.
Iba ang kalagayan sa kabilang ibayo ng tulay. Ang panig na iyon ay kilalang pugad ng mga halang ang kaluluwa. Doon nag-iipon-ipon, nag-aabang, nag-iinuman at naka-istambay maghapon ang mga siga-siga at drug addicts sa distrito ng Sta. Cruz, sa Maynila. Makikitid at madidilim ang mga daan doon. Siksikan ang mga bahay. Doon naninirahan ang mga tigasin at kahalubilo nila ang mga Intsik na ang mga bahay ay laging nakapinid ang mga bintana. Ang mga Intsik daw ay gumagamit ng opyo sa loob ng kanilang mga bahay kung kaya’t hindi nila iniiwang bukas ang mga bintana at pinto, upang sila’y di makita, maalinsangan man ang panahon o hindi.
Takot na takot si Enrico na lumapit sa tulay na iyon. Ganoon din pala ang pakiramdam ng mga kaeskwela niya. Tumindi ang pagkatakot niya at pag-iwas sa tulay nang may tindero ng balut na ginapos ang mga kamay at pagkatapos ay tinurukan ng pana sa dibdib. Nabalitaan rin niya na ang mga tumatawid sa tulay ay binabakalan ng beinte-singko sentimos sa tuwing gagamitin ang tulay. Pambili ng alak ng mga istambay. Bugbog sarado ang walang perang maiabot.
Napabalita rin na gumagala sa daan si Waway, isang sira ang ulo na makapal at kulot ang buhok na nananaksak ng tao nang walang dahilan. Kilabot ang Sneakers Gang. Sila ang naghahari sa madilim na panig ng estero na tinatawid ng tulay na kahoy. Sila rin ang panaka-naka na lumilitaw sa panig ng eskwelahan at doon ay nangingikil sa mga estudyante ng pang-inom o pambili ng droga, o di kaya’y nang-aagaw ng ano mang gamit na magustuhan.
Minsan ay nagsasaya ang mga estudyante sa paglalaro ng basketball sa kalsada sa gilid ng paaralan. Nagdala si Louie ng bola na bagong-bago, na kabibigay pa lamang ng kanyang tatay. Ipinasa ni Louie kay Toz ang bola; pinuntirya ni Toz ang goal at pinalipad ang bola - shoot! Pagbagsak ng bola ay may isang mandarambong na tila sibat na pumasok sa court, sinalo ang bola at pagkatapos ay
itinakbo ito papunta sa tulay na kahoy. Iyon na ang huling pagkikita ni Louie at ng kanyang bagong basketball.
Minsan naman ay nasaksihan ni Enrico ang pagtutunggali ng dalawang gangs. Binubuo ng humigit-kumulang na limampung kasapi bawa’t panig, ang dalawang pangkat ay nag-eskrimahan sa gitna ng kalsada na gamit ay ang mga mahahabang buho ng kawayan. Nakasilip siya sa siwang ng bintana at nakita ang paluan at narinig ang mga sigawan, hiyawan at murahan ng mga nagsisipag-away. Natagalan ang pagdating ng pulis, at nang dumating, ay saka pa lamang nagtakbuhan papalayo ang mga kasapi ng gang.
Nagbunga ng maganda ang lakas ng loob ni Enrico nang ipagtapat ang kanyang nag-uumapaw na pag-ibig kay Flordeliz. Sinabi niya na dahil malapit na ang graduation, bago sila magkahiwalay ng landas, ay ibig niyang malaman kung may pag-asa na ang kanilang pagkakaibigan ay lumawig pa. Na matapos man ang masasayang panahon sa high school, ay maipagpapatuloy nila ang maraming bukas na sila ay magkikita pa rin. Na kung papayag si Flordeliz ay magiging magkasintahan sila hanggang sa panahon na sila ay makatapos sa kolehyo at maaari nang magpakasal. Na kung papayag si Flordeliz na iuukol ang kanyang pag-ibig sa kanya lamang at siya ay ganoon din ang gagawin.
Nakatutuwa ang pagsagot ni Flordeliz sa pagtatapat ni Enrico. Kinabukasan na isinauli ni Flordeliz kay Enrico ang hiniram na libro, nakita ng binatilyo na ginuhitan ng dalagita ang napakaraming letrang “O” na nakalimbag sa mga pahina nito; "Oo", "Oo", "Oo", "Oo", dalawampung ulit yata na ginuhitan niya ang titik na "O".
Sa tuwa ay napasigaw si Enrico . . . "Flordeliz!", "Flordeliz!", "Flordeliz!" Ang lahat ng mga kaeskwela niya na nakarinig kay Enrico ay naglingunan na may bakas ng pagkamangha sa kanilang mga mukha. Ano ang nangyayari kay Enrico, inisip nila. Nagkasundo sila ni Flordeliz na ilihim sa mga kaeskwela ang kanilang pagkakasundo.
Nguni’t ang mga kaeskwela ay may hinuha. “Kay suerte mo,” pabulong na sabi ni Jun kay Enrico. Naunawaan niya ang ibig sabihin ng kaibigan. Si Flordeliz, bukod sa maganda, ay ang nangunguna sa academics. Malamang na siya ang magiging valedictorian ng klase.
May mga lalaki sa kanilang klase na higit kay Enrico ang karanasan sa panliligaw na kagaya nina Virgilio, Wilfredo, Boy, at Israel; kapuwa nila hinangad na maibigan sila ni Flordeliz. Nguni’t si Enrico ang kanyang pinili!
“Samakatuwid ay sasamahan mo na si Flordeliz sa pag-uwi,” pakli ni Jun kay Enrico. Sa umaga ay inihahatid si Flordeliz sa eskwela ng kanyang tatay o di kaya ay ng kapatid na lalaki.
“Palagay ko ay ganoon na nga,” sagot ni Enrico. “Alam mo ba na sa Antonio Rivera nakatira si Flordeliz?” tanong ni Jun.
Sa pagkarinig sa pangalan ng kalsadang Antonio Rivera ang tibok ng puso ni Enrico ay bumilis; ang dugo sa kanyang ulo ay umakyat. Malamang na nakita ni Jun ang pamumula ng mukha ni Enrico. Ang Antonio Rivera ay nasa kabilang ibayo ng tulay. May sasabihin sana si Enrico kay Flordeliz subali’t inunahan siya nito sa pagsasalita. “Hindi mo ako kailangang ihatid.” Nakatutuwang balita nguni’t nakababagabag. Nahalata kaya ni Flordeliz na si Enrico ay may alinlangan sa paghahatid sa kanyang bagong kasintahan?
O, anong palad, naisip niya. Ngayon pang nagkaroon na siya ng pusong umiibig ay tila pangingibabawan ito ng pusong naduduwag – dahilan lamang sa isang tulay na kahoy!
Sa katotohanan, siya’y talagang naduduwag. Sino ba naman ang ibig sumuong sa isang butas na baka walang malalabasan? Sino ba naman ang ibig na mabugbog o mapatay dahilan lamang sa may nagkakursunada sa iyo at ibig kang bugbugin o patayin? Nguni’t sa kabilang dako, hindi ba ang pagtawid sa tulay na kahoy, hindi ba ang paghahatid kay Flordeliz, hindi ba ang pagdalaw sa kanya sa kanilang bahay ay gawaing inaasahan at natutumpak kung ikaw ay ang kasintahan? Ano ang iisipin ni Flordeliz kung malaman niya na si Enrico ay naduduwag – na siya ay isang duwag!
Pansamantala ay hindi kailangang ihatid si Flordeliz, ayon sa kanyang pasiya. Kung kaya’t nagpatuloy ang masasayang araw sa high school ng bagong magkasintahan.
Dumating ang “Arellano Day” sa eskwela. Ang mga napiling pinaka-magagandang dilag ng eskwela, bukod pa sa pagkakaroon ng talino at iba’t iba pang galing, ay itatanghal at puputungan ng korona sa isang palatuntunan na gaganapin sa Quadrangle.
Isang linggo bago dumating ang araw ng palatuntunan ay nasabihan na ni Mrs. Balagtas si Enrico na maghanda ng isang nababagay na tula na kanyang bibigkasin sa entablado habang pinuputungan ng korona ang Miss Arellano.
“Sino siya?” tanong kay Mrs. Balagtas. “Hindi ko pa alam, at di ko malalaman hanggang sumapit ang pagpapasiya ng inampalan. Basta maghanda ka,” payo ni Mrs. Balagtas.
Alam ng buong eskwela na isa si Flordeliz sa pagpipilian ng inampalan. Siya kaya ang magiging Miss Arellano?
Sa bisperas ng Arellano Day, nag-uusap sina Flordeliz at Enrico tungkol sa gaganaping malaking pagdiriwang. Isinawalat ng dalagita ang mga gawain na dapat isakatuparan, pagsapit ng bukas. Sabi niya, “Nagpatahi si Inang ng isang damit na mahaba ang laylayan at angkop na kasuotan ng isang prinsesa ng kagandahan; ako iyon. Kailangan ko ang tulong mo. Alas kuatro ang simula ng palatuntunan. Pupunta ka sa aming bahay ng alas dos, kukunin mo ang damit na ipinatahi, dadalhin mo sa akin dito sa eskwela at nang ako ay makapagpalit. May katerno na sapatos ang damit. Kailangan ay makabalik ka sa eskwela bago mag-alas tres,” walang kagatol-gatol na habilin ni Flordeliz.
Hindi makatulog si Enrico nang gabing iyon. Ang tulay na kahoy ay tila isang multo na nakaumang ang mga kuko sa kanyang leeg. Nasa kanya ring balintataw ang mga stanza ng tula na dapat ay makabisa at mabigkas nang tama sa susunod na araw.
Tayong mga Pilipino ay may ugaling ipaubaya na sa tadhana ang mangyayari sa mga kalagayang humihingi ng pagpapasiya. Bahala na! Iyon ang sinabi ng binatilyo sa sarili.
Dumating ang oras ng pagdaan sa tulay na kahoy. Nasa isip niya ang larawan ng isang sanggano na aakbay sa kanyang balikat at habang sinasabi ang, “Pare ko, may barya ka ba diyan?” ay maaamoy niya ang amoy ng alak na magmumula sa bibig ng sumasalubong. Nakikita niya ang isang pangkat ng mga lalaki, na kaedad niya, na naglalaro ng palmo sa daan; kailangang dumaan siya sa gilid at nang hindi ma-istorbo ang kanilang paglalaro. Nasa guni-guni rin niya si Waway, na pagsapit niya sa isang panulukan ng makitid na daan ay biglang lilitaw sa kanyang harapan na magwawagayway sa hangin ng isang kumikislap na balisong. Maririnig niya rin ang mga pasaring gaya ng: “Mga padre, iyan iyong inagawan natin ng basketball. Baka narito siya para bawiin ang bola, ha, ha, ha . . .”
Pinilit niyang lumakad nang tuwid at sa paraang may dangal at tiwala sa sarili. Natawid na niya ang kahoy na tulay; at pagbagsak ng mga paa sa lupa, ay naroon sa gitna ng daan ang isang pulutong ng humigit-kumulang na sampung lalaki. Kusang hinawi ng mga lalaki ang kanilang mga sarili mula sa pagkakaharang sa daan upang si Enrico ay makadaan nang walang balakid. Narinig niya pa ang isa sa kanila na nagsabi ng, “Maligayang pagdating at magandahang hapon sa iyo.”
"Ako kaya’y tinutuya lamang? Ako kaya’y pinapapasok lamang sa isang patibong na sa dako pa roon ay naghihintay upang maging malagim ang aking paglalakbay?" Tanong ni Enrico sa sarili.
Bumilis ang kanyang paglakad at di niya nililingon ang nilagpasan. Narating niya ang bahay nina Flordeliz, kinuha ang damit at sapatos, at mabilis na bumalik patungo sa eskwela, na iyon ding daan sa tulay na kahoy ang tinahak. Sa madaling sabi ay pumaroon siya at pumarito, gamit ang tulay na kahoy, at dinaanan ang lungga ng mga mandarambong, na wala ni bahagya man lamang na abala o alalahanin na nangyari.
"Tagumpay!" Sabi sa sarili. "Dahil pala sa pag-ibig ay tumatapang ang isang nilalang. Tama ka, Flordeliz," sabi sa sarili, "ang aking katapangan ay iyong maipagmamalaki."
“Nagka-problema ka ba sa pagtawid sa tulay?” usisa ni Flordeliz nang sila ay magkita na.
“Hindi, Flordeliz. Ni maliit na bagay ay wala. Dumaan ako at bumalik na ang pakiramdam ko ay may suot akong damit na bakal. Walang lumapit sa akin kahi’t man lamang isang lamok!” pagyayabang ni Enrico sa kausap. “Kung ganoon ay sumunod pala sa aking pakiusap ang Kuya Eddie at ang Tatay,” paliwanag ni Flordeliz.
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Si Kuya Eddie ko ay isa sa mga istambay sa tulay. Ang tatay ko ay pulis-Maynila. Sinabihan ko sila na ikaw ay dadaan sa tulay. Na huwag kang pakikialaman o bibigyan ng ano mang problema.”
Napabuntong-hininga si Enrico, at saka iniba ang usapan sa halip na tungkol sa kanyang katapangan.