MONGHA
Maikling kuwento ni Percival Campoamor Cruz
“At sinabi niya sa kanya, Kaibigan, paanong narito ka na walang kasuotang pangkasal? At hindi siya makasagot. Pagkatapos ay nag-utos ang hari sa kanyang mga katulong, Itali ang kanyang kamay at paa, at buhatin ninyo siya, at itapon sa kadiliman sa labas, magkakaroon ng pagtangis at panginginig ng bunganga. Sapagka’t marami ang tinatawag; nguni’t kakaunti ang pinipili.”
- Mateo 22:14
-- Siya ang pinakamabait sa aking mga anak. -- Laging sinasabi ni Aling Josefa. Maliit pa si Ofelia ay napansin na ng ina ang pagiging tahimik at masunurin niya. May batayan si Aling Josefa sapagka’t may dalawa pa siyang anak – isang lalaki at isang babae. Si Ofelia ay nasa kalagitnaan ng dalawa. Kapuwa malilikot, madadaldal at matitigas ang ulo. Nguni’t si Ofelia ay naiiba.
Naiisip ni Aling Josefa na marahil ay talagang nagkakaganoon ang kalagitnaang anak. Ang panganay ay nagiging sunod sa luho sa dahilang sa simula ay siya ang kaisa-isang anak. At nagkakaganoon din ang bunso sapagka’t siya ang huli at ang pinakamusmos.
Marahil din ay naging napakadali at mahinahon ang pagkakaanak ni Aling Josefa kay Ofelia. Ni hindi siya pinalo ng duktor upang ihiyaw ang unang paghigop at pagbuga ng hangin.
Nang sanggol pa si Ofelia ay natutunan ng ina na si Ofelia ay laging nakangiti at bihirang umiiyak. Nang maging limang taong gulang ay lagi siyang may himig na inaawit at humahakbang siya na tila may kalarong anghel.
Tinuruan ni Aling Josefa si Ofelia na magdasal pagkagising sa umaga at sa gabi bago matulog. Ang pagdarasal ay mataimtim na ginagawa ng bata gaya ng itinuro ng ina.
Nang maging dalagita ay naging palasimba si Ofelia. Nag-ukol rin siya ng panahon na makapagturo ng katesismo sa mga bata sa munting paaralan.
Isang araw ay ginulat ni Ofelia ang ina sa pagbabalita na ibig niyang maging isang madre.
-- Inay, ibig ko pong maging isang madre. Ibig ko pong pumasok sa kumbento at iyan ang makapagbibigay sa akin ng walang katumbas na kaligayahan. --
Sadyang nagulat si Aling Josefa. Ang akala niya ay magiging guro ang anak. Magkakaroon siya ng kasintahan. Magiging maybahay at ina sa tamang panahon. Magkakaroon siya ng karaniwang buhay katulad ng marami. Nguni’t naiiba si Ofelia.
Hindi matiyak ni Aling Josefa kung siya ay malulungkot o matutuwa. Mahihiwalay sa kamag-anak si Ofelia. Magkukulong siya sa kumbento at di na siya makikita pang muli. Ang pinili na uri ng madre ni Ofelia ay iyong mongha. Ang mongha ay madre na tila bilanggo – nasa loob lamang ng kumbento, hindi lumalabas, hindi nagpapakita sa tao, hanggang sa kanyang huling sandali sa mundong ibabaw.
Ang tanging gawain ng mongha ay magdasal, ang ipagdasal ang kabutihan at kaligtasan ng sangkatauhan. “Ikinakasal” ang mongha kay Hesu Kristo. Wala siyang nagiging panginoong pinaglilingkuran kundi si Hesu Kristo.
Nang nasa loob na ng kumbento si Ofelia ay kasiyahan na ni Aling Ofelia na marinig ang awitin ng koro ng mga mongha sa tuwing nagmimisa. Batid niya na si Ofelia ay naroroon. Naririnig nguni’t hindi nakikita.
Sa harapan ng kumbento ay may maliit na bintana na ang sukat ay husto lamang na mapasukan ito ng maliliit na bagay. Doon nag-iiwan si Aling Josefa ng mga mumunting alaala at bagay-bagay na magagamit ni Ofelia, kagaya ng kakanin, gamot, liham, retrato, pabango, sapatos, at iba pa. Iyon na lamang ang natitirang paraan upang ang mag-ina ay magkaroon ng pakikipagtalastasan sa isa't isa.
Sa mga naganap sa buhay ni Aling Josefa at Ofelia, makikita na ang tao ay maaaring magkaroon ng kalayaang makapamili ng kung anong uri ng buhay ang kanyang tatahakin; nguni’t sa huli, makikita sa halimbawa ni Ofelia, na tila baga ang buhay niya ay sadyang nakalaan tungo sa pagiging isang mongha; sapagka’t iyon ang tawag ng langit, iyon ang ibinubulong sa kanya ng Makapangyarihang Manlilikha mula pa nang siya ay bata pa.
Maligaya sa loob ng kumbento si Ofelia. Di siya nakatikim ng pagka-inip o kalungkutan. Ang bawa’t oras sa araw-araw ay nakalaan sa iba’t ibang gawain; gaya ng pagdarasal, paglilinis sa loob ng kumbento at mga silid-tulugan, paglalaba ng mga damit, pagluluto, at pagdarasal muli, at pagdarasal na naman at pag-awit ng mga himno hanggang sa kalaliman ng gabi.
Paminsan-minsan ay nakatatagpo ang mga mongha ng sanggol na iniiwan ng ina sa maliit na bintana sa harapan ng kumbento. Ang sanggol ay inaalagaan ng mga mongha hanggang sa siya ay maaari nang mailipat sa bahay-ampunan, na mga madreng di nakakulong naman ang nangangasiwa.
Mahabang panahon ang lumipas. Habang nalalagas ang tangkay ng panahon sa puno ng buhay ay nababawasan din ang lakas ni Aling Josefa. Naging hukot na siya, maputi ang buhok, at mabagal nang maglakad. Nakapag-asawa na ang dalawa pang anak at nakabukod na sila sa pamumuhay. Nag-iisa na lamang si Aling Josefa sa kanyang lumang tahanan.
Sa tuwing may misa sa simbahan ay nasa sulok ng simbahan ang koro ng mga mongha na silang umaawit ng mga himnong pangmisa. Mula sa kanyang kinatatayuan, sa likod ng isang harang na kahoy na nagkukubli sa mga mongha, nasisilip ni Ofelia ang kanyang ina. Malimit ay napapaluha siya sapagka’t hindi niya mayakap, makausap man lamang ang ina. Nakikita niya ang ina, paminsan-minsan; nakikita niya ang pagbabago sa kanyang anyo; nguni’t ang kanyang kasiyahan ay hanggang doon na lamang. Sa panig naman ng ina, siya ay masaya na na naririnig niya ang tinig ni Ofelia, bagama’t siya’y isa na lamang mistulang larawan sa alaala mula sa nakalipas.
Isang araw ay bigla na lamang nagpakita sa bahay si Ofelia. Nagulantang si Aling Josefa. Ang akala niya ay nakakita siya ng multo ni Ofelia.
-- Ofelia, anak ko! Ikaw nga ba? Ano ang nangyari, anak? --
Nagyakapan nang mahigpit ang mag-ina at pagkatapos ay magkasaliw silang nag-iyakan.
-- Akala ko anak ay di na kita makikita pang muli, -- wika ni Aling Josefa.
-- Dinaramdam ko, inang, na sinaktan ko ang iyong damdamin. Ako’y sumunod lamang sa tawag ng Panginoon, -- pakli ni Ofelia. -- At Panginoon din, inang, ang nag-utos na ako’y bumalik sa iyong piling, at sa ating tahanan. --
-- Hindi ko maunawaan, anak. --
-- Inang, lumabo ang aking paningin. Ang sabi ng duktor ay patungo daw ako sa pagkabulag. Ako po’y may glaucoma na mahirap nang magamot. Ibigin ko man ay hindi ako maaaring manatili sa kumbento. Hindi po maaari na ang bulag ay manatili sa kumbento. Ang mongha ay naglilingkod; hindi po maari na siya ang paglilingkuran. --
-- Alam ko, inang, na hindi mo ako pababayaan. Maging ako man ay ganap na bulag, makapagtuturo pa rin ako sa mga bata at makakakanta pa rin ako sa simbahan. Higit sa lahat, makapagdarasal pa rin ako. Marahil ay lalong madarama ng Panginoon ang aking katapatan, sapagka’t lalong lalakas ang kapangyarihan ng aking puso at kaluluwa kung ako’y wala nang paningin. --